Linggo, Oktubre 8, 2017

Kilalanin si SEA Games gold medalist Pinoy taekwondo jin Samuel Morrison


Sa 24 gold medals na naikasa ng Philippine national team, isa sa dalawang gold medals ng taekwando ay nagmula sa Pinoy taekwondo jin na si Samuel Thomas Harper Morrison. Ito ay matapos ang mataginting na performance nito kontra kay Dinggo Ardian Prayogo ng Indonesia sa men’s -74 kg kyorugi event sa isang maaksyong harapan sa lightweight division kamakailan sa 29th Southeast Asian Games na ginanap sa Kuala Lumpur Convention Center, Malaysia.

Dominante ang Filipino-American na tubong Olongapo sa Indonesian na pinaulanan niya ng long turning kicks at curling kicks sa loob ng three rounds ng naturang match. Bagaman sa pagtatapos ng first round ay nagtagal sa 7-7 ang iskor, pinatamaan ni Morrison si Prayogo ng long turning kick na nagpabagsak sa Indonesian. Hindi na hinayaan ni Morrison na makabawi pa si Prayogo nang agad nitong sinundan ng dalawang fast kicks ang kanyang atake para palawakin ang lamang niya sa 19-10.

Kinilala rin ang nakamamanghang 16-11 win ni Morrison kontra kay Vietnamese Ly Hong Phuc bago pa siya umabot sa gold medal round.

Malaking bagay ang pagkapanalo ni Morrison mula sa kontrobersyal na pagkatalo ng teammate nitong si Arvin Alcantara sa featherweight (-68) match kay Malaysian Rozami Bin Rozali na nagtapos sa isang draw. 

Growing up with basketball in Subic Bay

Madalas napagkakamalan si Morrison na mas tinatawag sa kanyang nickname na Butch bilang isang basketball player dahil na rin sa taas nito na 6’1 at sa kanyang African-American features.

Sa isang panayam, hindi agad-agad taekwondo ang sports ni Butch habang lumalaki sa Olongapo. “Dadayo pa kami kung saan-saan para maglaro. I could play from morning to nighttime,” ang pagbabahagi ng binata sa kanyang pagkahilig sa basketball.

Anak ng isang retiradong American marine serviceman na base sa Maryland at Pinay na ina, nagsimula ang interes niya sa taekwondo dahil sa impluwensiya ng kanyang paboritong shows na “Power Rangers” at “Masked Rider” noong bata pa siya.

“I thought it was cool to see the Power Rangers defeating their opponents with their martial arts skills. I would practice their moves at home, it was a cool thing.”

Hanggang sa may nagbukas na taekwondo gym sa kanilang lugar at nagtanong siya kung paano niya matututuhan ang Korean martial art. Dito na tuluyang nagbago ang landas sa sports ni Morrison.

Collegiate and international experience

Sa isang sports scholarship, naging bahagi ng Tiger Jins – ang taekwondo team ng University of Santo Tomas (UST) ang ngayo’y 27-taong-gulang na si Morrison kung saan siya nagmarka ng tatlong panalo para sa koponan sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Pagdating sa world championships, isang gold medalist sa 2015 Singapore SEA Games, silver sa 2011 Summer Universiade sa Shenzhen, China at bronze naman sa 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea.

Itutuon naman ngayon ng mga Pinoy jins ayon sa Philippine Taekwondo Association (PTA) ang kanilang pagsasanay sa Asian Games 2018 at Summer Olympics 2020.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento