Martes, Disyembre 12, 2017

‘Loving Vincent’: Vincent van Gogh’s masterpieces come alive to cinema art

Ni Jovelyn Javier


“I want to touch people with my art. I want them to say ‘he feels deeply, he feels tenderly’.” – Vincent van Gogh
History in the making
Itinuturing na isang ‘groundbreaking homage’ ang award-winning animated film na “Loving Vincent” na siyang kauna-unahang fully-oil painted feature film sa kasaysayan ng paggawa ng pelikula kung saan tampok ang  65,000 hand-painted keyframes na gawa ng 123 professional artists sa studios sa Poland at Greece.  

Para maipinta ng mga artists para sa big screen ang mga napiling obra na ayon sa istilo ng iconic Dutch artist na si Vincent Willem van Gogh, dumaan muna sila sa masusing pagsasanay bago opisyal na sinimulan ang design painting animation process.

Unang kinunan ang mga eksena bilang live action (with actors) at ang mga ito ang ginamit na templates ng mga artists sa pamamagitan ng idinisenyong Painting Animation Work Station (PAWS) na may nakakabit na computer, camera, lamp, at projector sa canvas ng mga artists habang ipinipinta nila ang mga eksena at backgrounds.

Ang epekto ay parang pinapanood mo ang mga obra ni Van Gogh na nabubuhay sa screen mula sa kumbinasyon ng pagganap ng mga aktor at pagpipinta ng painting animators.

Remarkable passion and talent but ill-fated life  

Hango ang kwento mula sa 800 sulat ng artist sa kanyang nakababatang kapatid na si Theo. Nagsisimula naman ang pelikula noong summer 1891, isang taon mula nang pumanaw si Vincent (Robert Gulaczyk) sa Auvers-sur-Oise (northwestern suburbs of Paris, France).

At dahil sa naiwan nitong huling sulat para kay Theo, ito ang magbubunsod sa paglalakbay ni Armand Roulin (Douglas Booth), anak ni postmaster Joseph Roulin (Chris O’Dowd) at malapit na kaibigan ni Vincent. Ito ay para unti-unting maintindihan at tuklasin ang misteryo ng pagkatao at pagkamatay ni Van Gogh.  

Kabilang din sa cast sina Saoirse Ronan, Eleanor Tomlinson, Jerome Flynn, John Sessions, Aidan Turner, Helen McCrory, James Greene, Bill Thomas, Robin Hodges, at Martin Herdman. Mula sa BreakThru Films, direksyon ni Dorota Kobiela/Hugh Welchman at suportado ng Polish Film Institute, Van Gogh Museum at iba pang organisasyon sa sining.

Seeing the world in the eyes of Van Gogh

“We cannot speak other than by our paintings.”

Tinatayang 125 paintings ni Van Gogh ang ginamit para sa pagbuo ng kabuuan nito na tampok ang mga mahahalagang lugar at tao sa buhay ng artist. Ilan dito ay kanyang mga pinakatanyag na gawa gaya ng “The Yellow House,” “Café Terrace at Night,” “Starry Night over the Rhone,” “Church at Auvers,” “Portrait of Paul Ferdinand Gachet,” “Wheatfield with Crows,” “Portrait of Pere Tanguy,” “Bank of the Oise at Auvers,” “Portrait of Postman Joseph,” at “Marguerite Gachet at the Piano in the Garden.”

Sadyang totoo sa kanyang mga salita ang tinaguriang “Father of Modern Art” dahil sa istilo niya ng pagpipinta na repleksyon ng kanyang emosyon at kung paano niya nakikita ang mga bagay-bagay sa mundo. Makikilala agad ang mga obra niya dahil sa mga natatanging katangian nito ng dramatic brush strokes at intense vibrant colors na nagpapahiwatig ng kahulugang higit sa panlabas na anyo ng anumang paksa nito.

Dahil sa payo at suporta ng kapatid na si Theo, nagsimulang magpinta si Van Gogh sa edad na 28-taong-gulang. At bagaman walong taon lamang siya naging pintor, nakagawa siya ng mahigit sa 800 oil paintings at 1,100 na drawings at sketches sa gitna ng kanyang pakikipaglaban sa mental illnesses at pang-aalipusta ng mga nakasalamuha niyang tao sa kanyang maraming paglalakbay sa Europa dahil sa pagiging iba nito.

Whang-Od Oggay: Isang ehemplong simbolo ng preserbasyon ng kultura ng pambabatok

Via Pinterest
Dumayo kamakailan sa Maynila ang tinaguriang pinakamatandang “mambabatok” na si Apo Whang-od Oggay sa nakaraang Manila FAME 2017, isang pangunahing design-lifestyle event na nagsasagawa ng exhibition ng mga design innovation, artisanal products at craftsmanship na isinasagawa sa World Trade Center. 

Ito ang una kauna-unahang beses na bumisita sa siyudad ang sikat na traditional Kalinga tattoo artist kasama ang ilang kamag-anak mula sa tirahan niya sa Buscalan, isang mabundok na nayon na matatagpuan sa probinsiya ng Kalinga.

Dinala sa Maynila ng Center for International Trade Expositions and Missions (DTI-CITEM) ang centenarian para iendorso ang nominasyon nito sa National Living Treasure Awards.
“Masaya ako na ma-invite kami sa Manila FAME, proud kami... ‘Pag nag-uusap kami, gusto niya. Sabi ni lola, gusto niya rin daw makita ang Maynila. Sabi ko, kung gusto mo, sige para ma-meet din niya ‘yung ibang kultura,” ang tinuran ni Grace Palicas, pamangkin sa tuhod ni Whang-od, tungkol sa naging karanasan nila sa naturang event.


Traversing the times: Continuing a deep-seated tradition

Bago nito, napakaraming mga banyagang turista at mga kapwa-Pinoy ang masugid na nilalakbay pa ang kalayuan ng Buscalan para lamang magkaroon ng pagkakataon na makakuha ng tattoo na gawa ni Apo Whang-od gamit ang tradisyonal at natatanging kultura ng “pambabatok” (ancient art of hand-tapped tattoos).

Ayon sa panayam sa kanya ni Kate Springer ng CNN, “Magpapatuloy ang tradisyon hangga’t may mga taong pumupunta para magpa-tattoo. Hangga’t nakakakita ako ng malinaw ay patuloy ko pa rin gagawin ito. Saka lamang ako titigil kapag nagsimula nang lumabo ang mga mata ko,” ang pahayag ng centenarian tattoo artist.

Bagaman wala siyang sariling anak, nanindigan siyang mananatiling buhay ang tradisyonal na sining ng pambabatok sa pamamagitan ng kanyang mga babaeng pamangkin-sa-tuhod na sina Grace Palicas at Elyang Wigan na maraming taon na niyang sinasanay hanggang ngayon.

Tunay na hindi simple ang pagpapanatili sa tradisyon lalo na’t maaari lamang ito ipasa sa mga kamag-anak dahil sa paniniwalang masisira ang sinaunang kultura na higit na pinapangalagaan ni Apo Whang-od.

Dagdag pa ni Apo Whang-od, noong unang panahon ay tanging mga Butbut warriors ang nabibigyan ng batok tattoo kapag sila ay nakapatay sa gitna ng digmaan. Itinuturing naman na aksesorya ang mga tattoo sa mga kababaihan noon, isang bagay na nagpapatingkad ng kagandahan at simbolo ng tapang.

The traditional process of Apo Whang-od

Malayo sa modernong paraan ng tattooing ang proseso ni Apo Whang-od ngunit ito mismo ang dahilan kung bakit itinuturing na kulturang kayamanan ang pambabatok.

Simple lang ang mga materyales na kailangan ng centenarian – isang tinik mula sa puno ng pomelo, bamboo stick, uling at tubig.

Maaari rin mamili ang mga magpapa-tattoo ng mga traditional designs gaya geometric patterns, centipedes, hugis ng puno at iba pa na para sa mga mambabatok ay may malalim na kahulugan.

Nagmumula ang tinta sa pinaghalong tubig at uling, pagkatapos nito ay maaari nang iguhit ni Apo Whang-od ang iyong napiling disenyo gamit ang manipis na tangkay ng damo. Susundan ito ng hand-tapping nang unti-unti gamit ang tinik at bamboo stick para maiukit sa iyong balat ang tinta. At bilang pagtatapos, iuukit ni Whang-od ang kanyang lagda na binubuo ng tatlong tuldok. Saka niya ito papahiran ng virgin coconut oil.


Aniya, ‘di tumatanggap ng customized na disenyo si Apo Whang-od.  Nagsisimula naman sa Php300-500 ang presyo ng batok tattoo at nasa Php100 naman ang 3-dot signature ni Apo Whang-od. 

Linggo, Disyembre 10, 2017

ReTuna Aterbruksgalleria: Kauna-unahang recycled goods mall


Isa sa pangunahing problema ng anumang bansa ang maayos na waste management. Mahalaga na nahahati ang mga iba’t ibang uri ng mga basura sa dalawang klase biodegradable (nabubulok) at non-biodegradable (plastic products/packagings, grocery bags, styrofoam, aluminum cans, bottles, glass, metal scraps, wood scraps) na kadalasan ay maaaring i-recycle o gamitin muli.

Ang ideyang ito ng recycling ang konsepto sa likod ng ReTuna Återbruksgalleria, ang unang shopping center sa mundo na ang mga produkto ay tanging repaired at upcycled goods lamang. Matatagpuan ang naturang mall sa bayan ng Eskilstuna na may 100 kilometro pakanluran ang layo mula sa capital city ng Sweden na Stockholm.

Traditional yet innovative: Re-use, recycle and redesign

Ayon sa 2017 report ng World Economic Forum at Ellen MacArthur Foundation na inilunsad sa Davos, Switzerland, ang The New Plastics Economy: Catalysing action, ipinapanukala nito ang makabagong perspektibo sa nakasanayan nang konsepto ng “reduce, re-use, and recycle” patungo sa “re-use, recycle and redesign.”

Alinsunod sa panukalang ito ang ginagawa ng ReTuna Återbruksgalleria, na nagbukas noong  2015 at pinapamahalaan ng munisipalidad nito ngunit nakikipagkolaborasyon sa mga pribadong negosyo at social enterprises. At dahil dito, nabubuksan ang mas maraming oportunidad para sa mga bagong negosyo, mga trabaho, mga local artisans at workshops sa naturang lugar.

At dahil ‘di ito pangkaraniwang shopping mall, mayroon din itong conference facilities, exhibition area, cafe restaurant (with variety of organic options), at training college kung saan maaaring mag-aral ng recycling.

Sa recycling depot ng mall, inaayos rito ang mga dropped-off incoming goods na maaari pang ayusin (repair) at gawing bago muli (refurbish). Pagkatapos, ipinapasa ito sa mga workshops para kumpunihin at gawing maayos na produkto uli saka ito ibabalik sa mall at ibebenta sa 14 na specialist shops na may iba’t ibang mga produkto – ilan lamang dito ang furniture, building materials, clothes, gardening tools, bikes, toys, computers, at audio equipment.

The circular economy: Turning waste into opportunities

Bahagi ng tagumpay ng ReTuna Återbruksgalleria ay ang kontribusyong mula sa mga mamamayan. At sa pagsuportang ito ay nakatutulong din sila sa tinatawag na “circular economy,” isang alternatibong industrial production model na hindi lang tungkol sa recycling. Isang konsepto na ‘di gaanong nakadepende sa mga pangunahing enerhiya at materyales. 

Inilarawan ng The Conversation ang circular economy na isang restorative process “that involves fundamental redesign (so they last longer, so they can be repaired and upgraded, so they can be reused or resold, and so their materials can be used in remanufacture).”

Kaugnay nito, mula sa New Plastics Economy ay ilulunsad din sa susunod na taon ang dalawang global innovation challenges – (1) redesign of materials and packaging formats, (2) building a set of global common standards (global plastics protocol) for packaging design.

At sa pamamagitan ng Circular Design Guide, maaaring sumali ang mga designers, innovators, at entrepreneurs para mapag-aralan ang iba’t ibang mga sistema at hakbang ukol sa circular economy nang sa gayon ay makatulong sa patuloy na pagsusulong ng circular economy bilang pangkalahatang modelo ng produksyon sa buong mundo.

Paggamot sa Alzheimer’s disease gamit ang blood infusion, pinag-aaralan


Inilabas kamakailan ang resulta ng isang modernong pag-aaral ng mga siyentipiko ng Stanford University tungkol sa paggamot sa Alzheimer’s disease sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo sa isang presentasyon sa Clinical Trial on Alzheimer’s Disease conference.

Sa naturang pag-aaral, sinuri ang mga naging epekto ng blood infusion na nanggaling sa mga nakababatang donors sa mga pasyente na mayroong mild-moderate na estado ng Alzheimer’s disease.

Connecting the blood system through parabiosis

Sa pamamagitan ng binuong proseso na tinatawag na parabiosis, unang sinubukan ang eksprimento kung saan napagkokonekta sa parehas na blood system ang mga bata at nakatatandang daga, saka ito sinundan ng pagsasalin ng dugo ng batabng daga sa as matandang dugo.

Mula sa unang bahagi, nakitaan ng malakihang pagbabago ang mga batang daga gaya na lang ng pagkakaroon ng senyales ng chronic diseases at older metabolism na kadalasang mayroon sa mga mas matandang daga. At sa ikalawang bahagi, nagpakita naman ng memory improvement (ability to execute mazes, easily locate definite target) ang mga matandang daga na epekto ng blood infusion ng mga batang daga. 
   
Significant improvements on functioning independently  

“We were expecting to find that the plasma (colorless liquid part of blood) was safe. I wasn’t expecting to find any change in cognitive measures,” ang pahayag ni Dr. Sharon Sha, Stanford clinical associate professor - neurology and neurological sciences.

Bunsod nito, napagpasyahan ng mga siyentipiko na alamin kung magkakaron din ng parehas na resulta sa mga human subjects (na nasa unang bahagi ng Alzheimer’s). Isinagawa ito sa siyam na volunteer participants sa loob ng apat na linggo kung saan tumanggap sila ng blood infusion isang beses isang linggo mula sa mga young donors na nanggaling sa Stanford blood bank.

Pagkatapos nito ay binibigyan ng anim na linggong interval ang mga volunteers para maobserbahan nila ang mga epekto. Sa ikalawang hakbang ay kumuha rin ng siyam na dagdag pang volunteers. Sa kabuuan ay may 18 na volunteer participants ang naturang pag-aaral.

Nakita sa resulta ng 18 participants na nagkaroon sila ng malakihang positibong pagbabago sa kanilang abilidad sa paggawa ng mga ilang bagay gaya ng kakayahang mamili at lumabas nang mag-isa at walang tulong, gayon din ang abilidad na kontrolin ang kanilang paggastos o pananalapi at balansehin ang kanilang checkbooks.


Sa kabila nito, inamin ng mga siyentipiko na marami pang kailangang pag-aralan at alamin, gaya na lang ng proseso kung paano nga ba nakatutulong ang young plasma sa pagpapabuti ng independent function ability ng mga Alzheimer’s patients. Hindi rin tinukoy sa pag-aaral kung may mga pagbabago sa cognitive functions, gayon din kung may nagbago sa brain protein plaques na isang senyales na nakikita sa utak ng mga pasyente. 

Martes, Disyembre 5, 2017

Permanenteng ‘Sailor Moon’ store sa Harajuku, bagong sentro ng atraksyon sa Moonie fandom


Ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-25 anibersaryo ng “Sailor Moon,” na nagsimula bilang manga noong 1991 mula kay Naoko Takeuchi at nasundan ng animated TV series ng sumunod na taon na natapos noong 1997. Simula noon, lumawak ang following nito sa loob at labas ng Japan.

At bahagi ng anibersaryo ay inilunsad na rin kamakailan sa publiko ang opisyal at permanenteng Sailor Moon store na matatagpuan sa Laforet building sa Harajuku district. Mayroong dalawang bahagi ang shop – ang Sailor Moon area at isang base sa isang misteryosong fantasy world.

Ito ang kauna-unahang permanenteng specialty shop kung saan makakabili ng mga exclusive Sailor Moon-inspired goods – iPhone cases, flip cases, acryclic keychains (classic Sailor Moon or special Princess Serenity versions), clear files, drop can, caramel tin, dessert tea, shirts, handkerchief, make-up powder, bags, at accessories.

Pinamamahalan ito ng Toei Animation at bukas mula 11:00am hanggang 9:00pm. Makakakuha rin ng updates mula sa kanilang official Twitter account: @sailormoonstore. 

Sailor Moon at the heart of Japanese street fashion

“Because more goods have been released since the 20th anniversary, many fans are requesting a permanent store,” ang pahayag ng isang Toei Animation Co. spokeswoman sa panayam ng The Japan Times.

Ayon pa sa Anime News Network, kung mayroon mang anime series na pinakabumabagay sa Harajuku, na kilala bilang fashion district, wala nang iba kundi ang Sailor Moon.

 Simula nang sumikat ang series ay naging patok ang mga alahas at aksesorya na ginagamit ng pangunahing karakter na si Tsukino. Nagkaroon pa nga ng maraming kolaborasyon ang Sailor Moon sa high-end accessory brand na Q-Pot. Mayroon din mga pop-up stores sa Harajuku at iba pang mga Sailor Moon-themed shops.

Sailor Moon Café

Binuksan din ang temporary Sailor Moon café sa Tokyo nito lamang habang bukas ang store sa Osaka, Nagoya at Fukuoka hanggang Disyembre 3. Inaasahan naman na gagawin na rin na permanente ang Sailor Moon café gaya ng store sa mga susunod na plano ng Toei Animation at ni Naoko Takeuchi.

Bahagi ng menu nito ang Good Friends Luna and Artemis Burger (¥1,690), Tuxedo Mask Jet-Black Curry (¥1,490), Legendary Holy Grail Rainbow Moon Chalice Parfait (¥1,490), Silver Millenium Pancakes (¥1,490), Sailor Mercury Bubble Spray Cheesecake, Sailor Mars Burning Mandala Anmitsu, Sailor Jupiter Supreme Thunder Cream Puff, Sailor Venus Love Me Chain Waffles, Sailor Moon Mango Cream Smoothie (¥990), Chibi Moon Strawberry Milk Smoothie (¥990), Luna P Cotton Candy Soda (¥1,090), at Forbidden Smoothie of Haruka and Michiru (¥1,190).

Kinakailangan ang advanced reservation dito na may cover charge na ¥650 at makakakuha ng isang poster at isang luncheon mats na may Sailor Moon Café artwork. Mayroon din mga merchandise na mabibili rito.

PAL nagdagdag ng direktang biyahe sa probinsya

Para   makalipad sa iba pang destinasyon, ang mga taga-Davao ay bumabiyahe pa sa Cebu at ang taga-Cebu ay pumupunta pa ng Maynila. Sa dagdag na eroplano at biyahe ng Philippine Air Lines (PAL) ay mababawasan na ang ganitong abala. Kamakailan lang ay inilunsad na ng PAL ang ruta na Davao to Cagayan de Oro, Davao to Tagbiliran, at Davao to Zamboanga City.  

Mayroon na rin Cebu to Beijing flight, bukod pa sa mga biyaheng Cebu-Camiguin, Cebu-Legazpi, Cebu-Ozamiz, at Cebu-Siargao.  Ang isa pang susunod na bagong international flight ng PAL ay mula sa Cebu papuntang Bangkok, Thailand.

Inaasahang makatutulong ang mga flight na ito sa mga pasaherong may kapasanan at may ibang espesyal na pangangailangan. Bukod dito ay mas madaling mapapaigting ang turismo sa Davao, Cebu at iba pang lalawigan. 

Samantala, parating na rin ang bagong biling eroplano ng PAL. Ilan sa nakatakda nilang magamit ay walong A321 Neo na may 200 upuan, dalawang B347, at apat na A350 aircraft. Ang huling dalawa ay may 280 upuan bawat isa. 


“Additional airplanes means we can do more flights to more destinations,” saad ni Ronald Mangahas, ang Express Assistant Vice President For Airport Services Outstation ng PAL, sa media.

Lodging tax ipapataw ng Kyoto sa mga turista

Ipinasa kamakailan ang isang ordinansa na magpapataw ng lodging tax sa mga lokal at dayuhang turista na mananatili sa mga hotels, inns at pribadong lodging services sa lungsod ng Kyoto.

Ipapatupad ang ¥200 hanggang ¥1,000 na lodging tax kada gabi sa bawat turista na mananatili sa lungsod base sa halaga ng kanyang kwartong tinutuluyan. Sisimulan ito mula Oktubre 2018.

Tinatayang aabot sa ¥4.56 bilyon ang malilikom dito ng lungsod ng Kyoto na gagamitin sa promosyon nito sa turismo.

Aabot sa humigit-kumulang 55 bilyong katao ang bumisita rito noong 2016.

Nasa halos 2,500 lodging services ang matatagpuan dito na karamihan ay mga guest houses at boarding houses.

Nakapagtala ng record breaking na 7.86 milyong pananatili ng mga dayuhang turista sa mga hotel at inn sa buong Japan noong nakaraang Abril kung saan pumangatlo ang Kyoto sa 689,600 kasunod ng Tokyo sa unang pwesto at Osaka sa pangalawang pwesto. Hindi naman kabilang dito ang mga dayuhang turista na nanatili sa mga pribadong lodging services tulad ng Airbnb at mga cruise ships.


Samantala, sinimulan nang tugunan ng pamahalaan ang problema sa kakulangan sa mga hotel at inn sa pamamagitan nang pagpayag sa pagpapaupa ng mga Airbnb hosts sa Japan ng kanilang mga bahay at kwarto sa mga turista. Isinabatas ito ng Diet noong Hulyo.

Boracay tampok sa international tourism campaign ng Japan



Itinampok ang Boracay island sa international tourism drive na “Fun Budget Campaign Japan” kung saan ang target ay mga manlalakbay na kababaihang Hapon.

Ayon sa Department of Tourism (DOT) sa Western Visayas, mas lalong mapapalakas ng kampanya ang reputasyon ng Boracay bilang pangunahing destinasyon sa Pilipinas.

Saad sa ulat ng Philippine News Agency (PNA), ang kampanya ay serye ng branded content kung saan tampok ang mga sikat na Key Opinion Leaders (KOLs) na nagpapakita kung paano maaaring magiging kasiya-siyang karanasan para sa tinatawag na “Joshi Tabi” o Japanese women travelers market ang pagpasyal sa iba’t ibang mga destinasyon.

Ipinakita ng YouTube star na si Risa Sekin at Japanese endorser na si Mika Shindat ang kanilang mga aktibidad sa isla tulad ng mermaid swimming, helmet diving, food trips at souvenir shopping. Layon nilang mahikayat ang mga biyaherong babaeng Hapon na bisitahin ang Pilipinas at masilayan ang ganda ng Boracay.

Bukod sa Boracay, nakatakda rin itampok sa kampanya ang Cebu City.


Paboritong tourist destination ang Boracay dahil sa apat na kilometrong beach na may malapulbos na puting buhangin na galing sa coral fragments at seaweed Halimeda. Ang coral reef ecosystem ang pinakamahalagang yaman nito.

Lunes, Disyembre 4, 2017

Adidas inilunsad ang makabagong 2018 FIFA World Cup new federation home kits



“Adidas has created so many products, innovations and looks through the decades which became true icons in the soccer world. We want to celebrate those icons in the world of today,” ang pagsasalarawan ni Juergen Rank, Adidas senior design director patungkol sa paglulunsad ngayong buwan ng bagong line-up ng new federation home kits para sa darating na 2018 FIFA World Cup na gaganapin sa Russia sa Hunyo 14 hanggang Hulyo 15 .
Aniya, ang mga bagong disenyo ay representasyon ng pagkilala sa parehas na kagustuhan at pangangailangan ng mga tagahanga ng soccer at ng mga atleta o ang tinatawag na kumbinasyon ng “authenticity” at “progression.” Dagdag pa ni Rank, higit na mahalaga na mapanatili ang marka ng mga nauna nang disenyo na tiyak na makikilala agad ng mga tagahanga, gayon din ang pagtataglay nito ng pinakamodernong teknolohiya ngayon.

Modern intepretation of classics

Para sa mga tagahanga ng defending champions na Germany, siguradong masasariwa muli nila ang 1990 shirt, ang ikatlong beses na napanalunan nila ang tropeo. Dito sa bagong bersyon nito, makikita ang dropped shoulder cut lines na ginawa sa pamamagitan ng isang two-fabric component collar, isang World Cup gold winner badge na nasa harap ng jersey, special sign-off sa loob ng kwelyo at ang mga katagang Die Mannschaft” o “The Team.”

Matatandaan naman ang jersey ng Russia sa kanilang makasaysayang pagwawagi sa 1988 Seoul Olympic Games, na ngayo’y ibinabalik sa isang panibago ngunit pamilyar na disenyo. Kulay pula ito na may mga guhit na kulay puti mula sa likod hanggang sa manggas at harapan nito. Makikita naman ang bandila ng Russia, Russian eagle at mga katagang “Вместе КПобеде” o “Victory-Bound as One” bilang sign-off mark nito.

Isang refreshing take naman ang sa Belgium na nagtatagalay ng kulay itim, dilaw at pulang argyle print mula sa Euro 1984 design sa harap nito, hinabing team badge sa gitna, at ribbed V-neck na kwelyo.

Inspirasyon naman ng home shirt ng Spain ang 1994 World Cup na ginanap sa Amerika. Binubuo ito ng graphic line design na may kulay pula, dilaw at asul na diamonds. Sinisimbolo ng mga brilyante ang enerhiya, bilis at istilo ng paglalaro ng national team ng Spain.

“Unidos por un Pais” o “United as one Nation” ang sigaw naman ng Colombia team sa kanilang jersey na nakuha ang inspirasyon sa 1990 FIFA World Cup sa Italy. Ito ay may kulay asul at pulang graphic design na nagpapatingkad lalo sa kulay ng bandila ng Colombia.

Isang stadium-to-street transition naman ang disenyo ng home jersey ng Mexico na galing naman sa unang bahagi ng 1990s. Nagtataglay ito ng pangunahing kulay na berde at graphic styles na mula sa laylayan nito hanggang sa bahagi ng dibdib. Kinukumpleto naman ito ng mga salitang “Soy Mexico” o “I am Mexico.”

Anniversary celebration and handcrafted inspiration

Selebrasyon naman ng ika-125 taong anibersaryo ng Argentine Football Association (AFA) ang disenyo ng home shirt ng team Argentina kung saan nilagyan ito ng laurels na pangunahing elemento ng Argentinian coat of arms at mismong AFA crest at hinaluan ng sikat na kulay asul at puting stripes. Nariyan din ang dalawang gold stars na sumisimbolo sa dalawang kampeonato ng koponan sa FIFA World Cup at embossed sign-off na mayroong laurels at numerong 125.

Nagmula naman sa handcrafted Japanese Apparel Design ang inspirasyon ng home jersey ng team Japan na nagpapakita ng Sashiko stitching technique na isang traditional craftsmanship. Gawa ito sa puti at magaspang na hibla na mayroong indigo-dyed base. At bilang pagpupugay sa national flag ng bansa, tampok ang bagong blue shades at kumbinasyon ng kulay pula at puti. Kinukumpleto naman ito ng sign-off na kinikilala ang mga makasaysayang pangyayari ng Japan Football Association (JFA) na makikita sa reverse side sa bahagi ng leeg nito.

Sloane Stephens: Bagong American tennis darling pagkatapos ng tagumpay sa US Open

Kuha sa internet
“I guess my happy place would be at home, in my bed, eating takeout with the TV on. I just love that, watching a movie in PJs in my bed with the fireplace on,” ang masayang pahayag ng pinakabagong U.S. Open champion na si Sloane Stephens sa panayam sa kanya kamakailan ng ESPN kasunod ng straight-sets win nito sa kanyang kauna-unahang Grand Slam finals kontra kay Madison Keys sa iskor na 6-3, 6-0 na ginanap sa Arthur Ashe Stadium.

Nagpakita ng mataginting na performance ang 24-taong-gulang na si Stephens na nagtakda ng kabuuang anim na unforced errors lamang kumpara sa naitalang 30 unforced errors ng 22-taong-gulang na si Keys, na itinuturing na malapit na kaibigan ng bagong US Open champion.

Pagkatapos ng panalo, umakyat agad si Stephens sa world number 17 sa WTA rankings mula sa dati nitong rank na number 957.

Sa bagong WTA rankings na inilabas ngayong buwan, nasa number 13 na si Stephens na may 2,802 points.  

Well worth the wait

Bilang first-time Grand slam finalist, malaking bagay kay Stephens na sa unang Grand Slam appearance nito ay dito rin pala niya maikakasa ang kanyang kauna-unahang Grand Slam title. Sa kabila nito, hindi rin naging magaan ang unang bahagi ng taon sa kanya dahil hanggang nitong Hulyo ay nagpapagaling pa ito mula sa kanyang foot surgery nitong nakaraang taon. 

Matatandaan na maagang nagpakitang-gilas si Stephens noong siya ay 19-taong-gulang nang talunin niya ang pinakadominanteng female player na si Serena Williams sa iskor na 3-6, 7-5, 6-4 sa quarterfinals ng Australian Open 2013 na nagbunsod para makapasok siya sa semifinals.

Nasundan ito ng pagbabansag sa kanya bilang “the next great American champion” at malaki ang inaasahan sa mga susunod niyang hakbang na pangungunahan niya ang women’s tennis pagkatapos nito.

Ngunit dumaan ang mga taon at naungusan na siya nina Garbiñe Muguruza (two major titles), Monica Puig (Olympic gold representing Puerto Rico), Madison Keys (first American player to enter the top 10 since 1999), at Karolina Pliskova (clinching world number one) na nakagawa ng mga malakihang kaganapan.  

Sa kabila ng dismal performance ni Stephens sa mga sumunod na taon, kinilala naman ang kanyang credible contender record sa mga majors maliban sa Australian Open gaya ng French Open kung saan apat na beses siyang nakaabot sa fourth round (2012, 2013, 2014, 2015) at Wimbledon quarterfinals (2013).

Naitakda naman niya ang kanyang unang title sa 2015 Citi Open.  Ngayon, mayroon na siyang limang WTA singles titles kabilang ang US Open 2017 major grand slam title nito.

What’s next for Stephens?

At dahil mas pabago-bago ang galaw sa women’s tennis kaysa sa men’s, inaasahan ngayon na makakatunggali ni Stephens sa kanyang daan pataas sa rankings at sa pag-abot ng number 1 rank sina Madison Keys (number 19/USA), Jelena Ostapenko (number 7/Latvia),  Elina Svitolina (number 6/Ukraine), Karolina Pliskova (number 4/Czech Republic), Garbiñe Muguruza (number 2/Spain), at world number 1 Simona Halep (Romania).

“I’ll try to keep everything the same as it is now. But I know there will be more responsibilities, and there are always struggles. It’s added a lot more to my life, but when something like this happens it’s never easy. Obviously, a lot of players are coming through now. The number 1 ranking is changing often. I’m aware of that. But since I started this comeback, all I’ve been thinking about was what I’m doing on the court,” dagdag pa ni Stephens sa ESPN patungkol sa kanyang bagong status bilang grand slam champ at sa pressure na kasama nito.


Folayang, sawi sa pangalawang title defense

Ni Tim Ramos

Ang bantamweight striker na si Kevin Belingon ang nagtayo ng bandila ng
Team Lakay matapos siyang magwagi sa pamamagitan ng isang
\unanimous decision. (Kuha ni Tim Ramos)
Hindi nagtagumpay si Eduard “Landslide” Folayang na depensahan ang kanyang ONE Championship Lightweight title matapos siyang patumbahin ng Australian-Vietnamese challenger at ONE Championship Featherweight champ na si Martin “The Situ-Asian” Nguyen.

Tila tumigil sandali ang oras sa loob ng SM Mall of Asia Arena nang ma-KO ng right straight punch ni Nguyen si Folayang matapos tangkain ng huli na magbitaw ng isang spinning back kick.

Ani Nguyen, sa post-fight press conference, ‘di mabilang na mga spinning backhands at spinning back kicks ang kanyang tinanggap sa ensayo, tanda lamang na labis niyang pinaghandaan ang mga signature moves ng Igorot fighter. Ngunit bakas din ang respeto ni Nguyen sa kanyang katunggali, lalo na’t naging magkaibigan ang dalawa simula noong dalhin sila ng ONE Championship sa Los Angeles, USA, ilang taon na ang nakalipas.

“I wouldn’t wish it on anybody,” wika ni Nguyen sa kanyang KO finish matapos ang laban. “But at the end of the day we had to face each other as martial artists,” dagdag pa niya.

Para naman kay ONE Championship CEO Chatri Sidyodtong, dahil sa nakakagulat na kinalabasan ng laban ay kailangan munang patunayan ni Folayang ang kanyang sarili sa ilang laban bago nito muling mabigyan ng pagkakataon na makipagbuno para sa kampeonato. Pero nilinaw naman ni Sidyodtong na malaki ang kumpiyansya niyang muling babangon si Folayang at kayang nitong makabawi mula sa pagkatalo.

Samantala, hindi rin pinalad si Danny Kingad sa co-main event ng ONE: Legends of the World matapos siyang mahuli sa isang rear-naked choke ng ONE Flyweight Champion na si Adriano Moraes. Bagama’t nagpakitang-gilas ang Pinoy sa striking at groundwork, hindi ito naging sapat para pantayan ang likas na galing ni Moraes sa Brazilian Jiu-jitsu.

Sa kabutihang palad naman ay tagumpay ang iba pang miyembro ng Team Lakay na lumaban noong gabing iyon: isang unanimous decision ang nakamit ni Kevin “Silencer” Belingon sa kanyang laban kay Korean BJJ expert Kevin “Oldboy” Chung, na-KO ni Joshua “Passion” Pacio si Roy Doliguez, at tinapos naman sa second round ni Gina “Conviction” Iniong ang Indonesian na si Priscilla Hertati Lumban Gaol.


Sa mga panalong ito ng mga miyembro ng Team Lakay ay posibleng makaharap ni Belingon para sa bantamweight title si Brazilian BJJ phenom na si Bibiano Fernandes. Si Iniong naman ang sasalang sa main event ng susunod na fight night ng ONE sa Singapore kung saan makakaharap niya ang beteranong Japanese grappler na si Mei Yamaguchi. Dapat ay magkakaroon ng rematch para sa ONE Atomweight championship si Yamaguchi at ang kasalukuyang champion na si Angela Lee, ngunit naudlot ang laban matapos magtamo ng malalang injuries si Lee sa isang car accident. Kapag nanalo si Iniong ay posibleng siya na ang maging title contender para sa atomweight division kapag pwede nang lumaban muli si Lee. 

Linggo, Disyembre 3, 2017

Japanese astronaut Soichi Noguchi, sasali para sa bagong ISS mission sa 2019

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa JAXA

Masayang inanunsyo ng Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) kamakailan na napili ang Japanese astronaut na si Soichi Noguchi bilang crew member ng International Space Station (ISS) Expedition 62/63 na magsisimula sa huling bahagi ng taong 2019.

Ito na ang magiging pangatlong spaceflight para kay Noguchi. Inilunsad siya bilang mission specialist (MS) sakay ng Space Shuttle para sa kanilang Return to Flight mission noong Hulyo 2005 matapos mapili bilang JAXA astronaut noong 1996. Nagtrabaho rin siya sakay ng ISS sa loob ng 161 araw bilang flight engineer ng ISS Expedition 22/23 matapos ilunsad bilang kauna-unahang Japanese left-seater para sa Soyuz spacecraft noong Disyembre 2009.

“I am extremely honored as I may be able to witness a big turning point in the history of manned space flights,” pahayag ng 52-taong-gulang na si Noguchi sa ulat ng Kyodo na inilathala sa Japan Times.

Tinatayang mananatili sa kalawakan sa loob ng anim na buwan si Noguchi. Ilan sa mga trabaho niya bilang ISS flight engineer ang pagpapanatili ng mga pasilidad ng ISS kabilang ang “Kibo,” scientific experiments at pagmamanipula ng Mobile Servicing System (MSS).

Nakatakdang magsimula ang pagsasanay para sa kanyang pananatili sa ISS sa Nobyembre 20.


Ayon sa JAXA, si Noguchi ang magiging ika-11 Japanese astronaut na makakapaglakbay sa kalawakan.