Ni Cesar Santoyo
Naging tampok sa mga Facebook page
ng mga Pinay sa Japan ang mga pakikiusap at pagpapaliwanag kagaya ng “hindi po
ako information center ng Japanese Embassy para sa paghingi ng visa,” “Japanese
Embassy tawagan ninyo at hindi ako”, at marami pa. Kaugnay ito sa mga
napabalitang pinag-aaralan pa lamang ng Japan government ang pagbibigay ng visa-free
privilege sa mga Pinoy gayundin sa mga Indonesian at Vietnamese kagaya ng mga lumaganap
na mga balita sa pahayagan, radio at telebisyon sa Pilipinas na nagkalat rin
online.
Sa mga kaibigan at mga kamag-anak
sa Pilipinas na nasabik sa nasabing balita ipinapatukoy ang mga Facebook messages.
Ang dahilan ng paiwas na pagsagot sa Facebook ay dahil para bang may bumibigat
na responsibilidad at obligasyon sa mga nasa Japan ang dating ng mga katanungan
mula Pilipinas. Sapagkat sa mga pagtatanong ay may kasabay na pahiwatig na tulungan
naman ang mga nasa Pilipinas na makatungtong sa Japan kung totoo ang napabalitang
magluluwag na sa pagbibigay ng tourist visa sa bansa.
Ayon kay House of Councilors
Member Kenji Kosaka, Presidente ng Japan-Philippine Friendship League at Secretary
General ng Liberal Democratic Party ay wala sila umano na itinakdang panahon para
sa ginagawang pag-aaral ng pamahalaan ng Japan ukol sa visa-free privilege ng
mga Pinoy ngunit umaasa sila na ngayon taon 2014 ay magkakaroon na ng
konklusyon.
Kung sa Pilipinas ay buong
kagalakan ang napabalitang maluwag na ang visa sa Japan kahit wala pang
kumpirmasyon ay samut-saring emosyon naman ang nadama sa mga kababayan sa
Japan. May mga natuwa, may mga kritikal na pananaw at marami rin ang mga
nangangamba dahil sa hindi maipaliwanag na pakiramdam na maaaring batay sa kanilang
mga naging karanasan noong panahon na nakikibaka pa para magkaroon ng “bala” o
visa na sa kasalukuyan ay matagumpay na nagawaran “permanent,” “long-term” at
iba pang uri na hawak na visa.
Ang pagkuha ng tourist visa sa
Pilipinas patungo sa Japan sa kasalukuyan ay naaayon lamang para sa mga lehitimong
mamamasyal sa ibang bansa na may kakayanan at pruwebang taglay na yaman at
malinaw na perang gagastusin sa pagbibiyahe sa mga bansa. Pamantayan ang
ganitong pagkuha at pagbibigay ng visa bilang turista sa mga kasapi ng
Organization of Economic Cooperation and Development (OECD) kabilang ang Japan,
Autralia, USA, Canada at iba pang mauunlad na bansa.
Partikular sa Japan bilang kasapi
ng OECD na kakaiba sa ibang miyembro ay ang tinatawag na Visiting Relative Visa
para sa mga kaanak ng mga dayuhang naninirahan sa bansa. Ang visiting relative
visa ay may isa hanggang tatlong buwan na itinatatak na visa at maaaring
masudlungan ng panibagong isa hanggang tatlong buwan depende sa sitwasyon.
Marahil ang konseptong nananaig
na halimbawa na pumapasok sa kaisipan ng ating mga giliw na kamag-anak at
kaibigan sa Pilipinas ay kahawig sa diplomatikong relasyon ng bansang ASEAN
kabilang ang Pilipinas na maitatatak ng libre ang 30 araw na visa sa airport ng
Singapore, Cambodia, Myanmar, Laos, Thailand, Indonesia, Malaysia, Brunei at
Vietnam. Isang halimbawa rin na nasa isip ay kagaya ng sa Hongkong na maaaring
mag-apply at mabigyan ng 14 na araw na visa pagdating mismo sa international
airport.
Nakabatay sa pangangailangan ng
bansa ang pagbibigay ng luwag o higpit ng visa para sa industriya ng turismo.
Kagaya halimbawa ng kadahilanan sa kasalukuyan ng Japan sa mithiin nitong
pataasin ang bilang ng turista sa bansa para sa karagdagang kaban ng bayan. Sa
likod naman nito ay ang darating na 2020 Olympics/Paralympics na inaasahang
dadagsain ang Japan ng mga dayuhang turista. At bago pa man nito ay ang lantad
na pangangailangan ng bansa ng mga manggagawa, na kung maaari ay mga mas batang
lakas sa paggawa, ang dapat punuin ng industriya sa konstruksyon kaugnay ng
darating na 2020 Olympics.
Isang masusing usapin ang
pagluluwag o hindi ng permiso para bumisita ang mga dayuhan sa Japan. Ang lahat
ng may mga intension ay nakaabang sa magiging hatol ng kinauukulan na inaasahang
lalabas sa kasalukuyang taon. Hindi rin natin maiiwasan ang pangamba ng
karaniwang mamamayan kasama ang mga dayuhang naninirahan sa Japan pati ang mga
Pilipino na mag-alala kung sakali mang aprubahan ang pagluluwag ng pagbibigay
ng tourist visa sa bansa.
Ang isa sa mga dahilan nito ay
batay na rin sa karanasan ng marami sa ating mga dayuhan ang maaaring paggawa
ng paraan na mapahaba ang pananatili na naayon sa proseso at patakaran o maging
taliwas sa batas. Kung ang sa huli ang naging kapasyahan ay dapat nating
alalahanin na ang paglabag sa takdang araw ng visa para sa pananatili sa bansa
ay itinuturing na “krimen” at ang “kulungan,” “husgado” at “deportasyon” ang
katapat sa paglabag sa batas na ito.
Sa mga bansang kasapi ng OECD ay
Japan lamang ang may bukod tanging batas na itinuturing na aktong “krimen” ang
pagiging “overstay” ng mga dayuhan sa bansa. Bilang isang kasong “krimen” ay
pulisya ang susugpo sa pagdami ng mga “bilog” o dayuhan na nag-overstay ng
kanilang visa. At dahil akto ng krimen ang pagiging overstay tanging paglilitis
sa hukuman lamang ang maaaring magpasya para makalaya sa pagkapiit at makabalik
sa bansang pinagmulan ng dayuhan.
Parang malutong na pritong isdang
lapu-lapu sa sabaw ng “sweet and sour” ang ating hinihintay na kapasyahan kung
magluluwag o hindi ang pagbibigay ng visa-free privilege para sa mga Pilipino.
“Sweet” ito na kasing tamis ng kasiyahan na makasama ang kapamilya at mga
kaibigan dito sa Japan. “Sour” ito sapagkat alam naman natin na hindi lamang
pasyal ang layunin sa pagtuturista kundi paghahanap ng trabaho sa bansa.
At kung nagkataon na kahit ayaw
naman nating mangyari na kahit huwag sana, pero dahil sa pagkakataon na nandito
na ay malamang na matukso at kapit sa patalim na hamunin ang lahat maging paglabag
sa batas kahit maituring na “criminal offender” ng bansang Japan. Ang bukod
tanging kasalanan nga lamang ng itinuring na criminal dahil sa pag-overstay sa
bansa ay upang mabago at maiangat laban sa kahirapan ang mga minamahal na pamilya
na hindi makita sa lupain ni Inang Bayang Pilipinas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento