Martes, Pebrero 25, 2014

Gaano mo kamahal ang iyong bayan?

Ni Al Eugenio

Nakasunod sa isang babaeng OFW si Chris sa harap ng immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang marinig niyang tinanong ito kung saang bansa siya papunta. “Sa Saudi po,” sagot ng naturang OFW. Sunod na tanong ng immigration officer, “alam mo ba ang pangalan ng hari ng Saudi Arabia?” Napaisip ang babae at nang sa palagay ng immigration officer na hindi niya kayang sagutin ang tanong ay nagwika ito muli ng “ok, ganito na lang, ilan ang kapatid ng hari ng Saudi Arabia at kailan pa siya nakaupo bilang hari?” Namula ang mukha ng OFW at mapapansin sa kanya ang pag-aalala na parang kung hindi niya masasagot ang mga tanong ay baka hindi na siya matuloy na makaalis.

Bilang isa ring OFW ay alam ni Chris ang mga pinagdaraanan ng bawat isa sa ating mga naghahanapbuhay sa ibang bansa. Hindi na niya napigilan ang sarili na tanungin ang naturang immigration officer kung bakit pa kailangang malaman ng OFW ang sagot sa mga itinatanong nito. Hindi na sumagot ang officer at tinatakan na lamang ang passport ng nasabing babaeng OFW.

Marami sa ating mga kababayang OFW ang napapaglaruan at maaaring napapagsamantalahan bago sila makaalis ng ating bansa at ganoon din kung sila ay dumarating galing sa bansang kanilang pinagtrabahuhan. Siguradong marami na rin sa atin ang nagkaroon na ng iba’t ibang karanasan.        

Mayroon pa rin sa ating mga kababayan na sa halip na tulungang umangat sa kasalukuyang kinakatayuan ang kapwa, ay parang hindi sila makapayag na sila ay nauungusan. Kadalasan, kung hindi rin lang naman niya  kamag-anak, kakilala o kaibigan  ang paglilingkuran,  madalas  ay gagawaan pa niya ito ng problema. Kung makakalusot ang kanyang diskarte, maaari pa niya itong pagkaperahan.

Hindi po naman natin nilalahat ngunit marami sa mga nanunungkulan ay walang sapat na kaalaman sa serbisyo publiko.   Marami sa kanila ay napasok lamang sa kani-kanilang mga pwesto dahil sa mayroon silang malakas na padrino. Hindi nila ganap na nauunawaan na ang maglingkod sa  kanilang mga kababayan ang una nilang tungkulin kaya sila sumusweldo.       

Sa paninirahan natin dito sa Japan, nasanay na tayo sa mga kaugalian ng mga Hapon tungkol sa kaayusan. Maayos na pamamalakad ng kanilang pamahalaan, maayos na serbisyo para sa mga mamamayan. Halimbawa, tulad ng mga city o ward office,  kapag tayo ay lumapit sa kanilang tanggapan, kahit na isang minuto na lamang ang nalalabi bago ito magsara ay buong lugod pa rin tayong aasikasuhin hanggang sa maibigay sa atin ang  ating  kailangan. Hindi sila naiinis sa lahat ng gusto nating itanong.  Minsan kung natagalan silang maibigay ang iyong kailangan, sila pa ang humihingi ng paumanhin dahil sa matagal mong paghihintay. Bagamat ang ibang serbisyo rito ay may bayad, ang halaga ay mura lamang. 

Ang kaayusan ng mga Hapon sa kanilang paligid at pag-aalaga ng kanilang kalikasan ay kasabay na rin tayong natututo na ito ay ingatan. Alam natin na sa bawat puno na pinuputol para gamitin sa pagtatayo ng mga bahay ay siguradong mayroong itinanim na kapalit sa kung saang kabundukan. Mapapansin natin ang mga ito kapag tayo ay nagpupunta sa malalayong lugar, pantay-pantay na nakahilera ang mga ito at mayroon pang mga label na siyang nagpapatunay na ang mga punong iyon ay inaalagaan. Lagi nilang isinasaisip ang susunod na henerasyon.

Bihira na sinasabi ng mga Hapon na mahal nila ang kanilang bansa. Dahil para sa kanila, hindi makatotohanan na bigkasin lamang ang mga katagang ito. Sa kabila nito, dahil sa kanilang pag-iingat sa kanilang kapaligiran at kalikasan, sa kanilang pag-iintindi sa kanilang mga mamamayan, sa kanilang pagpapahalaga sa kanilang sining, kultura at kasaysayan, naging dahilan ito ng kanilang pagkakaisa bilang isang lahi na iginagalang at hinahangaan mula pa noong una silang makilala bilang isang bansa. 

Ang kasaysayan ng mga taong nagbuwis ng buhay upang tayo ay maging malaya at kilalanin din bilang isang bansa ay hindi natin dapat kinakalimutan. Ang ganda ng ating sining at ang husay ng ating mga kababayan na hinahangaan sa maraming lugar ay dapat  nating  pinapahalagahan. Ang pagtulong sa ating mga kababayan kahit na sa maliit na paraan ay makakapagpakita ng pagmamahal natin sa ating bansa,  lalo pa at ang mga ito ay dahop sa mga makabagong kaalaman.  

Sa kabila ng lahat na dinaranas ngayon ng Pilipinas, unti-unti nang nagigising ang  ating mga kababayan sa tunay na kinakailangan upang magkaroon ng kaayusan ang ating lipunan. Marami ng lihim ang nabubunyag, marami ng mga bagong pamamaraan ang nagaganap dahil sa social media ay naririnig na ang boses ng lahat.

Alam natin na ang pagbabago ay hindi magiging madali ngunit hindi tayo dapat bumitiw. Kailangan nating ingatan at ipagtanggol ang lahat ng tungkol sa ating pagiging Pilipino. Ang lahat ng tungkol sa ating bayan. Huwag nating ipapagbili sa kung kani-kanino lang para sa pansariling kapakanan. Sapagkat saan man tayo magtungo sa ating pangingibang-bansa,  darating pa rin ang panahon  na  doon pa rin sa ating bayan natin hahanapin ang totoo nating tahanan.        

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento