Miyerkules, Mayo 30, 2018

Songwriting contest tampok sa 2018 Migrant Workers’ Day; ‘Kasarinlan’ ipapalabas na



Tampok ang songwriting contest na pinamagatang “Buhay at Pag-ibig ng OFWs” sa pagdiriwang ng taunang Philippine Migrant Workers’ Day na may layon na magbigay-pugay sa mga masisipag na Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Japan.

Ayon sa FILCOM Intersocietal Events Organizing Committee (FIEOC) na nangangasiwa sa pagdiriwang, ginagawa ang songwriting contest sa pagdiriwang upang bigyan ng oportunidad ang mga OFWs na may talento sa pagsusulat ng kanta. Ang bawat kanta ay may tema ng buhay at pag-ibig ng mga OFWs.

“As we celebrate this meaningful event this year, we intend to continue to highlight it with the songwriting contest as this will open great opportunities to our ‘kababayans’ who have the passion in writing,” pahayag ng FIEOC.

Gaganapin ang pagtatanghal ng mga orihinal na komposisyon sa pagdaraos ng 2018 Migrant Workers’ Day Celebration sa darating na Hulyo 1 na gaganapin sa Akasaka Kumin Hall. Libre lamang ito para sa mga nais na manood.

Tatayong chairman of the board of judges ng songwriting contest si Trina Belamide, na multi-awarded singer-songwriter, vocal arranger, record producer, at kasalukuyang miyembro ng Board of Trustees ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc (FILSCAP).

Tatanggap ang tatanghaling Best Songwriter ng ¥100,000 cash at round trip ticket papunta sa Pilipinas habang ang mapipiling Best Singer/Interpreter ay mananalo ng ¥50,000 cash at iba pang prize package.

Katulong ng FIEOC ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) at Labor Section ng Philippine Embassy sa Tokyo.

Samantala, ipapalabas naman ang pelikulang “Kasarinlan” na idinirehe ni Joey Manalang sa Hunyo 10, ala-una hanggang alas-siyete ng gabi, sa Philippine Embassy-Tokyo. Ito ay bilang pre-independence celebration para sa mga OFWs sa Japan.

Libre ang palabas ngunit hinihikayat ng FIEOC ang mga Pilipinong dadalo na magsuot ng Barong Tagalog at Filipiniana sa naturang event.

Ang Kasarinlan event na ito ay inorganisa ng Philippine Embassy-Tokyo, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), FIEOC, at POLO.

Linggo, Mayo 27, 2018

‘Sid and Aya: Not a Love Story’ tampok ang unang pagtatambal nina ingdong Dantes at Anne Curtis



“Sino ba’ng hindi malungkot? Sino ba’ng hindi galit sa mundo? Lahat naman, ‘di ba? Lahat may kanya-kanyang sira sa utak. Depende na lang kung papa’no mo itatago.”

Ito ang maririnig mula kay Sid (Dingdong Dantes) sa umpisa ng trailer ng pinakabagong pelikula sa panulat at direksyon ni Irene Villamor at produksyon ng Viva Films at N2 Productions, na pinamagatang “Sid and Aya: Not a Love Story.”  

Ipapalabas ito sa mga sinehan simula Mayo 30.

A reunion and first big-screen team-up

“Hindi naman lahat ng may ‘I love you,’ love story na, e,” ang pagsasalaysay ni Sid sa huling bahagi ng trailer kung saan din maririnig ang kantang “’Di Na Muli” ni Janine Teñoso.

Tampok dito ang kauna-unahang pagtatambal nina Dingdong Dantes at Anne Curtis na dating nagkasama sa telebisyon sa ‘90s teen-oriented show ng GMA na “T.G.I.S.” kasama sina Antoinette Taus, Sunshine Dizon, Kim Delos Santos, Dino Guevarra, Maui Taylor, Polo Ravales, at iba pang teen stars noon.

Kasunod nito ay ang pagsasama rin ng dalawa sa 1999 teen romantic-comedy na “Honey My Love So Sweet” kasama ang kanilang T.G.I.S. batch.

Umiikot ang kwento kay Sid (Dantes) na isang insomniac at kung paanong makikilala niya at kukunin bilang confidante ang misteryosong si Aya (Curtis) para may makausap at makasama sa mga gabing hindi siya makatulog.

“I am lucky to have worked with this efficient, ingenious and talented skeletal 20 (plus)-man team of Sid and Aya. Ibang klase talaga ang Pinoy,” ang pagbabahagi naman ni Dingdong sa Instagram ukol sa kanyang karanasan sa produksyon.

Shooting in Japan

Ito rin ang unang beses para kay Dingdong na mag-shoot sa ibang bansa sa loob ng 20 taon nito sa industriya – kinunan ang ilang eksena ng pelikula sa Japan nitong Marso kasabay ng spring season. Unang beses naman para kay Anne na makita ang pag-usbong ng mga sakura sa Japan.

Ibinahagi ni Anne ang karanasan sa shooting experience sa Tokyo sa isang eksklusibong panayam ng Pinoy Gazette sa press preview ng Rockstar KTV and Resto, ang joint business venture nila ng kapwa “It’s Showtime” host na si Karylle.

“Our filming experience in Tokyo was really amazing. We came at a really good time – the snow had just gone. So we came at perfect timing, some of the cherry blossoms were just about to appear,” aniya.

Na-enjoy din ng Kapamilya host sa pagkain at iba’t ibang lugar sa bansa.

“The food was amazing. We got to visit a lot of places like the Tokyo Skytree at night na kami lang ang tao. So it really was just so beautiful. Yeah, we had an amazing time and we were able to shoot on locations that aren’t really like shot often. So abangan ninyo yung Shibuya Crossing namin, pang-Hollywood.”

Samantala, ibinahagi rin ni Anne ang kanyang excitement sa pagsali sa Tokyo Marathon. Kamakailan ay tumakbo siya sa London Marathon kung saan ang mga nalikom na donasyon ay ibibigay niya sa mga bata sa Marawi sa pamamagitan ng UNICEF Philippines.

“I’m gonna join the lottery this year. Sana by next year makapasok ako,” excited na pahayag ng aktres.

Linggo, Mayo 6, 2018

Novelty dining service Dinner in the Sky inilunsad sa Solaire Resort and Casino



“The Philippines is the third country in Southeast Asia in which the Dinner in the Sky experience is taking place. We are especially excited about its launch as Filipinos are known to be adventurous and fun-loving people. This experience will be a good boost to the country’s variety of culinary outlets, and both locals and tourists alike should not miss this once-in-a-lifetime experience. We are also excited to work with our local Filipino partners, who share our vision in making the event an unforgettable one for everyone.”

Ito ang pahayag ni Arvin Randahwa (CEO - DITS ASIA) sa naganap na press conference kamakailan sa Solaire Resort and Casino sa Parañaque, ayon sa When in Manila website tungkol paglulunsad ng Belgian-based novelty dining service na Dinner in the Sky kamakailan.

A culinary escapade for the thrill-seekers

Naganap ang paglulunsad na ito sa pamamagitan ng organisasyon ng pinagsama-samang kolaborasyon ng MMI Live, DITS Asia, at Solaire Resort and Casino. At ito ang unang pagkakataon na makarating sa Pilipinas ang binansagang isa sa Top 10 Most Unusual Restaurants sa listahan ng Forbes Magazine.

Mayroon nang lampas sa 5,000 events ang naisagawa para sa Dinner in the Sky na nauna nang ginanap sa mahigit 45 na siyudad sa iba’t ibang panig ng mundo. Ilan lamang dito ang baybayin ng Copacabana sa Rio de Janeiro, Brazil; mga hardin ng King David Hotel sa Jerusalem, Israel; sa taas ng mga burol sa Villa Borghese sa Rome, Italy; mga dalampasigan ng St. Lawrence River sa North America; Cape Town Bay sa South Africa; Strip of Las Vegas, USA; at Petronas Twin Tower sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Inumpisahan ang kakaibang dining service sa Brussels, Belgium noong Mayo 2006 at binuo naman ang konsepto nito ng isang Belgian company, ang E.I.T.S. BvBa. Lahat naman ng mga pamamaraan, drawings, calculations, at simulations ay aprubado at sinusuri ng TÜV Rhineland (global provider of technical, safety, and certification services).

“As we celebrate our 5th anniversary, Solaire brings you yet another world-class experience. Dinner in the Sky is a bold testament to our commitment to continuously give our guests memorable experiences that no other property in the Philippines has done before,” ang pahayag naman ni Lorenzo Manalang, Brand & Marketing Vice President ng Solaire Resort and Casino.

A bird’s eye view and the famed Manila Bay sunset

Idinisenyo rin ang mga makinarya at platform na ginagamit ayon sa pamantayan ng Germany ukol sa mga flying structures at gawa sa Belgium ang naturang platform. Istrikto rin ang isinasagawang regular na safety check-up at maintenance para masiguradong ligtas ang naturang culinary heights experience.

Filipinos now are more receptive to new ideas, eager to try exciting concepts, aggressively chasing experiences they have seen and heard around the globe. The Philippines is ripe for the picking – to be a stop for a unique, world-class dining experience such as Dinner in the Sky,” dagdag naman ni Rhiza Pascua, CEO ng MMI Live.

Iaangat sa ere ang dining table sa taas na 45-50 metro (based on weather conditions) sa pamamagitan ng isang crane kung saan ang mga guests, presenter, at crew ay nakasuot ng safety belts sa loob ng isang oras. Bago naman sumalang, kailangan din dumaan ng mga guests sa isang briefing tungkol sa mga safety regulations. At sa kabuuan ng session ay may regular na monitoring at komunikasyon ang mga crane operator at ground crew.

Nagsisimula ang package sa Php9, 990 kung saan kabilang dito ang isang four-course exclusive dinner at world-class cuisine mula sa mga chef ng Solaire na sina Chef Kenneth Cacho (Director for Culinary Arts of the International School for Culinary Arts and Hotel Management (ISCAHM)), at Michelin-star Chef Yves Mattagne ng Sea Grill – Brussels. Kasama rin sa package ang Dinner in the Sky lounge admission, at ang kaaya-ayang Manila Bay sunset view.

Bukas ito para sa lahat na lampas 13-taong-gulang (minimum height of 145cm and a maximum weight of 150kg), maging sa mga guests na may mild disabilities o gumagamit ng wheelchair ngunit kailangan magsumite ng sulat bago mag-book, 22 katao lamang ang pinapayagan sa bawat session, at kailangan nasa lounge na ang mga guests isang oras bago ang session.

Air New Zealand ilulunsad ang updated version ng Skycouch sa gitna ng taon



“While we initially marketed the Skycouch to couples, we quickly found the product suited parents with young families especially well. Parents can relax while their children are able to have their own space and flat area to play without interrupting other passengers.”

Bahagi ito ng pahayag ni Air New Zealand general manager Anita Hawthorne sa panayam ng Huffington Post UK patungkol sa pinaplanong paglulunsad ng naturang airline sa modified product version ng Skycouch.

The innovative Economy Skycouch

Hindi talaga biro ang long-haul flights lalo na sa mga magulang na may dalang sanggol o kaya naman ay dalawa o tatlong malilikot na mga bata na kadalasan ay nagdudulot ng dagdag pang stress sa kabuuan ng biyahe.

Dahil dito, naisipan ng Air New Zealand na tugunan ito sa pamamagitan ng Economy Skycouch na unang binuo ng airline noong 2011 kung saan bahagi nito ang Skycouch Cuddle Belt na maaaring humiga ang dalawang adults o isang adult at isang bata nang magkatabi ngunit ngayon ay pwede na ang dalawang batang kasama.

Mula rito, siniyasat ng mga airline staff ang mga nakaranas na sa Skycouch para maintindihan ng airline kung ano pang upgrades ang pwede nilang isama sa Skycouch para mas mapagbuti pa ang flexibility at relaxation features nito.

“Imagine a row of three Economy seats that can be turned into a couch after takeoff. So you and your friend or family member can stretch out. It’s so flexible it can be used as seating, a couch or even a play area. You’ll also get some lovely bedding and pillows. It’s a world first.”

Ito ang pagsasalarawan ng Air New Zealand sa Skycouch sa website nito, at sinisigurado rin ng airline na mapanatili ang comfortability at  privacy para sa mga guests dahil ang buong tatlong hilera ng Skycouch ay nakalaan lamang sa nag-book nito at hindi pwedeng ibahagi sa hindi kasama.  

Kapag nag-upgrade sa Economy Skycouch, kasama na rin dito ang pagkain at entertainment.

An ideal space to stretch out for everyone

Bagaman pangunahing market nito ay mga magulang na may bata, para rin ito sa lahat ng klase ng guests – mga mas malalaking pamilya, adults na may kasamang nakatatanda, couples, at solo travelers, para magkaroon ng mas malawak na personal space, stress-free, relaxing, at enjoyable flight experience.

Nakatakda sa gitna ng taong ito ang availability ng Skycouch Infant Harness, Belt and Pod kung saan pwedeng humiga ang isang sanggol sa tinatawag na Skycouch Infant Pod (optional collapsible sleep space) at sa tulong ng safety harness at belt para mapanatiling nakahiga ito mula take-off hanggang landing.

Complimentary ang Skycouch Infant Harness, Belt and Pod sa lahat ng Economy Skycouch customers na may kasamang sanggol.

Kagaya rin ng normal na economy seats ang mga upuan ngunit may adjustable footrest (adjust to 60 and 90 degrees) para maging couch ito. Naitataas ang arm rest sa window side nito at ang mga armrests naman sa mga gitnang upuan ay pwedeng itago sa likod nito. Mayroon din itong extension seat belts.

Nasa 1.55m (5ft 1”) ang haba ng Skycouch kapag nakataas ang side wall armrest at lalim na tinatayang nasa 74cm (29”) kasama ang leg rest at cushion.

Ang mga Economy Skycouch seats ay makikita naman sa forward economy cabin ng lahat ng 777 and 787-9 aircraft ng airline.

Maliban sa domestic flights sa loob ng New Zealand, bumibiyahe ang Air New Zealand sa Australia, Pacific Islands, North America, Canada, South America, Europe, at Asia.

Huwebes, Mayo 3, 2018

Paggamit ng exit tax isinabatas ng Diet


Isinabatas ng Diet kamakailan ang paglilimita nang paggamit ng kita mula sa ipapataw na exit to departure tax sa mga dayuhang turista at mamamayang Hapon na lalabas ng Japan sa inbound tourism promotion ng bansa.

Gagamitin ng gobyerno ang pera para ma-enjoy ng mga turista ang kanilang pagbisita sa bansa, mapadali ang pag-access sa mga impormasyon sa mga tourist spots at paghahanda sa mga resources para maranasan nila ang kulturang Hapon. Hinihimok din ang mga pampublikong transportasyon na paghusayin ang Wi-Fi service access nila.

Mangongolekta ng ¥1,000 ang gobyerno mula sa mga pasahero na lalabas ng Japan simula Enero 7, 2019. Hindi kabilang dito ang mga transit passengers na aalis ng bansa sa loob ng 24 oras simula ng kanilang pagdating dito pati na rin ang mga batang wala pang dalawang taong gulang.

Idadagdag ang exit tax sa pamasahe sa eroplano at barko at iba pang bayarin sa paglabas ng mga biyahero sa Japan.

Tinatayang aabot sa ¥40 bilyon ang kikitain ng gobyerno mula rito.

Umabot sa 28.7 milyong dayuhang turista ang bumisita sa Japan noong 2017.

Target ng administrasyon ni Prime Minister Shinzo Abe na magtala ng 40 milyong foreign tourist arrivals pagsapit ng taong 2020 kasabay ng pagho-host ng Tokyo sa Olympic at Paralympic Games mula sa kasalukuyang 20 milyon at 60 milyon naman sa taong 2030.

Miyerkules, Mayo 2, 2018

Shohei Ohtani, nagpakitang-gilas at inabangan sa kanyang Major League Baseball debut




“Obviously I’m very happy, satisfied with my outing. But more than that, happy the team got the victory.”

Ito ang tinuran ng rookie baseball player na miyembro ng Los Angeles Angels na si Shohei Ohtani sa isang panayam ng CNN pagkatapos magwagi ang koponan nito kontra Oakland Athletics sa iskor na 7-4 na ginanap sa Oakland, California kamakailan. Ito rin ang kauna-unahang panalo ni Ohtani kasama ang Los Angeles Angels.

Fervent support from Japan and on field

Tatlong araw bago ang kanyang pitching debut kontra sa Athletics ay nauna munang nagpakita ng marka ang 23-taong-gulang na tubong Oshu, Iwate Prefecture bilang designated hitter (DH) kung saan niya isinagawa ang una nitong major league at-bat (going 1-for-5 at the plate).

Dahil dito, bahagi na si Ohtani sa listahan ng mga Japanese baseball players na nakagawa ng hit sa kanilang unang Major Baseball League (MLB) at-bat sa opening day ng isang season gaya nina Hideki Matsui, Kaz Matsui, Tsuyoshi Shinjo, at Kosuke Fukudome.

Ngunit mas matindi ang pag-aabang kay Ohtani pagdating ng kanyang pitching debut na naganap sa parehas na linggo kung saan mainit ang pagsuporta sa kanya ng mga kapwa-Japanese nang 14,644 na mga tagahanga ang nanood ng match.

Habang naghihintay ay nakahanda ang mga cellphones ng mga tagahangang Japanese para kunan ang mga eksenang mangyayari sa pitching debut ni Ohtani, at ang iba naman ay nakataas na ang Los Angeles Angels jersey ni Ohtani na may mga nakasulat sa Japanese.

Dagdag pa ng website na MLB.com, 240 na miyembro ng Japanese media ang nasa ballpark din para suportahan ang batang player. At maging sa Japan ay masugid na inabangan ng mga Japanese ang match nang alas-singko ng umaga.

Two-way sensation: The Japanese Babe Ruth

Si Ohtani ang kauna-unahang Major League player na nag-umpisa bilang non-pitcher sa opening day at maging pitcher din sa unang 10 laro ng kanyang koponan.

Matagal nang hindi nangyayari ang ganito sa baseball simula pa kay George Herman “Babe” Ruth Jr., ang pinakapopular na two-way player ng Boston Red Sox noon pang 1919.
Ang mga sumunod na nakagawa nito ay sina Joe Bush (Red Sox) at Clarence Mitchell (Dodgers) sa unang 10 laro ng season noong 1920 at pinakahuli naman na nakagawa nito si Rick Rhoden (Yankees) noong 1988.

“I knew he was going to have a good one because the way he was throwing the ball was amazing. He was attacking the hitters,” ang pahayag naman ni Angels catcher Martin Maldonado sa naging performance ni Ohtani bilang pitcher.

Ngayon, inaabangan ng mga baseball analysts kung paano mapapanatili ni Ohtani ang isang napakalaking Major League Baseball feat – bilang unang player sa loob ng matagal na panahon na makapaglaro bilang hitter at pitcher.

The fastest pitch by a Japanese player

Nag-professional debut si Ohtani noong siya ay 18-taong-gulang sa pamamagitan ng kanyang unang team, ang Hokkaido Nippon-Ham Fighters sa season opening game noong 2013 bilang rightfielder.
At noong nasa high school ay itinakda ni Ohtani ang fastest pitch ng isang Japanese high school pitcher sa record na 160 km/h (99 mph) at sa Nippon Professional Baseball (NPB) history ay may record naman siya na 165 kilometres per hour (102.5 mph).

Habang naglalaro para sa Hokkaido Nippon-Ham Fighters sa ilalim ng NPB, nakuha ni Ohtani ang Japan Series champion (2016), 3-time NPB All-Star (2013-2016), Pacific League MVP (2016), 2-time Pacific League Pitcher Best Nine (2015-2016), Designated Hitter Best Nine (2016), Pacific League ERA leader (2015), Pacific League Battery Award (with Shota Ono/ 2015), bronze medal sa World Baseball Softball Confederation (WBSC) Premier12 (2015), at WBSC Player of the Year (2015).

Gaano kahalaga ang iyong pag-i-inventory?


Ni MJ Gonzales


Marami ang nag-aakala na pagdating sa pamamahala ng negosyo ang dapat lamang bantayan ay ang lumalabas at pumapasok na pera.  Hindi ito totoo lalo na sa mga retailer at wholesaler businessmen,   dahil gaya ng tamang bilang ng kita  na pumasok at  gastos  na lumalabas, maingat din sila sa pagkontrol ng produkto na kanilang binibili at ibinibenta. 

Ano ang inventory?  Sa negosyo ito ay bilang o pagbibilang ng anumang gamit, produkto, rekado, paninda  na may kinalaman sa iyong operasyon.  Bakit kailangan paglaanan ito ng panahon?

Maiiwasan ang mga tapon o hindi na maibebentang paninda

Isa sa kalaban sa pagbebenta ng produkto ay pagkapanis, pagkabilasa, o pagkapaso na sa petsa na dapat itong makunsumo (expiration). Kaya ang usapin na ito ay hindi lamang para sa mga may food business kundi sa lahat ng klase ng negosyo.

Halimbawa ay nasa parlor business ka, hanggang gumagamit ka ng shampoo, sabon, at gamot ay kailagan bantayan mo ang expiration ng mga ito.  Kapag sira na ay hindi  na magagamit pa para sa iyong customer at tapon na kaagad ang sana’y kita na makukuha rito.

Mapapabuti ang pasok ng kita kaysa pagkatumal nito

 Kung mayroon kang iba’t ibang produkto na nilalako ay may lalabas na malakas, mabagal at  mahina ang bentahan.   Kailangan mo silang matukoy para hindi sayang kung saan mo itututok ang iyong pera, panahon, at espasyo.

Kapag malakas ang produkto ay kailangan na alam mo kung kailan na malapit nang maubos ang stock nito. Kung wala kang maibenta, sayang na ang kita at dalaw ng iyong customers. Palagi pa naman silang may ibang pagpipiliian na tindahan at produkto.

Kapag mabagal ang produkto pero naibebenta pa ay lalo mo dapat alam kung ilan lamang ang binibili mo at ang expiration nito.   Bilang lang dapat o mas kaunti para hindi kumakain ng espasyo at kapital na inilaan sana roon sa produktong mabenta. 

Isa pa’y hindi lamang ito usapin sa pagkapanis kundi pagkapangit din ng kalidad ng itsura ng produkto. Mas nagtatagal   ang produkto sa storage room ay mas naluluma ito at mas masisira ang packaging.  Kapag matukoy mo agad kung alin ang mabagal na maibenta, dapat ay gawan mo na ito ng paraan na magamit o maipasa agad bago mawalan ng halaga.

Kapag mahina talaga ang isang produkto ay maigi na itong ibenta kahit pa sa mas mababang presyo. Mainam na maliit ang kita kaysa walang kita.  Maaari rin kasing may mabagal na mabenta dahil kulang sa promosyon. Subalit ang mahinang produkto ay pabigat sa pag-ikot ng iyong kita.  

Masosolusyunan agad ang problema sa supply o supplier

Tandaan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay puwedeng mabigyan ka agad ng panibagong stock ng iyong supplier.  Importante ang ganitong bagay lalo na sa peak season o kung kailan maraming order o customer na natatanggap.

May supplier na walang operasyon bago o pagkatapos ng holiday. May sadya rin na matagal ang palugit bago maibibigay ang order mo. Mayroon din na  pagkakataon na walang abiso ay ihihinto basta-basta na lang ang paghahatid ng stock. Kaya para mapaghandaan ang mga sitwasyon na gaya nito, kailangan maayos ang iyong inventory. Makakapagtabi ka nang sapat na dami ng produkto para hindi ka basta mawawalan.

Kung maayos din ang iyong inventory management ay mapapabuti ang relasyon mo sa iyong supplier.  Kung may tiwala na siya sa iyo ay maaaring ipautang muna sa iyo ang kanyang produkto o kaya palitan ang iyong mga stocks na naluluma na.

The first ‘Haruki Murakami Festival’ in Manila: Delving deep into Murakami’s worlds


Ni Jovelyn Javier


“Murakami’s work is contemporary art because it has so many interpretations.”  

Ito ang pagsasalarawan ni The Japan Foundation – Manila’s Assistant Director, Tetsuya Koide kay renowned writer Haruki Murakami, na kamakailan lang ay ipinagdiwang ng mga “Harukists” ang mga obra nito sa pamamagitan ng paglulunsad ng The Japan Foundation – Manila (JFM) sa kauna-unahang “Haruki Murakami Festival” na tumakbo ng pitong araw.

Nauna na itong idinaos sa Seoul, Singapore, at Tokyo.

A journey in life in a magical-realist world

Ayon kay Alona Guevarra (Ateneo) sa talk nito na Murakamiesque: Understanding the Fiction of Murakami Haruki, “The Murakami hero – to succeed, one must bend social justice (despite the system not changing) but is firm on changing himself.”

Madalas ang mga karakter nito ay “set between the banal and the fantastic” o “between the material and the frivolous” na naghahanap ng kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng “sealing over the lack” o “living with the lack.” At ang mga tema ay tumatalakay sa “critic of the urban living” at “exploration of the dark side.”

Dagdag pa ng propesor na nagsimulang basahin si Murakami noong 1995, “The consumption of pop culture ironically serves as Murakami’s grip on pragmatic reality, as well as the Bubble Economy, on how he offers resistance to his novels, champions the everyday man, and problematize the middle class experience.”

Ani Guevarra, para kay Murakami ay may three-pronged evaluation na kailangan ang mga manunulat – imagination, intelligence, at focus.

Murakami: Running and Writing

“No one ever taught me how to write, and I’ve never made a study of writing techniques. So how did I learn to write? From listening to music. And what’s the most important thing in writing? It’s rhythm. I’m a jazz lover, so that’s how I set down a rhythm. No one’s going to read what you write unless it’s got rhythm. It has to have an inner rhythmic feel that propels the reader forward.” – Haruki Murakami.

Bahagi ito ng The Three R’s of Murakami: Rhythm, Routine, and Running talk ni poet-essayist at Rappler correspondent, Frank Cimatu, na nakilala si Murakami sa short story na “A Shinagawa Monkey” na unang inilathala sa The New Yorker magazine.

Ani Cimatu, istrikto si Murakami sa kanyang routine – nagsisimula siyang magsulat nang alas-kwatro ng umaga sa loob ng lima hanggang anim na oras, tumatakbo ng 10 kilometro pagkatapos magsulat, at natutulog kapag alas-nuwebe na ng gabi.

Dagdag naman ni Achilles Mina, editor-runner, “Running is his insurance that he will continue writing great novels, and he’s always competing with his old self when he’s running while listening to rock music.”

Bagaman maagang namulat si Murakami sa jazz nang siya ay 15-taong-gulang, napagtanto na lang niya na gusto niyang magsulat sa edad na 29 habang pinapanood si Dave Hilton ng Yakult Swallows na tumatakbo sa pagitan ng 2nd at 3rd base sa isang baseball match noong 1978, at 33 naman siya nang nagsimula siyang tumakbo.

Foremost appeal to Filipino readers and internationally

“Play on the dreamword. Like Kurt Vonnegut. He gives you this psychological puzzle and lets you drown in them. Compared to Western literature, he never ties loose ends by the end. It’s almost like a hole,” ang paglalarawan pa ni Mina sa worlwide appeal ng mga nobela ni Murakami.

Bilang isang Pinoy na mambabasa, para kay Guevarra, “He offers a different experience, different model, a new way of looking at reality, or at looking at myself on a personal level.”

“We read him and consume him because we see ourselves,” ang saad ni Julz Riddle (Ateneo) ukol dito. At ayon pa sa isang Chongguk University professor, “readers develop empathy to the Japanese of their age through Murakami.”  

Isa rin sa mga interesanteng istilo ni Murakami ang naiibang tingin sa mga kababaihan. Ayon kay Mary Thomas (Ateneo), “Women read Murakami to find alternative ways of being a woman. And the woman is always important to the man in his stories, a part of his being.”

Martes, Mayo 1, 2018

112-anyos na lalake sa Hokkaido tinaguriang ‘World’s Oldest Living Man’


Ni Florenda Corpuz

Iginawad ng Guinness World Records kay Masazo Nonaka, 112-taong-gulang,
ang world’s oldest living man certificate. (Kuha mula sa Guinness World Records)
Kinilala ng Guinness World Records si Masazo Nonaka bilang world’s oldest living man sa edad na 112.

Ginawad ni Vice President-Japan for Guinness World Records Erika Ogawa kay Nonaka ang opisyal na sertipiko noong Abril 10 sa Ashoro, Hokkaido.

Ipinanganak si Nonaka noong Hulyo 25, 1905. Siya ang panganay na anak na lalaki sa walong magkakapatid. Nagpakasal siya at ang kanyang maybahay taong 1931 at biniyayaan ng limang anak – dalawang lalake at tatlong babae.

“We are very pleased to announce that we have a new record holder for the oldest living man. Mr. Nonaka’s achievement is remarkable – he can teach us all an important lesson about the value of life and how to stretch the limits of human longevity,” komento ni Guinness World Records editor-in-chief Craig Glenday.

Ibinigay ng Guinness World Records kay Nonaka ang titulo matapos pumanaw si Francisco Nuñez Olivera ng Spain noong Enero 29 sa edad na 113.

Matapos na magtrabaho sa agriculture at forestry ay pinangasiwaan ni Nonaka ang “Nonaka Onsen,” isang Japanese-style hot spring inn na sinimulan ng kanyang mga magulang sa paanan ng Mt. Meakan.

Sa kasalukuyan ay nalilibang si Nonaka na manood ng telebisyon at magbasa ng diyaryo sa kanilang tahanan kasama ang kanyang pamilya. Mahilig din siyang kumain ng mga matatamis na pagkain gaya ng cakes.

Fujifilm ititigil na ang pagbebenta ng monochrome film


Inanunsiyo kamakailan ng Japanese firm na Fujifilm Imaging Systems Co. ang kanilang desisyon na itigil na ang pagbebenta ng monochrome photographic film dahil sa bagsak ng kita nito lalo na’t uso na ngayon ang digital cameras.

Ang huling batch ng black-and-white films na ibebenta ng kumpanya ay magagawa ngayong Oktubre at hindi na muling gagawa ang kumpanya ng bago kapag naubos na ang mga stocks nito. Hindi na rin sila magbebenta ng printing paper para sa monochrome photography simula Marso 2020.

Sa isang pahayag na ipinaskil sa kanilang website, nagpasalamat ang Fujifilm sa mga tumangkilik sa monochrome photographic film at sa pag-unawa ng publiko sa kanilang desisyon na itigil na ang paggawa nito.

“Fujifilm Imaging Systems Co., Ltd. has worked hard to absorb cost, such as improving production and cost savings for black-and-white film and black-and-white photographic paper that we have used for many years. However, as the demand decreased, sales will be terminated.

“Thank you for your kind understanding,” pahayag ng Fujifilm.

Ito na ang pagtatapos ng 82-taong kasaysayan ng kumpanya sa monochrome film production. Batay sa Kyodo News, tinatayang 15 porsyento hanggang 20 porsyento ang ibinababa kada taon ng kita ng black-and-white film.

Matatandaan na noong 1936 nagsimula na magbenta ang Fujifilm ng monochrome photographic film na naging pangunahing produkto ng kumpanya partikular nang maging popular ito noong 1960s. Subalit, unti-unting bumaba ang demands para rito nang nauso ang color photography at lalo pang bumaba simula nang mauso ang digital cameras.

Biyahe ng Jetstar Asia mula Clark patungong Osaka sinimulan na


Kuha mula sa Jetstar Facebook page
Opisyal nang sinimulan ng Jetstar Asia ang direct flight nito mula Clark International Airport (CRK) sa Pampanga patungong Kansai International Airport sa Osaka sakay ang 188 pasahero umaga ng Marso 27.

Mag-o-operate ng tatlong weekly services sa rutang ito ang Jetstar Asia gamit ang Airbus A320 na may kapasidad na 180 seats.

“This direct service is an exciting development and the first connection from Northern Luzon to Japan. We are delighted to bring this service to all our customers in this region,” ani Jetstar Asia CEO Bara Pasupathi sa paglulunsad ng serbisyo noong Enero.

“Clark International Airport will be the second gateway in the region for Singapore and Japanese travellers to fly to the Philippines,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ni Clark International Airport Corp. (CIAC) President and CEO Alexander Cauguiran na patuloy na pinapalalim ng Jetstar ang kanilang presensya sa Pilipinas dahil sa rutang ito.

Mag-o-operate ng hanggang sa 44 serbisyo ang Jetstar Asia at Jetstar Japan sa Osaka, Nagoya, Narita at Singapore mula Maynila at Clark.

11 restaurants sa Japan napabilang sa listahan ng Asia’s Best 50

Ni Florenda Corpuz

 Ang mga nanalong chefs at restaurateurs sa ginanap
na Asia’s 50 Best Restaurants awards ceremony na ginanap sa Wynn Palace,
Macao kamakailan. (Kuha mula sa Asia’s 50 Best Restaurants 2018)
Kinilala na ang Asia’s 50 Best Restaurants 2018 na inisponsoran ng S. Pellegrino & Acqua Panna kung saan kabilang ang 11 restaurants mula Japan sa isang awards ceremony na ginanap sa Wynn Palace, Macao kamakailan.

Umakyat sa pangalawang pwesto ang Den mula sa pang-11 pwesto noong nakaraang taon at itinanghal na “The Best Restaurant in Japan” kapalit ng five-time title holder na Narisawa na nasa pang-anim na pwesto ngayong taon.

Kabilang din sa Top 10 ang Florilège (No.3) at Nihonryori RyuGin (No. 9). Newcomer naman ang Tokyo-based Il Ristorante – Luca Fantin (No. 28). Nakasama rin sa listahan sa unang pagkakataon ang La Cime (No.17) sa Osaka at nakakuha ng Highest New Entry Award.

Pasok din sa listahan ang L’Effervescence (No. 20) na ginawaran ng Sustainable Restaurant Award, Sushi Saito (No. 27), Hajime (No. 34) sa Osaka, Quintessence (No. 38) at La Maison de la Nature Goh (No. 48) sa Fukuoka.

Ginawaran naman ng Chefs’ Choice Award ang acclaimed chef na si Yoshihiro Narisawa. Sa loob ng dalawang dekada, nakamit ni Narisawa ang respeto mula sa kanyang mga kasamahan sa pamamagitan ng kanyang “refined dishes and ability to blend French cooking techniques, employ sustainable practices and honour Japanese culinary traditions.”

Samantala, ginawaran naman ang Filipino restaurant na Toyo Eatery sa Maynila ng Miele One To Watch Award. Ang parangal ay ibinibigay sa isang restaurant na hindi kabilang sa listahan ng Asia’s 50 Best list ngunit kinikilala bilang “rising star of the region.”

Ang listahan ay ginawa mula sa mga boto ng Asia’s 50 Best Restaurants Academy, isang maimpluwensiyang grupo na kinabibilangan ng may mahigit sa 300 lider sa restaurant industry sa Asya. Ang panel sa bawat rehiyon ay binubuo ng mga food writers at critics, chefs, restaurateurs at ‘gastronomes.’