Huwebes, Oktubre 9, 2014

Limang kababaihan pasok sa Gabinete

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Prime Minister’s Office of Japan

TOKYO, Japan – Nagtalaga ng limang bagong opisyal na pawang mga kababaihan si Prime Minister Shinzo Abe bilang mga miyembro ng kanyang binalasang Gabinete kamakailan.

Nadagdag sa 18-miyembrong Gabinete sina Yuko Obuchi, 40, bilang economy, trade and industry minister; Sanae Takaichi, 53, bilang internal affairs minister; Haruko Arimura, 43, bilang state minister in charge of women's activities; Eriko Yamatani, 64, bilang state minister in charge of the abduction issue; at Midori Matsushima, 58, bilang justice minister.

Ito ang kauna-unahang pagbalasa ni Abe sa kanyang Gabinete matapos ang kanyang pagbabalik sa posisyon noong 2012 kung saan 2/3 sa mga miyembro ang pinalitan at dobleng higit ang mga kababaihan na itinalaga sa posisyon.

“Today, I reshuffled my Cabinet in order to work on the issues where we should lay greater emphasis, including building up vibrant and affluent local regions, bringing about a society in which women shine, and developing seamless security legislation,” pahayag ni Abe.

“Under this new line-up, the Cabinet will go all out to take on policy issues both foreign and domestic, with an invigorated approach and even greater effectiveness,” dagdag pa ng lider.

Binigyang-diin ni Abe ang kahalagahan ng pagpapalakas ng social status ng mga kababaihan sa bansa. Sa isang pahayag, sinabi nito na hindi dapat bababa sa 30% ang posisyon na ookupahin ng mga kababaihan sa pampubliko at pribadong sektor pagsapit ng taong 2020.

Samantala, isinagawa kamakailan ang kauna-unahang “World Assembly for Women in Tokyo” kung saan mahigit sa 100 prominenteng kababaihan mula sa bansa at iba’t ibang panig ng mundo ang dumalo.
           

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento