Martes, Hunyo 6, 2017

Pagtuturo ng money management sa mga bata

Ni Hoshi Lawrence


Madalas naitatanong natin sa ating sarili kung bakit kaya may mga taong palautang? Bakit mayroong  nakadepende sa  suportang pera ng kamag-anak? O kaya ay bakit nahihirapan kang makaipon ng pera kahit ang sipag-sipag mo naman? Ang kasagutan dito ay maaaring dahil sa maraming salik  at isa na roon ay ang nakalakhan na pananaw ng isang tao sa paghawak ng pera.

Alam na natin na sa tahanan nagsisimula ang edukasyon ng bata. Ang kanilang mga magulang ang kanilang kauna-unahang guro at sandigan para sa pundasyon ng kanilang  pagkatao.   Kaya hindi kataka-taka na  pagdating sa paghawak  ng pera   ay may  impluwensya  rin  kung ano ang naituro sa kanila. 

Noong ikaw ay bata pa, ano bang alam mo sa pera? Nahihingi mo ba ito ng basta o sesermunan ka muna bago mo makuha ito?  Ang masaklap dito ay kapag maling ideya at pag-uugali tungkol sa pera ang maitanim sa isipan ng isang bata ay baka ito ang dahilan kung bakit siya magiging madamot, mapagmataas, magastos, at tamad. 
  

Paano turuan ang mga bata tungkol sa pananalapi?

Kung may pag-aalinlangan ang mga magulang dahil sa seryosong bagay ang usaping pera ay mayroong mga paraan para maturuan ang mga bata. Ayon sa artikulo ng Money Management International Inc., na pinamagatang “Everyday Lessons to Teach Kids about Money,” ang ilang  hakbang para maturuan ang mga bata: pagbibigay sa kanila ng allowance na  kailangang i-budget, paggabay sa kanila na magkaroon ng munting negosyo,  pagbuksan sila ng sarili nilang bank savings o check account na kanilang mapag-iimpukan, at gawing money management tutorial ang gawain  gaya ng pamimili sa supermarket.

“Teach children how to shop by value rather than brand. Remember to always shop with a list. Shopping with a list helps children understand how prior preparation can lead to great savings in the end,” payo pa ng MMI na isang international non-profit organization na nagbibigay ng financial education programs.

Mahalaga ba ang Math sa pagtuturo ng money management?


Maraming propesyonal at naging negosyante na mahina sa Math. Pwede namang mag-hire ng accountant, financial consultant, o isang tao na mamamahala sa kabuhayan. Ganoon pa man ay nangangailangan pa rin ng pangunahing kaalaman sa pagkukuwenta para mapalago ito at  hindi maloko.

Sa panayam ng Wall Street Journal (WSJ)  kay Harvard Business School finance professor Shawn Cole, sinabi nitong malaki ang tsansa na magkaroon ng malalang pagkakamali sa pera kung may kakulangan sa Math skill. Aniya, ang taong walang ganitong skill ay posibleng mag-impok, gumastos, at mamuhunan base sa kanilang nararamdaman lamang.  
Dagdag pa sa report ng WSJ na “The Smart Way to Teach Children About Money” ay mainam na magkaroon ng kamalayan sa paghawak ng pera nang maaga  para maiwasaan din ang pagiging sensitibo sa  pagtalakay nito.

“A lot of decisions in finance are just easier if you’re more comfortable with numbers and making numeric comparisons,” saad pa ni Cole.

Sa ibang banda, ang paglalaan ng oras para maturuan ang isang bata tungkol sa pananalapi ay naghahatid din ng iba pang bentahe. Bukod sa nagkakaroon ng bonding time, masusuri rin ng guro ang kanyang sariling kaalaman sa money management. Mababalikan niya ang kanyang napag-aralan noon, may madidiskubre pa siyang bagong praktikal na ideya. Dagdag pa rito ay maitatama na niya ang maling money mindset.

Kung magnenegosyo ka, ano ang pinakalayunin mo?

Ni MJ Gonzales


Ika nga sa kasabihan, ang permanente lamang sa buhay ay pagbabago.  Hindi magiging eksaktong katulad  nang nakalipas ang iyong ngayon,  at nang  iyong kasakuluyan ang iyong hinaharap. Sa larangan ng karera ay may mga pagbabago  na  kusang dumarating at  mayroon  din naman pagbabago na mismo ang tao na rin ang nagsagawa. Hindi nga ba’t may mga manggagawa noon na matatagumpay na  negosyante  na ngayon?

Kumpara sa  pagpapalit-palit ng trabaho o kahit pa palipat-lipat ng kumpanya, isang matinding “re-careering” ang pagiging negosyante. Ikaw ang boss, ikaw ang may hawak ng oras mo, at ikaw din bahala sa perang kikitain mo.  Ibig sabihin, kasama ng pagtatamasa mo ng naiibang  mga pribilehiyo ay ang mas  maiigting na responsibilidad. Ano nga ba ang nagtutulak sa tao para magpursige ng ibang karera? 

Ayon sa Investopedia, ang re-careering o  “career shift” ay kadalasang ginagawa ng mga tao sa katagalan ng kanilang paghahanap-buhay para sa kapangyarihan, pera, kasikatan,  hilig at pagbabago sa kanilang pamumuhay. Iugnay din natin ito sa mga gustong magnegosyo.

Kapangyarihan.  Isa sa  dahilan ng pagnenegosyo ay paghahangad na matamasa ang pagiging makapangyarihan.  Ito ang nakapaloob sa pagiging “amo” dahil ikaw ang magtatakda kung kailan, paano,  sino, at ano ang  dapat gawin.   Bagaman malawak at mapangahas ang ganitong prinsipyo, masasabing nakakamit naman ito basta handang makipagsapalaran.

Sa kabilang banda, dapat din isaalang-alang na  hindi lahat  ay kakayanin ang ganitong klaseng  layunin. Bakit? Hindi naiisip ng ilan na sa kabila ng kapangyarihan ay  dapat marunong din magpakumbaba, patuloy na mag-aral, at maging responsible sa kanilang aksyon.

Malalim na hilig.  May ilan na sumasabak sa pagnenegosyo para mapursige ang kanilang passion o kinahihiligang gawain. Posibleng sa pagtatrabaho ay isang kasanayan (skill) lamang ang kanilang  nagagamit  kaya sa  kanilang  panibagong karera ay gusto naman nilang magawa ang kanilang passion.

Hindi nga ba’t nakakaaliw na isang batikang lawyer na gaya ni Atty. Raymond Fortun ay isa rin na wedding photographer?  Ganito rin ang singer na si  Rachael Aleandro  na may “Sexy  Chef” (healthy diet food delivery), at  ang magkapatid na John at Camille Prats  na may  Divine Angels Montessori school.

Karangalan. Mahalaga ang pagkakaroon ng reputasyon sa lipunan na mapanghusga. Gayon din ay may naiibang saya kapag nagkaroon ka  nito dahil  napatunayan mo sa sarili mo na kaya mong magtagumpay. Posibleng may iba na nalulunod sa  pagitan ng kayabangan at  karangalan. Subalit, hindi naman lahat ng nag-aasam nito ay may masamang intensyon dahil ito rin ay personal na bagay sa bawat tao.

Pagbabago sa pamumuhay. May mga pagkakataon na  ang re-careering ay dahil din sa “lifestyle change.” Ito ay bunsod ng pagbabago para sa   kalusugan, edad, o kaya naman ay pag-iiba ng prayoridad. Katunayan ay maraming  ina na nagiging mahusay na work at home moms (WAHM) at “mompreneurs” dahil sa una  ay naghangad silang  magkaroon ng flexible time para sa  kanilang mga anak.

Pera. Ito na marahil ang pinakasimple at praktikal na rason kaya marami ang nagbabago o nagdagdag  ng klase ng kabuhayan. Karaniwan din kasi ay hindi sumasapat ang kita sa  pagiging manggagawa kaya nagkukunsidera  ng iba pang mapagkukunan ng pera nang “full time.”

Dahil hindi pag-a-update ng resume at pag-aayos lamang ng iyong work requirements, ang transisyon mula sa pagiging empleyado hanggang negosyante  o anumang karera ay ibayong tibay ng loob ang kailangan. Tandaan na hindi lahat ay magiging madali kaya dapat sinasabayan din  ito ng  pag-aaral,  paghingi ng tulong, at kung maaari ay pondo.

Lunes, Hunyo 5, 2017

Disaster preparedness program ng Iloilo modelo para sa ibang komunidad sa Pilipinas

Idinisplay ng  Iloilo City Disaster Risk Reduction Information
and Exhibit Center ang mga information materials on
disaster risks and preparedness. (Kuha mula sa JICA)
Nakikita bilang modelo para tularan ng ibang komunidad sa Pilipinas ang disaster preparedness project ng Iloilo City.

Ang programang Community-Based Adaptation and Resilience Against Disasters (CBARAD) ay sinimulan sa limang disaster-prone barangays sa Iloilo City na naglunsad ng KABALAKA volunteer program na kinabibilangan ng 9,238 lokal na residente na binubuo ng mga estudyante, guro, persons with disabilities (PWDs), mga matatanda at mga bata sa disaster preparedness advocacy campaigns.

Inilunsad ito ng Japan International Cooperation Agency (JICA), Japanese non-profit group CITYNET na naka-base sa Yokohama at ng Iloilo City Government para mapahusay ang disaster preparedness and response sa lokal na antas habang tinataguyod ang palitan ng kaalaman sa pagitan ng Japan at Pilipinas.

“Japan and the Philippines share common experiences in disasters since both nations are located on the Pacific Ring of Fire. Given our vulnerability to earthquakes, floods, and other natural disasters, disaster awareness and preparedness is critical at the community level to minimize risks and losses,” ani Kazuko Kurashina, Director of the Partnership Program Division ng JICA Yokohama.

Ibinahagi rin dito ang mga karanasan ng Japan sa disaster preparedness and recovery sa pamamagitan ng study visits ng mga LGUs sa Japan para pag-aralan ang study crisis management, resilient infrastructure, at collaboration models kasama ang academe, communities, at PWDs.

Inilunsad din ang KABALAKA gallery, isang interactive exhibit tampok ang disaster preparedness and survival, sa ilalim ng CBARAD project.

“We hope that the Iloilo City community-based disaster preparedness model will be sustained and adopted by other LGUs,” dagdag ni Kurashina.

Sinundan ng CBARAD project ang nauna ng tulong ng JICA sa flood control project sa Iloilo City kasunod ng pinsala ng bagyong Frank noong 2008 kung saan 254,000 katao ang naapektuhan at umabot sa US$16.41 milyon ang naitalang pinsala sa ekonomiya ng lungsod.

Mensahe ng kapayapaan hiling ng Hiroshima kay Pope Francis

Ni Florenda Corpuz


Magpadala ng mensahe ng kapayapaan sa buong mundo mula sa Hiroshima City ang kahilingan ni Gov. Hidehiko Yuzaki mula kay Pope Francis sa kanyang ginawang pagbisita sa Vatican kamakailan.

Ayon sa ulat ng Kyodo News, ipinahayag ito ng gobernador sa harap ng publiko kasama ang Santo Papa sa St. Peter’s Square. Ito ay sa gitna ng umiigting na tensyon sa isyu ng nuclear weapon.

“Hiroshima is a symbol of reconstruction, hope and peace. The pope’s visit would attract worldwide attention and provide a chance for everybody to think about abolition of nuclear weapons,” pahayag ni Yuzaki.

Magugunitang binomba ng Amerika ang Hiroshima noong Agosto 6, 1945 na ikinasawi ng 140,000 katao. Sumunod ang Nagasaki noong Agosto 9 kung saan sumuko ang Japan makalipas ang anim na araw na naging hudyat nang pagtatapos ng World War II.    

Nakipagkita rin si Yuzaki kay Cardinal Secretary of State Pietro Parolin at inihayag ang parehong kahilingan na ayon naman sa huli ay pinag-aaralan na ng Vatican kung ito na ang tamang panahon para bisitahin ng Santo Papa ang Hiroshima.

Kung matutuloy, ito ang magiging kauna-unahang papal visit sa Japan matapos magtungo rito si Pope John Paul II noong 1981 kung saan siya ay lumuhod at nagdasal sa harap ng Hiroshima Peace Park.
             
Enero nang hilingin din ni Prime Minister Shinzo Abe na bisitahin ni Pope Francis ang Hiroshima para palaganapin ang kamalayan tungkol sa mga panganib ng nuclear weapons kung saan siya ay nakipagkita kay Archbishop Paul Gallagher.

‘Womenomics’ ni Abe kinilala ng mga women leaders

Ni Florenda Corpuz


         Tinanggap ni Prime Minister Shinzo Abe Abe ang Global Women’s 
Leadership Award mula kay Summit Founder and President Irene 
Natividad. (Kuha ni Din Eugenio)
Kinilala ng mga kababaihan mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang kontribusyon ni Prime Minister Shinzo Abe sa pagtataguyod ng women empowerment at gender equality sa Japan sa ginanap na Global Summit of Women 2017 sa Grand Prince New Takanawa kamakailan.

Napili si Abe bilang recipient ng Global Women’s Leadership Award dahil sa kanyang “womenomics” policy kung saan nais niyang paramihin ang mga kababaihan na nagtatrabaho upang makatulong na maiangat ang ekonomiya ng bansa.

Sa kanyang talumpati sa opening ceremony ng forum, sinabi ni Abe na nakatuon ang kanyang administrasyon sa pagbuo ng “society where women shine.”

“I believe women’s advancement in the society can contribute to create a stronger, diversified society,” aniya.

Nangako ang lider na babaguhin ang mahabang oras nang pagtatrabaho sa bansa upang maging mas madali para sa mga kababaihan na makapagtrabaho habang nag-aalaga ng mga anak at patuloy na sosolusyunan ang kakulangan sa mga day care centers.

Pinasalamatan din niya ang forum sa pagkilala sa kanyang pulisiya.

“This is quite an honor for me. This is not only for myself, but for everyone who is working for the women empowerment in Japan,” aniya.
           
Siya ang ikalawang lalake na nakatanggap ng nasabing parangal.

Dinaluhan ng 1,300 women leaders sa larangan ng negosyo at pulitika mula sa mahigit sa 60 bansa ang tatlong araw na forum kabilang si Vice President Leni Robredo na may temang “Beyond Womenomics: Accelerating Access” na sumasalamin sa nais gawin ni Abe sa kanyang bansa.

Samantala, napili naman si Tokyo Governor Yuriko Koike ng Japan Host Committee bilang recipient ng Japan Women’s Leadership Award. Si Koike ang kauna-unahang babaeng 

   


Huwebes, Mayo 11, 2017

Beach Volleyball Republic at Aboitiz Land nagbukas ng sand court sa Bonifacio Global City



Para sa sinumang volleyball enthusiast, at lalo na dahil summer na sa Pilipinas, magandang pagkakataon ang makanood ng volleyball action o maglaro ng volleyball sa beach. Ngunit ngayon, hindi na kinakailangan pang lumabas ng siyudad dahil pinasinayaan kamakailan ng Beach Volleyball Republic (BVR) at Aboitiz Land ang isang sand court sa Seafront Residences sa Bonifacio Global City, Taguig.

Bahagi ito ng adbokasiya ng BVR sa pagsusulong ng volleyball sa mga kabataan at sa mga Pinoy gaya ng Beach Royals development program sa ilalim ng Philippine Sports Commission (PSC). Sinusuportahan din ito ng Larong Volleyball sa Pilipinas (LVPI). Opisyal na nabuo ang BVR noong Hunyo 2015.

“It has been our ultimate dream to host a BVR event in BGC and having it done so soon through Aboitiz Land gives us more affirmation that we are doing the right thing for the love of beach volleyball.

We’re very grateful that the sport is now starting to grow bigger and gain support from a company like AboitizLand and the Aboitiz Group. It’s really fate and a shared goal that brought the partnership together. Getting traction like this is very good for the support and we hope to gain more support from the private sector,” ang masayang kwento ni BVR co-founder at dating Ateneo Blue Eagles volleybelle Bea Tan.

Nagdaos din ng exhibition games ang paglulunsad sa sand court kung saan mismong si Tan, mga BVR co-founders Charo Soriano, Dzi Gervacio, Fille Cainglet-Cayetano, at Gretchen Ho, gayon din ang iba pang collegiate volleybelles na sina Melissa Gohing, Amanda Villanueva, Amy Ahomiro, Kara Acevedo, Michelle Gumabao, Ella De Jesus, at Mae Tajima ay nagpakita ng maagang summer volleyball action sa mga sumusuporta ng volleyball sa bansa.

Aniya, ang kolaborasyon sa pagitan ng BVR at Aboitiz ay tuluy-tuloy pa sa iba pang proyekto ng BVR gaya ng planong beach volleyball tournament at beach sports activities sa Seafront Residences.

BVR on Tour 2017 heating up the summer

Bago pa mag-summer ay hitik na hitik na ng aksyon sa opisyal na pagsisimula ng Beach Volleyball Republic on Tour 2017 noong Enero sa Cabugao Beach, Ilocos Sur kung saan nagwagi sina Tiger Spikers KR Guzman at Anthony Arbasto sa men’s, at Bea Tan at Charo Soriano sa women’s.

Tuloy naman ang pakitang-gilas ng mga atleta sa second leg sa Tondalingan Beach, Dagupan City, at muli ay nagtakda ng panalo si Tan kasama ang bagong partner na si Gervacio. Inulit naman nina Guzman at Arbasto ang kanilang mataginting na pagkapanalo sa first leg.

Dumayo naman ang BVR on Tour hanggang Lakawon Island, Negros Occidental sa third leg kung saan nagwagi naman sina Jeremiah Barrica at Kevin Hadlocon ng FEU. Nakabawi na lang ang dalawa sa pagbabalik ng BVR sa Kahuna Beach, La Union sa fourth leg kung saan nakaharap nila ang matitinding kalaban mula FEU, Perpetual Help, Lyceum, Navy, Airforce, Cebu at Bacolod.

Para sa mga volleyball fans sa Norte at Visayas, pwede pang habulin ang BVR on Tour sa Anguib Beach, Santa Ana Cagayan sa Abril 22-23, Guimaras Island sa Mayo 6-7 at ang kulminasyon sa Hunyo sa Ilocos Norte.





Ang Bandang Shirley’s new album ‘Favorite’: Confident, mature, teary and refined


Hindi nagpatinag sa matinding sikat ng araw ang mga tagasuporta ng musika ng Ang Bandang Shirley sa naganap na album launch kamakailan ng kanilang ikatlong studio album na pinamagatang “Favorite.”

Ginanap ang kaabang-abang na paglulunsad ng muling pagbabalik sa eksena ng isa sa paboritong alternative rock bands sa bansa sa Blue Bay Walk Garden, Metro Park, Pasay. Featuring din sa album launch ang Outerhope at Musical O, at mula sa presentasyon ng Page Four Productions at Chamtamaria.

Mula sa Wide Eyed Records, ito ang follow-up sa critically-acclaimed sophomore album, ang soulfully instrospective na “Tama Na Ang Drama” (2013).

Atmospheric, personal, intimate

Apat na taon din ang binilang bago ang Favorite na naglalaman ng 14 tracks kabilang ang nauna nang nailabas na first two singles –  ang crowd favorites na “Umaapaw” at “Siberia” na nanguna sa Spotify Philippines’ Viral Charts kamakailan, gayon din ang “Maningning,” “Karamay,” “Makahiya,” “Alam Mo Ba? (Ang Gulo),” “Maginhawa,” “Relihiyoso,” “Favorite,” “Actually,” “Ilang Ilang,” “Ono,” “Palindrome,” at “Karagatan.”

Isang mahabang pila ang bumati sa mga miyembro ng banda na sina Owel Alvero (founding band member/chief songwriter, lead vocal), Ean Aguila (founding band member/ guitarist-songwriter-lead vocal), Zig Rabara (drums), Selena Salang-Davis (lead vocal), Kathy Gener (semi vocals/resident band manager), Joe Fontanilla (guitarist), at Enzo Zulueta (bassist) na masaya naman na pinaunlakan ang mga tagahanga ng album signing at meet-and-greet.

“Wow! Ang dami ninyo. Grabe. Salamat sa inyong pagmamahal at sa pag-gusto ninyo ng musika namin,” pahayag ni Davis bago simulan ang unang kanta.

Nagpakasasa ang mga Shirley fans sa 23 kanta mula sa Favorite, gayon din sa unang dalawang albums na Themesongs at Tama Na Ang Drama at sumabay sa mga paboritong “Nakauwi Na,” “Di Na Babalik” at “Patintero,” na last song at espesyal sa puso ni Davis lalo na’t ang album launch ang kanyang huling performance kasama ang grupo.

Making everyday life poetic

Pangunahing tema ng album ang happiness, loss, love, at living life, na dala pa rin ang kanilang marka ng ritmikong melodiya at nakakaantig na mga liriko.

Sa unang pagkakataon, isang collective effort ang album kung saan nagtulung-tulong ang bawat miyembro sa pagsusulat ng kanta, gayon din ang iba’t ibang producers.

Minsan depende sa feelings. ‘Yung album, parang range of songs na hindi lahat magugustuhan mo at the same time, pero magkakaroon ng chance na magustuhan mo rin sila eventually,” ang pagsasalarawan ni Alvero sa album.

Aniya, gusto ng banda na magkaroon ng koneksyon ang mga makakarinig ng album gaya ng mga pelikula. “The connection is like, you know how some movies grow on you. I hope people like the album at the start, but I hope they’ll find something more about themselves the more they listen to it.”

Mahigit isang dekada na ang banda na nagsimula dahil sa inspirasyon ng Eraserheads noong panahong nag-disband na ang banda. Maliban sa Eraserheads, itinuturing din nilang mga idolo ang Rivermaya, Sugarfree, Rico Blanco, Raymund Marasigan at Sandwich. Ipinangalan nila ang banda mula sa kantang “Shirley” ng Eraserheads sa “Natin 99” album at bilang pagpupugay na rin sa mga hari ng Pinoy rock.








Kontribusyon ni Pikotaro sa promosyon ng pinya, kinilala

Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio


Kinilala ng DOLE Japan, Inc. ang kontribusyon ng Japanese comedian na si Pikotaro sa promosyon ng pinya sa buong mundo sa pamamagitan ng kanyang viral hit na “Pen-Pineapple-Apple-Pen (PPAP).”

Tinanggap ni Pikotaro mula kay DOLE Philippines Agriculture Operations Director Jorge Paez ang pineapple-shaped letter of appreciation at isang taong supply ng pinya sa ginanap na “DOLE Pineapple Appreciation Award Ceremony” sa The International House of Japan kamakailan.

“It brings me great pleasure to stand before you as a representative on behalf of all those involved in the pineapple industry worldwide and to express my gratitude to Pikotaro who entertained many with his viral ‘PPAP’ song and created global excitement on the topic of pineapples,” pahayag ni Paez. 

“Along with the global excitement of Pikotaro’s song, I hope you will find a new appreciation for pineapples,” dagdag pa niya.

Regular na papadalhan ng DOLE Japan, Inc. si Pikotaro ng supply ng pinya sa loob ng isang taon na ayon sa komedyante ay balak niyang gawing juice.

Bago matapos ang seremonya ay nagsagawa rin ng pineapple cutting demonstration, patikim ng Sweetio pineapples at talakayan tungkol sa pinya kasama si Pikotaro.

Miyerkules, Mayo 10, 2017

Coldplay’s ‘A Head Full of Dreams’ Asian tour is pure magic

Ni Len Armea



 Para sa milyun-milyong fans ng British rock band na Coldplay, isang pambihirang pagkakataon ang mapanood ang banda ng personal. Ito ang unang beses na nagtanghal sina Chris Martin (vocalist), Jonny Buckland (guitarist), Guy Berryman (bassist ), at Will Champion (drummer) sa Pilipinas, ikalawang beses pagkaraan ng dalawang dekada sa Taiwan, at ikaapat na beses naman sa Singapore.
 Nagpunta rin ang Coldplay sa Thailand, South Korea at Japan.
 Sa lahat ng naging pagtatanghal ng Coldplay sa Asya, mayroong isang pagkakapareho at ito ay dinayo ng libu-libong fans ang bawat concert at lahat ay nagpatotoo kung gaano kahusay ang banda at gaano kaganda ang kanilang naging pagtatanghal.
 A visual spectacle Isang visual spectacle ang “A Head Full of Dreams” ng Coldplay mula sa malaki at makulay na stage na may mahabang runway at pop-up na entablado sa glowing wristbands na ipinasuot sa mga fans at pagsaboy ng confetti. At nang magsimula ng lumabas at tumugtog ang banda ay walang kapaguran ang mga fans sa pagtalon, paghiyaw at pagsabay sa mga luma at bagong kanta ng Coldplay.
 Sa Singapore pa lamang, mahigit sa 100,000 ang naging audience sa Singapore National Stadium sa loob ng dalawang araw na pagtatanghal ng banda. Binuksan nila ang concert sa pagkanta ng A Head Full of Dreams na agad na sinundan ng popular na kanta na “Yellow” kung saan nagkulay dilaw ang buong stadium mula sa LED wristbands ng fans.
 “Thank you for coming out tonight wherever you’re from. This is gonna be the best show we’ll ever play,” panimula ni Chris.
 Sinundan ito ng “Every Teardrop Is a Waterfall,” “The Scientist,” “Birds,” at “Paradise” na kung hindi paikot-ikot si Chris sa stage ay tumutugtog ito ng piano o kaya ay dala ang kanyang gitara na labis na ikinamangha ng mga fans.
 “This is our first show of the year. So either we’re a little rusty or we’re fresh, depends on how you see it,” biro pa ni Chris sa mga fans na karamihan ay mula pa sa Pilipinas, Indonesia, Hong Kong at ibang panig ng mundo.
 Combination of old and new songs Karamihan sa mga kinanta ng Coldplay ay mula sa kanilang 2015 album na kinabibilangan ng mga kantang “Hymn for the Weekend,” “Everglow,” “Amazing Day,” “Amazing Day,” “Up and Up,” at “Adventure of Lifetime” kung saan maraming makukulay na malalaking bola ang nagsipagbagsakan na pinagpasa-pasahan ng mga manonood.
 Hindi rin mawawala sa set list ang kanilang iba pang popular na mga kanta tulad ng “Always in my Head,” “Magic,” “Clocks,” “Viva La Vida,” “Charlie Brown,” “Don’t Panic,” “Midnight,” “A Sky Full of Stars” at “Fix You.”
 Nagbigay din ng tribute si Chris kay David Bowie sa pagkanta ng “Heroes” habang kinanta rin ng banda ang bago nilang collaboration kasama ang The Chainsmokers, ang “Something Just Like This.”
 “I think you’re one of the greatest audiences we’ve ever played for. I wish you could know what it feels like to be up here. It’s an amazing feeling,” ani Chris habang tumugtog ng piano.
 “See you next time, yeah?” na sinagot ng malakas na palakpakan at hiyawan ng fans.
 Worth the wait for Manila fans Worth the wait at worth the price naman ang sigaw ng 35,000 Filipino fans na pumunta sa Mall of Asia Arena concert grounds para sa kauna-unahang pagtatanghal ng Coldplay.
 Halos pareho lamang ang naging set list ng Coldplay sa Asian Tour nito liban lamang sa isa o dalawang kanta na mula sa napiling request ng fans. Sa Singapore ay “Til Kingdom Come” at “In My Place” ang napiling tugtugin ng banda habang “Ink” naman sa Manila na dedicated kay Ken Santiago na isang cancer patient na binisita ni Chris sa ospital bago ang concert.
 Impromptu rin gumawa ng “Manila song” ang banda kung saan ang bahagi ng lyrics ay “I’d say that the crowd is such a thrilla | They’re all killer, no filler.”
 “Sorry for making you all wait for 17 years. Lots of people were asking why it took us a long time to visit your beautiful country. We have been waiting, so we would have enough good songs,” pahayag ng 40-taong-gulang na bokalista ng Coldplay.
  

Gerald Santos, pasok sa Miss Saigon UK Tour 2017



Nakuha ng singer na si Gerald Santos ang papel na si Thuy sa Miss Saigon UK Tour 2017 na tatakbo mula Hulyo 1 hanggang 22 sa Curve Theater sa Leicester, England. Bukod kay Gerald, kasama rin sa Miss Saigon ang dalawa pang Pilipino na sina Red Concepcion at Christian Rey Marbella, na magpapalitan sa paggampan sa papel ng Engineer, at si Joreen Bautista bilang kahalinlinan ni Sooha Kim para sa papel ni Kim.

Sa panayam ni Gerald sa ABS-CBN News, sinabi niyang sobra ang kanyang pasasalamat na makuha ang role na pinangarap at pinaghirapan niyang makuha. Si Thuy ang pinsan ng bida na si Kim, isang 17-taong-gulang na babae na napilitang magtrabaho sa Saigon bar na pinamamahalaan ng Engineer at na-in love sa Amerikanong sundalo na si Chris noong mga huling araw ng Vietnam war.

Kwento ng 26-taong-gulang na si Gerald, noong nakaraang taon pa si nag-audition sa papel ni Thuy kung saan kinanta niya ang “Kim’s Nightmare.”

“Grabe, sobrang overwhelmed. Grateful and thankful to God sa wonderful blessing na ito sa aking career and sa buhay po,” pahayag ni Gerald sa ABS-CBN News.

Dumaan sa ilang rounds ng audition si Gerald na umaming hindi madali ang mga audition piece na ipinagawa sa kanya.

“Sinubukan ko lang po. Nag-audition ako and then ito na at thankfully nakapasa ako sa four stages na rigorous audition ng ‘Miss Saigon.’ Medyo matagal po ‘yung paghihintay ng announcement but worth it po lahat,” ani Gerald na nagsimula sa showbiz matapos na manalo sa “Pinoy Pop Superstar” talent competition ng GMA-7.

Laking pasasalamat ni Gerald sa mga nasa likod ng Miss Saigon dahil sa pagtulong ng mga ito kung paano niya gagampanan ang role ni Thuy.

Umaasa si Gerald na mabibigyan siya ng tips ni Robert Seña na noo’y gumanap bilang Thuy sa Miss Saigon run sa London.

“Magre-reach out kami with them. Ang nakausap ko pa lang ay si Ms. Jamie Rivera. Nakapagbigay na siya ng ilang tips at kung ano ang mae-expect ko roon. Hopefully magkaroon ako ng time with them,” dagdag pa ng singer.

Sisikapin umano ni Gerald na gagawin niya ang lahat ng makakaya para maitayo ang bandera ng Pilipinas sa international scene.

“Ipakita natin sa buong mundo kung gaano kagaling ang talento ng Filipino and I will do and give my best to make our country proud. Iwawagayway po natin ang bandila ng Pilipinas sa Europe.”