Lunes, Oktubre 13, 2014

Ang Lasang Pilipino

Ni Al Eugenio
 
Menudo, sinigang, kare-kare at pinakbet. Minatamis na saging con yelo, leche flan, gulaman at halo-halo. Bibingka, palitaw, sapin-sapin at kalamay. Puto bumbong, suman, halaya at kapeng Batangas. Ilan pa sa atin ang nakakaalala ng tunay na lasa ng mga pagkaing ito?

Mahirap nang maghanap ng pagkaing Pilipino na tama ang lasa sa mga panahong ito. Madalas, kahit pa sa mamahaling lugar, ang mga inihahaing pagkain sa atin ay parang may mali sa timpla. Para bang hindi na kilala ng mga tao ngayon ang totoong lasa ng mga pagkaing isinisilbi nila. Totoo, ang bawat nagluluto ay may kanya-kanyang istilo, pero ang bawat putahe ay mayroong natatanging lasa.
           
Ang timpla at lasa ng mga pagkaing Pilipino ay nagpasalinsalin na sa matagal na panahon. Mula sa ating mga magulang na natutuhan din nila mula sa kanilang mga ninuno pa, ang mga natatanging lasa na hinahanap-hanap palagi ng lahat. Natatanging lasa, kaya naman kapag napasobra ang alat o kaya naman ang asim ay mayroon laging pumupuna.

Bagama’t mayroong iba’t ibang istilo ang mga nagluluto, hindi lumalayo sa natatanging lasa ng bawat putahe ang naluluto nila. Maaaring mas maanghang pero hindi sobra ang alat. Maaaring medyo malasado pero hindi sobra ang asim. May pagbabago man ng kaunti ang itsura ng pagkain pero tama pa rin ang lasa kahit na sa unang tikim.

Malaki ang ipinagbago ng lasa ng ating mga pagkain nang inumpisahang pakialaman ng mga gahamang negosyante ang ating hapag kainan. Umimbento sila ng mga produktong makapagbibigay ng katulad na lasa ng ating mga pagkain. Inilagay nila ito sa mga “Shashei” o kaya naman ay mga naka  “cubes”.

Matapos na mapalambot lamang natin ang karne at mailagay ang mga gulay, ihalo lang ang mga produktong ito at “Presto!” Sinigang na ang ulam ninyo! Hindi na kailangan maghiwa ng kamatis, wala nang ginagayat na sibuyas. Wala ng luya. Wala ng bawang. Hahanguin na lamang at kainan na.

Ang mga produktong ito ay nakapagpagaan sa buhay ng maraming maybahay.  Nabawasan na ang kanyang oras sa pamamalengke at sa isang banda ay maaaring nakatipid pa sila. Ang hindi nila nalalaman ay kung anu-ano kaya ang mga isinangkap upang mapalabas ang lasang ibinibigay ng mga produktong iyon.

Dahil din sa mga instant na panlasang ito,  marami sa mga nagluluto ang umaasa na lamang sa mga produktong ganito. Marami sa kanila ang tuluyan nang nalimutan ang tunay na pamamaraan ng pagluluto ng ating mga pagkain. Dinaraan na lamang sa “tsamba”. Kung hindi sigurado ay magtatanong. Ang iba naman ay nagre-research sa Internet. Totoo, mayroong recipe sa Internet, pero hindi ito sapat. Hindi ito laging kumpleto at laging tama. Marami sa mga recipe sa Internet ay may mga binago na rin at nahaluan na ng mga recipe mula sa ibang bansa.

Iba ang natutuhan ng ating mga nakakatanda sa kanilang pag-aaral nang pagluluto.  Hindi lamang ang pagpili ng mga nararapat na sangkap. Hindi rin lamang ang klase o parte ng mga karne o isda na kanilang lulutuin. Naroroon din ang uri ng paglulutuan. Kaldero ba o palayok? Kahoy ba o uling? Ang bawat putahe ay pinaglalaanan ng tamang kagamitan at pati na rin ang tinatawag na “timing” kung kailan ilalagay ang sangkap para tama ang lasa.

Noong araw ay asin lamang ang pang-alat sa ating mga pagkain. Ngunit ng dumating ang mga Intsik at Hapon, ang “toyo” ay natutuhan na rin na gamitin. At sumunod na ang iba’t ibang uri ng mga pampalasa sa ating mga pagkain. Ito na ngayon ang naging bagong panlasa ng pagkaing Pilipino.

Kapag kumakain tayo sa mga fastfood, maging sa karamihan ng mga restaurant, para bang ipinakakalimot na nila sa atin ang lasa ng mga pagkaing Pilipino. Para bang sinasabi nila na ito na ang lasa ng pagkaing Pilipino ngayon. Masanay na kayo!

Kailan kayo kumain ng masarap na halo-halo? Tama ba ang mga nilalaman nito? Mayroon bang minatamis na saging at kamote? Mayroon bang kaong, nata de coco at ube? Meron bang langka? Meron bang leche flan sa ibabaw at hindi ice cream? Ang ice cream ay dapat sa ibabaw ng ice cream cone, hindi sa ibabaw ng halo-halo!

May sinasabing masarap daw na halo-halo ang Razon’s. Hindi ba hinahalong mais lang ‘yon. Ganun na ba ang halo-halo ngayon? Kunsabagay hinahalo pa rin ‘yon.


Nasubukan ninyo na ba ang sinangag sa Jollibee? Ano ang pagkakaiba sa sinangag na kaning lamig na pinitpitan ng bawang at nilagyan ng asin? Walang toyo. Walang sinangag mix. Hindi sausage at itlog kundi pritong tuyong may kalislis.   Nasubukan ninyo na kaya? Kung hindi ninyo pa nasusubukan, hindi ninyo pa ganap na alam ang lasang Pilipino.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento