Ni
Florenda Corpuz
Binuksan kamakailan sa publiko
ang pangalawa sa pinakamataas na gusali sa Tokyo – ang Toranomon Hills na hudyat
ng ginagawang transpormasyon sa siyudad bilang “international city” bago ang 2020
Tokyo Olympics and Paralympics.
May taas na 247 metro, mas maliit
ng isang metro kumpara sa Midtown Tower, aabot sa 52 palapag ang gusali ng
Toranomon Hills na binuo ng Mori Building Co. ayon sa “Vertical Garden City” concept
nito sa halagang Y140 bilyon.
“Hello, Mirai Tokyo! The future
of Tokyo begins here,” ganito isinalarawan ng Mori Building Co. ang Toranomon
Hills sa kanilang advertising slogan na sinamahan pa ng isang masayahing tiger
character mascot na tinawag nilang “Toranomon.” Si Toranomon ay isang “cat-style
business robot” na nilikha ng Fujiko F. Fujio Productions na may gawa rin sa
sikat na karakter na si Doraemon.
Itinayo ang Toranomon Hills sa
ibabaw ng bagong gawang Toranomon-Shinbashi stretch of Loop Road No. 2, isang
underground road na may habang 1.4 kilometro at kumokonekta sa mga business
districts ng Toranomon at Shinbashi. Inihalintulad sa sikat na Champs-Elysees
sa Paris ang kalsada at dudugtungan pa upang pag-ugnayin ang Main Olympic
Stadium, at iba pang lugar sa katimugang Tokyo kung saan naman itatayo ang
Athletes’ Village at iba pang venue na gagamitin sa Olimpiyada.
Ang pagbubukas ng Toranomon-Shinbashi
stretch of Loop Road No. 2 ay simbolo ng unang hakbang tungo sa public-private
partnership na pinapangunahan ng Mori Building Co. at Tokyo Metropolitan
Government upang muling bigyang buhay ang central Tokyo.
Matatagpuan sa loob ng Toranomon
Hills ang mga office spaces na umuokupa sa ika-anim hanggang ika-35 palapag ng
gusali, conference facilities, high-end residences, retail shops at restaurants,
6,000㎡ open space at greenery pati na
rin ang Andaz, ang kauna-unahang boutique luxury hotel ng Hyatt sa Japan.
Naka-display din sa loob ng gusali ang mga artwalls na gawa ng mga sikat na
Chinese contemporary artists na sina Zhan Wang at Sun Kwak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento