Lunes, Marso 10, 2014

Caloy Loyzaga: The greatest Filipino basketball player

Caloy Loyzaga
Marami mang dumating na magagaling na basketball players sa Philippine Basketball Association (PBA), mangingibabaw at mangingibabaw pa rin ang pangalan ni Caloy Loyzaga na itinuturing na pinakamagaling na Pilipinong manlalaro sa larangan ng basketball.

Pinangunahan niya ang koponan ng Pilipinas na lumaban sa FIBA World Championship noong 1954 na nanalo ng bronze medal at tanging Asyanong manlalaro na napasama sa Mythical Five. Bukod pa rito ang pagdadala ng karangalan sa Pilipinas nang manalo ng apat na magkakasunod ng gold medal sa Asian Games noong 1951, 1954, 1958 at 1962.

Kaya kamakailan lamang ay pinarangalan si Loyzaga, na kilala sa moniker na “The Big Difference,” ng Lifetime Achievement Award sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Awards Night.

Kahit na na-stroke ito at nahihirapang lumakad at magsalita, pinilit nito na umakyat sa entablado upang personal na tanggapin ang award kung saan ang lahat ng nagsipagdalo ay tumayo bilang respeto sa itinuturing na basketball legend ng bansa.

Ipinahatid niya ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng kanyang anak at kilalang aktres na si Bing Loyzaga na nagsabing para sa kanyang ama ang pagmamahal sa laro at sa bansa ang pinakaimportante sa lahat.

“If there’s something my dad would like to impart to our present basketball players, it is this: Play not for the fame and glory, not for money, but for the love of the game,” pahayag ni Bing na siya ngayong nag-aalaga sa kanyang 83-taong-gulang na sikat na ama.

“And for those lucky enough to be honored a spot on the national team, your love for country must surpass even your love of the sport.”

A basketball legend

Tulad ng maraming kabataan at sikat na ngayon na basketball players, bata pa lamang ay mahilig nang maglaro ng basketball si Loyzaga sa Tervalac court kung saan din siya nadiskubre ng kanyang basketball coach na si Gabby Fajardo. Naglaro at naging star player ang 6’3 na si Loyzaga ng San Beda Lions na nakopa ang pinakaprestihiyosong Zamora Trophy noong 1951, 1952 at 1955 sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Naglaro din siya para sa Pratra at Prisco na naging kampeonato sa National Open noong 1950 at 1954. Naglaro rin ito sa YCO Painters noong 1954 sa Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA) na dating katumbas ng PBA.

Sa kanyang pamamalagi bilang star player ng YCO ay ipinanalo niya ang koponan ng 49 na sunud-sunod na panalo mula 1954 hanggang 1956 na nagbigay din sa koponan ng ilang kampeonato.

Bago pa man nakilala si Robert Jaworksi bilang isang playing coach, nauna na sa kanya si Loyzaga. Noong 1960’s ay naging coach at manlalaro rin ito ng YCO kung saan naging MICAA chanmpions din siya. Nagdesisyong magretiro si Loyzaga noong 1964 matapos ang sunud-sunod na injuries.

Matapos ng kanyang karera, hindi nawala sa kanya ang pagmamahal sa laro dahil patuloy pa rin ito sa panonood at pagsuporta sa mga bagong manlalaro kabilang na sa kanyang dalawang anak na sina Chito at Joey na parehong naglaro sa PBA noong 1980’s.

Noong panahon ni Loyzaga, hindi maitatanggi na sa kanyang husay at galing ay kinilala ang bansa sa larangan ng basketball at ito ang dahilan kung bakit nakaukit na sa kasaysayan ng Philippine sport ang pangalan ng The Big Difference.

“We hope his contributions in Philippine sports will influence and inspire young athletes in their respective field of sports,” pahayag ni Bing.


Linggo, Marso 9, 2014

Microsoft ipinakilala na ang bagong CEO


Microsoft CEO Satya Nadella
“Our industry does not respect tradition – it only respects innovation.” Ito ang makahulugang sinabi ng bago at pangatlong chief executive officer (CEO) ng Microsoft na si Satya Nadella. Patuloy pa nito, “The opportunity ahead for Microsoft is vast, but to seize it, we must move faster, focus and continue to transform. I see a big part of my job as accelerating our ability to bring innovative products to our customers more quickly.”

Isang napakalaking hamon ngayon ang nag-aantay kay Nadela, isang 22-taong beterano sa Microsoft. Bagaman nagmula sa Microsoft ang Microsoft Windows operating system at Microsoft Office suite na isang productivity software, sa ngayon ay iba na ang naghahari sa industriya na minsang dominado ng Microsoft.

Nariyan ang mga dati at mga bagong mahihigpit na karibal ng Microsoft, gaya ng Google, Apple, Amazon, HP, Salesforce, Oracle, IBM, Samsung, Lenovo, at maging ang Facebook.
Dominante ang Google dahil sa Android na siyang nangungunang smartphone at tablet operating system. Maliban dito, nariyan ang mas paboritong search engine na Google. Tila haring kampante naman sa kanilang trono ang Apple pagdating sa smartphone market. May Amazon Web Services naman ang Amazon, na may kumpletong pangkat ng cloud computing services: compute/networking, storage, database, application services, at deployment/management.

Bagaman ang Oracle ay pangalawa lamang sa Microsoft pagdating sa “software making,” hindi naman sila maungusan ng Microsoft sa database management systems nito. At ang Apple, Samsung, at Lenovo na kumukuha ng malalaking market share sa smartphone at table market.

Ayon sa maraming eksperto, kinakailangang magkaroon ng magandang presensiya ang Microsoft sa Cloud Services o Cloud Computing ( a variety of computing concepts involving a large number of computers connected through a real-time communication network such as the Internet). Narito sa industriyang ito ang pag-asa ng Microsoft para maging makabuluhan muli sa industriya ng teknolohiya. At isa itong malinaw na dahilan ng pagkakapili kay Nadella bilang bagong CEO. Napakahalaga rin na magkaroon ng pagbabago sa board of directors ng Microsoft, lalo na’t karamihan sa mga miyembro nito ay hindi eksperto sa sektor ng teknolohiya.

Dating Cloud and Enterprise EVP at server and tools president si Nadella at pinakamalaking kredito nito ang pamumuno niya sa paglaki ng $20 bilyon sa taunang kita ng server and tools division, ganoon din sa malaking paglago ng cloud computing services, kabilang na ang mga produktong Xbox, Bing at Microsoft Office. Mananatili namang technology advisor si Bill Gates sa kumpanya.

Ipinanganak at lumaki sa Hyderabad, India si Nadella na 46-taong gulang. Nagtapos ng bachelor’s degree sa electrical engineering sa Mangalore University, India; master’s degree sa computer science mula sa University of Wisconsin, Milwaukee; at master’s degree sa business administration sa University of Chicago. Naging bahagi siya ng Microsoft noong 1992 habang tinatapos ang isang master’s degree. Mahilig si Nadella sa panulaan at sa cricket na kinalakihan niyang klase ng sports.

Naniniwala siya na iisa ang layunin ng mga empleyado ng Microsoft, ito ay para baguhin ang mundo sa pamamagitan ng teknolohiya para mabigyang kapangyarihan ang lahat na gumawa ng mga pambihirang bagay. Maraming kumpanya na ganito rin ang layunin ngunit hindi lahat ay taglay ang mga elemento ng talento, mapagkukunan, at pagiging masigasig, na mayroon ang Microsoft. Malaking inspirasyon din niya ang mga nakapaligid sa kanyang mga empleyado at sa kanilang mga kakayahan.

Huwebes, Marso 6, 2014

Acclaimed Korean director Bong Joon-ho electrifies audiences in ‘Snowpiercer’

ni Jovelyn Javier

Director Bong Joon-ho
Matagal nang pinag-uusapan at inaabangan ang kauna-unahang English-language at Hollywood debut film, ang “Snowpiercer” mula sa isa sa pinakamagagaling at nirerespetong direktor sa mundo ng Korean cinema na si Bong Joon-ho.

Isang kilalang pangalan na si Bong Joon-ho sa maraming international film fest lalo na sa mga pelikulang “Memories of Murder” (2003), “The Host” (2006), “Mother” (2009) at pinarangalan siya bilang best director, best film, best screenplay at special jury prize sa mga nabanggit na pelikula.

Nadiskubre ni Bong Joon-ho noong 2004 ang “Snowpiercer” nang makita niya ang French graphic novel na “Le Transperceneige” nina Jean-Marc Rochette at Jacques Lob sa paborito niyang comic book shop sa Hongdae, Seoul. Nabighani siya agad sa ideya ng mga tao na nagsisikap para mabuhay sa loob ng isang malaking tren. Partikular na rito ang katangi-tanging panlipunang pagkakahati sa bawat karo ng tren.

Nagustuhan din ito ng kaibigan at batikang direktor na si Park Chan-wook nang ipakita ni Bong Joon-ho ang materyal sa kanya. Kalaunan ay nakuha na ni Bong Joon-ho ang screen rights para sa pagsasapelikula ng “Snowpiercer” sa tulong ng Moho Films na production company ni Park Chan-wook.

Pinangungunahan ni Chris Evans (Curtis) na mas kilala bilang Captain America mula sa Marvel movies ang all-star cast na kinabibilangan din ng mga magagaling na British thespians: John Hurt (Gilliam), Tilda Swinton (Mason) at Jamie Bell (Edgar). Kasama rin si Octavia Spencer (Tanya), Luke Pasqualino (Grey), Song Kang-ho (Minsu) at Go Ah-sung (Yona) na mga kilalang South Korean actors at si Ed Harris bilang Wilford.

Nagsimula ang pelikula sa isang eksperimento para masolusyunan ang global warming ngunit hindi ito naging matagumpay. At dahil ito, nabalot ang buong mundo sa isang panibagong “ice age” na kumitil sa halos lahat ng klase ng buhay. Ang mga natatanging nakaligtas ay 18 taon nang nakatira sa “Snowpiercer” – isang napakalaking tren na ginawa ni Wilford bago pa mangyari ang nabigong eksperimento. Patuloy na tumatakbo ang tren sa buong mundo sa pamamagitan ng tinatawag na “perpetual-motion engine.” Ito ay isang makina na tuluy-tuloy ang pagtakbo kahit walang panlabas na enerhiya para paganahin ito.

Isa sa pangunahing tensyon sa pelikula ang sistema ng panlipunang dibisyon, kung saan ang mga mayayaman ay kumportableng namumuhay at nakatira sa front coaches ng tren. Sa gitna ng sitwasyon, nakukuha pa rin ng mga mayayaman ang karangyaan dahil kumakain sila ng masasarap na pagkain, nakakapag-relax sa spa at pool, nakakapagpatingin sa espesyalista at nakakapagsaya sa club. At sa kadulu-duluhan naman ng tren, nakatira ang mga mahihirap na kumakain ng tinatawag na “protein bars” at hindi natutulog sa maganda at maayos na tulugan kundi sa madumi at mainit na quarters.

Mula nang mangyari ang “Revolt of Seven” kung saan pitong tao ang nasawi nang lumabas sila sa tren, wala ng naglakas loob pa na magsimula ulit ng rebolusyon. Ngunit kalaunan, naglakas loob sina Curtis sa tulong ni Gilliam at Edgar na sumubok ulit ngunit sa pagkakataong ito ay layunin nila ang makarating sa engine room para ma-kontrol ito, na maaaring maging susi para makipagkasundo ang mga mayayaman.

Dito nagsimula ang nakaka-tensyon at kapana-panabik na pakikipagsapalaran ng grupo sa pamumuno ni Curtis para makawala sa napakahirap na estado nila sa dulo ng tren. At para makarating sila sa engine, kailangan nila si Minsu na siyang nagdisenyo ng mga tarangkahan.  

Punung-puno ng aksyon at mga hindi inaasahang pangyayari ang pelikula. Hindi mo alam kung ano o sino ang mga makakaharap nila sa bawat pagbukas ng tarangkahan. Isang matinding nerbyos at gulat ang binibigay nito sa mga manonood, habang inaantay nila kung ano ang nasa kabilang coach.

Miyerkules, Marso 5, 2014

Vitamin C nakakatulong sa paggamot ng cancer

Kuha ni Jovelyn Bajo
Nadiskubre kamakailan na nakakatulong ang Vitamin C sa gamutan ng cancer.  Ayon sa mga siyentipiko mula sa Amerika, malaki ang potensyal nito na maging isang ligtas, mabisa at mas murang klase ng gamutan pangunahin na para sa ovarian cancer at iba pang klase ng cancer.

Hindi na nakakagulat ang bagong tuklas na benepisyong makukuha sa Vitamin C, dahil hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na isa ang Vitamin C sa pinakamainam, pinakaligtas at pinaka-epektibong klase ng sustansya na napakahalaga sa pangkalahatang kasulugan. Bagaman may ilan pang hindi napapatunayan na benepisyo ng Vitamin C para gamutin ang ibang mga sakit, hindi maikakaila ang higit na importansiya nito.

Ilan lamang sa kilalang nakukuha ng katawan mula sa Vitamin C ang pagpapatibay ng immune system, paglaban sa anumang klase ng cardiovascular disease, mga sakit sa mata, mga problema bago manganak, at maging para panatilihing bata at malusog ang balat.
 
Hinihikayat ngayon ng mga siyentipiko ng bagong pag-aaral na ito ang magsagawa pa ng mas masusi at malakihang clinical trials patungkol dito. Ngunit isa sa malaking problema ang kawalan ng patent rights sa vitamins, kaya’t hindi makapagsagawa ang maraming kumpanya ng gamot ng clinical trials para sa intravenous Vitamin C. Sa pamamagitan ng intravenous therapy, naipapasok ang likidong ginagamit sa gamutan nang direkta sa daluyan ng dugo.

Napakahalaga na mapag-ibayo pa ang ganitong klase ng pag-aaral, lalo na’t patuloy na naghahanap ang mga pasyente ng cancer ng ibang mga alternatibo at mas murang paraan ng gamutan. Dagdag pa ng maraming siyentipiko, noon pa man ay may ilang pag-aaral na nagpapatunay ng pagiging epektibo ng Vitamin C para gamutin ang cancer gamit ang prosesong IV therapy. Higit na kinakailangan ang ibayo pang pananaliksik para siguradong masuri ang mga benepisyo ng mas mataas na dosage ng Vitamin C sa katawan.

Kaugnay nito, napag-alaman na magkaiba ang epekto ng Vitamin C kapag ito ay nilunok o sa pamamagitan ng bibig kumpara sa IV therapy ayon sa ilang clinical trials. Pangunahing dahilan dito ang mabilis na paglabas nito sa katawan. Sa kabilang banda, ang ilang siyentipiko mula sa University of Kansas ay natuklasan na kapag ang Vitamin C ay ipinasok sa katawan sa pamamagitan ng iniksyon, nakakabawas ito sa side-effects ng chemotherapy. Aniya, sensitibo ang ovarian cancer cells sa Vitamin C treatment ngunit hindi nito naapektuhan ang ibang normal cells.

Alam ng karamihan na kinakailangan ng araw-araw na pagkain ng prutas at gulay na mayaman sa Vitamin C, ngunit dahil sa pagiging abala sa trabaho at sa pamilya ay nakakaligtaan ito. Ayon sa mga eksperto, importante ang presensiya ng Vitamin C sa araw-araw na pagkain lalo na sa mga abalang tao, kung kaya’t laging isinusulong at hinihikayat ng maraming organisasyon ang nakakarami ang uminom ng 500 mg bawat araw ng Vitamin C supplement kasabay ng patuloy na pagkain ng maraming prutas at gulay. 

THEATER BITS: Diana Vreeland, Rak of Aegis, August: Osage County, Red


Cherie Gil is Diana Vreeland

Tampok si Cherie Gil bilang Diana Vreeland, isang maimpluwensiyang fashion columnist at editor ng Harper’s Bazaar at Vogue, at pinangalanan sa International Best Dressed List Hall of Fame 1964. Mula sa MyOwnMann Productions, Inc.; Actor’s Actors Inc.; kasama ng Full Gallop at mula sa panulat ni Mary Louise Wilson at Mark Hampton.

Ang one-woman play ay nakatakda noong 1971 sa Park Avenue, apartment ni Vreeland, pagkaraan ng apat na buwang pamamalagi sa Europe – isang pagbiyahe na ginawa niya mula nang matanggal siya sa Vogue magazine.

Mapapanood ang “Diana Vreeland” mula Marso 14, 15, 16, 21, 22, 23. Biyernes at Sabado sa ganap na 8pm at Linggo tuwing 4pm sa Carlos P. Romulo auditorium, RCBC Plaza, Ayala Avenue, Makati.

PETA closes 46th Theater Season with ‘Rak of Aegis’

Muling mapapakinggan ang mga kanta ng 90s pop-rock band Aegis sa “Rak of Aegis” mula sa produksyon ng PETA. Tampok ang mga kantang gaya ng “Luha,” “Halik,” “Sundot,” “Christmas Bonus,” at “Basang-basa sa Ulan” mula sa pagganap ng magagaling na pangalan sa teatro: Isay Alvarez-Seña, Robert Seña, Aicelle Santos at Joan Bugcat.

Isang kwento ng pag-ibig, kasikatan, at katibayan ng loob ang Rak of Aegis. Ang salaysay ay nakasentro sa pamumuhay ng mga residente ng binahang nayon ng Villa Venizia. Dito makikilala si Aileen na nasa gitna ng pag-ibig at kasikatan para suportahan ang pamilya.

Mapapanood ang “Rak of Aegis” hanggang Marso 9 sa PETA Theater Center.

August: Osage County, isang modernong pampamilyang kwento  

Tungkol sa Weston family at ang kanilang hindi pagkakaintidihan dahil sa mga personal na pinagdadaanan ang Tony Award at Pulitzer Prize winning play na “August:Osage County.” Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng Weston family nang mawala ang kanilang amang si Beverly. Dito magbubukas ang maraming isyu ng bawat miyembro ng pamilya, na simula ng kaguluhan habang dumadaan sa kalungkutan sa pagkawala ni Beverly.

Pinangungunahan nina Baby Barredo, Leo Rialp, Pinky Amador, at marami pang iba. Mapapanood ang Osage County hanggang Marso 16 at itinatanghal sa Onstage, 2/F Greenbelt1, Paseo de Roxas cor. Legazpi St., Makati.

Tony-award winning play na ‘Red’ nasa ‘Pinas na

Pinahanga ng American playwright/screenwriter John Logan ang mga kritiko at mga tagahanga ng teatro sa West End, London at Broadway, New York nang unang mapanood ang “Red” noong 2009 sa London at 2010 sa New York. Nanalo ito ng maraming parangal sa mga respetadong award-giving bodies sa mundo ng teatro.

Tampok si Bart Guingona bilang Mark Rothko, isang American abstract painter na may dugong Jewish at si Joaquin Pedro Valdes bilang kanyang fictional apprentice.

Mapapanood pa ang Red sa Marso 1-2 sa College of Saint Benilde, School of Design and Arts Theatre.


Noel Cabangon pinagbigyan ang fans sa ‘Acoustic Noel’ album

Ni Len Armea

Noel Cabangon (Kuha ni Jovelyn Bajo)
Bida ang mga kanta na gustung-gusto ng mga tagapakinig ng pamosong mang-aawit na si Noel Cabangon sa bago nitong album na pinamagatang “Acoustic Noel.” Ito ay naglalaman ng 12 OPM songs na mismong ang mga fans ang nagbigay sa pamamagitan ng social networking site na Facebook.

Sa kanyang Facebook fan page, tinanong ni Noel ang kanyang mga tagapakinig kung ano ang mga paborito nitong kanta na nais nilang maisama sa bagong album ng 50-taong-gulang na singer. Dinagsa ng mga suhestiyon ang batikang singer na ayon sa kanya ay kinailangan niyang mamili sa humigit kumulang sa 1,000 mga kanta.

“We are bombarded with a lot of song requests. Pinili talaga naming iyong mga kanta na kaya kong bigyan ng bagong interpretasyon, na papatok sa mga tao, na masarap pa rin pakinggan at hindi mawawala iyong flavor of acoustic na style ko,” pahayag ni Noel sa ginanap na album press launch sa Quezon City kamakailan.

Napabilang sa bagong album ang most requested songs gaya ng “Huwag Mo Nang Itanong” ng Eraserheads, “Pagdating ng Panahon” ni Aiza Seguerra, “Himala” ng Rivermaya at “Bilanggo” ng Rizal Underground.

Ang mga kantang napasama pa sa Acoustic Noel ay ang “Nandito Ako” ni Ogie Alcasid at ito rin ang carrier single, “Araw Gabi” ni Basil Valdez, “Makita Kang Muli,” ng bandang Sugarfree, “Tuyo Na’ng Damdamin” ng APO Hiking Society, at “Itanong Mo Sa Mga Bata” ng Asin. Isinama rin ni Noel ang dalawa niyang kanta na napasama na sa kanyang mga naunang album, “Awit ng Bahaghari,” at “Nag-iisa, Wala Ka Na.”

Inamin ni Noel na nahirapan din siya sa paggawa ng album na ito dahil minsan ay nauubusan na siya ng ideya kung papaano bibigyan ng bagong bersyon ang kanta para maging bago sa pandinig ng mga tagapakinig.

“Nauubusan na rin ako ng konsepto sa ibang kanta kaya humingi na rin ako ng tulong. Kung mapapakinggan niyo iyong labum, iyong Himala ay inareglo ni Bobby Velasco tapos si Jimmy Antiporda naman sa Makita Kang Muli. Maganda rin pala iyong you’re working closely with the arranger para alam mo kung saan pupunta iyong kanta,” ani Noel na pabirong sinabi na ang tawag niya sa album na ito ay “original remake” album.

“Masasabi kong kahit ako naggandahan sa album na ito. I’m grateful that this is the opener album of Universal Records for 2014,” dagdag pa ni Noel na unang nakilala sa pagkanta ng mga awiting sumasalamin sa lipunan at kapaligiran.

Kilala bilang isang mang-aawit na gumagawa ng orihinal na komposisyon, inamin ni Noel na sa panahon ngayon maraming mga mang-aawit na gaya niya ang naglalabas ng remake album dahil mahirap nang magbenta ng mga bagong kanta.

“Sa generation na ito, ang hirap magtulak ng bagong kanta. I think it really takes a lot of creativity. While it is true that there is a venue for everyone to allow people to listen to their music, to their creation, kapag isinama mo iyon sa Youtube or iba pang platform, kasama ka sa ‘sea of music’ and iyong pagpipilian ng tao, kung hindi ganoon ka-distinct, hindi ka mapapansin.”

“Unlike before, when you do an album, apat na possible hit songs larga na iyang album mo,” bulalas ng singer na pangarap pa rin na maging rocker at jazz artist.

Ang Acoustic Noel ang pang-apat na album ni Noel sa ilalim ng Universal Records. Nauna na rito ang “Byahe,” “Panaginip,” na naging Album of the Year sa 25th Awit Awards noong 2012, at “Tuloy ang Byahe.”

Music Bits: Boyzone, Marion Aunor, Sponge Cola, Sabrina, The Beatles



Boyzone at 20: No Matter What

Ipinagdiwang kamakailan ng sikat at multi-awarded na Irish group Boyzone ang kanilang ika-20 taong anibersaryong magkakasama at bilang parangal sa pumanaw na bandmate na si Stephen Gately. Taong 1993 noong unang makilala ang Boyzone na binubuo nina Keith Duffy, Stephen Gately, Mikey Graham, Ronan Keating, at Shane Lynch.

Nananatiling isa ang Boyzone sa pinakamatatagumpay na grupo mula sa Ireland at United Kingdom. Sa selebrasyon na ito, nangako ang mga miyembro na sisikaping umabot sa 50 taon gaya ng The Rolling Stones.

Para sa Boyzone, ang 20 taon nila ay panibagong simula muli. Bahagi rin ng 20th anniversary celebration ang BZ20: The Anniversary Tour na nag-umpisa nitong Nobyembre at hanggang Hulyo ngayong taon.

Marion Aunor: Exemplifies the Soul of a Songwriter

 Nakilala si Marion Aunor sa kantang “If You Ever Change Your Mind” na itinanghal na 3rd place sa 2013 Himig Handog P-Pop Love Songs.

At kamakailan, opisyal nang inilabas ang kanyang self-titled debut album na nagtatampok din ng mga kantang: “Fallen” (carrier single), “I Don’t Know (If I Should Stay or Should I Go),” “Take A Chance,” “Sex On Legs,” “Just Give Me A Reason” (original by Pink feat Nate Reuss), “Don’t Give Up On Us,” “The First Time I Loved Forever,” “Someone’s Always Saying Goodbye” na isang OPM classic, at “Magmamahal Sa’yo.”

Mabibili na ang album ni Marion sa lahat ng record bars, digital tracks sa iTunes at MyMusicStore.com.

Sponge Cola nagpapasalamat sa “Ultrablessed” album

Isinasalarawan sa panlimang studio album ng Sponge Cola na “Ultrablessed” ang kanilang eskspedisyon bilang mga musikero. Mula sa Universal Records, tampok sa album ang 10 orihinal na kanta na napakagandang pagsasalarawan ng mahabang pagkakaibigan ng mga miyembro. Kasama rin sa album ang bonus DVD ng kanilang concert  na “Maximum Capacity.”

Kabilang ang mga kantang “Hawla,” “Kailangan Kita,” “Anting-anting” (feat Gloc-9/Denise Barbacena), “Iyong-Iyong-Iyo,” “9 To Sawa,” “+63” (feat Yeng Constantino), “Walk Away,” “R.I.C.E,” “Singapore Sling (Dahil Kilala Na Kita),” at “The Answer.”

Acoustic singer Sabrina, inilunsad ang “I Love Acoustic 5”

Unang nakilala noong 2006, pinabilib ni Sabrina ang publiko sa kanyang acoustic cover versions sa self-titled debut album nito. Naging gold ang “I Love Acoustic” sa ‘Pinas, Indonesia, at Thailand.

At kamakailan ay inilunsad ang pinakabagong “I Love Acoustic 5” na tampok ang “Terrified” feat Christian Bautista, “Could It Be” feat Koh Mr. Saxman, “A Thousand Years,” “Domino,” “Oh Boy,” “Stronger (What Doesn’t Kill You),” “We Found Love,” “I Won’t Give Up,” “Glad You Came,” “Starships,” “Payphone,” “What Makes You Beautiful,” at marami pang iba.

The Beatles nagbabalik sa “Tomorrow Never Knows”

Isang magandang balita ang compilation album ng The Beatles na kamakailan lang ay inilabas para sa mga hanggang ngayon ay masugid na tagahanga ng kanilang musika.  Binubuo ang compilation album ng 14 na kanta na inilarawang “most influential rock songs” ng grupo na makukuha lamang sa iTunes.

Tampok ang mga classic tracks na “Revolution,” “Paperback Writer,” “Helter Skelter,” “Back In The USSR,” ganundin ang “And Your Bird Can Sing,” “Savoy Truffle,” “I’m Down,” “I’ve Got A Feeling,” “You Can’t Do That,” “It’s All Too Much,” “She Said, She Said,” “Hey Bulldog,” “Tomorrow Never Knows,” at “The End.”


Martes, Marso 4, 2014

K-Pop Idol Search Pinoy Edition, magpapatingkad sa talentong Pinoy

ni Jovelyn Javier

Kuha ni Jovelyn Bajo
Kinikilala sa buong mundo ang nakakamanghang talento ng mga Pinoy sa industriya ng musika. Nariyan ang mga world-class talents na sina Lea Salonga, Dulce, Regine Velasquez, Christian Bautista, Jed Maddela, Charice Pempengco at marami pang iba. Sa paglulunsad ng K-Pop Idol Search Pinoy Edition, mas lalo pang maipapakita ng maraming Pinoy ang kanilang talento, hindi lang dito sa bansa kundi maging sa buong mundo.

Sa pakikipagtulungan at tiwala ng bansang South Korea sa talentong Pinoy, nagkaisa ang HBKOR, Inc. at People’s Television Network sa pagsisimula dito sa bansa ng unang bahagi ng Asian Roadshow na mapapanood sa darating na Setyembre sa PTV4.

“Personal kong nasaksikhan ang pag-angat ng mga Filipino performers dito sa Pilipinas at sa ibang bansa. Pambihira ang talento, istilo, galaw at presensiya ng mga Pinoy na performers. Ito ay napakahalagang bagay na dapat ay binibigyang-pansin ng international entertainment industry,” ani  Kim Jung-su (Consultant – PTV4 / President – HBKOR, Inc.).

Natatangi ang K-Pop Idol Search dahil hindi lang ito naka-sentro sa pag-diskubre ng mga tunay na talentong Pinoy sa siyudad. Maging ang mga malalayong lugar gaya ng Batac sa North Luzon at Surigao sa katimugang bahagi ng Mindanao ay mararating ng KIS Pinoy Edition. Isa itong mainam na istratehiya para lahat ng may talento ay may pagkakataon maipakita ang kanilang kakayahan at sa kalaunan ay maaaring maging isang world-class performer din.

Maliban dito, may pagkakataon ang mga kasali sa kumpetisyon na gamitin ang isang mobile at high-technology recording station para makagawa ng magandang audition video.

Magsisilbi rin ang kumpetisyon na hudyat ng pagbabagong bihis ng PTV4. Dagdag pa ni PTV4 General Manager Cleo Dongga-as, “Ang performing arts ang susi sa mas pag-engganyo at pagbuo ng mga pangarap ng mga kabataang Pinoy.”

Lilibot ang mga hurado at organizers para pumili ng isa sa bawat 82 probinsiya at 17 local government units sa Maynila, kabilang na dito ang mga siyudad. Tinatayang mga 99 na provincial qualifiers ang makikipagtagisan sa regional qualifying stage ng kumpetisyon.

Tatakbo mula Abril 1 hanggang Agosto 31 ang unang bahagi ng kumpetisyon. Bukas ang kumpetisyon sa lahat ng Pinoy na edad 14 – 35 na may natatagong talento sa pagkanta, pagsayaw at may malaking pangarap na maging world-class performers. Kailangan lang magpasa ng audition video na naglalaman ng pagpapakilala sa sarili, dance performance at song performance.

Limang kampeon ang papangalanan sa huling bahagi ng kumpetisyon, kung saan makakatanggap sila ng limang taong ekslusibong kontrata sa isang Korean-based talent management, anim na buwan ng pagsasanay sa Korea at mahigit sa P 2 milyong cash prize.

Linggo, Marso 2, 2014

Usapang Ski at Snowboarding: Byaheng Niigata kasama ang mga Pinoy

Ni Herlyn Alegre
Skiing sa Niigata.

Isang kakaibang pagsalubong ng bagong taon o isang napaagang Valentine’s date, masasabi kong ang ski trip na ito sa Niigata ay isang worthwhile na bonding experience para sa mga magkasintahan man, pamilya o magulong barkadahan tulad namin.

Puno ng mga Pinoy na turista at feeling-turista ang bus namin papuntang Naeba Ski Resort, isa sa mga kilalang ski destinations sa Japan dahil sa magandang lokasyon nito na hindi nalalayo sa Tokyo. Nasa silangang bahagi ito ng Mount Takenoko at sa paanan nito makikita ang kilalang Prince Hotel na may 1,229 na kwarto, halos 20 restaurants, onsen, convenience store at iba pang amenities para sa mga pumupunta rito.
           
Bahagi ng isang tour package ang byaheng ito sa halagang ¥5,000 yen. Kasama na rito ang roundtrip bus ride from Akihabara to Naeba, snacks, onigiri at libreng drinks sa bus. May kasama pang German tourguide na nagta-Tagalog at nagni-Nihonggo. Isa sa mga bagay na nakakatuwa sa byaheng ito ay ang mga Pinoy na kasabay namin. May mga turista na galing pang Pilipinas at nagbabakasyon lang dito sa Japan at mayroon din namang mga dito na nakatira at gusto lang na mag-explore pa ng ibang bahagi ng Japan.
           
Day trip lang ang kinuha naming package pero maaaring mag-avail ng package na may kasamang overnight stay sa Prince Hotel. Pagdating sa ski resort, maaari kang pumili kung gusto mong subukan ang ski o snowboard. Halos ¥5,000 yen ang binayaran namin sa paghiram ng gear na maaari naming magamit sa loob ng apat na oras. Maaari ring hiramin ang gear sa loob ng isang buong araw.

Sa una ay kailangan mong mag-fillout ng form na may personal details at estimate ng height, weight at shoe size para sa paghiram ng gear. Pagkatapos ay pipila ka para kumuha ng snow boots, pumili ng magkaternong snowboarding jacket at pants, at kumuha ng snowboard na may iba’t ibang kulay at disenyo na babagay sa sa’yo. Iiwan sa coin lockers ang mga sapatos, bag at iba pang gamit. Maaari ring mag-share ng lockers dahil medyo malaki naman ito. Mas mainam rin na magdala ng sariling earmuffs, bonnet at gloves dahil kung minsan hindi ito kasama sa set ng gear na pinapahiram (tulad ng sa amin). May kamahalan ito kung doon mismo bibilhin.

Sa counter, minumungkahi nila ang ski para sa mga baguhan na wala pang experience sa winter sports. Mas madali raw ito i-balanse. Pero dahil adventure-seeker kami, sinubukan namin agad ang snowboard. May kahirapan itong i-control sa una dahil parehas nakakabit ang dalawang paa sa snowboard kaya kailangan ng matinding balance para magawa ito ng tama. Gaya ng inaasahan, nahirapan kaming gamitin ito, kaya sa huli nang mapagod na kami ay nag-snowangel na lang kami at gumulong-gulong sa snow! Pero kahit papaano, nasubukan naman naming mag-slide sa mababang slope ng ilang beses.

Sa una paunti-unti, padulas-dulas nang bahagya, pasubok-subok kung paano ang tamang pagtayo, pag-bend ng tuhod, pag-balance. Baby steps nga, sabi nila. Pero sa huli, nagpapadulas na kami na parang walang bukas at hindi na napapansing humahampas ang magkahalong hangin at snow sa namamanhid naming mukha. Masarap ang pakiramdam, para kang lumilipad! Nakakakaba lang sa una dahil pakiramdam mo lagi kang matutumba at parang hindi mo na ito mapapatigil kapag sobrang bilis na. Pero isang bagay na nagpapawala sa panginginig namin (mula sa lamig at sa takot) ay iyong nakaka-enjoy na bonding ng grupo. Hindi ka mahihiyang bumagsak at gumulong dahil dadaanin lang nila sa tawa ang nangyari; hindi ka mahihiyang magkamali dahil tuturuan ka nila kung paano; hindi ka mahihiyang maging ikaw dahil mainit ka nilang tatanggapin.

Naisip ko lang, “a place as cold as this gets so warm if you’re with such great people!” Ang mga Pinoy, nasaan mang lugar hindi nawawala ang init ng samahan at tawanan. Nakakahiya man mag-dive sa snow at mag-snowangel habang nag-iiski ang lahat; weird man ang gumawa ng snowman habang nag-snowboard ang lahat; sumubok ka man mag-jumpshot sa snow ng paulit-ulit kahit mabigat ang snow boots, sasamahan ka pa rin nila ng walang kahihiyan at puno ng malakas na tawanan. Kaya ngayong buwan ng mga puso, hindi pa huli para sumama sa isang byaheng magpapainit sa samahan ng pamilya, barkadahan o special one!


            

Osaka Castle: Ang makasaysayang simbolo ng Osaka

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio

Sunod sa Tokyo, pangalawa ang Osaka (dating Naniwa) sa rehiyon ng Kansai sa pinakamahalagang siyudad sa bansang Hapon. Ito rin ang pangatlo sa pinakamalaking lungsod sa bansa kung saan matatagpuan naman ang pinakamalaking kastilyo noong panahon ng medieval Japan – ang Osaka Castle na itinuturing na simbolo ng lugar.

Humabi ng mahigit sa 400 taong kasaysayan ang Osaka Castle na unang itinayo noong 1583 sa pamumuno ni Hideyoshi Toyotomi (1537-1598), isa sa tatlong pinakamagigiting na warlords at unifiers sa kasaysayan ng Japan. Sa pwestong ito dating nakatayo ang Ishiyama Honganji Temple na tinupok ng apoy sa isang labanan kontra kay Oda Nobunaga (1534-1582), isa pa sa tatlong magigiting na warlords ng bansa at dating kumander ni Hideyoshi.

Humigit kumulang sa 60,000 manggagawa ang nagtulung-tulong sa pagtatayo ng kastilyo na natapos noong 1585. Ang Osaka Castle ay itinulad sa disenyo ng Azuchi Castle ngunit mas marangya dahil sa kagustuhan ni Hideyoshi na ipakita sa mga tao ang kanyang yaman. Higit sa 1,000 sasakyan ang kinailangan upang madala sa lugar ang mga bato mula sa iba’t ibang panig ng Osaka. Pinalamutian ng ginto at pilak ang loob ng palasyo habang ang bawat palapag ng Main Tower ay nilagyan ng mga kayamanan.

Kasabay ng pag-unlad ng lungsod ng Osaka ang patuloy na paglaki, paglawak at pagrangya ng Osaka Castle na naging larawan ng castle town ng modernong panahon sa Japan. Ngunit taong 1600, dalawang taon matapos pumanaw si Hideyoshi, ay nagapi ang pwersa nito sa isa sa pinakamalaking labanan sa kasaysayan ng Japan ng pwersang pinamunuan ni Ieyasu Tokugawa (1542-1616), ang pangatlo sa magigiting na warlords ng medieval Japan na matagumpay din napag-isa ang bansa sa ilalim ng Tokugawa shogunate na nakabase sa Edo. Taong 1615 nang atakihin at sirain ng pwersa nito ang Osaka Castle na nagpaalis sa angkan ni Hideyoshi.

Sa ilalim ng Tokugawa shogunate muling isinaayos ang Osaka Castle. Taong 1660 nang ito ay muling masira dahil sa kidlat na tumama sa isa sa mga explosives warehouses nito. Tinamaan ulit ito ng kidlat noong 1665 na tumama sa Main Tower at naging dahilan ng pagkasunog nito.

Taong 1783 nang ito ay muling tamaan ng kidlat na tuluyang nagpawala sa karangyaan ng kastilyo. Muli itong isinaayos noong 1931 mula sa perang donasyon ng mga tao. Hindi man ito nawasak ng bombing raids noong WWII, isang malakas na bagyo naman noong 1950 ang puminsala sa lugar at patuloy pa sa pagkasira sa paglipas ng panahon.
           
Nagsagawa ng major renovation noong 1995 upang ibalik ang orihinal na anyo at dating kinang ng kastilyo. Sa loob ay masasabing moderno na ito na may elevator sa loob. May museo din dito na nagtataglay ng kasaysayan ng lugar at buhay ni Hideyoshi. May observation deck din dito. May bayad na ¥600 ang pagpasok sa museo. Maaaring isuot ang helmet, surcoat at kosode kimono at magpalitrato sa halagang ¥300.

Napapalibutan ng kuta, pintuan, moog, bato at moats ang kastilyo. Sa Nishinomaru Garden ay makakakita ng mahigit sa 600 cherry trees na popular na destinasyon tuwing Abril, tea house, at dating Osaka Guest House. May sports facilities, multi-purpose arena (Osakajo Hall) at shrine rito. May time capsule rin dito.

Taong 1997 nang kilalanin ito bilang Registered Tangible Cultural Property ng pamahalaan habang ang 13 istruktura kabilang na ang Otemon Gate, Sengan Turret at gun powder storehouse ay kinilala naman bilang Important Cultural Properties.