Dreamscape photo |
Unang ipinasilip ang trailer ng fantasy romance-drama
na produksyon ng Dreamscape Entertainment, ang “The Promise of Forever” sa
ABS-CBN Trade Event sa huling bahagi ng nakaraang taon. Agaw-pansin agad sa mga
manonood ang napakagandang mga eksena nito sa Europa, gayon din ang
kaabang-abang na bagong pagtatambal nina Paulo Avelino, Ejay Falcon at Ritz
Azul.
Bagaman naantala ang pag-ere nito na dapat sana’y sa
primetime nitong summer. Sa wakas ay nagsimula na rin itong umere sa telebisyon
sa Kapamilya Gold bilang kapalit ng “The Better Half” pagkatapos ng “Pusong
Ligaw.”
Love is beyond forever
“Hindi siya mabigat pero romantic at susubukan ng
kwento nito na patunayan na ‘love is beyond forever’ sa kwento ng isang
immortal na lalake at isang babaeng may kaugnayan sa kanyang mahabang
nakaraan,” pahayag ng mga direktor nitong sina Darnel Villaflor (Nathaniel) at
award-winning independent filmmaker Hanna Espia (Transit) sa kanyang unang
proyekto sa telebisyon.
Bilang isa sa malalaking proyekto ng ABS-CBN, ito rin
ang kauna-unahang teleserye sa bansa na kinunan sa Prague, Czech Republic. Bahagi
rin ang lokasyon nito ang Bruges, Belgium; Amsterdam, Netherlands; at Krakow,
Poland.
Isang “canned series” ang serye dahil tinapos na ang
produksyon nito sa loob ng halos isang taon. Makabago rin ang konsepto nito
dahil ngayon lang na isang imortal ngunit hindi supernatural being ang pangunahing
karakter.
Ginagampanan ni Paulo Avelino ang apat na karakter na
dahil sa matinding kagustuhan na mabalikan ang babaeng minamahal na si
Elizabeth (Sarah Lahbati) ay naging imortal pagkatapos ng isang aksidente.
Nagpapalit siya ng katauhan hanggang sa maging kaibigan nito ang isang batang
babae ngunit maghihiwalay ang landas ng dalawa sa isang pangyayari.
Si Ritz naman
ay si Sophia, isang babaeng nagtatrabaho sa isang cruise ship na may piraso ng
kanyang nakaraan na hinahanap at si Ejay bilang si Philip na kaibigan ni Sophia
na sikretong nagmamahal sa kanya.
Tampok din sa all-star cast sina Eva Darren, Cherry
Pie Picache, Amy Austria-Ventura, Tonton Gutierrez, Benjie Paras, Yana Asistio,
Nico Antonio, at Susan Africa. Special participation naman sina Desiree del
Valle, Ahron Villena, Sarah Lahbati at Mutya Orquia.
Theme song naman nito ang “Hanggang May Kailanman” na
bersyon ni Angeline Quinto.
Kapamilya debut project
Malaking usap-usapan nitong nakaraang taon ang
paglipat ng dating TV5 actress na si Ritz sa Kapamilya Network, lalo na nang
inanunsyo na mayroon agad itong pinagbibidahan na bagong serye kasama sina
Paulo at Ejay.
“Siyempre feeling blessed
ako kasi kakapasok ko lang as a Kapamilya nakasama na ako agad sa isang
teleserye. So ‘nung sinabi naman sa akin ‘yong story talagang maganda at bago.
Isa itong oportunidad sa akin na mapakita ko naman sa ABS [CBN] na talagang
karapat-dapat naman akong maging Kapamilya,” ang pahayag ni Ritz nang inanunsyo
ito.
Nang matanong naman kung
kumusta ang makatrabaho sina Paulo at Ejay, na parehas na matagal nang
Kapamilya, “Actually noong una, nag-adjust ako kasi intimidated ako sa kanila
(Paulo and Ejay) parehas. Pero nag-adjust din sila sa akin dahil inalalayan
nila ako. Alam nilang medyo hirap ako minsan sa pakilig kasi hindi pa ako
nagkaka-boyfriend. Nagpatulong ako sa kanilang dalawa and in fairness,
tinulungan nila ako,” ang tugon ng dalaga.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento