Masasabing isa
si Heart Evangelista sa mga lokal na aktres sa kaslukuyang panahon na nasa liga
ng: beauty, brains and talent. Complete package na maituturing. Puwedeng
makipagsabayan kahit kanino dahil sa mga angking katangian. Sa daigdig ng lokal
na aliwan, isa siyang bituin na lalong kumikinang habang pinapanday ng panahon.
Isang tunay na yaman ng industriya.
Kahit na galing
sa isang mayaman at pinagpipitagang angkan, madaling napaibig ni Heart ang
balana sa taglay niyang karisma. Nagsimula sa ABS-CBN bilang miyembro ng Star
Circle Batch 9, nakagawa siya ng maraming teenybopper flicks gaya ng “Trip”,
“My First Romance” “Ang Tanging Ina” at “Bcuz of U.” Lumabas din siya sa mga
programang tumatak sa isipan ng mga manonood tulad ng “G-Mik”, “Berks”, “Okay
Fine Whatever”, “Panday” at “Hiram” kung saan ay umani ito ng papuri sa akting.
Lalong tumingkad
ang pagiging leading lady ni Heart nang lumipat sa GMA noong 2008. Ilan sa
top-rating shows na kanyang nilabasan ay ang “Codename: Asero”, “Luna Mystika”,
“Full House”, “Langit sa Piling Mo”, “Dwarfina”, “Legacy”, “Luna Blanca”,
“Ngayon at Kailanman”, “Forever” at “Magkano Ba ang Pag-ibig.” Kabilang din
siya sa malaganap na Sunday musical extravaganza na “Sunday All Stars.” At binigyan
ng pagkakataong maging co-host ng malaganap na showbiz-oriented talk show na
“Startalk” kasama sila Joey de Leon, Ricky Lo, Lolit Solis at Butch Francisco.
Nanalo na rin ng
acting trophies ang magandang aktres. FAMAS Best Actress siya para sa
pelikulang “Ay, Ayeng” noong 2009 at naging Best Supporting Actress para sa
behikulong “Mano Po 6: A Mother’s Love” noong 2010. Liban dito ay nakatanggap
na rin ito ng maraming nominasyon na patunay sa kanyang patuloy na pagyabong
bilang isang manggaganap.
Subalit hindi
lamang pala showbiz ang mundo na maaaring mapagtagumpayan ng dalaga. Isang
totoong artist, ngayon ay may iba siyang pinagkakaabalahan bukod sa pag-arte.
Gumawa siya ng alingasngas kamakailan sa larangan ng painting! Isa itong
konkretong patunay ng kanyang pagiging isang tunay na alagad ng sining.
Isang malaking tagumpay nga ang kauna-unahang art exhibit ni Heart
Evangelista na ginanap sa ArtistSpace sa Ayala Museum noong Mayo 8, 2014.
Pinamagatang “I Am Love Marie: The Art and Works of Love Marie Ongpauco”,
nabili agad ang 19 na paintings na nasa display ilang oras lamang matapos
magbukas ang exhibit.
Sa opening ng kanyang unang solo exhibit bilang isang painter, sinamahan
ang Kapuso star ng nobyo, si Sen. Chiz Escudero na napag-alamang isa sa mga
nag-encourage sa aktres na maglunsad ng exhibit. Bongga ang event dahil ang
mismong nag-cut ng ribbon na nag-signify ng pormal na pagbubukas ng exhibit ay
ang business tycoon na si Fernando Zobel de Ayala.
Maituturing na star-studded ang exhibit ng magandang host-actress. Ilan
sa mga bigating personalidad na naglaan ng panahon para makadalo sa naturang
pagtitipon ay sila Sen. Sonny Angara kasama ang kanyang anak, Sen. Cynthia
Villar kasama ang asawang former senator na si Manny, ang head ng PAGCOR na si
Jorge Sarmiento, Sen. Grace Poe kasama ang kabiyak na si
Teodoro Daniel Misael “Neil” V. Llamanzares, Executive Secretary Paquito
“Jojo” Ochoa, Jr. at ang former movie queen na si Susan Roces na masayang
nakipag-tsikahan sa mga tao sa loob ng ArtistSpace.
Naroon din ang balladeer na si Mark Bautista, at ang mga executives ng
GMA na sila Lilibeth Rasonable, Redgie Magno, Marivic Arayata at Gigi
Santiago-Lara. Naroon din ang GMA News TV director na si Noel AƱonuevo.
“Nagpapasalamat talaga ako sa lahat ng bumili ng aking paintings,” ani
Heart na walang pagsidlan ang tuwa. “Isa itong side ng aking pagkatao na hindi
alam ng madla. Mahilig talaga akong mag-paint. Actually, I’ve been painting all
my life. Bata pa lang ay nagpi-paint na ako.
“Noong tatlong taong-gulang ako, hindi ako mapigilan ng aking mga
magulang na mag-drawing sa lamesa o dingding. Sa gulang na labing-dalawa,
nag-enrol ako sa isang painting workshop na lalong nagpalalim ng aking interes
sa art of painting.”
Ang koleksyon na nasa display sa exhibit ni Heart ay labing-siyam lahat,
pulos oil canvas at iba’t-iba ang laki.
“Minsan, nakakakita ako ng patterns sa aking utak. Napapanaginipan ko
sila sa gabi. They drive me crazy! Lahat ng prints na ito ay galing sa utak
ko!” aniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento