Huwebes, Nobyembre 3, 2016

Nagoya, Aichi, napiling host city ng 2026 Asian Games

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa Olympic Council of Asia

Ang ilang opisyal ng Nagoya, Aichi at OCA sa
2026 Aichi-Nagoya Asian Games Hosting City contract signing ceremony
Napiling host para sa 2026 Asian Games ang Nagoya at Aichi prefecture sa central Japan.

Inaprubahan ng Olympic Council of Asia (OCA) ang bid ng Aichi-Nagoya sa ginanap na 35th OCA General Assembly sa Royal Lotus Hotel and Convention Centre sa Danang, Vietnam kamakailan. Ito ay kasunod nang pagkakasungkit ng Jakarta-Palembang, Indonesia at Hangzhou, China bilang host cities ng 2018 at 2022 Asian Games.

“The road map of our main event is very stable. Together with our three Asian Games in 2018, 2022 and 2026, the Tokyo 2020 Olympic Games and the next two Winter Olympics in Korea and China in 2018 and 2022 respectively, the sports calendar of Asia will be very busy with continental and international events,” ani OCA President Sheikh Ahmad Al Fahad Al Sabah.

Ipinagmalaki ni Japanese Olympic Committee President at IOC member Tsunekazu Takeda ang katatagan ng Nagoya at Aichi sa aspetong industriyal at pang-ekonomiya sa mga delegado na dumalo sa pagtitipon.

Inilarawan naman ni Aichi Gov. Hideaki Ohmura ito bilang “leading sports city in Japan” na may populasyon na 7.5 milyon.

Sinorpresa naman ni Nagoya Mayor Takashi Kawamura ang mga delegado sa pamamagitan nang pag-awit ng kanyang bersyon ng isang Elvis Presley hit: “Wise men say, only fools rush in. But I can’t help falling in love with Asian people, Asian Games in Nagoya and Aichi.”

Sesentro ang unang tema ng five-concept Asian Games 2026 sa “Athletes First.”

Ilan sa mga sports stadiums na inaasahang pagdarausan ng palaro ay ang Mizuho Athletics Stadium, Toyota Stadium, Rainbow Hall at Rainbow Pool, Komaki volleyball arena at Nagoya Dome habang ang Main Media Centre ay matatagpuan naman sa Nagoya International Exhibition Hall.

Tinatayang aabot sa $842 milyon ang budget para rito.


Ito na ang ikatlong beses na gaganapin sa Japan ang Asian Games simula ng ito ay unang idaos taong 1951. Una sa Tokyo noong 1958 at Hiroshima noong 1994.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento