Martes, Hunyo 3, 2014

NHK Studio Park: Tokyo’s Broadcasting Theme Park

Ni Florenda Corpuz


Bukod sa NHK Museum of Broadcasting, mayroon din broadcasting theme park na itinayo ang NHK o Nihon Hoso Kyokai (Japan Broadcasting Corporation), ang pambansang pampublikong brodkaster ng bansa. Ito ay tinawag na NHK Studio Park na matatagpuan sa Shibuya, Tokyo.

Nagbukas sa publiko noong Oktubre 2011, makikita sa loob ng NHK Studio Park ang iba’t ibang exhibit ng istasyon. Maaari rin magsagawa ng studio viewing dito at manood ng mga palabas.

Nahahati sa 17 bahagi ang NHK Studio Park. Nariyan ang Super Hi-Vision kung saan makikita ang mga next generation television na may 3D audio at ultra-high-definition display; ang Studio Gallery kung saan makikita ang mga pinakabagong programa ng istasyon; at Media Wall, isang interactive video wall kung saan makikita ang mga news snippets ng istasyon sa nakalipas na 50 taon.

Kasama rin ang Studio CR-350/3D Theater kung saan mae-enjoy ang mga live recordings ng mga programa sa radyo at mga original na 3D videos ng istasyon; NHK Quest kung saan mae-enjoy ang mga programa ng NHK sa pamamagitan ng mga quizzes at games; NHK World, isang international na broadcasting radio studio kung saan bino-broadcast ang Japanese news sa buong mundo; ? Room kung saan masasagot ang mga katanungan sa pamamagitan ng panonood ng mga science program entertainment; at Animation Hub para sa isang dubbing experience.

Narito rin ang Creative Lab kung saan maaaring malaman kung paano gawin ang isang programa sa telebisyon; Studio Park News kung saan pwedeng maging production staff; Domo-kun Café kung saan malalaman ang mga bagong impormasyon tungkol sa istasyon habang nagpapahinga; Drama Showcase na nagpapakita ng mga luma at bagong drama; at Children’s Sphere kung saan mapapanood ang mga all-time classic children’s programs.

Ilan pa sa makakakita rito ay ang Studio CT 450 kung saan mapapanood ng live ang mga behind the scenes sa loob ng broadcast studio; Nature Cameraman na magtuturo sa sikreto sa pagkuha ng mga programang pang-siyensya; Kid’s World kung saan makikilala ang mga karakter ng NHK; at Event Hall kung saan mae-enjoy ang mundo ng telebisyon. Mayroon din Studio Shop at Studio Café sa loob ng broadcasting theme park.

Taong 1925 nang unang maitala ang kasaysayan ng pamamahayag sa bansa sa pamamagitan ng regular na serbisyong pang-radyo na isinagawa sa Atagoyama, Tokyo – ang lugar kung saan isinilang ang pamamahayag sa Japan.

Makalipas ng 88 taon, kamangha-mangha ang naging pag-unlad ng pamamahayag sa bansa dahil sa makabagong teknolohiya rito – mula sa radyo, telebisyon, satellite broadcasting hanggang sa HDTV at digital terrestrial broadcasting ngayon.


Ang NHK Studio Park ay bukas sa publiko mula 10:00 ng umaga hanggang 6:00 ng hapon. Sarado ito tuwing ikatlong Lunes ng buwan. May bayad ang entrance fee rito na nagkakahalaga ng ¥200.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento