Ni
Len Armea
Iba’t
ibang kwento ng pag-ibig ang bida sa mga kanta ng OPM acoustic singer na si
Johnoy Danao na mismong siya ang nagsulat at nakapaloob sa kanyang bagong album
na pinamagatang “Samu’t Sari.” Ito ang unang album ni Johnoy bilang isang
mainstream artist at talent ng Universal Records.
Masaya
ang mang-aawit dahil bukod sa maganda ang kinalabasan ng album na halos
kalahating taon din niyang pinagpaguran ay mas marami ng OPM fans ang makakarinig
dahil sa pagtawid niya sa mainstream music. Subalit, binigyang-diin ng papasikat
na singer sa ginawang press launch kamakailan na hindi mahalaga kung independent
artist ka man o mainstream artist.
“Pinakaimportante
sa akin kung ano iyong musika mo, kung ano iyong naririnig ng tao at kung totoo
ka sa musika mo, walang problema kung mainstream o indie artist ka,” pahayag ni
Johnoy na unang naging matunog ang pangalan ng maging bahagi ng “Good Times
Acoustic” podcast ni DJ Mo Twister.
Kapansin-pansin
sa Samu’t Sari, na mayroong 11 kanta kung saan siyam sa mga ito ay orihinal na
komposisyon, ang magandang pagkakatagpi ng liriko ng kanta at ng kakaibang
tunog na Pinoy na Pinoy.
“Iba’t
ibang kwento ang nakapaloob sa album na ito. Iba’t ibang tunog din ang
maririnig pero lahat nasa iisang tema ng pag-ibig.
“Samu’t
Sari is my way of introducing my music to a wider audience. It is never about
me, my face, the visuals. It is all about the music, the voice,” dagdag pa ni
Johnoy na nagkaroon din ng banda noong 2000 na may pangalan na Bridge.
Nakapaloob
sa album ang mga kantang “Buntong-hininga,” “Salamat Sinta,” “Aking Mahal,”
“Bilog ang Bola,” “Malayang Bilanggo,” “Salubong,” “Bakuran” featuring Aiza
Seguerra,” “Kung ‘Di Man,” na itinanghal na second place sa Philpop Festival
noong nakaraang taon, at ang “Ikaw at Ako,” na mula sa naunang album ni Johnoy
na “Dapithapon” na inilabas noong 2010.
Kabilang
din sa Samu’t Sari ang sariling bersyon ni Johnoy ng kanta ng Imago na “Sundo”
at ng Itchyworms na “Beer.” Ayon kay Johnoy, napili niyang isama ang dalawang
kanta dahil gustung-gusto niya ang pagkakasulat at ninais na sana’y siya ang
nakapagsulat ng mga ito.
Sa
iba’t ibang kwento ng pag-ibig sa kanyang album, hangad ni Johnoy na magustuhan
at mapakinggan ito ng nakararaming Pilipino na tanging pangarap niya.
“Iyong
mga kwento sa mga kanta na nakasama sa album ay personal kong kwento ngunit sa
tingin ko ay sumasalamin din sa bawat isa – sa ating mga Pilipino – kung paano
tayo magmahal, paano tayo mabigo, paano tayo makipaglaban.”
“Puntirya
ko sa pagsusulat ng kanta at paggawa ng musika iyong puso ng tao – maririnig ng
tenga at didiretso sana sa puso,” giit pa ni Johnoy.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento