Kung bukambibig ngayon sa larangan ng boksing ang mga pangalang Floyd Mayweather, Jr. at Manny Pacquiao, noong 1960 hanggang 1980 ay si Muhammad Ali ang bidang-bida. Sa katunayan ay “The Greatest” ang monicker na ibinigay sa kanya dahil sa angking galing nito sa ring at record at pagkilala na naitala sa larangan ng boksing.
Ngayon ay 72-taong-gulang na si Ali at may sakit na Parkinsons disease ngunit patuloy pa rin ang kanyang pagsuporta sa boksing at pagtulong sa pamamagitan ng itinayo niyang foundation. Nito lamang, matapos ang maintrigang pagkapanalo ni Mayweather laban kay Marcos Maidana ay nanawagan ito na sana’y magkaharap na sa ring ang una at si Pacquiao.
Sa halos ilang taong pamamayagpag bilang world-class boxer at sa patuloy sa pagtataguyod ng isport na tunay niyang minahal, narito ang ilang mahahalagang bagay tungkol sa tinaguriang pinakamagaling na boksingero sa kasaysayan ng boksing.
1. Unang nadiskubre ni Ali ang boksing noong siya’y 12-taong-gulang nang minsang mawala ang kanyang bagong bisikleta. Hinanap niya iyon at isinumbong sa pulis na si Joe Martin na noo’y mayroong gym at nagtuturo ng boksing sa mga kabataan. Ani Ali kay Martin na nais niyang gulpihin kung sino man ang nagnakaw ng kanyang bisikleta na sinagot ng huli na dapat ay matuto muna siya lumaban bago maghamon.
2. Cassius Marcellus Clay ang tunay na pangalan ni Ali, na ipinanganak noong Enero 17, 1942 sa Kentucky, ngunit noong 1964 ay umanib siya sa Nation of Islam na pinamumunuan ni Elijah Muhammad na nananawagan para magkaroon ng “separate black nation.” Simula noon, Muhammad Ali na ang dinalang pangalan ng popular na boksingero.
3. Nasa 61 ang naging laban ni Ali, 56 sa mga ito ay kanyang naipanalo. Sa 56 na panallo, 37 sa mga ito ay sa pamamagitan ng knockout. Sa lima niyang talo, isang beses lamang siya na-knockout.
4. Naging professional boxer si Ali nang makuha nito ang gold medal sa Olympics game na ginanap sa Rome, Italy noong 1960.
5. Siyam na beses niyang nadepensahan ang kanyang heavy weight titles. Itinanghal din siya na World Heavyweight Championnoong 1964, 1974, at1978.
6. Noong 1967 ay napasama si Ali sa military service sanhi ng nagaganap na Vietnam War ngunit tinanggihan ito ni Ali dahil labag umano ang pagpatay sa kanyang relihiyon. Kinasuhan siya ng draft evasion at pinagmulta ng US$10,000 at pagkakakulong ng limang taon. Hindi man siya nakulong dahil sa kanyang pag-apela, tatlong taon siyang hindi pinayagan maglaro ng boksing at binawi rin sa kanya ang heavyweight title.
7. Sa kanyang siyam na anak mula sa apat na asawa, ang anak niyang babae na si Laila Ali ang sumali sa professional boxing ngunit hindi naging kasing matagumpay ng kanyang ama.
8. Lumaban si Ali sa 12 bansa at isa na rito ay sa Pilipinas kung saan ang kanyang ikatlong laban kay Joe Frazier noong 1975, na pinamagatang “Thrilla in Manila,” ang itinuturing na isa sa pinakamaganda at pinakaklasikong laban sa kasaysayan ng boxing. Umabot ito ng round 14 na pinanalunan ni Ali.
9. Naging popular din siya sa mga binitiwang kataga na, “float like a butterfly, sting like a bee.”
10. Huling laban ni Ali noong 1981 nang matalo siya kay Trevor Berbick sa edad na 39. Isang araw matapos ang kanilang laban ay inanunsiyo na ni Ali ang kanyang pagre-retiro sa pagboboksing.
11. Ibinunyag ni Ali na mayroong siyang sakit na Parkinsons Disease, isang degenerative disorder ng central nervous system, na sinasabing sakit ng mga boksingero dahil sa mga natatamong suntok ulo. Dahil ditto, itinayo ni Ali ang Muhammad Ali Parkinson Center sa Arizona.
12. Nailagay si Ali sa World Boxing Hall of Fame noong 1986 at tinanggap din niya ang Presidential Medal of Freedom mula kay dating Pangulong George W. Bush noong 2005.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento