Martes, Oktubre 24, 2017

Limang Pinoy films kasali sa Tokyo International Film Festival

Ni Florenda Corpuz
Will Your Heart Beat Faster? (Kakabakaba Ka Ba?)

Nakasali sa prestihiyosong 30th Tokyo International Film Festival (TIFF) ang limang pelikulang Pilipino.

Kasama sa Competition Section sa kategoryang Asian Future ang romantic family-themed musical na “The Portrait (Ang Larawan)” na idinirehe ni Loy Arcenas. Pinagbibidahan ito ng aktor na si Paulo Avelino at singers na sina Joanna Ampil at Rachel Alejandro.

Lalaban din sa kategoryang ito ang pelikulang “The Right to Kill (Tu Pug Imatuy)” ni Arnel Arbi Barbarona. Paglalabanan ng 10 pelikula na kabilang sa kategoryang ito ang Best Asian Future Film Award at The Spirit of Asia Award by the Japan Foundation Asia Center.

Matatandaang iniuwi ng Pilipinas ang Best Asian Future Film Award noong nakaraang taon para sa pelikulang “Birdshot” na idinirehe ni Mikhail Red.

Ipapalabas naman sa World Focus Section ang family drama na “Underground (Pailalim)” na idinirehe ni Daniel Palacio. Tampok dito sina Joem Bascon at Mara Isabella Lopez Yokohama.

Mapapanood din sa Crosscut Asia #04: What’s Next from Southeast Asia Section ang drama-suspense na “Kristo” ni HF Yambao na pinagbibidahan nina Kristofer King, Angela Cortez at Julio Diaz. Ang pelikula ay inirekomenda ng critically acclaimed director na si Brillante Mendoza para ipalabas sa nasabing kategorya.

Ipapalabas din dito ang 1980 musical comedy classic na “Will Your Heart Beat Faster? (Kakabakaba Ka Ba?)” na pinagbibidahan ng batikang mga aktor at aktres na sina Christopher De Leon, Jay Ilagan, Charo Santos at Sandy Andolong sa direksyon ni Mike De Leon.

Samantala, nakatakda rin magsagawa ng master class si Mendoza tungkol sa kanyang pamamaraan nang pakikipagtrabaho sa mga aktor.

Pangungunahan ng American actor at director na si Tommy Lee Jones ang international competition jury ngayong taon.

Inaasahan ang pagdalo ng mga sikat na Hollywood stars at iba pang artista mula sa iba’t ibang bansa sa festival.

Magugunitang napanaluhan ng Pilipinas ang best actress at best actor awards noong 2013 at 2016 dahil sa natatanging pagganap nina Eugene Domingo sa “Barber’s Tales” at Paolo Ballesteros sa “Die Beautiful” na kapwa idinirehe ni Jun Robles Lana. Inuwi rin ng “Die Beautiful” ang Audience Award noong nakaraang taon.

Ang TIFF ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong Asya. Layon nitong bigyan ng pagkakataon ang mga film fans na mapanood ang mga high-quality at world-class films mula sa Japan at ibang bansa.

Gaganapin ang festival sa Roppongi Hills at iba pang lugar sa Tokyo mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento