Miyerkules, Hunyo 25, 2014

‘Only in Japan’

Ni Rey Ian Corpuz


1. Pag-inom ng beer. Tuwing sasapit ang tag-init mula Hunyo, ang bentahan ng beer sa pamilihan ay dumodoble o minsan triple pa. Ang telebisyon at mga nakapaskil na poster sa loob ng tren ay karamihan ukol sa beer. Katakataka dahil sa kulturang Pilipino, hindi natin iniisip na ang pag-inom ng beer ay isang paraan upang maibsan ang sobrang init. Sa halip, iniinom natin ang beer para magpainit ng katawan o para malasing.

2. Panghuhuli at pag-aalaga ng mga salagubang, at kung anu-anong insekto. Oo nga naman. Panahon ng tag-init. Maraming mga insekto ang magsisilabasan. Isa na rito yung kuliglig o “cicada” na napakaingay. Pero ang nakakagulat rito ay iyong paghuli, at pag-alaga ng “dung beetle” o iyong malaki at maitim na salagubang. Hindi ko lubos maisip kung bakit sa pagkarami-rami ng mga insekto ay iyong mga kawawang nilalang pa. Hindi na lang iyong mga tutubi o ‘di kaya iyong mga tipaklong na kung saan mas kanais-nais pang tignan.

3. Pagkain ng “somen” na pinapaanod sa kawayang may malamig na tubig. (Nagashi somen) Ang pagkain ng “somen” sa ganitong paraan ay nakamamangha. Sinasabi nila na nakakapagpalamig ito ng katawan kapag sa ganitong paraan mo kakainin ang somen. Base sa kanilang tradisyon, ang mga umuuwi ng kanilang probinsiya tuwing buwan ng Agosto ay ginagawa ito sa mga reunion ng mga kamag-anak upang maging mas masaya ang pagtitipon. Sa mga siyudad na walang kawayan, may mga automatic na “nagashi somen machines” na ibinibenta.

4. Obon season. Sa Japan, ang pagbisita sa mga yumaong kamag-anak at ang pag-uwi sa kanilang probinsiya ay ginagawa tuwing “obon oyasumi.” Ngayong taon, ang obon yasumi ay nataon sa ikalawang linggo ng Agosto. Halos lahat ng mga Hapon ay umuuwi sa kanilang probinsiya upang ipagdasal at bisitahin ang puntod ng kanilang yumaong kamag-anak. Sa Pilipinas, ito ay maihahalintulad sa Undas o Todos Los Santos tuwing Nobyembre 1 at 2. Sa panahong ito, halos lahat ng bus, tren at mga expressways sa buong Japan ay punuan, siksikan at inaasahan na mahaba ang trapik papunta at pabalik.

5. Kaliwa’t kanang piyesta. Sa Pilipinas, karamihan ng piyesta ay ginaganap tuwing Mayo dahil sa ito ay mahabang bakasyon, sa Japan ginaganap ang karamihan nito tuwing Hulyo at Agosto. Halos bawat siyudad o pamayanan ay nagsasagawa ng ritwal na kung saan kinakarga ang kanilang “mikoshi” o “portable shrine.” Ang “mikoshi” ay isang mabigat na kahoy na parang may bahay sa gitna at parang sarimanok sa tuktok na kinakarga ng mga taong nakasuot ng costume habang sinasabi ang mga katagang “Washhoi washhoi!” Ito ay ginagawa bilang pagpupugay sa kanilang pinaniniwalaang Diyos at pagpapasalamat na rin sa nakaraang taong pagsubok.

6. Fireworks. Siksik, liglig, walang kalalagyan at umaapaw ang mga fireworks sa buong Japan tuwing summer. Mula kalagitnaan ng Hulyo hanggang katapusan ng Agosto, kaliwa’t kanan ang mga fireworks. Nag-uumapaw rin ang mga taong dumadagsa dahil kalimitan isang beses lang ito ginaganap at tuwing summer lamang. Sa Pilipinas at sa ibang mundo, tuwing Pasko at Bagong Taon lang ginagawa ang fireworks. Talaga namang kakaiba ang Japan!

7. Pagbibiyak ng pakwan. Talaga naman sobrang “omoshiroi” ang Japan. Biruin mo, pati pakwan ay ginagawan ng laro na parang palayok sa atin. Oo, dito sa Japan, katuwaan tuwing summer ang pagbibiyak ng pakwan tuwing nasa beach, party o munting salu-salo. Kaya lang sobrang mahal ng pakwan dito kaya parang nakakapanghinayang na magkalat lang o marumihan ang pakwan pagkatapos mabiyak.

8. Kaliwa’t kanang open-air concerts. Kung saan naman pinakamainit sa buong taon ay sa ganitong panahon pa ginaganap ang mga “open-air” concerts. Isa na rito ang sikat na Fuji Rock Festival na kung saan maraming mga banyagang mang-aawit ang inaanyayahan upang tumugtog at kumanta. Sa Tokyo area, sikat na sikat ang Tokyo Dome, Saitama Super Arena, Makuhari Messe, Tokyo Big Site, Yokohama Stadium at Ajinomoto Stadium bilang mga lugar na pinagdadausan ng mga konsiyerto tulad ng Exile, AKB48, Arashi at marami pang iba.

9. “Chugen” o ang regalong ibinibigay tuwing Summer. Karamihan ng mga Hapon ay nagbibigay ng isang set o kahon-kahon na mga “daily necessities” tulad ng kape, mantika, cookies, sembei at marami pang iba. Ang pagbibigay ng chugen sa mga katrabaho, kliyente o mga malapit na mga kamag-anak ay isang simbolo ng respeto at pasasalamat. Ang “chugen” ay katulad na binibigay na regalo tuwing katapusan ng taon na tinatawag na “oseibo.”

10. Maskara ni Darth Vader. Ano iyon? Puro lang mga babae at karamihan mga lola ang nagsusuot nito. Ito yung sinusuot nila na “face visor” na itim na pang kontra sa init ng araw at “ultra-violet rays.” Marami kang makakasalubong nito. Karamihan nakabisikleta. Balot na balot ang katawan. May “hand gloves” na nga may “arm gloves” pa balot hanggang ulo. Sa atin naman, sumbrero, payong o kahit anong bagay gaya ng papel, newspaper o hawak na “folder” ay okay na. Dito, kailangan talagang balot ka para hindi tamaan ng sinag ng araw.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento