Linggo, Nobyembre 5, 2017

Mid-Autumn Festival masigabong sinalubong sa iba’t ibang Asian communities


“May we live long and share the beauty of the moon together, even if we are hundreds of miles apart.”

Bahagi ito ng isang makalumang Chinese poem na tumutukoy sa damdamin ng mga Chinese sa tuwing ipinagdiriwang ang Mid-Autumn Festival, na pumapatak sa ika-15 araw ng ikawalong lunar month. Ngayong taon, ipinagdiwang ito nitong Oktubre 4 at tumagal hanggang Oktubre 8 sa maraming Chinese communities sa iba’t ibang bansa sa Southeast at North Asia – China, Hong Kong, Taiwan, Macau, Japan, Malaysia, Vietnam, South Korea, Singapore, Philippines, at Thailand.

Ang Mid-Autumn Festival ang pinakamalaking tradisyonal na Chinese holiday season kasunod ng Chinese New Year. Bagaman may pagkakaiba ang klase ng selebrasyon sa bawat bansa, nangangahulugan ito para sa lahat ng pagkakataon para magkita-kita at magsama-sama ang mga magkakapamilya mula sa malalayong lugar, pagpapasalamat sa magandang ani, at paghahanda ng mooncake.

The moon at its brightest and fullest

Tinatawag din ito na Mooncake Festival dahil na rin sa binibigyang-pugay ng selebrasyon ang Moon Goddess. Ayon sa Discover Hong Kong, nagsimulang ipagdiwang ang pista sa unang bahagi ng Tang Dynasty (618-907) sa pamamagitan ng pag-aalay ng mooncakes, wine at prutas na hugis bilog sa Moon Goddess. Ito ay dahil sinisimbolo ng bilog na hugis ang pagkakaisa sa kulturang Chinese.

Nakasaad sa Handbook of Chinese Mythology ng Beijing Normal University at Chinese Academy of Social Sciences na nagmula ang Mid-Autumn Festival sa folktale ng mag-asawang Chang’e na isang diyosa, at Hou Yi, isang arkero.

Ani sa handbook, biniyayaan ng “elixir of immortality” si Yi pagkatapos niyang iligtas ang mundo ng mga tao nang panain niya ang siyam sa 10 araw na lumutang bigla sa langit. ‘Di niya tinanggap ang pabuya at piniling maging mortal kasama ni Chang’e. Ngunit nang tinangkang nakawin ng estudyante ni Yi ang elixir, nilunok na lang ito ni Chang’e kaysa ibigay ito sa kanya at siya ay lumipad sa buwan at dito na nanirahan.

The tradition of eating mooncakes

Nagsimulang sumikat ang mooncakes noong Yuan Dynasty nang gamitin ito bilang lagayan ng “secret notes” ng mga Han Chinese para pabagsakin ang mga namumunong Mongolian.

Kinakain pagkatapos ng hapunan ang mooncake na gawa sa makapal na lotus seed paste na nakabalot sa salted duck egg yolks at may thin crust. Iba’t ibang klase ang filling at crust nito depende sa rehiyon –chocolate, vanilla, mixed nuts at sesame, black/white mongo, ube, matcha, pandan, mochaccino, durian at iba pa.

Sa South Korea, tinatawag itong Chuseok (Korean Thanksgiving) kung saan dumadalaw ang mga pamilya sa mga ancestral graves, nanonood ng folk dancing at “songpyeon” (golf ball-size rice cake with red bean, chestnuts, sesame seeds).

Sa Japan naman ay kinikilala ito bilang Tsukimi na ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagkain ng “tsukimi dango” (made of rice, round white dumplings).

Different celebrations all over Chinese communities 

Sa Binondo, pinangunahan ng Lucky Chinatown ang pagdiriwang na nagdaos ng mooncake fair, lantern painting competition, community dice game, Little Lanterns Fashion Show, at Great Mooncake Bake-off Year 4.

Sa Hong Kong, nariyan ang mga lantern exhibitions at carnivals sa Victoria Park sa Hong Kong Island, Sha Tin Park at Tsing Yi Park;  ang thematic lantern display na “Enchanted Blossom Under the Moon” sa Hong Kong Cultural Centre Piazza; at Tai Hang Fire Dragon Dance sa Causeway Bay.  
Mayroon namang lantern display na “Waters of Prosperity,” light at music show na “Garden Rhapsody: Tales of the Moon,” traditional arts showcase na “Blossoming Harvest” food street, lantern decorating, umbrella painting, Chinese knots, lantern riddles, light installations, at Mediterranean Garden sa Gardens by the Bay, storytelling at craft workshops sa Sun Yat Sen Nanyang Memorial Hall at Esplanade, at carnival at lantern parade sa Chinatown.



DOT muling papasiglahin ang Japan tourist market sa PH


            Pinangunahan ni Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo
ang ceremonial toast at welcome reception ng Japan’s Tourism Expo
sa Tokyo kamakailan. (Kuha mula sa Department of Tourism 2017)
Para mapalakas ang Japan tourist market ng Pilipinas ay pinangunahan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Tulfo-Teo ang 33-member delegation na sumali sa Tourism Expo Japan 2017 na ginanap sa Tokyo Big Sight kamakailan.

Ang delegasyon ay binubuo ng 15 travel at tour operators mula sa Pilipinas kabilang ang Philippine Air Lines (PAL), Cebu Pacific, mga hoteliers at 18 opisyal ng DOT at Tourism Promotions Board (TPB).

Nagsagawa ng bilateral tourism talks ang delegasyon sa pangunguna ni Teo kasama ang mga opisyal ng Ministry of Land, Infrastructure, Transport and Tourism ng Japan sa pangunguna ni Minister Keiichi Ishii. Nakipagpulong din sila sa mga grupo ng English as Second Language (ESL).

Ipinamalas ng Pilipinas sa booth nito sa expo ang “It’s More Fun in the Philippines” brand nito kung saan tampok ang bansa bilang premium resort destination.

Kasama rin ni Teo sina DOT Undersecretary Benito Bengzon, Jr., Assistant Secretary Ma. Lourdes Japson at Tourism Attaché to Japan Verna C. Buensuceso.

Sa ginanap na ministerial roundtable sa Global Tourism Forum ng tour expo ay tiniyak ni Teo na ang Pilipinas ay palaging katuwang sa pandaigdigang pagsisikap upang protektahan ang kapaligiran at matiyak ang pagpapanatili ng industriya ng turismo.

“With the Philippines’ diversely-rich natural environment, Filipinos offer ultimate fun experience to our guests. But, without collaborated measures on environmental protection, we cannot ensure sustainable growth of the tourism industry nor reap its economic benefits,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pang-rehiyong kooperasyon habang ang Asya ay nakararanas ng patuloy na tourism boom, base sa 2030 projections ng United Nations World Tourism Organization.

“This growth is something we hope for but collaboration among our nations will be the key to continued growth, development and sustainability of tourism in Asia,” aniya.

Nagtala ng 294,080 Japanese tourist arrivals ang Pilipinas sa unang anim na buwan ng 2017, ang pang-apat sa source market ng Pilipinas kasunod ng South Korea, Amerika at China.

Target ng DOT na makaakit ng 600,000 hanggang 650,000 turistang Hapon ngayong taon, mas mataas sa 535,238 turistang Hapon na bumisita sa Pilipinas noong 2016.





Miyerkules, Nobyembre 1, 2017

Bagong sistema ng earthquake alert sisimulan sa Nobyembre

Maglalabas ng bagong warning system ang Japan Meteorological Agency (JMA) simula sa Nobyembre para alertuhan ang mga residente na maaaring maapektuhan ng malakas na lindol sa Nankai Trough.

Ayon sa mga ulat, hihimukin nito ang mga residente na nakatira sa central at southwestern Japan pati na rin sa mga baybaying lugar sa Pasipiko na siyasatin ang mga daanan sa mga evacuation sites pati na rin ang emergency supplies na magagamit sa lindol.

Ang bagong sistemang ito ng earthquake alert ay base sa mga obserbasyon ng foreshocks at ginawa matapos mapagpasyahan ng mga eksperto ng Central Disaster Management Council sa kanilang ulat na isinumite kay Hachiro Okonogi, minister of disaster management na mahirap tiyakin kung kelan tatama ang isang malaking lindol.

Ito ang unang beses na babaguhin ang patakaran ng warning sytem ng malakas na lindol sa bansa sa loob ng 40 taon.

Matatandaang sinabi ng pamahalaan noong 2012 na aabot sa 300,000 katao ang maaaring mamatay sakaling tumama ang magnitude 9 na lindol sa Nankai Trough. Inilathala naman noong 2014 ang isang 10-year program na layong mabawasan ng 80 porsyento ang mga maaaring mamatay sa malakas na lindol. 

Naganap ang magnitude 8.4 na lindol sa Nankai trough noong Disyembre 24, 1854 na naging sanhi ng tsunami at ikinamatay ng libu-libong katao.

Ang Nankai Trough ay sumasaklaw sa mga lugar na malayo sa pampang mula sa rehiyon ng Tokai hanggang sa Kyushu.

UN Chief Guterres, planong bumisita sa Japan sa gitna ng tensyon sa NoKor


Nagkamay sina Japanese Prime Minister Shinzo Abe at 
U.N. Secretary-General Antonio Guterres nang magkita 
sa United Nations General Assembly sa New York 
nitong Setyembre. (Kuha mula sa Cabinet Public Relations Office)

Planong tumungo ni U.N. Secretary-General Antonio Guterres sa Japan sa huling bahagi ng taon para talakayin kay Prime Minister Shinzo Abe ang ilang isyu kabilang ang nuclear weapons program ng North Korea.

Ayon sa ulat ng Japan Times, inaasahan na pag-uusapan nina Abe at Guterres ang mga usapin tungkol sa global warming, U.N. reforms at sustainable development goals para solusyunan ang problema sa kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.

“Japan is a very important partner of the U.N. I am looking forward to that visit and talking about everything,” saad ni Guterres sa panayam.

Kapag natuloy, inaasahan na magaganap ang pagbisita kasabay nang pagsasagawa ng World Assembly for Women 2017 o ‘di kaya ay international conference on health and medicine sa Disyembre. Ito ang magiging unang pagbisita ni Guterres sa Japan bilang U.N. chief simula nang maitalaga sa pwesto noong Enero.

Matatandaang nagkita sina Abe at Guterres noong Setyembre 19 nang bumisita ang lider ng Japan sa New York para daluhan ang United Nations General Assembly.

Samantala, nagpahayag din ng pagnanais si Guterres na mabisita ang Hiroshima at Nagasaki sa hinaharap.

“1,000 Days To Go” countdown event, isasagawa

Ni Florenda Corpuz
Naglagay ng street banners sa Tokyo bilang paghahanda sa Tokyo 2020.
(Kuha mula sa Tokyo 2020)
Magsasagawa ng “1,000 Days To Go” countdown event ang mga organizers ng Tokyo 2020 Olympic and Paralympic Games sa Nihonbashi sa Oktubre 28 at sa Tokyo Sky Tree sa Nobyembre 29.

Papalamutian ng mga bagong promotional graphics ng Tokyo 2020 ang pangunahing kalye ng pamosong Nihonbashi district na magiging malaking sports field sa araw na iyon. Magpapakitang-gilas din ang mga atleta habang maaari naman matutuhan ng mga manonood ang ilan sa mga sports na isasali sa Olympic Games sa unang pagkakataon. Magkakaroon din ng Olympic Concert.

Iilawan naman ang Tokyo Sky Tree – ang pinakamataas na free-standing tower sa buong mundo sa taas na 634 na metro – ng tatlong kulay ng “Agitos” na Paralympic symbol.

Gagamitin ang pitong bagong graphics – dalawa para sa Olympic-related promotion, dalawa para sa Paralympic-related promotion at tatlo para sa alinman sa dalawa – sa mga posters, banners at merchandise sa iba’t ibang lugar sa lungsod kasabay ng isang buwang pagdiriwang.

Mag-oorganisa rin ng iba’t ibang cultural, sporting at educational events sa buong Japan na may layong mapanatili ang momentum sa Olimpiyada at mahikayat ang pakikilahok ng publiko sa selebrasyon.

Fukuoka Prize 2017 iginawad sa apat na indibidwal

Ni Florenda Corpuz

 Mula sa kaliwa: Sina Professor Wang Ming, Pasuk 
Phongpaichit, Chris Baker, Master Kong Nay, at 
Fukuoka City Mayor Takashima Soichiro.
Iginawad ng Fukuoka City sa apat na indibidwal mula sa iba’t ibang bansa ang prestihiyosong Fukuoka Prize 2017 bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa larangan ng akademya, sining at kultura.

Sa award ceremony na ginanap sa ACROS Fukuoka Symphony Hall kamakailan ay tinanggap ng mag-asawang Pasuk Phongpaichit, 71, isang economist at propesora mula Thailand at Chris Baker, 69, isang historian mula U.K. ang Grand Prize.

Nakuha naman ni Professor Wang Ming, 58, isa sa mga lider ng NGO (non-governmental organization) studies at environmental governance sa China ang Academic Prize. Ibinigay naman sa Cambodian arts legend na si Master Kong Nay, 73, ang Arts and Culture Prize.

Pinangunahan ni Fukuoka City Mayor Takashima Soichiro ang seremonya na pinatingkad ng presensya nina Imperial Highness Prince Akishino, ang pangalawang anak na lalake ni Emperor Akihito, at kanyang kabiyak na si Princess Kiko.

Iginawad ng alkalde sa mga laureates ang mga sertipiko kung saan ang cover ay gawa sa Hakata textiles na itinuturing na pinakasikat na traditional art craft sa Fukuoka, at medalya na hango sa cotton rosemallow ang disenyo na siyang opisyal na summer flower ng lungsod.

Bukod sa mga ito ay may prize money din na tinanggap ang apat na laureates –  ¥5,000,000 yen para sa Grand Prize, ¥3,000,000 para sa Academic Prize at ¥3,000,000 para sa Arts and Culture Prize.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang apat sa pagkilalang kanilang natanggap mula sa Fukuoka City.

“I am proud because this is a mark of recognition and especially proud of what this prize stands for,” ani Pasuk.

“It celebrates the great diversity among people, it is dedicated to peace and it encourages cultural exchange and peace, harmony and justice. These are creations that have motivated our work,” dagdag pa niya.

“This is the first time the prize was awarded to a couple,” ani Baker. “Somehow in our case, one plus one is equal more than two. We made something out of our differences - female and male, Thai and English, East and West, economics and history,” aniya.

“Today again with the world seeing another point of change and great uncertainty, the aspiration underlying this prize are more important than ever,” pagtatapos niya.

Kinilala ng Fukuoka City ang kontribusyon ng mag-asawa para sa kanilang “multidisciplinary and comprehensive analysis of the social changes which Thailand has experienced since the period of rapid economic growth in the 1980s.”

Ang Fukuoka Prize (dating Fukuoka Asian Culture Prize) ay inilunsad noong 1990 upang i-promote at maunawaan ang natatanging kultura ng Asya at isulong ang kapayaaan sa rehiyon.

Magugunitang ginawad sa Filipino historian at manunulat na si Dr. Ambeth R. Ocampo ang Academic Prize noong nakaraang taon.

Bukod sa kanya ay kinilala rin ang kontribusyon ng ilan pang mga Pilipino noong mga nakaraang taon: Leandro V. Locsin (architect, Arts and Culture Prize 1992), Marilou Diaz-Abaya (filmmaker, Arts and Culture Prize 2001), Reynaldo C. Ileto (historian, Academic Prize 2003) at Kidlat Tahimik (filmmaker, Arts and Culture Prize 2012).

Biyernes, Oktubre 27, 2017

Japanese pop diva Namie Amuro, inanunsyo na ang pagreretiro sa susunod na taon


“Today, I would like to write about something that I have carried on my mind and have decided on the 25th anniversary of my debut. I, Namie Amuro, would like to take this opportunity to inform all of my fans of my decision to retire as of September 16, 2018,” ang nakakagulat na anunsyo ng J-pop superstar na si Namie Amuro sa kanyang website sa araw ng kanyang kaarawan kamakailan.

Bago nito naglabas pa ng kanyang 46th single – ang upbeat party tune na “Showtime” bilang theme song ng kakasimulang TBS drama na pinamagatang “Kangoku no Ohimesama” (Prison’s Princess) na ipinapalabas tuwing Martes (10:00pm). Ito’y tungkol sa limang babaeng maghihiganti sa isang presidente ng kumpanya. Nagtanghal din ang singer sa isang commemorative concert sa kanyang hometown na Okinawa.

This is an honor. When looking at the revenge plan that unfolds in the drama, I decided to make Showtime a feminine pop song. I am happy that it will add excitement to the drama,” ang masayang tugon pa ng tinaguriang fashion icon sa J-pop tungkol sa kanta, kaya’t ‘di naiwasan na nagulat ang mga tagahanga nito sa biglaang pag-aanunsyo niya ng pagreretiro dalawang linggo pagkatapos.

‘Finally’ celebrates 25 years of enduring music

Ngayong taon, naglabas din ang two-time Japan Record awardee ng compilation album, ang Best 2008-2017 na may 26 tracks at singles na “Just You and I” at “Strike a Pose.”  

Ang pagdating ng Setyembre 18 ang hudyat ng pagtatapos ng 25th anniversary celebration ng singer ngunit bago siya tumigil sa pagkanta ay sinabi nito sa kanyang sulat sa mga tagahanga, “I plan to make the last year of my music career meaningful by focusing my full attention on creating a final album and performing at concerts.”  

Alinsunod dito, nakatakdang ilunsad ang 3-disc best of album na “Finally,” na huli na niyang compilation album sa Nobyembre 8. Naglalaman ito ng kabuuang 52 tracks kabilang ang kanyang debut solo single na “Body Feels Exit,” koleksyon ng kanta mula sa Super Monkeys (dati niyang grupo bago mag-solo), mga re-recorded singles para sa album, anim na bagong kanta – “Hope,” “Finally,” “Do It For Love,” “Showtime,” at dalawang hindi pa pinapangalanang kanta.

The final bow

Ilan lamang sa mga career highlights ng diva ang pagsali nito ng Pink Panther sa promosyon ng 2005 “Queen of Hip-Hop” album at music video ng “WoWa,” ang rapping parts niya sa re-recorded version ng “Waterfalls” na kanta ng R&B group na TLC, ang kolaborasyon nito sa mga kilalang producers sa Amerika, ang R&B at EDM-infused na mga kanta nito, ang duet sa vocaloid na si Hatsune Miku, ang fashion style niyang tinawag na “Amuraa,” at ang impluwensiya nina Madonna, Kylie Minogue at Janet Jackson sa kanyang music style.  

“September 16 marked the 25th year since my debut. I could not have gone 25 years without your support, for which I am eternally grateful. Thank you very much for your continuous support. I hope this year will be filled with wonderful memories for me and the fans together. Then, I will welcome the date of September 16, 2018 in the best way I can. Together, let’s make this coming year the best one possible!” ang pagpapatuloy ng mensahe ni Amuro sa mga tagahanga.

Sa kanyang huling taon ng music activities, maliban sa nakatakdang concerts, nasa plano rin ng Japanese hitmaker ang paglulunsad ng kahuli-hulihang bagong album bilang “parting gift” sa mga maraming tagasuporta nito sa Asya sa loob ng 25 taong karera sa musika.

Miss International 2017 gaganapin sa Tokyo sa Nobyembre 14

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Binibining Pilipinas

Muling magniningning ang kagandahan at aangat ang katalinuhan ng mahigit sa 70 kandidata mula sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo sa nalalapit na coronation night ng prestihiyosong Miss International Beauty Pageant 2017 na gaganapin sa Tokyo Dome City Hall sa Nobyembre 14.

Isa sa tatlong pangunahing beauty pageants sa buong mundo, ang Miss International Beauty Pageant 2017 ang ika-57 na taon ng patimpalak mula nang ito ay inilunsad noong 1960 sa Long Beach, California, U.S.A.

Darating sa Japan ang mga kandidata sa huling bahagi ng Oktubre upang makibahagi sa ilang mga kaganapan bago ang coronation night na may kinalaman sa kulturang Hapon at iba pang exchange events.

Kabilang sa mga kandidata ang pambato ng Pilipinas na si Mariel de Leon, 23, anak ng showbiz couple na sina Christopher de Leon at Sandy Andolong. Nagtapos siya ng high school sa Southville International School at nagtungo sa New Zealand kung saan siya nag-aral ng cooking course.

Nakatakdang ipasa ni Miss International 2016 Kylie Verzosa ang korona sa tatanghaling Miss International 2017 habang kokoranahan din ang mga runners-up na kabilang sa Top 5 at special award winners.


May anim na Miss International titleholders ang Pilipinas na kinabibilangan din nina Gemma Teresa Cruz (1964), Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979), Precious Lara Quigaman (2005) at Bea Rose Santiago (2013).

Miyerkules, Oktubre 25, 2017

Pinoy musical ‘Ang Larawan’ kasado na ang world premiere sa TIFF


Magbubukas sa Oktubre 25 at tatagal hanggang Nobyembre 3 ang 30th Tokyo International Film Festival (TIFF), na isa sa pinakaprestihiyosong international film festivals sa Asia.  At isa sa mga mapalad na napiling pelikulang Pinoy ang nakatakdang magdaos ng world premiere rito, ang star-studded musical na pinamagatang “Ang Larawan” (The Portrait).

Bahagi ang pelikula sa Asian Future section kung saan makikipagtagisan ito sa iba pang mga obra sa Asya para sa titulong Best Asian Future Film Award, na siyang napagwagian ng “Birdshot” (2016) ni Mikhail Red.

Ipapalabas sa Oktubre 30 (1:50 pm / Screen 3) at Oktubre 31 (8:40 pm/Screen 9) sa TOHO Cinemas Roppongi Hills ang musical film.

May apat pang pelikulang Pinoy ang kasali sa TIFF – “The Right to Kill (Tu Pug Imatuy / Asian Future Section),” “Underground (Pailalim / World Focus Section),” “Kristo” at “Will Your Heart Beat Faster?” (Kakabakaba Ka Ba?) sa Crosscut Asia #4.

Ang musical ng bayan, isang pelikula na

Mula ito sa Culturtrain Musicat Productions, Inc., direksyon ni award-winning Broadway production designer Loy Arcenas, panulat ni National Artist for Theatre Rolando Tinio, orihinal na musika ni Ryan Cayabyab at ABS-CBN Philharmonic Orchestra, at hango mula sa dula ni National Artist for Literature Nick Joaquin na “A Portrait of the Artist as Filipino.”

Sentro ng kwento nito ang dalawang magkapatid na babaeng sina Candida (Ampil) at Paula (Alejandro) nang maharap ang pamilya nila sa pinansiyal na pagsubok na bunsod ng hindi na pagpipinta ng kanilang amang si Don Lorenzo (Arevalo). At ang huling obra ni Don Lorenzo na isang self-portrait ay magiging sanhi ng kaguluhan sa magkapatid, at atraksyon sa mga taong nakapaligid sa kanila. Nakatakda ang mga pangyayari sa Intramuros sa taong 1941 bago ang World War II.

Tampok dito ang pinaghalong talento ng mga batikan at nakababatang mga aktor at mang-aawit sa bansa na kinabibilangan nina Joanna Ampil, Rachel Alejandro, Celeste Legaspi, Noel Trinidad, Bernardo Bernardo, Nanette Inventor, Jaime Fabregas, Menchu Lauchengo, Dulce, Nonie Buencamino, Jojit Lorenzo, Ogie Alcasid, Zsa Zsa Padilla, Cris Villonco, Aicelle Santos, Cara Manglapus, Rayver Cruz, Sandino Martin, Paulo Avelino, at Robert Arevalo.

Ang pambansang dula ng Pilipinas

Isinulat ang A Portrait of the Artist as Filipino ni Joaquin sa English na unang inilathala noong 1952 at itinuturing na pinakakilalang dulang Filipino. Nasundan ito ng pag-ere ng dula sa radyo bago nagkaroon ng bersyon sa entablado noong 1955 sa Intramuros. Isinalin ito sa Tagalog at nagkaroon ng maraming depiksyon sa parehong Tagalog at English sa mga sumunod na taon at theatrical runs sa ibang bansa. Pinakahuling depiksyon nito sa teatro ang English version mula sa Repertory Philippines noong 2009.

Isinalin naman ito bilang black-and-white English-language film noong 1965 ni Lamberto Avellana.

Inilunsad naman noong 1997 ang kauna-unahang musical rendition ng dula na mula sa Musical Theater Philippines, ngayo’y Culturtrain Musicat Productions, sa pangunguna ng singer na si Celeste Legaspi at talent manager/producer na si Girlie Rodis at pinamagatang “Larawan: The Musical.”

Hindi pa naipapalabas ang pelikula sa ‘Pinas ngunit naisumite na ito sa pangalawang seleksyon ng Metro Manila Film Festival (MMFF). Malalaman sa Nobyembre 17 ang opisyal na listahan ng mga pelikulang maipapalabas sa Disyembre 25.

Mga Pinoy sa Japan pinaalalahanan ukol sa paglilimos

Ni Florenda Corpuz

Nagbigay ng paalala ang Embahada ng Pilipinas sa Japan sa lahat ng mga Pilipino sa bansa na itigil ang paglilimos o kaya’y pangangalap ng salapi at donasyon sa mga liwasan at pampublikong lugar sa bansa.

“Ipinaaala po na ang paglilimos at pangangalap ng salapi, lalo pa’t kung ito ay isinasagawa sa loob o ‘di kaya’y sa paligid ng mga himpilan ng tren, ay labag sa batas at sa mga alituntuning pambansa at lokal,” saad ng Embahada sa isang pahayag na inilathala sa kanilang website.

Ayon pa sa Embahada, hindi sila sumasang-ayon sa mga ganitong uri ng gawain.

“Ang Pasuguan ay wala pong sinususugan o itinataguyod na anumang uri ng lantarang pangangalap ng salapi sa mga pampublikong lugar,” pagbibigay-diin ng Embahada.

Dinagdag pa ng Pasuguan na ang mga donasyon ay dapat idaan sa mga ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas.


“Sa mga panahon po ng malawakang sakuna at pangangailangan sa Pilipinas, ang mga donasyon at ambag ay nararapat pong idaan lamang doon sa mga kagawaran, kawanihan o ahensiya ng Pamahalaan ng Pilipinas na sadyang itinalaga para sa gawaing ito, tulad halimbawa ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) o Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (Department of Social Welfare and Development). Sa ganitong paraan po ay makatitiyak na ang ating ambag ay maipararating sa mga nangangailangan,” paalala ng Embahada.