Huwebes, Oktubre 9, 2014

YouTube Space Tokyo: A Place for Creators to Make Better Videos

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa YouTube Space Tokyo
Ikaw ba ay masugid na tagahanga ng sikat na video-sharing website na YouTube? O ‘di kaya ay isang videographer o kaya ay creator na aktibo at tuluy-tuloy na nag-u-upload ng mga kahanga-hangang videos sa platform na ito? Kung ganoon, ang YouTube Space Tokyo ang perpektong lugar para sa iyo.

Binuksan sa publiko noong Pebrero 2013, ang YouTube Space Tokyo ay matatagpuan sa ika-29 na palapag ng Mori Tower sa Roppongi Hills. Ito ay isang studio facility na idinisenyo para sa mga creator upang makalikha ng orihinal na video content, matuto ng mga bagong kasanayan at makipagtulungan sa mga malikhaing komunidad ng YouTube, partikular na ang mga naka-base sa Japan at iba pang bansa sa Asya Pasipiko. Ito ay isa sa tatlong YouTube Spaces sa buong mundo, ang dalawa ay matatagpuan sa London, England at Los Angeles, U.S.A. habang ang ika-apat na Space ay nakatakda naman buksan ngayong taglagas sa New York, U.S.A.

Ang YouTube Space Tokyo ay binubuo ng tatlong production studios kabilang ang isang malaking studio na may multiple sets, ang green screen studio at state-of-the-art news studio na may nakamamanghang tanawin ng skyline ng Tokyo. Mayroon din recording room dito, control room, training room, make-up room, guest room, editing room na puno ng mga propesyonal na software sa pag-e-edit, performance stage, lounge at mini-kitchen.

Bukod sa mga nakakamanghang pasilidad na ito ay nagsasagawa rin ang YouTube Space Tokyo ng mga production workshops, events at seminars na libre para sa lahat kinakailangan lamang na mag-sign up.

Ang access sa YouTube Space Tokyo ay on an application basis. Ito ay bukas para sa lahat ng mga creator na may YouTube channel at may subscribers na hindi bababa sa 100. Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang kanilang website https://www.youtube.com/yt/space/tokyo.html.




            

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento