Martes, Oktubre 14, 2014

Ang kahalagahan ng ‘Respect for the Aged Day’ sa kulturang Hapon

Ni Florenda Corpuz


Si Misao Okawa kasama si Guinness World Records Country Manager 
for Japan, Erika Ogawa (Kuha mula sa Guinness World Records)
Sa Japan kung saan malaking bilang ng populasyon ay mga matatanda ay napakahalaga nang paggunita sa mga okasyon na nagbibigay-halaga sa kanila tulad ng “Respect for the Aged Day” o “Keiro no Hi” na ipinagdiriwang tuwing ikatlong Lunes ng Setyembre.

Ang Respect for the Aged Day ay idineklara bilang national holiday noong 1966 upang alalahanin ang pagpasa sa Elderly Welfare Law ng bansa. Ito ay orihinal na ipinagdiriwang tuwing ika-15 ng Setyembre ngunit binago ito at ginawang tuwing ikatlong Lunes ng buwan simula noong 2003.

Sa mahalagang araw na ito ay binibigyan-pugay ang mga matatanda na nasa edad 60 pataas dahil sa malaking kontribusyon nila sa lipunan at sa kahilingan na rin na mas humaba pa ang kanilang buhay. Kadalasan ay may mga “keirokai” ceremonies na ginaganap sa mga lokal na munisipalidad kung saan mga batang mag-aaral ang mga abala. Sila ay naghahandog ng mga sayaw at awitin sa mga matatanda.

May mga volunteers din na nagdadala ng mga “obento” boxes sa mga tahanan ng mga senior citizens. Sa mga tahanan naman ay binibigyan ng regalo ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang mga lolo at lola upang iparamdam ang kanilang paggalang at pagmamahal. 

Sa Japan, ang pagsusuot ng kulay pula pagsapit ng ika-60 kaarawan ay bahagi na ng kanilang kultura dahil sa paniwalang sila ay nagiging sanggol muli. Ang sanggol sa Japan ay tinatawag na “aka-chan” na may kahulugang “red one.”
           
Sa kasalukuyan, si Misao Okawa, 116-taong-gulang ang itinuturing na pinakamatandang tao sa buong mundo ayon sa Guinness World Records. Isinilang siya sa Tenma, Osaka noong Marso 5, 1898. Nag-asawa siya noong 1919 at biniyayaan ng tatlong anak, dalawa rito ay buhay pa. Mayroon siyang apat na apo at anim na apo sa tuhod. Siya ay kasalukuyang naninirahan sa Kurenai Nursing Home sa Osaka.

Habang si Sakari Momoi, 111-taong-gulang at naninirahan sa Tokyo ang itinuturing na pinakamatandang lalake. Siya ay isinilang noong Pebrero 5, 1903 sa Fukushima kung saan siya ay naging guro. Lumipat siya sa Saitama pagkatapos ng World War II at naging high school principal hanggang siya ay magretiro.

Kamakailan ay lumabas sa mga balita na 25% ng populasyon ng Japan ay mga matatanda na may edad 65 pataas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento