Biyernes, Agosto 30, 2013

NPO-Filipino Nagkakaisa: Ilaw at gabay ng mga JFC sa Hamamatsu


Ni Cesar Santoyo

Hamamatsu ang pinakamalaking siyudad ng Shizouka Prefecture kung saan ang mga higanteng pagawaan ng motorsiklo ay matatagpuan kagaya ng Suzuki, Yamaha at iba pa. Maraming magandang tanawin ang siyudad gawa ng mga lawa at dagat sa buong paligid. Sikat ang Hamamatsu bilang pinagmumulan ng isdang igat sa salitang Tagalog o kaya ay “unagi” kung tawagin sa Japanese.

Kilala rin ang Hamamatsu bilang lugar sa buong bansa na may pinakamaraming naninirahang Brazilians at siyempre hindi rin nagpapahuli sa paramihan ng bilang ang mga Pilipinong nakatira sa siyudad ng Hamamatsu. At ang namumunong organisasyon ng ating mga kabayan sa lugar ay ang Non-Profit Organization - Filipino Nagkakaisa o NPO-FN sa pamumuno nila Grace Nakamura at Maria Ethel Hirahara.

Kilala ang NPO-FN sa Hamamatsu sa mga tulong sa pagbibigay payo at paggawa ng event para sa mga Japanese Filipino Children (JFC) at mga magulang nila. Isang inspirasyon at magandang halimbawa ang pagkakatatag ng NPO-FN. Nagsimula ang organisasyon sa wala kahit isang lapis na masasabing pag-aari ng organisasyon. Sa ngayon ang NPO-FN ay may opisina at school program bilang resulta ng pagsusumikap nila Grace na palagiang kausapin ang lokal na pamahalaan at mga pribadong organisasyon na tumutulong sa mga dayuhan.

Dahil sa bagong salta ang mga bata at hindi nakakaintindi ng Nihongo ay kinakailangan ng mga ito ng tulong sa pagpasok sa paaralan. Nagtatrabaho sa ilalim ng Hamamatsu Board of Education sila Grace at Ethel sa paaralan bilang Filipino Bilingual Supporter sa public elementary at high school. Sumasama sila sa mga bata sa loob ng silid-aralan para mag-translate para makasabay sa klase ang mga JFC na baguhan.

Mahigit rin sa 10 ang mga Filipino bilingual supporter sa Hamamatsu na ang iba ay halos regular na nila itong trabaho at marami rin ang gumagampan bilang part-timer. Maituturing din na isa na ring propesyon ang Filipino bilingual supporter dahil sa paparaming bilang ng mga bata na lumaki sa Pilipinas at magpapatuloy ng pag-aaral rito sa Japan para makapiling ang magulang at mga kapatid.

Maliban sa pagsasalin sa Tagalog ng mga aralin sa loob ng silid-aralan ay kailangan at mahalagang maituro ng mga Filipino Bilingual Supporter sa mga bagong dating na JFC ang kustumbre at kultura ng Japanese at kung bakit kailangan na sumunod sa mga patakaran. Kailangan rin na mahusay ang mga Filipino Bilingual Supporter sa pagkuha ng loob ng bata bago pa man ang pagsama sa paaralan. Sa karaniwan ay apat na oras magkasama ang Filipino Bilingual Supporter at JFC sa loob at labas ng eskuwelahan.

Ayon kay Ethel, mahilig daw kasi siya sa bata at kung hindi ay maba-burn out sa gawain dahil may mga mood swing ang mga bata. Very challenging rin ang gawain dahil iba-ibang school ang dapat puntahan, iba-ibang bata na galing sa iba-ibang pamilya ang nakakasalamuha na maraming adjustment palagi ang kailangan.

Mahirap man ayon kay Ethel, “ang pinakanagustuhan ko bilang Filipino Bilingual Supporter ay nakakatulong na kami kasabay na natututo pa kami. Kagaya ng aking karanasan, noong bago pa lang ako sa Japan ay hindi pa ganoon kagaling ang aking Japanese. Pero hindi naglaon ay sa trabaho na ako natuto lalo na sa pagsulat ng kanji. Kasabay akong nag-aaral ng JFC. Ito ang gusto ko sa napasukan kong gawain na nakakatulong na at the same time ay natututo pa.”

Para kay Grace, “ang main purpose kung bakit kami nasa paaralan ay para ma-feel ng bata na ‘di siya nag-iisa at maging at home sila. Ang JFC na bagong dating at hindi pa marunong mag-Japanese sa loob ng classroom ay makikita sa mukha ng bata ang pag-aalala at kaba. Pero ‘pag alam niyang may kasama siyang marunong magsalita ng Tagalog ay nasasabi niya ang gusto niyang sabihin at nagkakaroon siya ng confidence na pumasok araw-araw. Nawawala ang kanilang pag-aalala at takot. Natatakot sila sa loob ng classroom dahil hindi masabi ng JFC ang gusto nilang sabihin.”

Kaagapay rin ang mga Filipino Bilingual Supporter sa kaso ng bullying sa mga JFC. Sa pagsisiwalat ni Grace, sa school ay may mga grupo na hindi agad isinasama ng mga batang Japanese ang dayuhan. Kasi ang sabi nila hindi raw marunong magsalita ang bagong dating na JFC at hindi sila maiintindihan. Kaya nag-iisa palagi ang JFC at mistulang ang Filipino Bilingual Supporter lamang ang  kagrupo at kaibigan ng JFC. Siyempre mayroon din na mga batang mababait pero hindi agad makikipagkaibigan. Sabi pa ni Grace ay marami siyang mga JFC na umiiyak, ayaw ng pumasok at uuwi na lang daw siya sa bahay at siyempre talaga namang mahirap ‘pag hindi maalam sa Nihongo.

Sa panahon na nararanasan ang bullying, ang pinakamahirap sa parte ni Grace ay marami siyang school na pinupuntahan at kung wala siya ay hindi na rin papasok ang bata. Kaya  kailangan niyang supportahan ang bata na siya ang unang naging kaibigan na tinatawag-tawagan pati na ang nanay. Marami sa kanila ay ok naman at adjustment ang kailangan bilang bigay na garantiya ni Grace sa mga magulang ng baguhang JFC.

Ang mas madaling paraan ng paghawak sa kaso ng bullying na ginagawa ni Ethel ay ang pagkausap sa guro para sabihing may bullying na nangyayari. Umasta na interpreter lamang ang bilingual supporter para maipaliwanag mabuti kung ano ang nangyari at ano ang gustong sabihin ng bata. Pwede rin na sa magulang sabihin ng bilingual supporter ang nararamdaman ng anak bilang witness sa nangyaring bullying. Ang paraan na ito ay upang ang magulang ng JFC naman ang kakausap sa teacher.

Dugtong pa ni Ethel “minsan ikaw mismo ang mahihirapan kung napi-feel mo rin na sa guro ng JFC na mismo nanggagaling ang diskriminasyon. May ganitong kaso na nangyayari kahit  minimal lamang. Siguro stressed din ang guro tapos ay may isang bata na mahirap turuan na hindi marunong mag-Japanese kaya napa-iba ang pagtingin  ng guro sa batang iyon. May ganitong kaso ng bullying na mas mahirap. Ang ginagawa na lamang ay ine-explain mabuti sa teacher kung ano ang nararamdaman ng bata.”

Hindi lamang pagtuturo at napakalawak ang ginagampanang responsibilidad ng mga Filipino Bilingual Supporter. Para na ring sila ang nanay ng JFC o bilang second mother, kaibigan, at kakampi. Ganito ang pinaparamdam nila sa mga JFC para hindi sila nag-iisa at  mayroong kakampi na kahit ano mangyari ay mayroon silang maaring lapitan. Mas maganda kung magkakaroon na ang JFC ng kaibigan at ito ang second step ng Filipino Bilingual Supporter. Hindi naman palaging kami, palaging ako at hindi ito puwede sa Filipino Bilingual Supporter at kailangan na matuto ang JFC. Sa una kailangan niya ng katulad ng mga Filipino Bilingual Supporter pero pansamantala lamang ang kaayusang ito.

Ang ilan sa mga Filipino Bilingual Supporter ng Hamamatsu ay part-timer lamang. Pero kay Maria at Ethel na maliban sa araw-araw na pagtugaygay sa JFC mula Lunes hanggang Biyernes ay mayroon pa silang hiwalay na gawain sa NPO-FN lalo na tuwing Sabado para sa mga JFC. Pagbibigay ng Japanese lesson at pagtulong sa paggawa ng homework ng mga JFC na hindi magawa dahil sa kakulangan ng Nihongo ang weekend load ng NPO-FN. Mahigit sa 30 estudyante ang tinutulungan sa ilalim ng programa ng NPO-FN sa panahon na isinulat ang artikulong ito.

Sa Saturday school ng NPO-FN ay nabubuo ang pagkakaibigan, pagtutulungan at pagkakaroon ng grupo ang mga bagong dating na mga bata mula Pilipinas. Para mas masuportahan pa ng tuluyan ang mga JFC ay nagdaraos ng mga event ang  kagaya ng pagkakaroon ng Junior and Senior prom na hinahanap na maranasan ng mga JFC sa naiwang paaralan.  Sports festival, pasyalan at marami pang iba para sa bonding activities at edukasyon ng mga kabataan at mga magulang ang ilan sa maraming gawain.

Lubhang napakalaki ng mga naitutulong ng mga Filipino Bilingual Supporter kagaya nila Grace at Ethel sa ilalim ng programa ng Hamamatsu Board of Education. At sa mahabang panahon naman ng paglalakbay ng NPO-FN sa pagtulong sa mga JFC at mga magulang nito, walang maitatapat sa kalidad at sa dami ng bilang ang nagawang tulong nila Grace at Ethel sampu ng lahat ng mga volunteers at supporters ng NPO-FN sa mga pinaglilingkuran na mga kababayan sa Hamamatsu. Talagang saludo at nagpupugay kami sa mga dakilang Filipino Bilingual Supporter sa buong kapuluan ng Japan at higit sa lahat sa mga nasa lugar ng Hamamatsu, Shizouka-ken.  


Huwebes, Agosto 29, 2013

Mga Kaugaliang Pilipino na Dapat Matutuhan ng mga Hapon


Ni Rey Ian Corpuz

Sa nakaraang isyu ay nabanggit ko ang mga kaugaliang Hapon na dapat nating matutuhan. Sa yugtong ito, ibabahagi ko naman ang mga kaugalian nating mga Pilipino na dapat matutuhan ng mga Hapon.

1. Pagiging masayahin

Sa ating kultura, kahit salat sa pera, nairaraos pa rin natin ang mga pagdiriwang tulad ng kaarawan at piyesta. Simpleng salo-salo, kantahan sa videoke at kuwentuhan ay masaya na tayo. Naaalala ko noon sa isang kumpanya na pinagtrabahuan ko sa Makati tuwing unang sweldo ng mga bagong empleyado ay nagpapa-pizza o pansit. Kahit maliit na bagay ay kinapupulutan nating mga Pilipino ng kasiyahan. Kahit mahirap ang buhay ay nakakaangat pa rin tayo sa pagiging masaya; kahit may problema ay nakukuha pa rin nating tumawa. 

Dito sa Japan, kabi-kabila ang mga Filipino Community events upang makapagbigay ng kasiyahan sa ating lahat. Subukan rin ninyo na ipaghambing ang mga kuhang larawan natin sa mga kilala ninyong Hapon, hindi ba’t mas malutong at natural ang ngiti natin? Kahit gaano kapayak ang pamumuhay ng mga Pilipino ay mas kuntento at masaya tayo sa ating buhay. 

2. Malasakit sa kapwa

Noong sanggol pa ang aming anak, parati namin itong isinasakay sa stroller. Noong buntis pa ang aking asawa ay mabibilang lang ang mga pagkakataon na may nagbigay ng upuan para sa kanya sa “priority seats.” Kung may nagbibigay man ay mga babae rin. 

Isa pang halimbawa, rush hour sa tren, may nakasakay akong matandang biglang nahirapang huminga. Ito ay humihingi ng tulong na tawagin ang staff ng train station ngunit walang Hapon ang kumilos para tumawag. Walang pumansin sa kanya. Kung fluent lang sana akong makipag-usap gamit ang emergency telephone sa loob ng train, ako na sana ang tumawag.

Sa ating mga Pilipino, kung may aksidente man, magtutulungan tayo na maihatid o ma-rescue ang nasa bingit ng kamatayan. Dito sa Japan, walang tutulong sa iyo kundi ang mga doctor ng ambulansya. Sa bagay, may punto din sila, baka kasi mas mapinsala pa ang naaksidente kung kung sinu-sino lang ang makikialam. 

3. Pagiging maparaan kahit sa simpleng bagay

Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging maparaan na kahit kulang o wala ang isang bagay ay nagagawa pa rin natin ang ating mga gawain. Halimbawa, summer vacation ngayon ‘di ba? Uso ang barbeque sa park. Kapag walang kerosene o gas para magsilab ng uling, ano sa tingin ninyo ang gagawin ng Pilipino at ng Hapon? Marahil karamihan ng Hapon ay hahanap ng pinakamalapit na convenience store para bumili ng gaas. Ang mga Pilipino malamang ay susunugin ang plastik bag na pinaglagyan ng uling at ilalagay ito sa ilalim o ‘di kaya ay maghahanap ng tuyong dahon o mga lumang diyaryo o magasin para ipanggatong sa uling. Tama ba ako?

Isa pang halimbawa ay base sa aking karanasan sa paaralan. Nagulat ang mga estudyante ko noong ginamit ko ang aking ngipin para putulin ang scotch tape habang sila ay naghahanap pa ng gunting. Marahil karamihan sa atin ay marunong magtasa ng lapis gamit ang kutsilyo o cutter. Sadyang gulat na gulat ang mga estudyante ko noong ipinakita ko sa kanila na pwedeng ipantasa ng lapis ang cutter na gamit nila. 

Kahit anong sitwasyon pa iyan, siguradong may paraan na maiisip ang mga Pilipino.

4. Pagtanggap ng kabiguan 

Kayo ba ay na “busted” na ng nililigawan ninyo? Kung ganoon, ano ang ginawa ninyo? Nagpakamatay ba kayo? Tumalon ba kayo sa riles ng tren? Pinatay ninyo ba ang inyong nililigawan? Hinarass niyo ba sa e-mail o Facebook? Ito ang isa sa mga malaking isyu sa kasalukuyan sa Japan. Mataas ang “suicide,” “stalking,” at “harassment” rate mula sa mga taong may kabiguan sa buhay. Karamihan ng suicide cases sa Japan ay dahil sa pera, pagkalugi ng negosyo o ang pagiging bangkarote ng mga kumpanya.

Sadyang matatag ang karamihan sa ating mga Pilipino. Kahit ilang beses na tayong bumagsak ay tatayo at tatayo pa rin tayo. Kung ayaw ng nililigawan mo, maghahanap ng ibang babae. Kung bagsak ang negosyo na itinayo ay mag-iisip ng panibago. Hindi lahat ng araw sa buhay ay sagana. Nakakaranas din tayo ng kahirapan at kalungkutan. Tayong mga Pilipino ay sanay sa kabiguan kaya malakas ang ating loob.

5. Close-family ties

Ang karaniwang pamilyang Pilipino ay napakalaki. Sa isang bubong ang isang mag-asawa ay may tatlo o maraming anak. Minsan kasamang nakatira si lolo at lola pati na rin si tito at tita. Sa tipikal na kaugaliang Pilipino, minsan sa isang taon ay nagkakaroon ng grand reunion ang angkan. Sa paraang ito ay nakikilala ng bawat miyembro ng pamilya ang kanilang mga malayong kamag-anak, pinsan, tito at tita at mga lolo at lola sa kabilang banda. 

Sa aspeto ng pamilyang Hapon ang usaping “close-family ties” ay halos wala sa bokabularyo ng mga Hapon. Kalimitan ang mga lolo at lola ay naiiwan sa kanilang “jikka” o unang bahay kung saan sila lumaki. Karamihan ng mga matatanda ay pinapatira sa “Home for the Aged” kung saan may private nurses na nagbabantay. Ito ay napakataliwas sa ugaling Pilipino kung saan kahit na tumanda na ang kanilang mga magulang ay sila pa rin ang mag-aalaga. 

Kayo, sang-ayon ba kayo sa mga Pilipinong kaugaliang ito? 

Beating the summer heat


Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Summer na naman po rito sa Japan kaya naman school summer vacation ng  40 days mula sa last week ng July hanggang first week ng September.  Sa lahat ng bansa, naiiba ang school break sa Japan dahil ito ay hindi sa pagitan ng dalawang school years kundi ito ay itinaon sa pinakamainit na panahon ng Japan, ang buwan ng Agosto. 

Ang dahilan, walang aircon sa  public schools (elementary hanggang senior high) dito na sinadya upang makatipid sa kuryente sa ‘di paggamit ng aircon kahit na kayang tustusan ng Japanese government o ng taxpaid money ng mga Japanese. I should know because I have taught at different public schools in the Kanto region for many years before having my job now as Business English Teacher for professional adults.  

Kaya naman ang Agosto ay panahon ng paglalakbay sa ibang bansa o sa mga malalamig na lugar ng northern Japan upang makaiwas sa napakatinding init na maaaring maging sanhi ng stroke, allergy, at iba pang mga sakit.  

Ayon sa balita kamakailan ay umabot sa 40 degrees centigrade na pinakamainit na temperatura na naitala sa kasaysayan ng Japan, na parang disyerto ng Saudi Arabia na sa kainitan.  Bukod sa mainit na panahon, nariyan ang three-day holiday o “renkyuo” na “Obon” mula Agosto 14 hanggang Agosto 16 na taunang paggunita sa mga mahal na yumao ng mga Hapon.  

Ang Obon ay isang Buddhist culture sa bawat tahanan ng mga Hapon na kung saan sa araw ng Agosto 14 ang kaluluwa ng kanilang mga yumaong kamag-anak ay sinusundo sa sementeryo at ‘pinabibisita’ sa tahanan ng naiwang kamag-anak sa pamamagitan ng lampara. Sa araw naman ng Agosto 16 ay inihahatid muli sa sementeryo ang ‘kaluluwa’ sa pamamagitan ng nakasinding lampara.  Bawat kamag-anak ay dinadalaw ang mga patay hindi sa sementeryo kundi sa altar ng bahay ng mga naiwang kamag-anak na kabaligtaran sa tradisyon ng mga Kristiyano dahil sa puntod sa sementeryo naglalagi ang mga naiwang kamag-anak sa araw ng Nobyembre 1 hanggang 2.

Ang buwan ng Agosto ay tinatawag ding ‘ghost month’ na ayon sa ancient Chinese culture na pinagbasehan ng mga Hapon ay buwan nga ng pagdiriwang para sa mga patay.  Ang mga Hapon ay hindi lang naghahanda sa bahay kundi sa komunidad din gaya ng “Obon Odori” o Bon dance na nakasuot ng yukata o Japanese summer kimono ang mga sumasayaw, may mga palaro para sa mga bata mula hapon hanggang gabi at ang pinakahuli sa pagdiriwang ay ang fireworks.  

Naiiba nga ang init ng araw tuwing summer sa Japan kaysa sa ‘Pinas kaya narito ang mga paalala at mungkahi ng mga doktor:  

1. Laging magbaon at uminom ng maraming tubig o sports drinks lalo na kung nasa labas ng bahay at pinagpapawisan ng todo upang hindi ma-dehydrate, manghina at magkasakit tulad ng heat stroke.

2. Ugaliing magmumog ng mouthwash o tubig na may asin paggising sa umaga, sa tanghali, at sa gabi upang hindi magka-sore throat. 

3. Magpahid ng sunscreen lotion sa katawan upang hindi magka-sunburn.

4. Magsuot ng pastel o light-colored na damit upang mas presko sa paningin at pakiramdam. Gayon din sa mga kurtina at kobre kama.

5. Gumamit ng payong, sumbrero, sunglasses -- may araw man o wala -- dahil kahit makulimlim tuwing summer ay nakaka-sunburn din.

6. Kung gustong mag-swimming o iba pang sports dapat ay sa mga indoor sports center ito gawin.

7. Kung nasa bahay naman at walang airconditioning unit ang lahat ng kuwarto ay buksan ang mga bintana at gumamit ng electric fan.

8. Ugaliing maligo sa umaga, tanghali, at bago matulog kung nasa bahay maghapon.

9. Palamigin muna ang pagkain bago kainin kung ito ay bagong luto.

10. Bukod sa sunscreen lotion, pahiran din ang katawan ng mosquito o insect repellent lotion upang hindi katihin ang katawan.

Hope everything is well with you and your loved ones during this summer!  Stay safe and have fun whatever you are doing!     

Sulyap sa mga Kabataang Pilipino sa Japan


Ni Al Eugenio


“Papa, si Mark, wala  na… Patay na siya.” Ito ang umiiyak na tinig ni Sebie  na narinig ng kanyang ama mula sa telepono. “Pinatay siya, ‘Pa! Paano nangyari  ‘yun ‘Pa? Nandito tayo sa Japan.” Pilipino rin ang pumatay kay Mark na dati nilang kasamahan sa trabaho. Dating kasintahan ng pumatay ang kasama ni Mark nang maganap ang krimen.

Sabay lumaki sina Mark at Sebie. Magkalaro noong sila ay maliliit pa, magkatabing matulog at magkasalong kumain. Bagama't iba ang kanilang mga magulang, higit pa sa tunay na magkapatid ang kanilang turingan. Hindi nila kasama ang kanilang mga magulang sa kanilang paglaki dahil OFW ang mga ito. 

Marami ang mga kabataang katulad nila na lumaki sa Pilipinas habang ang mga magulang ay naghahanapbuhay sa Japan. Kadalasan ay nag-aasawa ng Hapon ang kanilang mga ina upang mapalawig ang kanilang pamimirmihan dito at pagdating ng panahon at magkaroon na ng tamang dokumentasyon ay saka pa lamang aasikasuhin ang pagpapapunta sa kanilang mga anak dito sa Japan para makapaghanapbuhay.

Subalit ang nakakalungkot ay marami sa mga kabataang ito ang hindi makakasama sa normal na pamumuhay ang kanilang mga magulang. Ito ay dahil marami sa kanilang mga ina ay nahihirapan na sila ay ipakisama sa asawang Hapon. Kaya naman ang marami sa mga kabataang ito ay nakabukod ng tirahan at nag-iisang binubuhay ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto. Palipat-lipat ng iba't ibang trabaho sa iba't  ibang lugar hanggang sa makatagpo ng tamang trabaho na aangkop sa mga pangangailangan sa isang maayos na pamumuhay. 

Mapalad ang mga kabataang Pilipino na nakakapasok sa kumpanya kung saan madali ang trabaho, may maayos na pasahod, may health insurance at may mga kasamang magiging kaibigan na maaaring mapagdaingan ng mga problema. Sa ganitong proseso, kapwa kabataan din ang kanilang nakikilala na kalaunan ay nagiging kaibigan o katropa. Mga kabataang tulad din nila ay hindi pa masyadong malalim ang mga karanasan sa buhay. 

Sila-sila ang nagbibigayan ng mga impormasyon,  opinyon at mga kwento ng karanasan upang pilit na maisaayos ang kanilang pamumuhay. Sa kanilang mga murang kaisipan ay unti-unti nilang iwinawasto ang kanilang mga pag-uugali nang sa gayon kahit na salat sa sapat na edukasyon at patnubay ng magulang ay magkaroon sila ng puwang sa lipunan.

Maaari na dahil sa kakulangan sa pagmamahal  na dapat ay ibinibigay sa kanila ng kanilang mga magulang, sabik ang mga kabataang ito na magkaroon ng makakasama na higit pa sa kaibigan. Isang kasama sa buhay na tunay na mamahalin at mapagkakatiwalaan na kung maaari ay makasama habambuhay upang ang solong buhay nila ay magkaroon ng katuturan. Marahil hangad din nila na pagdating ng panahon ay magkaroon ng sariling pamilya na matatag at hindi matulad sa kanilang malungkot at kumplikadong pinagmulan.

Marami sa atin dito sa Japan, hindi lamang ang mga kabataang ito, ang naghahangad ng tapat na makakasama sa buhay. Subalit dahil sa masyado tayong okupado ng ating mga trabaho ay kulang tayo sa pagkakataon na makapili o kaya naman ay makahanap ng tamang taong makakasama natin sa buhay. Kaya naman madalas na tayo ay nagkakamali. At kung minsan ay hindi na lang natin binibigyan ng masusing pansin dahil sa nakakatulong ito na mailayo tayo sa kalungkutan at pangungulila. 

Kaya kapag ang taong ating nakasanayan nang kasama sa araw-araw ay nawala sa ating buhay ay doon natin mapapagtanto kung gaano kahalaga ang laging may kasama -- kakwentuhan, kaaway, kabiruan, kasalong kumain at kaakbay sa paglalakbay sa pang-araw-araw na buhay. Doon natin maiisip kung gaano kahirap ang mag-isa sa buhay dito sa Japan. 

Ang kalungkutang ganito kaya ang naramdaman ng batang nagbigay ng labing-siyam na saksak kay Mark o simpleng batang-isip lamang na hindi makapayag na ang dati niyang kasintahan ay kapiling na ni Mark? Beinte-tres lamang ang edad ng batang ito na mismong sumuko sa mga pulis bilang pag-amin sa nagawa niyang krimen. At si Mark naman ay katatapos lamang ng kanyang ikadalawampu't isang kaarawan.


Japanese PM Shinzo Abe, bumisita sa Pilipinas


Ni Florenda Corpuz


Makalipas ang mahigit anim na taon, muling bumisita sa Pilipinas si Japanese Prime Minister Shinzo Abe kamakailan para sa dalawang araw na opisyal na pagbisita na may layong ibayong patatagin ang “bilateral relations” ng dalawang bansa.
Dumiretso si Abe sa Intercontinental Hotel sa Makati City para sa isang reception na inorganisa ng Philippines-Japan Society.

Ayon kay Abe, siya ay nagagalak na muling makabisita sa Pilipinas matapos ang kanyang pagkapanalo sa pwesto. Unang bumisita si Abe sa Pilipinas noong Disyembre 2006 habang nanunungkulan sa kanyang unang termino sa pagiging punong ministro ng Japan.

Sinabi rin ni Abe na bilang parehong maritime nations ay suportado niya ang Pilipinas sa posisyon nito sa pagpapatupad ng batas sa umiigting na usapin sa agawan ng teritoryo sa West Philippines Sea. Umaasa rin ang punong ministro na makapag-ambag ang Pilipinas sa kapayapaan at kasaganaan ng mga rehiyon sa Asya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin na suportado ng international community.

Pinuri rin ni Abe ang patuloy na pagdami ng populasyon ng Pilipinas na siyang asset ng bansa salungat sa nararanasan na aging society ng Japan.

Samantala, mainit naman na tinanggap ni Pangulong Benigno Aquino III si Prime Minister Abe sa palasyo ng Malacañang noong Hulyo 27. Sa arrival honors, sinalubong si Abe ng 21-gun salute habang tinutugtog ang pambansang awit ng dalawang bansa. Pagkatapos ng seremonya, nagtuloy ang dalawa sa loob ng palasyo para sa tradisyonal na pagpirma ni Abe sa palace guest book. 

Sa isang press conference na ginanap sa Malacañang, tiniyak nina Abe at Aquino na patuloy na magtutulungan ang Pilipinas at Japan tungkol sa usaping pangkaunlaran. 

“For Japan, the Philippines is a strategic partner, we share fundamental values and many strategic interests,” ani Abe.

Inilatag ni Abe sa kanyang talumpati ang apat na punto ng kanyang pagbisita sa bansa: ang pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa, ang pagpapaigting ng maritime cooperation, ang ayuda sa Mindanao peace process at ang pagpapalakas ng turismo.

Dinagdag din ni Abe na umaasa ang Japan na gagamitin ng Pilipinas ang digital terrestial television sa digital broadcasting ng bansa gayon din ang pagpapaigting sa disaster response sa pamamagitan ng paglalaan ng loan credit na aabot sa Y10 bilyon.

Nangako rin ang Japan ng 10 patrol vessels upang palakasin ang pwersang pandagat ng Pilipinas. Matatandaan na nauna nang nagbigay ng communications systems ang Japan.

Iprinisinta rin ni Abe ang topographical map ng Mindanao na pinondohan ng Japan.

Kasabay nito, nagpasalamat rin si Aquino para sa tulong teknikal na ibinigay ng Japan International Cooperation Agency sa pagbubuo ng Transport Roadmap Study sa Metro Manila at iba pang lugar. Ipinahatid din ng pangulo ang kanyang pasasalamat para sa Japan-Bangsamoro Initiative for Reconstruction and Development ng Japan na may malaking naitulong sa socio-economic development, community at human resource development ng gagawing political body.

Nangako rin ang dalawang lider na magpapatuloy ang people-to-people connectivity, relaxation sa visa requirement ng mga Pilipino na nais pumunta sa Japan at pagpaparami ng scheduled flights. 

Sa naganap na state luncheon, sinabi ni Abe na ang kanyang lolo na si dating Prime Minister Nobusuke Kishi ang kauna-unahang punong ministro ng Japan na bumisita sa Pilipinas noong 1957.

“[A]nd ever since then, both Japan and the Philippines have continued to foster friendship,” ani Abe.

Nagpasalamat si Abe kay Aquino para sa mainit na pagtanggap at pinapurihan din ang magandang ekonomiya ng bansa.

“Mr. Prime Minister, the relations between our countries have been extensive and historic. After overcoming conflict, we have developed both a strong alliance and a deep friendship,” pahayag ni Aquino.

Nauna nang nagtungo sa Rizal Park si Abe bago ang pagbisita sa Malacañang para sa wreath-laying rites sa paanan ng monumento ng pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal. Dito ay sinamahan siya ni Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada.

Ang pagbisita na ito ni Abe sa Pilipinas ay bahagi ng kanyang three-Asian nation tour kabilang ang Malaysia at Singapore.

Philippine Consular Services Forum ginanap sa Nagoya


Ni Nestor Puno


Matagumpay na ginanap ang Philippine Consular Services Forum na inorganisa ng Philippine Society in Japan (PSJ Nagoya), Filipino Migrants Center (FMC) at Naka Ward Office, sa pakikipagtulungan ng Philippine Consulate General – Osaka, Kobe sa Tsunagaretto, Nagoya kamakailan.

Aabot sa 90 katao ang dumalo sa forum na pawang mga lider at miyembro ng iba’t ibang Filipino community sa Tokai region. Dumalo rin sa forum ang mga abogadong Hapon, administrative lawyers at mga kasapi ng mga non-governmental organizations na tumutulong sa mga Pilipino.

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng bating panimula ni Nestor Puno, pangulo ng PSJ Nagoya na sinundan naman ng bating pambungad ni Naoyuki Takahashi, pinuno ng Community Development Office ng Naka Ward kasunod ang pagbati ni Consul General Maria Theresa L. Taguiang ng Philippine Consulate General – Osaka, Kobe. 

Nagbigay naman ng lecture sina Consul Jerome John O. Castro at Vice-Consul Dominic Xavier M. Imperial. Pinamunuan naman ni Prof. Sachi Takahata ng University of Shizuoka katulong sina Liberty P. Suzuki ng Konsulado at Miki Goto ng FMC ang pagsasaling-wika. Punong abala naman si Noemi Oba ng PSJ Nagoya habang si Virgie Ishihara, Executive Director ng FMC ang nagbigay ng pangwakas na pananalita.

“Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa ating Konsulado sa pagpapaunlak sa ating imbitasyon, sa mga lider ng Filipino organizations na dumalo, at sa mga Hapon na ating ka-network. Nawa’y nakapagbigay ang forum na ito ng dagdag na kaalaman at paglilinaw sa ating lahat. Inaasahan po namin ang muli nating pagkikita-kita sa mga susunod na talakayan na may kaugnayan sa ating pamumuhay dito sa Japan,” pahayag ni Puno.

Tinalakay sa forum ang mga alituntunin at pamamaraan sa pag-apply ng mga dokumento sa Konsulado tulad ng kasal, rehistro ng pagsilang, dual citizenship, pasaporte, NBI at RA 10172 (pagtama sa mga maling impormasyon sa birth certificate na may kaugnayan sa araw at buwan ng kapanganakan at kasarian). 

Nasagot ng mga kinauukulan ang karamihan sa tanong ng mga dumalo habang marami rin ang hindi naharap dahil sa kakulangan ng oras. Sa huli, napagkaisahan ng mga organizer na ipaabot sa PSJ ang mga katanungang hindi nasagot na ipapaabot naman ng grupo sa Konsulado upang makakuha ng karampatang kasagutan. 

Martes, Agosto 27, 2013

AFSJ nagtanghal sa 8th ASEAN Festival


Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Arrianne Dumayas
Mahigit sa 40 Pilipinong estudyante sa Japan ang nagtanghal sa matagumpay na pagdiriwang ng 8th ASEAN Festival na ginanap sa Hollywood University of Beauty sa Roppongi, Tokyo kamakailan. 

Ipinamalas ng mga estudyante na miyembro ng Association of Filipino Students in Japan (AFSJ) ang kanilang talento sa pamamagitan ng pag-awit ng Kundiman, pagsayaw ng Tinikling at pagrampa sa isang fashion show kung saan ipinagmalaki nila ang mga tradisyunal at modernong kasuotang Pilipino. Nagtinda rin sila ng mga paboritong pagkain at inuming Pinoy tulad ng adobo, buko juice at mango juice.

“Activities like the ASEAN Festival helps promote not only traditional Filipino culture but also the modern and hip culture of today's Filipino youth. And I think with the merge of the old and the new in our presentation, fashion show and the way we marketed our booth, we were able to show that to the Japanese and other cultures,” pahayag ni Mario Rico Florendo, pangulo ng AFSJ. 

May temang “å’ŒASEAN”, ang 8th ASEAN Festival ay taunang pagdiriwang na may layong ipakilala sa mga Hapon at iba pang dayuhan ang kultura ng mga bansa sa Timog Silangang Asya na kinabibilangan ng Pilipinas, Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam. Ito ay in-organisa ng ASEAN Youth Network sa Japan kung saan kasapi ang AFSJ. 

Humigit-kumulang sa 80 ang miyembro ng AFSJ na may misyong pag-isahin ang lahat ng Pilipinong estudyante sa Japan, tulungan sila sa kanilang pag-aaral at gawing masaya at kapaki-pakinabang ang kanilang buhay-estudyante.

Tinatayang aabot sa 2,000 panauhin ang dumalo sa kasiyahan.

Ang 8th ASEAN Festival ay bahagi ng ika-40 taong pagdiriwang ng ASEAN-Japan Friendship and Cooperation.

9 Japanese-Filipino, naghain ng petisyon para sa Japanese citizenship

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
TOKYO, Japan – Dumating sa Tokyo ang siyam na war-displaced second generation Japanese-Filipino kamakailan upang ipagpatuloy ang proseso ng kanilang petisyon na makamit ang Japanese citizenship ng kanilang mga ama.

Humarap sa Tokyo Family Court para sa interview sina Antonio Takara, 68, mula sa Baguio City; Jovani Kiyama, 67, mula Iloilo City; Jovita Uehara, 67, mula sa Quezon City; Inia Kato, 79, mula sa Sarangani; Hibico Suzuki, 68, mula sa Ilocos Sur; Rogelio Kimura, 69, mula sa Nueva Ecija at Saide Takihara, 72, Francisca Takimoto, 81, at Oligario Nagata, 67, mula sa Davao City. 

Naghain ng ‘shuseki’ petition ang siyam na ‘nikkei-jin’ upang makakuha ng bagong ‘koseki’ o family registry para sa isang tunay na Japanese citizen na hindi rehistrado ngunit may permiso mula sa family court.

“Mahirap ang buhay namin sa Nueva Ecija. Kung maaaprubahan ang aking petisyon at makuha ko ang Japanese citizenship, nais ko na dito na tumira sa Japan kasama ang aking asawa at mga anak,” pahayag ni Rogelio Kimura na nagsumite ng petisyon noong Disyembre 2010.

Ang ama ni Rogelio na si Kiichiro Kimura ay dumating sa Pilipinas noong 1936 mula Hiroshima. Pinakasalan nito ang kanyang ina noong 1939. Nagsilbi ang matandang Kimura bilang military police officer noong World War II at pinabalik sa Japan matapos ang digmaan kaya sila ay naiwan sa Pilipinas.

“Napakasaya ko na narating ko ang Japan. Parang nabuo ang aking pagkatao,” sabi pa ni Kimura habang pinapakita ang litrato ng kanyang ama. Ang kanyang mga anak ay nauna nang nakarating dito sa Japan at kasalukuyang naninirahan sa Kanagawa-ken.

Karamihan sa mga war-displaced descendants ay nakaranas ng diskriminasyon matapos ang giyera kaya napilitan silang itago ang kanilang tunay na pagkakakilanlan at itapon ang kanilang mga identification papers at mamuhay sa kahirapan. 

Ayon kay Norihiro Inomata, Secretary General ng Philippine Nikkei-Jin Legal Support Center (PNLSC), isang non-profit organization na tumutulong sa mga Filipino nikkei-jin na maibalik ang kanilang Japanese citizenship, aabot sa 3,000 ang war-displaced descendants na nasa Pilipinas, nasa 900 ang hindi pa nakikilala ang kanilang mga ama at nasa 200 naman ang nais maibalik ang kanilang Japanese citizenship.

“Many of these war-displaced descendants want to reacquire their Japanese nationality so that they can let their children and grandchildren come to Japan and work,” ani Inomata.

Nanatili ng limang araw sa Japan ang siyam na war-displaced descendants kung saan bahagi ng kanilang homecoming tour ang pagharap sa family court, pagdalo sa isang dialogo at pagbisita sa mga lugar sa bansa tulad ng Kamakura at Yokohama.  

Ang pag-recover sa citizenship ng mga war-displaced nikkei-jin ay proyekto ng Nippon Foundation at Philippine Nikkei-Jin Legal Support Center na sinimulan noong 2006. Sa kasalukuyan, 92 na ang nakakuha ng Japanese citizenship mula sa 172 na petisyon. 


‘It’s More Fun in the Philippines’ slogan wagi sa Japan

The winning ad - Tropical Winter. More Fun in the Philippines.

Panalo ang branding campaign ng Department of Tourism (DOT) na “It’s More Fun in the Philippines sa Readers’ Choice for the “Fun” category ng Yomiuri Advertising Award 2013 na ginanap sa Prince Tower Hotel, Tokyo kamakailan.

Ayon kay Tourism Attache to Tokyo Valentino Cabansag, ito ang unang pagkakataon na nagpalabas ng anunsyo ang DOT sa Yomiuri na isa sa mga nangungunang diyaryo sa Japan.

“It may be beginner’s luck as this is the first time that the DOT has advertised in Yomiuri, one of Japan’s leading newspapers. We were told that the DOT is the only national tourism organization (NTO) recipient under this category which could mean one thing: we are undisputedly FUN,” pahayag ni Cabansag.

Pangatlo ang Japan sa bilang ng dami ng mga turistang bumibisita sa Pilipinas na umabot sa 179,984 o 8.95% mula sa kabuuang bilang na 2.011 milyon mula Enero hanggang Mayo 2013.

“Japan’s economy is slowly on the rebound and the shift from long-haul to short-haul destinations augurs well for our country which is a favorite resort destination in Asia. However, we need to raise our comparative advantage in other product offerings.

“Aside from continuous brand awareness and goodwill activities with consumer and travel trade, more in-depth studies of the market segments will enable our industry to better prepare destinations and products that will match evolving preferences,” ani DOT Asst. Sec. Benito C. Bengzon, Jr., pinuno ng Market Development Group.

Samantala, nagpahayag din ng pagkatuwa si Tourism Sec. Ramon R. Jimenez, Jr. sa parangal na ito.

“Tourism is only as strong as the support and interest on the ground. We at the DOT continue to look up to our partners in the industry in finding ways to turn our vision into reality. The beauty of our branding campaign is that it invites people from all walks of life to join in and come up with their own versions of the catch phrase. That is to say, there’s plenty of room for creativity and participation.

“It’s more fun in the Philippines is more experiential, dwelling on real and palpable experiences. Indeed, what started as a simple slogan has now become a country statement and a badge of pride among travelers, Filipinos, and foreigners alike,” giit ng kalihim ng DOT.

Nagsimula noong 1984, layon ng Yomiuri Advertising Awards na hikayatin ang mga mambabasa nito na piliin ang mga tatanghaling mananalo sa prestihiyosong award-giving body sa Japan.

Martes, Agosto 13, 2013

Origami at toy exhibit binuksan sa publiko


Ni Jovelyn Javier

Kuha ni Jovelyn Bajo
Pinamagatang “Tomodachi” ang selebrasyon ngayong taon para sa ika-40 na taong anibersaryo ng ASEAN-Japan Friendship and Cooperation at Japan-Philippines Friendship Month.

Akmang-akma ang pamagat na Tomodachi, na ang ibig sabihin ay kaibigan, para sa pagdiriwang ng napakahalagang pang-kulturang kaganapan na ito. Sa pamamagitan nito, mas lalo pang mapagbubuti ang nasimulan ng magandang kooperasyon at samahan sa pagitan ng gobyerno ng Japan at Pilipinas. Gayon din ang magandang palitan ng kaalaman sa pamagitan ng dalawang bansa tungkol sa kani-kanilang kultura.

Isa sa mahalagang bahagi ng kultura ng mga Hapon ay ang origami. Ito ang dahilan kung bakit idinaos ang “Endless Discovery: An Origami and Cultural Exhibit” sa Shangri-La Mall kamakailan bilang bahagi ng friendship month.

Ang origami ay mula sa salitang ‘ori’ (folding) at ‘kami’ (paper) kung saan ang kami ay pinapalitan ng ‘gami’ dahil sa rendaku, isang sequential voicing.

Ayon sa ilang pag-aaral, ang unang reperensiya sa origami ay mula sa isang tula ni Ihara Saikaku noong 1680 kung saan isinasalarawan nito ang paru-parung gawa sa papel sa isang panaginip. Ang mga paru-parung papel na ito ay kalaunan naging malaking simbolo sa kultura ng Japan kung saan ito ay ginagamit sa kasalang Shinto. Gayon din ang mga samurai na gumagamit ng ‘noshi’ -- isang token na gawa sa tinuping piraso ng papel na sumisimbolo sa swerte. 

Ang layunin ng isang origami ay para makagawa ng isang iskultura sa pamamagitan ng pagtitiklop at ilang estilo sa paglililok. Ilan lamang sa mga klase ng origami sa exhibit ay ang 3D origami na dinisenyo at itinupi ni Ronaldo Pacho, Kawasaki Roses na disenyo ni Toshikazu Kawasaki at itinupi ni Sam Zipagan, Kusudama sa disenyo ni Paolo Bascetta, Tadashi Mori, E. Lukasheva at itinupi ni Leo Natividad, Skeleton Tyrannosaurus Rex sa disenyo ni Issei Yoshino at itinupi nina Sir Patrick at Renelyn Nonato. Ang iba pang origami ay ang Origami Masks, Origami Fire Sorcerer, Origami Star Wars at Origami Polyhedron. 

Toy Exhibit 

Isa pang magandang exhibit ay ang “Destination: Imagination (A Japanese Toy Exhibit)” kung saan ipinakita ang ilan sa mga kilalang laruan mula sa Japan. Kabilang na dito ang Gundam toys, life-size replicas ng Voltes V, Hello Kitty at marami pang iba. 

Ang Gundam toys ay nanggaling sa Gundam series, isang anime na ginawa ng Sunrise studios na nagtatampok sa malalaking robots (mecha) at ang mga ito ay tinawag na ‘Mobile Suits’ (MS). Inumpisahan ito noong April 1979 bilang isang de-seryeng TV show na pinamagatang ‘Mobile Suit Gundam’ at ang konsepto nito ay pangunahing binuo ng kilalang animator na si Yoshiyuki Tomino kasama ang grupo ng animators ng Sunrise. Kinalaunan ay nabuo na ang mga iba’t ibang klase ng Gundam toys at Gundam collectible cards. 

Samantala, ang Voltes V naman ay isa ring sikat na anime TV series na sinimulan noong Hunyo 1977 na ginawa ni Saburo Yatsude. Ang kwento nito ay tungkol sa mga magiting na pakikipagsapalaran ng mga batang robot pilots na tinatawag na The Voltes Team. 

Ang Hello Kitty naman ay isang kathang-isip na tauhan na ginawa ng Sanrio na unang dinisenyo ni Yuko Shimizu. Si Hello Kitty ay isinasalarawan bilang isang Japanese bobtail cat na puti at may red bow at unang nakita sa isang vinyl coin purse na ipinakilala sa Japan noong 1974. Simula nito, naging malaking bahagi na ang Hello Kitty lalo na sa pagiging ‘kawaii’ o cute nito sa Japanese popular culture. 








Miyerkules, Agosto 7, 2013

Bento: Isang malikhaing bersyon ng lunch box

Kuha ni Jovelyn Bajo


Malaking bahagi ng kultura ng Japan ang kanilang pagkain at isa na rito ay ang  malikhaing paraan ng isang lunch box, ang "bento." Ang ibig sabihin ng bento sa Ingles ay lunch box ngunit hindi ito kagaya ng kadalasang lunch box na nakikita ng karamihan sa atin. Ang salitang bento ay nagmula sa isang  termino sa katimugang bahagi ng Song Dynasty na ang ibig sabihin ay “convenience.”

Naiiba ang bento dahil sa paraan ng pagkakaayos at hugis nito. Importante sa isang bento na maging malikhain, puno ng magagandang kulay para maging kaaya-aya sa paningin. Para sa mga Hapon, hindi lang ang lasa ng pagkain ang pinagtutuunan ng pansin kundi pati rin ang pisikal na itsura nito. 

Sa mga Haponesa, pangkaraniwan na sa kanila ang ipaghanda ang kanilang mga anak, asawa, magulang, kapamilya o para sa sarili ng bento bago pumasok sa eskwelahan, sa opisina o pagpunta sa ibang lugar. Ito rin ay isang mabisang paraan para mas maging magana ang mga bata sa pagkain dahil natutuwa sila sa magagandang kulay at mga dekorasyon sa bento na gawa ng kanilang mga ina. 

Ayon sa mga pag-aaral, ang bento ay nag-umpisa mula pa noong Kamakura period kung saan ang luto at pinatuyong kanin na tinatawag na “hoshi-ii” ay nilalagay sa isang sisidlan. 

Mas higit na nakilala ang bento noong 1980’s ng magkaroon na ng microwave ovens at convenience stores. Ang mga dating sisidlan na gawa sa kahoy o metal ay napalitan na ng mas mura at disposable na lagayan. 

May iba’t ibang klase ng bento, ilan dito ang Kamameshi bento na itinitinda sa mga istasyon ng tren sa Nagano prefecture na niluto at nakalagay sa palayok na luwad; Noriben – na pinakasimpleng bento na may nori na isinawsaw sa toyo at nakapatong sa kanin; at Sake bento na isa ring simpleng bento na may inihaw na salmon bilang main dish at marami pang iba. 

May tatlong klase ng istilo sa pag-aayos ng isang bento. Isa na ang “kyaraben” ( character bento) na inaayos para magmukhang katulad ng mga sikat na Japanese anime, manga at video game characters. Ang “oekakiben” (picture bento) naman ay inaayos na gaya ng mga tao, hayop, gusali, bulaklak, halaman at monumento. 

Sa kalaunan, nagkaroon na rin ng ibang bersyon ang bento sa ibang bansa sa Asya gaya ng Pilipinas sa tinatawag nilang baon, Dosirak naman sa Korea, Pientang sa Taiwan at Tiffin sa India. 

Narito ang ilang gabay sa paggawa ng bento. Una, hatiin ang pagkain sa dalawang paraan – ang 4:3:2:1 ratio (4 parts rice, 3 parts side dish, 2 parts vegetables, 1 part dessert) o 1:1 ratio ( 1 part rice, 1 part side dish -1:2 ratio of meat and vegetables). Ito ay para magkaroon ng magkakaiba ngunit balanse at masustansiyang pagkain. Pangalawa, kumuha ng bento box na may compartments na naaayon sa tamang proporsyon ng bento. 

Pumili ng mga klase ng pagkain na maliwanag ang kulay dahil mas makulay mas masustansiya at mas kaakit-akit sa paningin tulad ng broccoli, carrots, strawberry, asparagus, black sesame seeds at iba pa. Higit sa lahat, gumawa ng kapansin-pansin na mga disenyo at hugis sa paggamit ng stencils at naayon sa temang gusto mo. At huli, isara ang lunch box ng mahigpit at ayusin ang mga ito ayon sa mga sukat. 





Dolby Atmos technology nasa Pilipinas na


Ni Jovelyn Javier
Sina Precy M. Florentino, Mayor Guia Gomez, Sen. JV Ejercito, Mr. Ignacio Ortigas at Paolo Mendoza sa ribbon cutting ceremony ng Dolby Atmos. 

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ang bansa ng bagong rebolusyonaryong teknolohiya sa industriya ng pinilakang-tabing. Ito ay ang Dolby Atmos na isang makabagong sound technology na tinitingala sa buong mundo. Kamakailan lang ay inilunsad ito sa New Promenade Cinemas 6, 7 at 8 sa Greenhills Shopping Center. 

Sa pamamagitan ng Golden Duck Group, ang Southeast Asian distributor nito, ipinagkaloob ang rights ng Dolby Atmos sa Greenhills Cinemas. Dahil dito, bukod-tanging ang Greenhills Cinemas lamang ang may Dolby Atmos sa kanilang mga sinehan dito sa bansa. At nito lamang ay ginawaran din ang Dolby Atmos ng Technical Achievement Award for Post Production ng Cinema Audio Society. 

Nagbibigay ng kakaibang cinematic experience ang Dolby Atmos sa bawat pelikulang mapapanood kung saan ito ang gamit. Kakaiba ito dahil mayroon itong maraming speaker na nakalagay sa lahat ng sulok ng sinehan. Ang mga speaker na ito ang gumagawa ng malakas at dramatikong tunog at naigagalaw nito ang tunog sa kahit saang parte ng sinehan kung kaya’t mas nagiging makatotohanan ang pelikulang pinapanood. 

Magiging daan din ito para muling maibalik ang dating atmosphere ng mga sinehan tulad na lamang ng pagkakaroon ng iba’t ibang klase ng mga mural at art pieces na dati ay nakikita sa sinehan, ngunit habang umaasenso at nagiging makabago ang industriya ng sine ay tuluyan na itong tinanggal. 

Isa sa mahalagang bahagi ng paglulunsad ng Dolby Atmos ay ang paglalantad ng isang malaking mural na tinawag na ‘8 Movements’ at gawa sa metal ng National Artist for Visual Arts Benedicto Cabrera (BenCab). Ito ang pinakamalaki at kauna-unahang mural na gawa sa metal mula kay BenCab. 

Dinaluhan ang naturang selebrasyon at pagbubukas ng Dolby Atmos sa Greenhills ng maraming kilalang opisyales mula sa pulitika at negosyo gaya nila Mayor Guia Gomez ng San Juan, Senador Loren Legarda, Senador JV Ejercito, Mrs. Marga Ortigas ng Ortigas & Company Limited Partnership, Senador Grace Poe Llamanzares, Precy Florentino ( Greenhills Cinemas president), at Paolo Mendoza (vice president – Music Museum Group, Inc at general manager ng Greenhills Cinemas. )

Mararanasan na ng mga Pinoy sa kauna-unahang pagkakataon ang kakaibang sound technology ng Dolby Atmos sa pagpapalabas ng pelikulang Pacific Rim, isang science-fiction monster movie na idinirehe ng batikang aktor na si Benicio del Toro ngayong Hulyo.



Martes, Agosto 6, 2013

Shin-Yokohama Raumen Museum: World’s First Food Amusement Park


Ni Oliver Corpuz

Kuha ni Oliver Corpuz
Ang ramen ay isang uri ng noodle dish na itinuturing na pangunahing staple food sa Japan. Mula China, inangkat at ipinakilala ito ng Japan sa mga mamamayan nito noong Meiji period (1868-1912). Sa paglipas ng panahon, ito ay naging popular at paboritong pagkain na inakma sa panlasa ng mga Hapon. 

Dahil sa popularidad ng ramen sa Japan, naisip ni Yoji Iwaoka, isang ramen connoisseur na magtayo ng ramen museum sa Shin-Yokohama, ang lugar kung saan siya isinilang at lumaki. Taong 1994 nang magkaroon ng katuparan ang ideya na ito ni Iwaoka at buksan sa publiko ang Shin-Yokohama Raumen Museum, ang kauna-unahang food amusement park sa buong mundo.

Ang Shin-Yokohama Raumen Museum ay nahahati sa dalawang bahagi. Ang una ay ang ramen restaurant mall kung saan matatagpuan ang siyam na ramen restaurants na napili mula sa libu-libong ramen-ya mula sa iba’t ibang bahagi ng Japan. Kabilang sa mga ito ang Ryusyanhai mula sa Yamagata, Ganja ng Saitama, Menno-bou-toride ng Shibuya sa Tokyo, Kamome-syokudo ng Sendai, Komurasaki ng Kumamoto, Sumire ng Hokkaido, Shinasoba-ya ng Kanagawa, Nidaime-genkotsu-ya ng Tokyo at Ikemen Hollywood mula naman sa Amerika. 

Bawat ramen-ya ay popular sa pinagmulang lugar at may kani-kanyang specialty na inaalok sa mga lokal at dayuhang turista na gustong makatikim ng masarap na ramen. Maaaring um-order ng mini ramen at regular ramen na nagkakahalaga mula Y500-Y1,000 bawat serving gamit ang mga food stubs na mabibili sa mga vending machines. Ang pangalawa naman ay ang 1:1 replica ng Shitamachi sa Tokyo noong 1958, ang taon kung kailan naimbento ang instant ramen.

Matatagpuan din sa Shin-Yokohama Raumen Museum ang isang gallery kung saan naka-display ang mga litrato na nagpapakita sa makabuluhang kasaysayan ng ramen sa bansa. May souvenir shop at slot car racing din dito para sa mga bata. 

Isa ang Shin-Yokohama Raumen Museum sa mga pasyalan na hindi dapat palampasin kung ikaw ay nasa Yokohama. Hindi lamang ito isang simpleng atraksyon bagkus ay isang makabuluhang lugar kung saan matututuhan ang kahalagahan ng ramen sa kulturang Hapon.

Ang Shin-Yokohama Raumen Museum ay lima hanggang 10 minutong lakad mula sa istasyon ng Shin-Yokohama. Bukas ito mula 11:00 ng umaga hanggang 9:30 ng gabi sa ordinaryong araw, 10:30 naman nagbubukas tuwing Linggo at national holidays. May bayad na Y300 ang entrance rito. 

Lunes, Agosto 5, 2013

Buhay Okinawa


Ni Kate Lariosa

“Nasa Okinawa, Japan ako ngayon.” Ito ang lagi kong sagot sa mga kamag-anak, kaibigan at kakilala na walang sawang tinatanong kung nasaang bansa na ako ngayon. Pero sa tuwing sinasagot ko sila, samu’t saring reaksyon ang nakukuha ko gaya ng: “Malapit ba kayo sa tsunami na nangyari sa Japan?”, “Siguro malapit ka sa Tokyo, ano?”, “Marami bang harajuku dyan?”, “Nakarating ka na ba sa Tokyo, Disneyland?”, “Genki desu ka?”, “Ohayou gozamaisu!”, “Konnichiwa!” na para bang bigla ko na lang natutuhan ang mga salitang ito nang dumating ako sa bansang ito. 

Nakakatuwang isipin na halos ganito rin ang mga tanong at reaksyon ko nang natanggap ng aking kabiyak ang travel orders namin apat na taon na ang nakakalipas. Isang sundalo sa United States Air Force ang aking asawa at itinuturing namin na isa sa mga benepisyo ang mapapunta sa iba’t ibang lugar. Pero sa totoo lang, hindi man lang ito napabilang sa listahan ng mga magagandang lugar na ninais kong puntahan. Pagkasambit niya ng Japan, biglang pumasok sa isip ko ang Tokyo, Kyoto at Yokohama na talagang popular sa mga turista na gustong bumisita sa bansa.  Pero sabi nga naming mga asawa ng sundalo ng USAF, “Home is where our airman is.” Kaya kahit hindi namin alam kung ano ang naghihintay sa aming pamilya rito, nagdesisyon kaming tanggapin ang oportunidad na ito.

Nobyembre 30, 2009 nang kami ay dumating dito sa Okinawa. Tandang-tanda ko pa dahil sa hindi man lang nakapag-trick or treat ang anak ko dahil sa wala pa kaming kakilala rito. Maalinsangan pa noon ang panahon at palibhasa’y galing kami sa Amerika, ang pagkasanay sa ibang klima ang nagpaalala sa akin na para akong nasa Pilipinas. Pero ano nga ba ang nagpabago ng puso ko kung bakit ngayon ay sobra ang pagmamahal ko sa lugar na ito? Kung tutuusin, iilang lugar pa lamang sa mundo ang napuntahan ko. Mga ilang lugar sa Amerika, Pilipinas at dito pa lang sa Okinawa ang nararating ko. Hindi ako eksperto o bihasa sa pagsasabi na ito na ang pinakamagandang lugar sa buong mundo. Pero sa ngayon, sa isang dayuhang katulad ko, nanaisin ko na balang araw ay dito na kami manirahan ng pamilya ko. 

Ilan sa mga bagay na nagustuhan namin dito ay ang kultura ng mga Okinawans. Sa halos apat na taon naming pamamalagi rito, wala pa kaming masamang karanasan kung pakikisalamuha ng mga Okinawans sa mga dayuhang kagaya namin ang pag-uusapan. Marahil isa na ito sa mga dahilan kung bakit hindi kami masyadong nanibago sa lugar. Ang pagiging magalang at maayos na pakikitungo nila sa amin ang ilan sa mga dahilan kung bakit marami sa mga pamilya ng US military ang gustong dito manirahan. 

Maraming mga Pilipino rin kaming nakilala kinalaunan. Mahilig sa basketball ang aking asawa at marami kaming nakilalang mga kapwa-Pilipino sa mga liga ng basketball sa loob at labas ng military base. Ang aking anak naman ay kasalukuyang pumapasok sa paaralan sa labas ng base. Napanatag ang loob namin dito dahil halos lahat ng kanilang mga guro ay Pilipino at maganda ang kalidad ng pagtuturo nila. 

Dahil sa napakagagandang lugar na maaari mong puntahan dito, naengganyo akong bumili ng camera para makuhanan ang mala-paraisong lugar na ito. Malilinis na dagat ang pinakapaborito kong lugar dito kagaya ng Tonnaha Beach, Ikei Beach, Okuma at marami pang iba. Nasa Okinawa din ang Charaumi Aquarium, ang pangatlo sa pinakamalaking aquarium sa buong mundo. Marami ka rin mapupuntahang dam, falls, shrines at recreational park. Kaya naman marami sa mga taga-mainland Japan ang nagpupunta rito para magbakasyon. Tipikal na island life ang buhay namin dito. 

Dahil sundalo ang aking asawa, may mga pagkakataon na napapalayo siya sa amin kapag na-deploy. Hindi rin ito nagkaiba sa mga pamilya ng OFW na kailangang malayo sa pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa. Ang pinagkaiba lang, wala ka sa Pilipinas na kasama ang iyong mga pamilya. Dito, sarili mo lang ang iyong maaasahan. Mabuti  na lang, may mga programa ang military base upang matulungan ang mga maybahay ng deployed military kung kinakailangan nila ng tulong. Nagkaroon na rin ako ng trabaho sa loob ng military base kaya halos dito nauubos ang oras ko maliban sa oras ko sa aking pamilya.

Masaya na mahirap ang buhay namin sa Okinawa. Masaya dahil ang paraisong ito ang nagpapasaya sa amin sa pansamantalang paninirahan dito. Mahirap dahil katulad ng kahit sinong Pilipino na naninirahan sa ibang bansa, hindi mo pa rin maiiwasan ang hanap-hanapin ang mga tradisyon at lugar na kinasanayan mo na sa ating lupang sinilangan. Ngunit hindi ito dapat maging dahilan ng pagkalungkot o pagkadismaya. Kahit saan mang lugar tayo mapadpad, importanteng matuto tayong tanggapin at yakapin ang iba’t ibang kultura at tradisyon ng mga bansang ito. Hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataon na maranasang marating ang mga lugar na ito kaya ito ang dapat nating ipagpasalamat.



   

Linggo, Agosto 4, 2013

Mga Kaugaliang Hapon na Dapat Matutuhan Nating mga Pilipino


Ni Rey Ian Corpuz 

Isa ako sa napakaraming Overseas Filipino Worker o OFW na nakikipagsapalaran sa ibang bansa para sa magandang kinabukasan ng pamilya at nabigyan ng pagkakataon na manirahan sa Japan. Anim na taon na rin ako rito, nagtatrabaho sa pampublikong paaralan bilang Assistant Language Teacher o ALT. Masasabi kong malaking tulong na nakakasalamuha ko araw-araw sa trabaho ang mga Hapon. Napakaraming bagay na nagpabago sa mga luma at hindi kagandahang-asal ko lalo na pagdating sa trabaho.

Unti-unti ko rin naintindihan ngayon na marami tayong kaugalian na sa pananaw natin bilang Pilipino ay tama ngunit salungat pala. At mas nagpatibay na para makilala ko ang sarili ko bilang isang totoong Pilipino ay kinailangan kong lumabas ng bansa upang makita kung ano tayong mga Pilipino sa mata ng ibang lahi.

Ilan sa mga kaugaliang ito ay:

1. Ang konsepto ng mabilis na “customer service”.

Noong nasa Pilipinas pa ako, ang pananaw ko sa Filipino customer service ay pasado na ngunit sa paninirahan ko sa Japan ay hindi maiiwasang maikumpara ang serbisyo. Sa bansang ito, kahit bumili ka lang ng mumurahing gamit o pagkain sa convenience store ay napakabilis ng daloy ng pila kahit iisa lang ang kahera. Kung nasa supermarket, hindi ka tutubuan ng ugat sa pagtayo kahit puno pa ang basket mo. At ang pinakamaipagmamalaki nila pagdating sa serbisyo? Ngiti! Mararamdaman mo ang sinseridad sa pagpapasalamat. 

Napakaingat din nila sa bawat kilos, kung may nagawa silang mali ay agad silang hihingi ng paumanhin. Sa atin sa Pilipinas, kahit P5,000 na ang pinamili mo ay bibihira kang makakita ng nakangiting cashier, hindi ba nakakainis? Lalo na bilang balikbayan na nasabik ka sa atin at gagastos ng napakamahal ay pagsusuplada pa ang isusukli sa’yo. 

2. Tamang pagsusukli.

May pagkakataon na ba na hindi kayo nasuklian ng tama o kahit Y1 dito sa Japan? Sa atin sa Pilipinas, mapa-jeep, taxi, department store, o restaurant, parating kulang ang sukli. Halimbawa, bakit ba kasi ang presyo ng mga bilihin sa atin ay may sentimo pang butal? Bakit hindi na lang sakto ang presyo para wala nang problema kung magkukulang ng panukling-barya? O kung minsan ang sukli ay kendi, minsan “thank you” na lang dahil “shouganai” na walang barya ang tindahan. 

3. Pagiging maagap o “pro-active” sa lahat ng bagay lalo na sa trabaho

Lalo na sa trabaho, ayaw ng mga Hapon na may nasasayang na oras. Kaya maunlad ang kanilang bansa dahil seryoso sa trabaho ang mga Hapon. Walang nakikinig ng music, walang nakikipag-tsismisan, walang nag-“Facebook” or “Twitter”, at walang kumakain ng pansit habang nagtatrabaho. Walarin nag-uusap tungkol sa personal na buhay, resulta ng laban ng basketbol o nangyari sa telenobela kagabi. Kung mayroon man siguro ay sa labas na ng oras ng trabaho. 

Ito ang pinakamalaking kaibahan na nakita ko. Nalaman ko na dapat bilang empleyado, nakikibagay ka rin sa ginagawa ng mga kapwa mo Hapon. Sa atin, pag may transaksyon, aabutin ng buong isang araw bago ka maserbisyuhan, sa kanila hangga’t may paraan at oras, seserbisyuhan ka. Walang petiks-petiks sa mga Hapon. Sa atin, pababalik-balikin ka hanggang mapagod ka. Kung may transaksyon sa atin at may 30 minuto na lang na naiwan bago ang uwian, eh bukas na lang dahil gipit na sa oras. Dito, kahit pumasok ka ng tatlong minuto bago magsara ang opisina ay seserbisyuhan ka pa rin.

4. Konsepto ng “accountability” o pag-ako ng responsibilidad.

Sa kulturang Hapon, kung ikaw ay nagkamali, aaminin kaagad nila at hihingi ng paumanhin. Sa mga seryoso at malaking pagkakamali, ang mga executives ng kumpanya ay nagpa-public apology at sabay “bow” sa media para ipakita ang sinseridad ng kanilang pagpapaumanhin sa nagawa nilang kamalian. Ang karamihan lalo na yung mga nasa gobyerno, nagre-resign. Iyong iba nag-su-suicide dahil nayurakan ang kanilang reputasyon. 
Pero huwag na nating pag-usapan ang gobyerno natin dahil alam nating hahaba lang ang debate. 

Simulan natin sa karaniwang tao. Sa sariling karanasan ko, sa pag-uwi ng pamilya ko noong nakaraang taon, nasira ang “baby stroller” ng aking anak at iniwan na lamang na parang basahan sa gilid ng conveyer. Kahabag-habag na makita ang gamit ng anak ko na pinasok ng maayos sa eroplano mula Japan at pagbaba sa Pilipinas ay parang walang pakialam ang mga staff na in-charge sa mga bagahe. Kumulo ang dugo ko sa sobrang galit dahil walang nakapagsabi kung ano ang nangyari sa gamit namin at ang salitang gusto kong marinig na “sorry” ay napalitan pa ng turuan. 

5. Pagmamahal sa sariling bayan.

Ito marahil ang pinakamahirap sa lahat. Alam natin na ang mga Hapon ay grabe kung magmahal sa sarili nilang bayan. Kaya nga siguro hanggang ngayon ay nangangapa pa rin sila sa wikang Ingles dahil gusto nilang palawakin ang kanilang wika. Tayo, mahal ba natin ang sarili nating bansa? 

Bilang isang OFW, ano ba ang kontribusyon natin sa pagpapalawak ng ating kultura? Sapat na ba ang pera at balikbayan boxes na pinapadala natin? Marahil “shouganai” kasi nga nandito tayo para kumita ng pera. Pero bilang isang Pilipino na nasa Japan, proud ka ba bilang isang Pilipino? Tinuturo ba natin sa mga anak natin – lalo na sa mga anak ng Japanese at Pinay -- ang mga kaugaliang Pilipino? Sana ay turuan natin ng mabubuting kaugaliang Pilipino at mga bagay at lugar na maipagmamalaki ng Pilipinas. 

May naitutulong ba tayo para mabago ang ating bansa? Kung mayroon, saludo ako sa iyo! Siguro karamihan sa atin ay nag-iisip pa rin kung papaano matutulungan ang Pilipinas. At sana’y tumulong tayo sa pagpapaangat ng ating bansa sa lahat ng aspeto.

Napakarami pang magagandang kaugalian ang mga Hapon na sa pananaw ko ay magiging gabay nating mga Pilipino para mas mapaunlad ang ating bayan. Ilan lamang po ito sa mga paalala na tayo ay mamulat sa mga mali nating kaugalian.

Ika nga nila, “Bato-bato sa langit, ang tamaan huwag magalit”.
Maraming salamat po. 

Huwebes, Agosto 1, 2013

Tampipi: Sandata ang Musika


Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Noli Fernan Perez
Bahagi na ng kulturang Pilipino ang pagkahilig sa musika. Sa katunayan, kapag sinabing musika, isa sa mga unang papasok sa isipan ay ang mga Pilipinong mang-aawit dahil sa angking husay at talento na tunay na maipapagmalaki saan man sulok ng mundo.
Katulad na lamang ng grupong Tampipi, isang Filipino ethnic pop band na gumagawa ng sariling pangalan sa Japan na binubuo nina Julius Santillan, Ivy Celeste Durante-Berry, Fernand Fagutao, Jay Pegarido at Youichi Semaishi. Sila ay pinagbuklod ng tadhana upang palaganapin ang ganda at yaman ng musika at kulturang Pilipino sa Japan.

Narito ang kabuuan ng panayam ng Pinoy Gazette sa grupo:

Sino ang Tampipi? 

Marami na ang naging miyembro ng Tampipi. Pero sa ngayon, ang Tampipi ay binubuo ng limang core members na sina Ivy Celeste Durante-Berry (vocals), isang guro na nakatira sa Australia. Si Fernand Fagutao (vocals), isang researcher ng mga isda na naka-base sa South Korea. Si Jay Pegarido (guitars), isang IT engineer na nasa Cebu. Si Youichi Semaishi (guitars/bass), ang tanging Japanese sa grupo na isang part-time worker at ang kompositor na si Julius Santillan (guitars/percussion) na isang researcher ng semiconductors dito sa Japan.

Aktibo rin sa grupo sina Candice Cabutihan-Cipullo (vocals), isang guro na ngayon ay full-time housewife at nakatira sa Canada at si Ragnar Fontanilla (lead guitars), isang IT specialist na naka-base rin sa Japan. Patuloy rin namin na nakakasama si Knollee Sales (percussion) na ngayon ay naninirahan na sa Netherlands, AJ Sahagun (guitars/drum programming) na bumalik na sa Pilipinas at Caryn Virginia Paredes-Santillan, ang aming artistic director.

Kailan at paano nabuo ang grupo?

Nagsimula ang grupong Tampipi noong 2002 nang simpleng magkatuwaan, magkantahan at magkwentuhan ang grupo ng mga iskolar na estudyante tungkol sa kanilang mga karanasan at buhay dito sa Japan. 

Bakit ninyo napili ang pangalang Tampipi? 

Ang Tampipi ay isang lumang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay “sisidlan”. Tayong mga Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa ay maihahalintulad sa isang sisidlan kung saan tayo ang nagdadala ng kultura at tradisyong Pilipino sa mga bansang ating pinupuntahan at tayo rin ang nagdadala ng karangalan para sa ating bayan. 

Ilang album na ang inyong nailabas? Lahat ba ay orihinal na komposisyon? 

Noong 2004, ni-release namin ang first album namin na pinamagatang “Mula sa Ibayo”. Puno ito ng mga original compositions base sa mga buhay, karanasan at kwento ng mga katulad namin na mga OFWs. Natapos namin ang album na ito nung lahat kami ay nandito pa sa Japan.

Ano ang bagong aabangan mula sa inyong grupo?

Ginagawa namin ngayon ang second album namin na may pamagat na “Kuwentuhang Long Distance”. Ito ay isang koleksyon ng mga bagong orihinal na kanta, hindi lamang ng mga OFWs pero pati na rin ang mga naiwan nilang mahal sa buhay sa Pilipinas. 

Anong klase ng musika ang inyong tinutugtog?

We think pop kasi easy to access. But someone once said we could call it ethnic pop para raw cool. Pero siguro dahil sa gumagamit kami ng mga ethnic instruments tulad ng kubing, hegelung at kulintang.

Saan kayo kumukuha ng inspirasyon sa pagkatha ng liriko ng kanta at paglapat ng musika sa inyong komposisyon?

Siyempre sa mga sariling karanasan. Napakaraming mga bagong karanasan na pinagdaraanan natin as OFWs, maraming pwedeng pagpilian. Pero we have to admit, isa sa mga mas exciting na source ng inspirasyon ay ang mga kuwento ng ibang tao. Maraming mga nakakatuwa, nakakalungkot, nakakagaan ng loob, nakaka-inlove na kwento mula sa mga kaibigan, kakilala, at kung sinu-sino pa. Pero siyempre, hinihingi rin naman namin ang permiso nila bago gawing kanta ang buhay nila.

Ano ang layunin ng grupo bukod sa pagpapalaganap ng musikang Pilipino sa Japan?

Maging sandata ang musika sa mga oras na naigugupo ng kahinaan at kawalang pag-asa sa pakikipagsapalaran sa ibang bayan. Maghatid ng inspirasyon at maghikayat sa kakayahan at talento ng mga Pilipino na kayang linangin saan man mapadpad. Magpalaganap ng positibong kultura at pagkabuklod-buklod sa pamamagitan din ng musika.

Ano ang mensahe ng inyong mga kanta? 

Naniniwala ang Tampipi sa kakayahan ng mga Pilipino. Ang kakayahang makalikha ng musika at maibahagi ito sa buong mundo bilang paraan ng ekspresyon at komunikasyon. Dahil dito, nais ipahayag ng Tampipi sa pamamagitan ng musika ang aming positibong pananaw tungkol sa buhay. Bagama't may mga kahirapang nararanasan sa buhay, palaging isaisip na may kasiyahan at kaginhawaan din na makikita sa ibang aspekto ng buhay. Hindi lahat ng mga kanta ng Tampipi ay patungkol lang sa mga OFWs. Hindi lamang ang kahirapan sa pagtatrabaho sa ibang bansa ang nais ipahayag ng mga awiting ito kundi pati rin ang kakayahan at lakas ng loob ng mga Pilipino na makaangkop sa iba't ibang sitwasyong kanilang kinakaharap.

Ano ang pakiramdam na mabigyan ng pagkakataon na magtanghal sa harap ng mga kababayang Pilipino at mga dayuhan sa Japan?

Malaking karangalan ang mabigyan ng pagkakataong maibahagi ang aming musika at nakakataba ng puso ang makitang nag-e-enjoy at nagugustuhan ng ating mga kababayan sa Japan ang musika ng Tampipi. At the same time, nakaka-nerbyos din lalo na kapag mga dayuhan na ang karamihan ng audience kasi alam namin na nire-represent namin hindi lamang ang mga Pilipino sa Japan kundi ang Pilipinas. In a way, ipinapakilala namin ang Pilipinas at mga Pilipino sa pamamagitan ng aming musika.

Saan pwede bumili ng inyong album at saan kayo madalas na magtanghal?

Madalas kaming magtanghal sa mga events na sponsored ng Filipino community at kadalasan ginagamit na rin namin ito na pagkakataon para magbenta ng aming album. Pero sa mga interesado pwedeng bumili sa kahit sinong miyembro ng Tampipi.

Sa inyong album, ano ang awitin na maglalarawan sa inyo bilang grupo?

 “Dapithapon”, “Tampipi”, “Liham” at “Apat na Paa”. Go to our sound cloud account and listen to these songs and you’ll know what we mean: https://soundcloud.com/tampipi

Mensahe sa inyong mga fans, taga-suporta at mga mambabasa ng Pinoy Gazette?

Maraming salamat po sa suporta at sana’y na-inspire namin kayo sa pamamagitan ng aming musika. Sana po ay tangkilikin natin hindi lamang ang musika ng Tampipi kundi ang kabuuan ng Filipino music. Check out and like us on Facebook (search for “Tampipi”). You can hear our music there also. Let’s get connected. Mabuhay ang OPM!