Miyerkules, Nobyembre 30, 2016

Japanese businessmen hinimok ni Duterte na mamuhunan sa Pilipinas

Ni Florenda Corpuz

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Japanese businessmen na mamuhunan sa Pilipinas sa mga sektor ng manufacturing, infrastructure, agriculture at energy sa kanyang pagdalo sa Philippine Economic Forum.

“We would like to see more investors and businesses setting up shops in the Philippines,” pahayag ni Duterte sa kanyang talumpati sa harap ng 1,000 partisipante na dumalo sa business forum na ginanap sa Prince Park Tower Tokyo Hotel noong Oktubre 26.

Sinabi rin ng Pangulo na patuloy na magiging prayoridad ng Pilipinas ang Japan lalo na at ginugunita ngayong taon ang ika-60 taon ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa.

“We look to Japan as a steady fulcrum in our regional engagement as the Philippines’ first and only bilateral free trade partner today,” aniya.

Dinagdag din ni Duterte na ang Japan ang pangunahing trade partner ng bansa, pangunahing pinagmumulan ng pamumuhunan at pangalawang pinagmumulan ng official development assistance (ODA).

Ayon pa sa Pangulo, determinado ang pamahalaan na makalikha ng mas maraming trabaho sa pamamagitan ng mas madali at mas kaakit-akit na pagnenegosyo sa bansa.

Umaasa rin si Duterte na patuloy na susuportahan ng Japan ang hangarin ng Pilipinas na pagtataguyod sa rural development, pagtaas ng agriculture productivity, pagpapabilis ng infrastructure spending at pamumuhunan sa human capital development.

Tiniyak din ng Pangulo sa mga Japanese businessmen na ang kanyang pagbisita sa China ay tungkol lamang sa ekonomiya at hindi tungkol sa usapin sa seguridad.

“You know I went to China for a visit. And I would like to assure you that all there was, was economics. We did not talk about arms. We avoided talking about alliances,” aniya.

Nangako rin si Duterte na papanig sa Japan pagdating sa usapin sa South China Sea.

Umangat ang gross domestic product ng Pilipinas sa 6.3 porsyento sa nakalipas na mga taon kaya naman itinuturing ito bilang isa sa fastest growing economy sa buong mundo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento