Lunes, Hunyo 2, 2014

Madramang telebisyon

Ni Rey Ian Corpuz

 Ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa mga drama sa telebisyon ay nagsimula pa noong unang panahon sa komiks at radyo, bago pa man namayagpag ang mga ito sa telebisyon. Dati-rati noong wala pang live satellite ang dalawang kilalang istasyon, ang drama sa radyo kada umaga ang parati kong naririnig sa aming kapitbahay. At ang mga makukulay na komiks na mula bata hanggang matanda ay ang pinagkakalibangan ng karamihan noon.

Ang mundo ng telebisyon sa Pilipinas ay kinukontrol lamang ng dalawang kilalang istasyon simula’t sapol. Ang mga ito ang nagsisilbing susi kung papano naiibsan at nairaraos ng mga Pilipino ang konsepto ng libangan o entertainment.

Masasabi ko na halos walang kumpetisyon sa mundo ng telebisyon sa Pilipinas. Napapansin ko na simula noong namayagpag ang “Marimar” sa RPN9 ay halos ganitong format ang pamantayan na kanilang sinusunod. May bida, may kontrabida. Kahirapan doon, may mayaman dito. May naaapi, may nang-aapi. Halos lahat parehas. Iba-iba lang ang gumaganap. Nag-iiba lang ang lugar ng istorya at mga karakter pero ang puno’t dulo ng lahat ay pareho pa rin.

Kapag ang isang dramang palabas ay nag-click dahil sa sabunutan o sampalan, lalong pahahabain ito at gagawan pa ng marami at mas matinding sabunutan, sampalan at sapakan. At kapag mataas sa rating ay hahaba pa nang hahaba ang pag-ere nito hanggang ilang taon basta malakas ang hatak sa masa.

Hindi ba nakakasawa minsan? Madrama na nga ang buhay natin, dadagdagan pa ng mas maraming drama. Pagkatapos ng programang balita ay eere ng dalawa hanggang tatlong oras na puro drama. Minsan naman may comedy pero mas marami pa rin ang drama. May mga taon na tadtad ng pantasya ang telebisyon. Samu’t saring mga superheroes ang nagsisilabasan at kahit pabalik-balik na lang ang mga titulo ay ginagawan pa ng comeback at revival.

Ang mga dramang ito ay sumasalamin ba sa totoong buhay ng mga Pilipino? Marahil, dahil nakikita natin ang ating mga sarili sa mga inaaping bida at kapag nakita natin na nalalampasan nito ang mga pagsubok ay nararamdaman natin na tayo rin ay nakakaangat sa ating mga dinadalang problema. Tama po ba?

Pero hanggang saan ba ang ating pagkahilig sa drama? Wala na bang pagbabago? Wala na bang ibang magandang naiisip ang mga manunulat natin na magandang script? Iyon bang mga out-of-the-box stories o kakaiba na kailanman hindi pa natin napanood sa sine o TV series ng Amerika. Iyon bang TV program na hindi gaya-gaya puto maya ang konsepto.  Kailan pa kaya aangat ang kalidad ng ating mga programa?

Oo, may kapupulutang aral ang panonood pero mas may kapupulutang aral ang mga mamamayan natin kung iyong mga educational entertainment programs ang i-produce ng mga malalaking istasyon sa atin. Kailangan ng malaking reporma sa telebisyong Pilipino upang maiangat ang antas ng pag-iisip ng ating mga mamamayan. Hindi nadaragdagan ang kaalaman ng mga masa sa atin sa panonood ng mga drama at kung anu-anong tsismis na mga palabas.

Walang mabuting maidudulot sa mga kabataan ang mga programang puro tambalan ng mga teen stars na nagpapa-cute sa TV. Dahil sa mga ito halos lahat sa atin gustong maging artista. Ika nga ng isang sikat na host sa TV, kung gusto ninyong talagang makatulong sa inyong mga magulang, huwag kayong mag-artista kundi mag-aral kayo ng mabuti.

Kung dito sa Japan, ang kanilang mga palabas sa TV ay iba-iba ang tema at konsepto. Hindi lamang ito nakatuon sa drama kundi sa lahat ng aspeto ng buhay. May paglalakbay na programa, may talk show, may comedy show, may karaoke shows, may cooking shows, may variety, may entertainment, may mga palabas na pagpapahalaga sa kultura, may mga educational shows, may mga palabas na Hollywood films, may mga pambata na anime, may mga news at marami pang iba. Iba-ibang istasyon, maraming pribado, may isang gobyernong istasyon pero sa pangkalahatan ay malaki at malawak ang pagpipilian at maraming kapupulutan ng aral.

Bakit hindi pagtuunan ng ating mga higanteng media corporations ang pagpapalawak ng kulturang Pilipino? Bakit kumokonti na ang mga travel shows? Bakit halos wala nang educational na palabas lalo na sa primetime na pambata? Bakit walang mga palabas na nauukol sa siyensiya, agham at teknolohiya?

Marahil maraming dekada pa ang tatahakin ng ating lipunan upang magising sa pagbabago. Marami pang pagdadaanan ang ating lipunan upang mabago ang kamalayan sa pagpili kung ano ang dapat panoorin at ipapanood sa kanilang mga anak. Masakit sabihin pero mukhang lalong pumapanget at nagiging mababa ang lebel ng kalidad ng ating mga programa sa Pilipinas. 


Kailangan may balanse ang lahat. Hindi lang kita sa advertisements ang dapat pagtuunan ng pansin kundi kung ano ba ang naibibigay na kabutihan sa ating mga manonood at kung ano sa pangkalahatan ang maibibigay nito para sa ating bansa sa mahabang panahon. Ito sana ang pagtuunan at bigyang pansin ng ating mga kababayan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento