Huwebes, Hunyo 26, 2014

Buwis at Kurapsyon

Ni Al Eugenio

Napansin ninyo ba na mas marami tayong inilalabas na pera mula nang itaas ang consumption tax natin dito sa Japan? Bagama’t ¥3 lamang ang itinaas mula sa dating ¥5,  parang kulang na ang mga ichi yen sa ating bulsa upang idagdag na pambayad sa “shohisei” o tax sa bawat ating pinamimili. Ang dating ¥105 ay naging ¥108 n na. Kapag ¥200 naman ay magiging ¥216 na ang babayarang halaga. Mula sa dating ¥10 ay kailangan na nating maglabas ng ¥20 upang mapunuan ang kinakailangang tax at dahil sa ¥4 na lamang ang sukli ay parang halos ¥20 na rin ang nawala dahil sa hindi naman tayo nagbibilang ng mga ichi yen sa tuwing tayo ay nagbabayad, lalo pa at tayo ay nagmamadali.

Nakakagulat na kapag mahigit na sa dalawang lapad o ¥20,000 na ang ating napamili, mahigit ¥1,600 na ang ating magiging “shohisei.” Paano pa kung ang ating kailangan ay mas mahal na mga gamit tulad halimbawa ng bagong refrigerator, computer o kaya naman ay kotse? Marahil ay marami sa atin ang mabibigla kapag nakita na natin ang magiging karagdagang halaga para sa consumption tax.

Sa atin man sa Pilipinas ay paiigtingin na rin ng ating pamahalaan ang paniningil ng buwis mula sa ating mga mamamayan. Hindi lamang ang mga malalaking kumpanya,  mga negosyante at mga professional ang kinakailangang magdeklara ng kanilang mga kinita kundi pati na rin ang maliliit na mga mangangalakal at mga manggagawa ay may obligasyon na rin magbayad ng buwis.

Alam nating lahat na kinakailangan ang buwis upang mapatakbo nang maayos ang bawat bayan. Kinakailangan ang buwis upang makapagtayo ng mga eskwelahan,  makapagpagawa ng mga maaayos na daan, tulay na makakapagdala ng  kalakal,  tubig at kuryente sa bawat tahanan. Kinakailangan din ang mga nakokolektang buwis upang may maipasweldo sa mga nanunungkulan upang maisagawa lahat ng mga pangangailanagan ng bawat mamamayan.

Bilang mga Pilipinong naninirahan dito sa Japan, damang-dama natin ang mga serbisyo na naibibigay ng pamahalaan kapalit ng ibinabayad nating buwis. Marahil ay wala pa sa atin ang nakaranas ng mawalan ng kuryente at tubig maliban lamang noong magkaroon ng malakas na lindol sa Tohoku region, may tatlong taon na ang nakararaan.   Maging sa siyudad at sa mga labas nito ay halos walang lubak ang ating mga dinaraanan.  Madaling maghanap ng palikuran, nakakalat na impormasyon tungkol sa kung saan at ano ang mayroon sa mga naturang lugar na kahit saan tayo magpunta ay maayos at malinis ang  kapaligiran. Ang mga pampublikong sasakyan ay nasa oras na kung hindi rin lamang masyadong ilang ang lugar ng ating kinaroroonan, maski papaano ay makahahanap lamang tayo ng transportasyon patungo sa ating nais puntahan.
 
Ang mga pangkaraniwang kaayusang ganito ang kinakailangan ng bawat  mamamayan kahit saan pa mang bayan. Ang kaayusang ganito ang dapat malaman ng bawat nanunungkulan o manunungkulan pa lamang bago pa man sila pumasok sa trabahong  “public servant” o pagsisilbi sa mamamayan.

Nakakapagtaka na kung sino pa ang mga may matataas na pinag-aralan at galing sa mga kilalang pamilya ay hindi kayang gawan ng paraan na maisagawa ang simpleng pangangailangang ganito para sa kanilang kapwa mamamayang Pilipino. Ano kaya ang kanilang mga natutuhan sa kanilang paglaki at sa tagal nang panahon na sila ay nag-aaral? Ang nakakahiya pa ay marami sa mga nanunungkulan ay naniniwala na mangmang at walang magagawa ang mas nakakarami sa mga mamamayan kaya patuloy lamang silang nag-e-enjoy sa kanilang kapangyarihan gamit ang salapi ng taumbayan.

Bilyun-bilyong salapi na dapat ay nakapagpagawa ng mga paaralan upang masagip sana ang maraming kabataan na ngayon ay nabubuhay na lamang sa mga lansangan at nagiging problema pa ng ating lipunan. Bilyun-bilyong salapi na dapat sana ay naibili ng gamot upang ang nakararaming mahihirap nating mga kababayan ay mabigyan ng lunas ang kanilang mga malulubhang karamdaman. Bilyun-bilyong salapi na dapat sana ay nagbibigay ng hanapbuhay sa bawat Pilipino upang hindi na maghanap ng trabaho sa ibang bayan. Buo sana ang maraming pamilya at nabubuhay nang may dangal at iginagalang ng mga dayuhan.

Marahil ay kilala na nang marami sa atin dito man sa Japan ang pangalang Janet Lim Napoles. Marami na rin siguro ang nakarinig sa kanyang mga pahayag na hindi lamang siya ang gumagawa nang ganito. Marami pang iba ang patuloy na gumagawa hanggang ngayon ng mga pagnanakaw sa kayaman ng bawat Pilipino. Ang mga ganitong pagnanakaw ay matagal na raw kalakaran sa ating gobyerno. Mga kababayan, kahit hindi man niya sabihin ay matagal na rin nating alam ito. Pero ano ang ating pwedeng gawin? Siguro, tanungin muna natin kung may pagkakaisa ba ang mga Pilipino. Aminin natin na ang tanging araw na nagkakaisa tayo ay ang araw  na  may laban si Manny Pacquiao.

Kailan pa kaya darating ang panahon na ang bawat kababayan natin ay pag-aaralang mabuti at bibigyan ng pagpapahalaga ang bawat boto upang maibigay sa mga taong maaaring makagawa ng pagbabago para sa ating bayan at sa mga Pilipino?


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento