Miyerkules, Oktubre 25, 2017

Pinoy musical ‘Ang Larawan’ kasado na ang world premiere sa TIFF


Magbubukas sa Oktubre 25 at tatagal hanggang Nobyembre 3 ang 30th Tokyo International Film Festival (TIFF), na isa sa pinakaprestihiyosong international film festivals sa Asia.  At isa sa mga mapalad na napiling pelikulang Pinoy ang nakatakdang magdaos ng world premiere rito, ang star-studded musical na pinamagatang “Ang Larawan” (The Portrait).

Bahagi ang pelikula sa Asian Future section kung saan makikipagtagisan ito sa iba pang mga obra sa Asya para sa titulong Best Asian Future Film Award, na siyang napagwagian ng “Birdshot” (2016) ni Mikhail Red.

Ipapalabas sa Oktubre 30 (1:50 pm / Screen 3) at Oktubre 31 (8:40 pm/Screen 9) sa TOHO Cinemas Roppongi Hills ang musical film.

May apat pang pelikulang Pinoy ang kasali sa TIFF – “The Right to Kill (Tu Pug Imatuy / Asian Future Section),” “Underground (Pailalim / World Focus Section),” “Kristo” at “Will Your Heart Beat Faster?” (Kakabakaba Ka Ba?) sa Crosscut Asia #4.

Ang musical ng bayan, isang pelikula na

Mula ito sa Culturtrain Musicat Productions, Inc., direksyon ni award-winning Broadway production designer Loy Arcenas, panulat ni National Artist for Theatre Rolando Tinio, orihinal na musika ni Ryan Cayabyab at ABS-CBN Philharmonic Orchestra, at hango mula sa dula ni National Artist for Literature Nick Joaquin na “A Portrait of the Artist as Filipino.”

Sentro ng kwento nito ang dalawang magkapatid na babaeng sina Candida (Ampil) at Paula (Alejandro) nang maharap ang pamilya nila sa pinansiyal na pagsubok na bunsod ng hindi na pagpipinta ng kanilang amang si Don Lorenzo (Arevalo). At ang huling obra ni Don Lorenzo na isang self-portrait ay magiging sanhi ng kaguluhan sa magkapatid, at atraksyon sa mga taong nakapaligid sa kanila. Nakatakda ang mga pangyayari sa Intramuros sa taong 1941 bago ang World War II.

Tampok dito ang pinaghalong talento ng mga batikan at nakababatang mga aktor at mang-aawit sa bansa na kinabibilangan nina Joanna Ampil, Rachel Alejandro, Celeste Legaspi, Noel Trinidad, Bernardo Bernardo, Nanette Inventor, Jaime Fabregas, Menchu Lauchengo, Dulce, Nonie Buencamino, Jojit Lorenzo, Ogie Alcasid, Zsa Zsa Padilla, Cris Villonco, Aicelle Santos, Cara Manglapus, Rayver Cruz, Sandino Martin, Paulo Avelino, at Robert Arevalo.

Ang pambansang dula ng Pilipinas

Isinulat ang A Portrait of the Artist as Filipino ni Joaquin sa English na unang inilathala noong 1952 at itinuturing na pinakakilalang dulang Filipino. Nasundan ito ng pag-ere ng dula sa radyo bago nagkaroon ng bersyon sa entablado noong 1955 sa Intramuros. Isinalin ito sa Tagalog at nagkaroon ng maraming depiksyon sa parehong Tagalog at English sa mga sumunod na taon at theatrical runs sa ibang bansa. Pinakahuling depiksyon nito sa teatro ang English version mula sa Repertory Philippines noong 2009.

Isinalin naman ito bilang black-and-white English-language film noong 1965 ni Lamberto Avellana.

Inilunsad naman noong 1997 ang kauna-unahang musical rendition ng dula na mula sa Musical Theater Philippines, ngayo’y Culturtrain Musicat Productions, sa pangunguna ng singer na si Celeste Legaspi at talent manager/producer na si Girlie Rodis at pinamagatang “Larawan: The Musical.”

Hindi pa naipapalabas ang pelikula sa ‘Pinas ngunit naisumite na ito sa pangalawang seleksyon ng Metro Manila Film Festival (MMFF). Malalaman sa Nobyembre 17 ang opisyal na listahan ng mga pelikulang maipapalabas sa Disyembre 25.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento