Ni Herlyn Alegre
Tuwing nababanggit ang Sendai, ang unang
pumapasok sa isip natin ay isang lugar na sinalanta ng lindol at tsunami noong
2011. Bagamat makikita pa ang bakas nito sa ilang lugar sa Sendai, may maganda
at masayang bahagi pa rin naman ang lungsod na ito.
Maraming lugar na mapapasyalan ang mga
turista rito at may masasarap na pagkain na dapat dayuhin. Paglabas pa lang ng
Sendai Station ay makikita na ang magagandang shopping malls at matataas na
gusali, hindi nalalayo sa itsura ng Tokyo.
Seishun 18 Kippu
Para makatipid, bumili kami ng
Seishun 18 Kippu, isang espesyal na pass na mabibili sa mga JR Ticket Offices.
Sa halagang Y11,850 ay maaari ka nang makapaglakbay mula Tokyo papuntang Osaka,
Kyoto, Nagoya o Sendai. Mura ito pero may catch. Maaari itong gamitin sa lahat
ng local at rapid trains ng JR sa iba’t ibang probinsya pero hindi ito maaaring
gamitin sa express trains.
Maaaring magamit ang ticket ng limang
beses at ng mahigit sa isang tao. Dalawa kami ng kaibigan ko na gumamit ng pass
na ito. Sa roundtrip na biyahe namin, apat na beses lang namin ito nagamit. Ang
biyahe mula Tokyo hanggang Sendai ay tumatagal ng dalawang oras lamang kung
sasakay ng Shinkansen na nagkakahalaga ng halos Y20,000.
Gamit ang Seishun 18 Kippu, tumagal ng pitong
oras ang biyahe namin pero sa halagang halos Y6,000 lamang kada tao (dahil
dalawa kaming naghati sa pass). Kung may oras ka at gusto ng adventure, magandang
gamitin ang pass ito.
Sedai Loople Bus
Para siguradong maikot ang buong
lungsod, maaaring bumili ng 1-day pass sa Sendai Loople Bus na dumaraan sa iba’t
ibang tourist spots at historical attractions sa lugar. Nasa labas ng Sendai
Station ang terminal ng bus at tumatagal ng isang oras ang pag-ikot nito sa
buong lungsod. Kung may 1-day pass ay maaari kang bumaba at sumakay mula sa
kahit anong stop. Nagkakahalaga ang unlimited pass ng 620 yen, pero maaari ring
bumili ng one-time ticket na Y240.
Tourist Spots sa
Sendai
Gamit ang Sendai Loople Bus,
maraming mga interesanteng bagay ang makikita sa Sendai. Ilan sa mga ito ay
ang:
Sendai
Castle Site. Ito ay tinayo at tinirahan ni Date Masamune, ang nagtatag ng
lungsod ng Sendai. Sa kasalukuyang panahon, wala nang nakatayong palasyo ang
makikita rito dahil nasira na ito. Sa halip, makikita rito ang isang malaking
estatwa ni Date Masamune at matatanaw din mula rito ang kapatagan ng lungsod.
Statue
of the Goddess of Kannon (Deity of Mercy). May taas ang estatwang ito ng
100m. Mula sa upper observation window ay magandang view ng lungsod ng Sendai
at ng Pacific Ocean.
Rinno-ji
Temple. Ang templong ito ay kasabay na lumilipat ng pamilyang Date tuwing
sila ay nagpapalit ng tirahan. Permanente na itong itinayo sa kasalukuyang okasyon
nang sinimulan nang itatag ang lungsod ng Sendai. May three-story pagoda ito na
nakaharap sa isang magandang lawa.
Zuihoden. Dito nakahimlay
ang mga labi ni Date Masamune. Napapalamutian ng ginto at mga inukin na estatwa
ang lugar na ito.
Akiu
Kogei no Sato (Akiu Traditional Crafts Village). Maaaring subukan ang paggawa
ng iba’t ibang klaseng traditional crafts dito tulad ng painting at dyeing.
Maaari rin na panooring magtrabaho ang mga bihasang artisans na kilala sa paggawa
ng kokeshi dolls at Sendai tansu (Japanese chest of drawers).
Akiu
Hot Spring. Ang onsen na ito ay nadiskubre may 1500 taon na ang nakakalipas. Isa ito sa tatlong pinakakilalang hot spring sa Japan na tinatawag na
“Japan’s three Royal Hot Springs.”
Ang Dinadayong
Gyutan
Isa sa pinakakilalang delicacy ng
Sendai na dinarayo pa ng marami ay ang Gyutan o grilled beef tongue. Maraming
iba’t ibang restaurant ang nagbebenta ng pagkaing ito kaya siguradong madali
itong hanapin. Isa sa pinakakilalang chain ng restaurants na nagbebenta nito ay
ang Rikyu. Sa halagang Y1500 ay makakabili ka na ng isang set meal na kumpleto
na may gyutan, kanin, soup at iba’t ibang side dish. Worth a try ang Gyutan
dahil sobrang lambot at malasa ito. Maaari rin na bumili ng mga naka-pack na
Gyutan bilang pasalubong.
Manood ng JPOP
Concert
Ang Sekisui Heim Super Arena ay
isa sa mga pinakamadalas na ginagamit na concert venue ng mga sikat na artists.
Kaya nitong mag-upo ng 7,000 manonood. Noong pumunta kami sa Sendai, pinanood namin
ang bandang KAT-TUN na binubuo nina Kamenashi Kazuya, Taguchi Junnosuke, Ueda
Tatsuya at Yuichi Nakamaru, na ilang beses na ring nagtanghal sa Sendai.
Ang lungsod ng Sendai ay patuloy
na bumabangon at lumalaban matapos ang sakuna noong 2011. Sa ngayon, maaari na uli
itong ituring na isa sa mga tourist destinations na pwedeng bisitahin sa Japan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento