Miyerkules, Hunyo 25, 2014

Mga hamon sa pagbibigay ng visa

Ni Cesar V. Santoyo

Inaasahan ngayong buwan ng Hunyo ng kasalukuyang taon ang paglalabas ng opisyal na pahayag ng Pamahalaan ng Japan tungkol sa pagluluwag sa pagbibigay ng visa at ang malayang pagpasok ng malakihang bilang ng mga dayuhang migrante sa bansa. Sa pagsubaybay sa mga nagaganap na usapin para sa pagliberalisa ng visa para sa mga dayuhan ay makikita ang maaaring hugis sa pagbubuo ng patakaran sa pagpaparami ng bilang ng mga dayuhan sa bansa.

Ang mga sumusunod na kataga sa ibaba ay salin sa Tagalog na pinili mula sa May 18, 2014 English edition ng pahayagang Japan Times bilang tungtungan ng pagpapahayag ng opinyon ng may akda.

“Tanggapin man o hindi ang mas malaking bilang ng mga dayuhang migrante ay isyu na nakasalalay ang kinabukasan ng bansa at buhay ng lahat ng mga mamamayan. Nauunawaan ko na dapat pag-aralan (ng pamahalaan) pagkatapos isailalim sa pambansang antas ang usapin mula sa lahat ng anggulo,” wika ni Prime Minister Abe noong Pebrero 13, 2014 sa Lower House Budget Committee.

Hindi kampante ang mga konserbatibong politiko sa paglaganap ng malakihang bilang ng mga dayuhang migrante at may pangamba sa pagpapanibagong hugis ng matatag subalit delikado ang katayuan ng eksklusibong lipunan. Bilang tugon na argumento ni Prime Minister Abe ay dapat bigyan ng Japan ang mas maraming dayuhang migrante ng visa mula tatlo hanggang limang taon imbes na hayaan ang malaking bilang ng mga dayuhang migrante na manatili ng pirmihan sa bansa.

“Ano ba ang mga immigrants? Ang U.S. ay isang bansa ng mga immigrants na nanggaling mula sa buong mundo na nagbuo ng United States. Marami ang mga nagpuntahan sa bansa at naging bahagi bilang mamamayan. Hindi natin gagayahin ang ganyang patakaran,” na wika ni Prime Minister Abe sa isang programa sa telebisyon na ipinalabas noong Abril 20, 2014.

“Sa kabilang banda, isang tapat na katotohanan ang patuloy na pagliit ng bilang ng populasyon at makikita ng Japan ang kakulangan ng manggagawa sa maraming linya ng produksyon,” sabi ng Prime Minister, na may karagdagang kataga na maaari niyang luwagan ang mga regulasyon sa pagbibigay ng tatlo hanggang limang taon na visa.

Sabi pa niya “Hindi ito patakaran para sa immigrant. Nais namin silang magtrabaho at kumita ng mas mataas sa limitadong panahon at pagkatapos ay bumalik sa sariling bayan.”

Batay sa mga nakasaad na balita sa itaas ay makikita natin ang tunggalian ng interes sa pananatili ng ekslusibong lipunan sa kabila ng padausdos na ekonomiya at bilang ng mga mamamayan ng Japan. Dapat lamang na respetuhin natin bilang mga dayuhan ang mga pananaw ng mga mamamayan ng Japan kontra man o maging kampi sa ating mga migranteng dayuhan. Ang maliwanag dito ay ating makita ang kahalagahan ng ating angkin na lakas paggawa para buhayin ang mga ekonomiya ng mahirap na bansa kagaya sa ating lupang tinubuan at maging sa mayaman na bansa gaya ng Japan.

Sa panahon ni Pangulong Corazon C. Aquino ay iprinoklama na ang mga Overseas Filipino Workers o OFW ay ang mga “Bagong Bayani.” Ang remittance na ipinapadala ng mga OFW ay ang tanging tumutukod noon sa bagsak na ekonomiya ng bansa at ang “bagong bayani” ay bilang pagkilala sa pagpapatulo ng pawis at luha ng mga Pinoy sa ibayong dagat.

Maging sa usapin ng mga mambabatas ng Japan ay tinutukoy ang kahalagahan ng nating mga dayuhang migrante.  Ayon mismo sa Prime Minister ng Japan ay ang kanyang pagkilala na ang pagkuha ng madaming bilang ng mga migranteng dayuhan ay tutugon sa kinakailangan paglago ng kinabukasan ng Japan at ng mga mamamayan.

Bagama’t may takdang taning ang pamamalagi ng migranteng dayuhan mula tatlo hanggang limang taon, na maaring ipahayag na patakaran ngayong buwan ng Hunyo, ay malaking pagbabago na ito sa patakaran ng migrasyon ng Japan. Ang  takdang panahon ng pananatili sa trabaho at pasubali na hindi pwedeng maging immigrants ang mga tatanggaping malaking bilang ng mga dayuhang migrante ay maliit na hadlang kung tutuusin.

Una sa lahat, wala naman kasi sa atin na gustong magtrabaho ng matagal sa ibayong dagat para malayo sa mga mahal sa buhay. Hindi rin naman tayo natatakot na umuwi ng Pilipinas at ang ating kinatatakutan pag-uwi for good ay ang ambang kagutuman dahil sa salat na oportunidad sa sariling bayan.

Walang diwa at lalong wala sa plano ng mga mambabatas ng Japan at maging sa Pilipinas para panatiliin sa Japan tayong mga Pinoy at bilang dayuhang migrante. Subalit sa mga pangyayari at praktika, halimbawa ang pagpapadala ng daang libong mga entertainers at pagtanggap ng Japan mula taon ng 1990’s, ay nagresulta ito ng pagkakaroon ng daang libong mga nanay ng mga Japanese-Filipino children.  Hindi na maaaring pabalikin pa sa Pilipinas ang mga naging tanglaw ng tahanan ng pamilyan Filipino-Japanese.

Dagdag pa, hindi rin maikakaila na ang presensya ng mga Pinay at mga anak na JFC ay nakayanang baguhin Nationality Law ng Japan na isang pundamental na batas ng bansa. Sa ilalim ng dating Family Law ay hindi maaring bigyan ng Japanese nationality ang kinikilalang anak ng amang Japanese na hindi kasal sa dayuhang ina. Nuong June 4, 2014 ay nagpasya ang Korte Suprema na pabor sa kasong isinampa ng 10 JFC na mabigyan ng Japanese nationality.


Patunay lamang na tayong mga dayuhang migrante ay may angkin na lakas hindi lamang para sa pagbuhay ng ekonomiya at maging sa pagwawasto ng mga patakaran na hindi naayon sa sariling kapakanan at karapatan pantao. Bilang paghahanda sa posibleng anunsiyo sa pagdagsa muli ng mga dayuhang migrante sa Japan ay ang paghahanda rin sa hinaharap na posibleng pagsusudlong sa itinakdang patakaran sa mga dayuhang migrante bilang kaakibat na hamon na haharapin. Dahil wala namang kikilos para sa ilagay sa tamang patakaran ang buhay at trabaho nating mga dayuhang migrante kundi tayo rin lamang na mga dayuhang migrante.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento