Isa
sa unang napapansin at binibigyan ng malaking kunsiderasyon sa pag-aayos at
pagdidisenyo ng bahay ay ang kulay nito. Ito rin ang mabilis na paraan kapag
nais na baguhin ang itsura ng bahay o kaya ng mga silid.
Malaki
ang nagagawa ng kulay sa loob ng bahay dahil nakakapagbigay ito ng partikular
na “mood” sa mga nakatira rito. Lalo na ngayon na malapit na muling magbago ang
taon, marami siguro ang nagnanais na magkaroon ng kaunting pagbabago sa
kani-kanilang bahay.
Kaya
mainam na alamin ang bawat kulay at ang kahulugan ito o iyong epekto nito sa
mata, sa mood at sa kagandahan ng inyong bahay. Bukod pa rito, dapat na malaman
ang mga kulay na pwedeng pagternuhin o pagsamahin para magmukhang maganda ang inyong
paligid.
Blue. Marami ang may paborito sa kulay
asul dahil sa may kinalaman ito sa dagat at kapayapaan. Magaan sa mata ang
kulay asul at sinisimbolo nito ang katalinuhan, kasiguraduhan, tiwala, at
katapatan. Hindi nga lang magandang kulay ang asul sa kusina at hapag-kainan
dahil ang kulay asul ay nakakawala ng gana.
Yellow. Isang masayang kulay ang dilaw
dahil ito ay nagpapahiwatig ng enerhiya. Kung laging parang tahimik at
malungkot ang inyong bahay ay mainam na gawing dominant color ang dilaw ngunit
piliin ang pagkadilaw na hindi masyadong matingkad. Nakakaengganyo din sa
appetite ang kulay na ito at magandang background kapag mag-uusap ang pamilya o
magkakaibigan dahil itinuturing ang dilaw bilang “conversation stimulator.”
Red. Bibihira ang mga bahay na gumagamit
ng pula sa kanilang bahay dahil sa masyadong matapang ang kulay na ito kaya ginagawa
lamang itong pang-accent na kulay at hindi bilang ang dominanteng kulay. Ang
kinainam lamang ng kulay pula ay bukod sa nakakaganang kumain ay nakakalibang
din itong kulay. Kapag ganitong kulay ang nasa paligid ay hindi mo mamamalayan
ang oras dahil may kakayahan itong makapagpa-relax ng tao.
Green. Dahil sa may kinalaman ito sa
kalikasan, ang kulay berde ang pangunahing kulay na nakakapagbigay ng magandang
pakiramdam. Mayroon itong calming, soothing at releaxing effect kaya’t marami
ang nahihikayat na gawin itong dominanteng kulay sa kani-kanilang bahay.
Siyempre, kapag nasa iyong tahanan ka ay una mong kunsiderasyon na maayos kang
makakapagpahinga at ang kulay berde ay makakatulong upang maabot ang ganitong
layunin.
Purple. May kinalaman sa “royalty” ang
kulay lila dahil sinisimbolo naman nito ang kapangyarihan, karangyaan at
ambisyon bukod pa sa kayamanan at bulagsak na paggasta. Ipinapakahulugan din ng
purple ang misteryo, kahiwagaan, dignidad, pagsasarili at pagkamalikhain.
Brown. Itinuturing na isang eleganteng
kulay ang brown bukod pa sa madali rin itong ternuhan ng ibang kulay. Masyadong
mainit sa mata ang dark brown kaya’t mainam na piliin ang mas light na kulay
tulad ng light brown o beige.
White. Dahil sa ito ay isang neutral color,
pinakaligtas na gamitin ang kulay puti dahil lahat ng kulay ay pwedeng iterno
rito. Iyon nga lang ay madaling madumihan ang kulay nito ngunit kung matiyaga
sa pagme-maintain ng bahay ay magandang kulay sa bahay ang puti. Sinisimbolo
nito ang kalinisan, kainosentehan, pagkadakila at kaligtasan.