Marami ang kaabang-abang na mga aktibidad ang dapat
antabayanan na idaraos ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ngayong taon
sa selebrasyon ng organisasyon ng ika-50 anibersaryo simula nang buksan ito
noong Setyembre 8, 1969.
Ngayong taon, higit na espesyal ang mga inihanda ng
CCP para sa publiko at maging mga turista para lalo pang hikayatin ang publiko
sa pagtangkilik ng tunay na maipagmamalaking kultura at sining na gawang Pinoy.
Pagbubukas ng Tanghalang
Ignacio Gimenez
Magaganap ang inagurasyon sa darating na Setyembre ng
pinakabagong black box theater ng CCP na pinangalanang Tanghalang Ignacio
Gimenez, na hango sa pangalan ng negosyante at aktibong tagapagtaguyod ng
theater arts na si Ignacio Gimenez, na naging malaking bahagi sa katuparan ng
nasabing proyekto.
May kapasidad ito na 300 katao at opisyal na
magbubukas sa Oktubre 4.
“Adventurous ideas, adventurous collaboration, and
adventurous audiences,” ang magiging overarching theme ng mga experimental
theater, contemporary shows, at multimedia explorations na ipapalabas dito.
Dalawang anniversary gala shows din ang idaraos
Setyembre ngayong taon bilang opisyal na simula ng selebrasyon.
Pangunguna sa pagdaraos ng AAPPAC
Pangungunahan din ng CCP bilang host ang pagdaraos ng
Conference of the Association of Asia Pacific Performing Arts Centres (AAPPAC), na pinakamalaking alyansa ng mga pangunahing
performing arts venues sa rehiyon ng Asya kung saan magtitipun-tipon ang iba’t
ibang mga propesyonal sa industriya ng performing arts.
Kaugnay nito ang pagpupulong ng mga performing arts
organizers sa Federation of Asia Cultural Promoters para talakayin ang mga tour
opportunities para sa Asian traditional performance, Western classical at First
Philippine Performing Arts Market na isang showcase, network at business
matching opportunity para sa mga performing arts groups.
Bahagi rin nito ang unang Asia Grand Prix for Choral
Singing na itinuturing na pinakamataas na parangal sa chorale at singing
competitions na gaganapin sa Hulyo. Isa itong proyekto ng CCP kasama ang Andrea
O. Veneracion (AOV) International Festival, Singapore International Choral Festival,
at Bali International Choral Festival.
Pagpapalawig sa sining at kultura
Ngayon taon ay ipinagdiriwang din ng Pasinaya, Virgin
Labfest, at Cinemalaya ang anibersaryo na kilala bilang mga signature events ng
CCP.
Mula sa dalawang araw ng open house Pasinaya Festival na
pinakamalaking multi-arts fest ng bansa ay magiging tatlong araw na ito sa
Pebrero kung saan magkakaroon ng workshops, film screenings, artist market,
showcase, at exhibitions.
Dadalhin naman sa Cagayan de Oro at Siliman sa susunod na
taon ang Virgin Labfest na tampok ang mga “untried, untested, and unstaged”
one-act plays mula sa mga baguhan at kilala ng mandudula sa Hulyo.
Inaasahan din ang mas malawak na pagpapalabas ng mga
Cinemalaya films sa commercial cinemas at pagbubukas ng bagong film section
nito.
Tatakbo naman tuwing Martes – Linggo simula Setyembre na
libre sa publiko. Isasagawa sa front ramp kaharap ng CCP fountain ang lights
and sound show, live performances at video mapping.
CCP Libre at iba pang pagtatanghal
Nakatakda rin gawin ang “CCP Libre: 50 free shows at the
CCP” na hinihikayat ang publiko na makibahagi at manood ng iba’t ibang
pagtatanghal na pang-sining, ngunit wala pang inanunsyo na partikular na mga
programang ipapalabas.
Magtatanghal naman ang Philippine Philharmonic Orchestra
(PPO) kasama ang mga pinagpipitagang international musicians gaya na lang ng
pianist na si Hiyas Hila ngayong buwan, na susundan naman nina Hungarian concert pianist and conductor Tamás Vásáry (Pebrero
8), Japanese conductor Yoshikazu Fukumura at Hong Kong cellist na si Ray Wang
(Marso 15), at Japanese guitarist Kiyoshi Shomura (Abril 12).
Isasagawa rin ang unang Arts and Social Media Festival sa
Oktubre, anniversary publications, architecture at visual arts exhibitions,
digital time capsule, Kaisa sa Sining Conference, Imagine Nation: Forum on the
Role of Arts Education in National Development, at audience development
activity na Siningkwenta.