Ni
Florenda Corpuz
Pagdiriwang ng Setsubun sa Japan |
Ang Setsubun ay pista na
ipinagdiriwang tuwing Pebrero 3 o 4, ang araw bago (risshun) magsimula ang
panahon ng tagsibol ayon sa Japanese lunar calendar. Ito ay isang kaugalian
mula China na dinala sa bansang Hapon noong ikawalong siglo.
Mula nang ito ay ipakilala sa mga
Hapones, iba’t ibang ritwal na ang isinagawa tuwing sasapit ang pagdiriwang na
ito na pinaniniwalaang paraan upang maitaboy ang mga masasamang ispiritu.
Noong ika-13 siglo, ilan sa mga pinaniniwalaang
nagtataboy ng ispiritu ay ang sinunog na ulo ng pinatuyong sardinas, usok ng
sinusunog na kahoy at ingay ng tambol. Sa paglipas ng panahon, bibihira na
lamang ang nagsasagawa ng mga ritwal na ito, ngunit may mga kabahayan pa rin na
makikitang naglalagay ng ulo ng isda at dahon ng holy tree sa entrada ng bahay
sa paniwalang hindi makakapasok ang masasamang ispiritu.
Sa ngayon, ginugunita ang
Setsubun sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “mame-maki” o bean throwing ceremony
sa loob ng mga kabahayan, shrines at templo sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa
mga tahanan, pinupuno ng roasted soybeans ang “masu” o wooden measuring cup at sinasaboy
ito ng ama o panganay na lalake (toshi-otoko) sa loob ng kabahayan habang
sumisigaw ng “Oni wa soto! Fuku wa uchi!” na ang ibig sabihin ay “Out with the
goblins and in with fortune!” Binubuksan din ang mga bintana at sinasaboy sa
labas ang mga beans.
Nagsimula ang kaugaliang ito
bilang New Year ceremony ayon sa tradisyonal na kalendaryo ng Japan. Pagkatapos
isagawa ang mame-maki, pinupulot ng mga tao ang mga beans at kakain ng ilang
piraso nito, ang bilang pareho ng kanilang edad sa paniwalang makakaiwas sa
karamdaman sa kabuuan ng taon. Sa mga paaralan, ang mga mag-aaral ay gumagawa ng
mga goblin masks at ini-enjoy ang mame-maki. Sa mga shrines at templo naman,
masisilayan ang mga inimbitahang mga artista at atleta na nagsasaboy ng roasted
soybeans sa mga taong nanonood ng seremonya.
Sa rehiyon ng Kansai, kaugalian na
ang pagkain ng hindi hiniwang “makizushi” na kung tawagin ay “eho-maki” tuwing
Setsubun habang nakaharap sa lucky compass direction ng taon. Nagsimula ito sa
Osaka ngunit isinasagawa na rin sa Tokyo at iba pang lugar sa Kanto area kung
saan mabibili na rin ito sa mga tindahan. Ilan pa sa mga kaugalian na
isinasagawa sa pagdiriwang ng araw na ito ay ang religious dance, fasting at
pagpasok sa bahay ng mga kagamitan na nakakasugat na maaaring naiwan sa labas
ng bahay.
Maaari rin ang mani na pamalit sa
roasted soybeans. Ilan sa mga lugar na karaniwang nagsasagawa ng seremonya ng Setsubun
ang Naritasan Shinshoji Temple, Mamasan Guhouji, Hase-dera, Okunitama-jinja at
Asakusa-dera Temple. Hindi pista opisyal ang araw na ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento