Lunes, Hunyo 23, 2014

“Gitara Filipina” handog ng Triple Fret

Bibihira ang mga grupo na lumilikha ng musika gamit ang classical guitar. Kaya’t higit na nangingibabaw ang Triple Fret, isang classical-contemporary guitar trio na puro babae ang miyembro na kinabibilangan nina Jenny de Vera, Angelica Vinculado, at Marga Abejo.

Nakapagtanghal na ang grupo sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas maging sa ibang bansa gaya sa Brunei kung saan naimbitahan silang magtanghal sa the Jerudong International School (JIS) Arts Centre Foyer noong 2013. Sa darating na Hulyo 26, 2014 ay magtatanghal ang Triple Fret sa prestihiyosong Guitarra Festival sa Siguenza, Spain kasama ang ibang world-class guitarists tulad nina Paco Pena, Carlos Bonel at iba.

Mayroong sariling tagapakinig ang classical at contemporary music kaya’t naaayon lamang na maglabas ang trio ng kanilang unang album na pinamagatang “Gitara Filipina” na magtatampok sa Filipino classics.

Ilan sa napasamang Filipino classics sa Gitara Filipina album ay ang “Sinulog Kamamatuan,” Leron Leron Sinta,” “Manang Biday,” “Sa Ugoy ng Duyan,” at “Si Filemon, si Filemon. Kasama rin ang “Concerto in D (Antonio Vivaldi),” “Jota Aragonaise (Georger Bizet),” “Baiao de Gude Paulo Bellinati),” “Songs Without Words (Felix Mendelssohn),” at “Danza del Sur (Hanjsjoachim Kam).

Hasa ang miyembro ng Triple Fret sa nangungunang music schools sa bansa, University of the Philippines College of Music at University of Santo Tomas Conservatory of Music, kaya’t kagiliw-giliw ang makinig sa tatlo dahil sa kanilang kahanga-hangang talento.


Nakapagtanghal na sila sa 3rd International Guitar Festival, Pasinaya Festival, 1st Philippine International Jazz and blues Festival at 2013 Fete de la Musique Manila. Mayroon silang European Tour sa buwan ng Hunyo at Agosto upang i-promote ang kanilang album at ang Filipino music and classical guitar favorites

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento