Huwebes, Hunyo 5, 2014

Japan naging paboritong destinasyon ng ilang Pinoy stars

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Instagram account ni Carmina Villarroel
TOKYO, Japan – Dumagsa ang mga artistang bumisita sa bansa noong Semana Santa para makapagbakasyon sa kanilang dream destination kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan.

Sinamantala ng Kapuso royal couple na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes ang pagkakataon na pareho silang walang trabaho upang bisitahin ang ilang shopping districts sa Tokyo kabilang na ang Omotesando Hills. Nag-post din ang dalawa ng litrato sa kanilang Instagram accounts na kuha sa harap ng popular na ramen chain na Ippudo at Lindt Chocolat Café sa Ginza. Kasama rin sa kanilang pinasyalan ang man-made island na Odaiba.

Hindi rin nagpahuli sa pagbabakasyon ang magaling na aktres na si Iza Calzado at non-showbiz boyfriend nito na si Ben Wintle na namasyal sa Tsukiji Market, Tokyo Imperial Palace Gardens at Ginza. Nagtungo rin ang dalawa kasama ang ilang mga kaibigan sa Kyoto kung saan binisita nila ang ilang popular na temple at shrines tulad ng Fushimi Inari Shrine, Kiyomizu-dera Temple at Kinkaku-ji.

Tuwang tuwa naman na nakahabol sa cherry blossom season ang big band crooner na si Richard Poon kasama ang asawang aktres na si Maricar Reyes. Nag-flower viewing ang dalawa sa Shinjuku Gyoen National Gardens. Nagtungo rin sila sa Odaiba upang personal na masilayan ang RX-78-2 na estatwa ni Gundam na may taas na 18 metro. Nag-enjoy din ang mag-asawa sa kanilang mga train rides at pagkain ng mga streetfood sa Ameyoko Market sa Ueno.

Nagbakasyon din sa bansa ang Kapamilya host na si Carmina Villaroel kasama ang asawa nitong si Zoren Legaspi at mga anak na sina Mavey at Casey. Nagtungo ang buong pamilya sa Tokyo Disneyland at Tokyo DisneySea. Binisita rin nila ang estatwa ni Hachiko sa Shibuya. Tuwang tuwa rin ang mag-anak na makakita ng cherry blossom sa Shinjuku Gyoen National Gardens at Mt. Fuji.


Samantala, namataan din ang komedyanteng si Roderick Paulate kasama ang pamilya at mga kaibigan sa Hakone at Mt. Fuji. Dumating din sa bansa ang pamosong litratista na si Raymund Isaac na namasyal sa ilang lugar sa Kyoto at Osaka. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento