Miyerkules, Hunyo 25, 2014

Maritime instructors training sa Japan binuksan sa publiko

Ni Florenda Corpuz

Binuksan na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang nominasyon para sa mga kwalipikadong Filipino maritime instructors na nagnanais sumailalim sa pagsasanay sa Japan mula Agosto 23 hanggang Nobyembre 1.

Ayon sa MARINA, anim na Filipino maritime instructors ang maaaring dumaan sa
pagsasanay sa pamamagitan ng Maritime Instructors’ Training Programme sa ilalim ng Seamens’ Employment Center of Japan (SECOJ). Ang SECOJ ay isang judicial foundation na aprubado ng Ministry of Land Infrastructure, Transport and Tourism (MLIT) ng Japan.

Kamakailan ay nilagdaan nina MARINA Administrator Dr. Maximo Q. Mejia Jr. at SECOJ General Manager Yasuhiko Semba ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na nagresulta sa pagkakaroon ng nasabing training program.

Sinabi ni Mejia na makakatulong ang programa para itaas ang kalidad ng maritime education at training sa bansa.

“This is an excellent platform for our maritime instructors to learn about latest trends as well as new global regulations relating to maritime education and training including operations of advanced maritime technologies,” ani Mejia.

“I invite heads and academic deans of maritime educational institutions, which are particularly in need of this kind of capacity building initiative to nominate suitable candidates,” dagdag nito.
           
Binubuo ng dalawang bahagi ang training program: ang on-board training at classroom training na parehong isasagawa sa Japan. Sasagutin ng SECOJ ang mga gastusin ng mga makakapasang trainees tulad ng round trip economy class air ticket, clothing, training allowance, accommodation, local transportation at medical expenses.

Mahigit sa 20 Filipino maritime instructors na ang matagumpay na nakakumpleto ng pagsasanay sa ilalim ng programa na sinimulan sa Pilipinas noong 2010.


Para sa mga kwalipikasyon at nomination form, magtungo lamang sa www.marina.gov.ph

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento