Ni Rey Ian Corpuz
1.
Pagligo sa gabi sa halip na sa umaga. Sa Pilipinas, dahil mainit, naging
kaugalian na natin na ang pagligo ay parating sa umaga. Maliban lang siguro
kung talagang mainit ay dalawang beses tayo naliligo sa Pilipinas, umaga bago
pumasok sa trabaho o eskwela at tuwing gabi bago matulog. Sa una, hindi ko
ginagawa ang paliligo sa gabi dahil ang pakiramdam natin kapag tayo ay papasok
sa trabaho ay malagkit at hindi tayo mapakali dahil wala tayong ligo sa umaga.
2.
Pag-“bow” kung may kausap sa telepono. Kung kayo naman ay bihasa na sa
wikang Nihongo, marahil ay hindi ninyo napapansin na nag-ba-bow na kayo sa
telepono kung kayo ay may kausap o kaya naman kapag papasok at lalabas ng
kwarto. Ang pagyuko ay isang mahalagang kaugalian ng mga Hapon na isang pagbibigay
ng respeto.
3. Hindi na kayo nakakapagbawas sa
banyo nang walang tissue. Isa sa mga napansin ko noong umuwi ako ng
Pilipinas ay hindi na ako sanay na maglinis gamit ang tubig. Ang kaibahan pa
naman ng mga tissue sa atin ay hindi basta nalulusaw kaya kaunting gamit mo
lang nagbabara na kaagad ang banyo.
4. Pagkakain ka sa Jollibee o McDo
sa Pilipinas, lilinisin mo ang iyong pinagkainan. Isa ito sa mga bagay na
talagang namamangha ang mga Pilipinong hindi pa nakapunta sa ibang bansa. Kapag
kayo ay kakain sa Mcdo, Jollibee o kahit anong fastfood, hindi na ninyo
tinatanggal sa tray ang mga plato at baso at nagkukusang-loob kayong linisin
ang inyong lamesa pagkatapos kumain.
5. Kapag sasampa sa escalator,
parating nasa kaliwang bahagi (kung
kayo ay taga-Kanto area) at parating nasa kanan (kung kayo ay taga-Kansai).
Hindi ba nakakainis kapag tayo ay uuwi sa Pilipinas? Ang laki ng espasyo sa
escalator at talaga ba namang haharangan ng ibang tao ang kabilang bahagi!
6. Ituturo
ninyo ang inyong ilong kung may magtatanong na ibang tao tungkol sa inyo. Tama
ba? Ang dahilan kung bakit tinuturo ng mga Hapon ang kanilang ilong kung
tinutukoy nila ang sarili nila ay dahil ang kanji ng ilong o hana (鼻) may kanji ng
ji ng jibun (自分) sa taas nito. Ibig sabihin tinutukoy mo ang iyong
sarili sa pamamagitan ng pagturo sa inyong ilong.
7. Kung may ide-deny kayo, gagamitin ninyo ang
kamay ninyo at papaypayan ninyo ang inyong mukha. Nakasanayan ko
nang ikaway ang aking kanang kamay kapag may tinatanggi akong bagay.
8. Hinihigop na ninyo ang noodles o ramen
kung kayo ay kakain. Kahit instant o cup ramen o kahit pansit o yakisoba o
kahit spaghetti o bihon, may mala-higop na tunog itong kasama kung kayo ay
kakain nito.
9. Para sa mga lalaki, sanay ka na na magpayong
kapag umuulan. Sa Pilipinas, naging kultura na natin, lalo na ang mga
lalaki na ang pagdadala ng payong ay nakakabawas ng tindig. Pero rito sa Japan,
kapag umulan, lahat ay nakapayong.
10. Pagiging eksperto sa pagbibisikleta habang
may hawak na payong sa kabilang kamay. Kung kayo ay hindi gumagamit ng
sasakyan, marahil ay karamihan sa mga Pilipino, lalo na sa Tokyo o Osaka areas
ay marunong nito. Kaya kapag kayo ay umuwi ng Pilipinas, siguradong bibilib ang
mga kababayan natin sa inyo.
11. Pagiging magugulatin sa paputok.
Walang malalakas na paputok dito sa Japan. Kaya kapag kayo ay uuwi sa Pilipinas
tuwing Pasko at Bagong Taon, siguradong magugulat kayo kapag may nagpapaputok
na hindi ninyo alam.
12. Nagiging sanay ka na sa magnitude 3 or 4
na lindol. At kapag lumindol, kalmado ka lang at hindi ka tatakbo sa labas.
Hindi kagaya noong nasa Pilipinas ka pa, kahit magnitude 3 lang na lindol kay
kakaripas ka kaagad ng takbo palabas.
13. Kayo ay may “kafunsho” o pollen allergy
tuwing tagsibol. Marahil marami nang Pilipino ang may ganito.
14. Sanay na kayong magsuot ng mask sa mukha
kung kayo ay may ubo at sipon. Sa atin sa Pilipinas, ang mga tao na may
lubhang nakakahawang sakit lamang ang nagsusuot nito. Pero sa Japan, kahit
kaunting ubo o sipon lang ay kailangan mong magsuot.
15. Hindi mo isinasara
ang pintuan sa likod ng taxi kapag nasa Pilipinas ka. Lahat ng taxi
dito sa Japan ay ang drayber ang nagbubukas at nagsasara ng pintuan sa likod.
Kaya kapag ito ay nangyari, malamang bubulyawan ka ng taxi driver sa atin sa
Pilipinas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento