Linggo, Nobyembre 6, 2016

Dignidad at totoong kalayaan

Ni Al Eugenio

Ipinagmamalaki ng mga Japanese na ang kanilang bansa ay isa sa mga kinikilala at iginagalang sa buong mundo. Ito ay dahil sa naipakilala nila sa buong mundo na kaya nilang gumawa ng paraan na maitaguyod ang kapakanan ng kanilang bayan na hindi lubusang aasa sa tulong ng ibang bayan.  

Nang matapos ang World War II, naging masunurin sila sa kanilang mananakop na hanggang sa ngayon, ang saligang batas na kanilang sinusunod ay ang saligang batas na isinulat pa ni  dating Heneral Douglas McArthur na pinakamataas na pinuno ng pwersang nagpasuko sa Japan.

Bagamat sila ay nasakop ng Estados Unidos, hindi sila nagpabaya na lagi na lamang maging sunud-sunuran sa bansang Amerika. Gumawa sila ng paraan kung papaano nila muling maitatayo ang kanilang lipunan at maibalik ang dignidad at dangal ng kanilang bayan.  

Dahil sa kanilang matinding pagnanais na makatayo, hindi nila hinintay ang mga tulong mula sa kanilang mananakop at iba pang bayan, gumawa sila ng sarili nilang pamamaraan upang maitaas ang tingin sa kanila ng ibang bansa kahit na ang Japan ay salat sa likas yaman at kulang ang kaalaman sa salitang banyaga na sa larangan ng komersyo ay pangunahing kailangan.

Mula pa noong ang Pilipinas ay binigyan ng kalayaan, may mahigit ng 100 taon ngayon ang nakararaan, nananatili pa rin sa kaisipan ng marami nating kababayan na maging sunud-sunuran sa mga gawi ng mga bansang sumakop sa atin.

Noong araw, marami ang mga gustong nagsasalita ng Español at nang lumaon ay pa-Ingles-Ingles naman. Lagi nating ginagaya ang kanilang mga gawi tulad ng pananamit, mga galaw at pati na kanilang kultura at pagsasalita na halos pati na ng ating sariling wika ay atin nang ikinahihiya.

Kahit na sa mga pagbabalangkas ng mga binubuong batas, madalas lumalabas ang mga katwiran, tulad halimbawa ng same-sex marriage, sabi ng iba, maaari na rin daw nating ipatupad sa Pilipinas dahil sa ito ay ipinatutupad na sa ibang bansa.

Bakit kailangan nating laging sinusundan ang mga dayuhan? Wala ba tayong tiwala sa ating mga kakayahan na maging bansa na may sariling pagkakakilanlan?

Nang unang magpahayag ang ating Pangulong Rodrigo Duterte sa ibang bansa na huwag tayong pakialaman, kasabay ng makukulay na insulto sa kanilang mga pinuno, marami sa ating mga kababayan ang nagulat at nagpahiwatig ng pag-aalala. Ito ay dahil sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon tayo ng pinuno na gustong ipakilala sa buong mundo na tayo ay isang bansang maaaring mabuhay kahit na walang tulong mula sa ibang bansa.

Nasanay na ang ating mga kababayan sa mga pamamaraan ng ating mga nakaraang pinuno na laging umaasa sa proteksyon ng ibang bansa.

Sa pagkakataong ito, nagkaroon tayo ng bagong pangulo na nais ipakilala sa buong mundo na ang mga Pilipino ay hindi mga alipin. Hindi mga nagpapalimos.  Nangyari lamang sa atin ang pagkakakilanlang ganoon dahil sa mga maling pananaw ng ating mga nakaraang mga namumuno.

Sa pagkakataong ito, marami sa ating mga kababayan ang magigising sa bagong pananaw na tayo ay isang lahi na may sariling pagkakakilanlan na hindi katulad ng mga alipin na inuutus-utusan.

Sa pagkakataong ito, pagkatapos na mawala ang mga mapagsamantalang namumuno sa ating bayan, maipapakilala natin sa buong daigdig na tayong mga Pilipino ay may naiibang kakayahan,  unti-unting tumitindig sa ating sarili na may dignidad at totoong  kalayaan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento