Martes, Oktubre 14, 2014

Hello Kitty, ipinadala ng Japan sa kalawakan

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Sanrio Co., Ltd.
TOKYO, Japan – Bilang bahagi ng programa ng pamahalaang Abe na itaguyod ang high-tech industry at engineer economic growth ng bansa, ipinadala ang sikat na Japanese cartoon character na si Hello Kitty sa kalawakan kamakailan.

Sakay ng Hodoyoshi 3, isa sa dalawang satellites na gawa ng Nano-Satellite Center ng University of Tokyo, isang pigura ni Hello Kitty na may taas na apat na sentimetro ang ipinadala ng Sanrio Co., Ltd. sa kalawakan lulan ng compartment na may taas na 70 sentimetro at lapad na 50 sentimetro. Ginamitan ng espesyal na pintura ang pigura upang mapangalagaan ito mula sa UV rays, cosmic rays at vacuum space.

Ang Hodoyoshi 3 ay binuo ng mga Japanese researchers at kabilang sa 37 satellites na inilunsad sa Russia noong Hunyo 19. Ito ay parte ng apat na bilyong yen na proyekto na pinondohan ng Ministry of Education and Science. Misyon nito na subukan ang space technology at magkuha ng high-resolution na litrato ng mundo mula sa kalawakan.

Inanyayahan din ng Sanrio Co., Ltd. ang mga Hello Kitty fans na magpadala ng maikling mensahe para sa kanilang mga pamilya at kaibigan na aabot sa 180 characters sa wikang Ingles at Hapon. Ang napiling mensahe ay idinisplay sa digital message board sa kalawakan mula Agosto 26 hanggang Setyembre 8.

Ipinagdiriwang ng Sanrio Co., Ltd. ang ika-40 anibersaryo ni Hello Kitty ngayong taon na isa sa pinakasikat na simbolo ng “kawaii culture” ng bansa.

Samantala, umaasa naman mga kinatawan ng Nano-Satellite Center ng University of Tokyo na magkaroon ng interes ang mga pribadong kumpanya sa paggawa ng mga satellites.           

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakarating sa kalawakan ang sikat na karakter. Noong nakaraang taon, isang seventh-grader mula California, U.S.A. ang nagpadala ng kanyang Hello Kitty doll sa stratosphere ng mundo gamit ang isang high-altitude balloon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento