Lunes, Oktubre 6, 2014

Philippine Festival 2014 matagumpay na ginanap sa Ueno Park

Ni Florenda Corpuz


Philippine Festival 2014 (Kuha ni Din Eugenio)
TOKYO, Japan – Nakiisa ang magandang panahon sa matagumpay na pagdiriwang ng dalawang araw na Philippine Festival 2014 na ginanap sa sikat na pasyalan na Ueno Park sa lungsod ng Tokyo noong Agosto 30 at 31.

Dumalo sa opening ceremony sina Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez at maybahay na si Madame Maria Teresa L. Lopez, Philippine Festival 2014 Chairperson Jenavilla Bibal Shigemizu, Japanese Ambassador-Designate to the Philippines Kazuhide Ishikawa, House of Representatives at Japan-Philippines Parliamentary Friendship League (JPPFL) Members Yukio Ubukata, Kensuke Miyazaki at iba pang JPPFL Members na sina Kenji Kosaka, Takeshi Maeda at Masayoshi Nataniya, Deputy Director-General of the Southeast and Southwest Asian Affairs Department of MOFA Makita Shimokawa at iba pang dignitaries.

“This Festival is an opportunity to members of the Filipino community in Japan to get-together again. There are more than 225,00 Filipinos residing here and I am sure we will see many of them in this two-day event,” pahayag ni Lopez.

“In keeping with the Festival’s theme of ‘Bayanihan, Tulong sa Bayan,’ I hope you will continue to lend a hand on typhoon victims back home who are still working to rebuild their lives and community,” dagdag nito.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Lopez sa tulong ni ipinahatid ng Japan sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

May temang “Bayanihan, Tulong sa Bayan,” ipinamalas sa kapistahan ang yaman ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga tradisyonal na kanta at sayaw mula sa mga iba’t ibang personalidad at grupo sa Filipino community; mga paboritong pagkaing Pinoy tulad ng adobo, pansit, mga kakanin at halu-halo na mabibili sa mga booths pati na rin mga handicrafts at souvenirs; mga palaro; at serbisyo para sa mga kababayan.

Inabangan ng mga manonood na umabot sa halos 150,000 sa dalawang araw na pagdiriwang ang pagtatanghal ng mga guest artists mula sa Pilipinas na sina Gerald Anderson, Richard Poon, Imelda Papin, Blakdyak, MMJ Magno Brothers, Eric Nicolas, Sunshine Garcia at Aiko Climaco. Pinagkaguluhan din sa pagdiriwang ang Kapuso heartthrob na si Aljur Abrenica na sorpresang dumalo sa pagdiriwang.

Ang Philippine Festival 2014 ay proyekto ng Filipino community sa Japan sa pakikipagtulungan ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo at Ministry of Foreign Affairs of Japan (MOFA). Layon ng pagdiriwang ang mag-reach out sa Filipino community sa Japan at palaganapin ang pag-unawa at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino sa bansa. Ang kinita sa pagdiriwang ay ido-donate sa charity.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento