Biyernes, Oktubre 10, 2014

‘Harry Potter’ theme park nagbukas sa Osaka


Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Universal Studios Japan

OSAKA, Japan – Binuksan na sa publiko ang The Wizarding World of Harry Potter theme park na ikinagalak ng libu-libong fans na dumalo sa pagtitipon na ginanap sa Universal Studios Japan (USJ) kamakailan.

Hango sa popular na libro na isinulat ni J.K. Rowling na isinapelikula rin ng Warner Bros., ang pinakabagong atraksyon na ito sa Osaka na pangalawang The Wizarding World of Harry Potter theme park ng Universal Studios na una nang nagbukas sa Florida noong 2010.

Dumalo sa pagbubukas sina USJ Co., Ltd. President and CEO Glenn Gumpel pati na rin ang mga bida sa “Harry Potter” film series na sina Tom Felton na gumanap bilang Draco Malfoy at Evanna Lynch na gumanap naman bilang Luna Lovegood.

Nagsagawa ng kunwaring “Revelio” spell sina Felton at Lynch, isang charm upang lumitaw ang mga nakakubling bagay. Kasunod nito ay ang pagpuno ng usok sa archway entrance ng theme park at nang nawala ito’y ang unti-unting paglitaw ng Hogsmeade village.

Samantala, hindi man nakadalo sa pagbubukas ay nagpaabot naman  ng pahayag ang manununulat na si Rowling, “I'm delighted that Harry fans in Japan and around Asia can experience a physical incarnation that is so close to what I imagined when writing the books.”

Bago ang pagbubukas, isang anunsyo hinggil dito ang isinagawa noong Abril 18 na dinaluhan mismo ni Prime Minister Shinzo Abe pati na rin ni US Ambassador to Japan Caroline Kennedy.

Makikita sa loob ng The Wizarding World of Harry Potter theme park ang Hogwarts School of Witchcraft and Wizardry kung saan matatagpuan ang flight simulator ride na Harry Potter and the Forbidden Journey. Maaari rin matikman dito ang popular na Butterbeer. Natatangi rin dito ang Hogwarts’ Black Lake na hindi makikita sa USJ, Florida.


Umabot sa Y45 bilyon ang konstruksyon ng The Wizarding World of Harry Potter sa USJ, Osaka. Inaasahan na kikita ito ng aabot sa Y5.6 trilyon sa susunod na 10 taon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento