Linggo, Hunyo 8, 2014

Sumali ka na ba sa #100HappyDays challenge?

Isa sa patok na patok ngayon sa mga social networking sites ay ang tinatawag na #100HappyDays challenge kung saan sa loob ng 100 araw ay kailangang makapag-post ang taong sumali ng litrato ng kung ano ang nakapagpasaya sa kanya sa araw na iyon.

Layunin ng naturang challenge na ikundisyon ang utak na maging positibo sa pamamagitan ng pagbibigay ng atensiyon sa kung ano ang nagpasaya sa taong sumali sa araw na iyon – malaki o maliit na bagay man iyon. Halimbawa ay pakikipagkita sa isang kaibigan na matagal ng hindi nakita, ang pagkakaroon ng oras na makapagbasa ng libro o makapagluto para sa pamilya, pagbili ng isang bagay na matagal ng nais bilhin, at pagkain ng paboritong putahe.

Maaaring mamili ang taong sumali kung saan nito ipo-post ang litrato – Instagram, Twitter, Facebook o sa email kung gustong gawing pribado ang paggawa sa challenge na ito basta’t may nakalagay na #100happydays sa bawat post.

Dahil sa mayroong record ng mga litratong ito sa naturang social networking sites ay nakukundisyon ang taong sumali na hanapin ang mga tao, bagay, o pangyayari na nakapagpasaya sa kanila na madalas ay hindi napapahalagahan.

Kailangan namang gawin ang challenge sa loob ng 100 araw upang maging “habit” na ito ng taong sumali.

Nagmula ang idea sa challenge na ito sa 27-taong-gulang na si Dmitry Golubnichy mula sa Sweden noong 2013 at gumawa siya ng website (100happydays.com) kung saan maaaring mag-register ang mga gustong sumali. Sa pamamagitan ng pagre-register at paglalagay ng #100HappyDays ay nasusundan nila ang bawat post ng mga sumali.

Batay sa website, sinasabi na ang mga nakakatapos ng challenge na ito ay mas nagiging positibo ang pananaw,  mas maganda ang mood, mas napapansin ang bagay na nakakapagpasaya sa kanila, nai-in love, at kanilang napagtatanto kung gaano sila kaswerte sa kung ano ang mayroon sila.

Samantala, 71% naman sa hindi nakakatapos ng challenge ang nagsasabing masyado silang abala sa kanilang mga gawain kaya’t hindi nabigyan ng buong pansin ang pagtapos nito.

Bilang papremyo, maaaring makatanggap ng maliit na libro na naglalaman ng mga pinost nilang litrato ang mga nakatapos ng #100HappyDays challenge na ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento