Martes, Hunyo 24, 2014

Musikahan kasama si Ryan Cayabyab

Ryan Cayabyab
Sino nga ba ng hindi nakakakilala kay Ryan Cayabyab? Sa loob ng 45 taon sa industriya ng musika, hindi matatawaran ang mga klasiko at Pinoy na Pinoy na mga kanta na naiambag ng tinatawag na “The Maestro.” Siya ang nasa likod ng mga kantang tulad ng “Kay Ganda ng Ating Musika,” “Paraiso,” “Tuwing Umuulan at Kapiling Ka,” “Kailan,” Limang Dipang Tao,” “Tunay na Ligaya,” “Nais Ko,” at “Iduyan Mo.”

Hindi biro ang naiambag ni Mr. C sa larangan ng musika na isang dahilan upang magsagawa ng tribute concert sa buong 2014 bilang pagdiriwang sa kanyang ika-60 kaarawan at ika-45 taong anibersaryo sa industriya. Bilang isa sa tinitingala sa industriya at bilang tagapagtaguyod ng Original Pilipino Music (OPM), itatanghal ang “Mr C at 60” na binubuo ng iba’t ibang music productions na nagpapakita ng mga nalikhang musika ng pamosong kompositor. Gaganapin ang mga pagtatanghal sa Gawad CCP sa iba’t ibang taon.

Nito lamang Mayo 3 ay isinagawa ang “The Music of Ryan Cayabyab” na pinangunahan ng ABS-CBn Philharmonic Orchestra kung saan si Gerard Salonga ang kunduktor, 60-piece choir at ilan sa mga kilalang mang-aawit sa bansa. Ipinagdiwang sa tribute concert na ito ang ilan sa mga popular na OPM songs na pinasikat ni Mr. C pati na rin ang kanyang classical at musical theater composition.

Bukod dito, idaraos din ang “Rise: Rebuilding from the Ruins” sa Hunyo 11 sa Manila Cathedral kung saan ipapakita ang mga gawa ni Mr. C para sa orchestra, chorus at solo voice. Tampok naman ang “La Revolucion Filipina” sa Hulyo 25 -27 kung saan itatanghal ng Ballet Philippines ang modern dance masterpiece ni Agnes Locsin tungkol kay Apolinario Mabini sa saliw ng musika ni Mr. C.

Magkakaroon naman ng pagkakataon ang ilan sa mga tagahanga at tagasuporta ni Mr. C na makausap siya tungkol sa kanyang musika at sining sa pamamagitan ng “Conversing with Mr C” na gaganapin sa Oktubre 22, 3pm, sa CCP Little Theater.

Ilan pa sa mga parangal para kay Mr C ay ang “Noli Me Tangere, The Concert” na gaganapin sa Oktubre 23-24 at “The Grand Chorale Recital of the Hands on Choral Workshop” sa pangunguna ng Philippine Madrigal Singers ay magaganap sa Oktubre 25.

Ilulunsad naman ng Philippine Philharmonic Orchestra sa Nobyembre 14 ang “Simfonia Filipiniana: Philippine Symphonic Airs,” na bagong recording ni Mr. C ng mga popular na Filipino folk songs.


Bukod sa paggawa ng musika, si Mr. C ang executive director ng Philpop MusicFest Foundation Inc., ang organisasyon na nasa likod ng Philpop Music Festival na isang songwriting competition, na may layuning itaguyod ang musikang Pinoy. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento