Miyerkules, Hulyo 5, 2017

Fil-Brit Vanessa White naglabas ng pangalawang solo EP

Ni Len Armea


Namamayagpag ngayon sa UK music scene ang Filipina-British RnB singer Vanessa White matapos na maging matagumpay ang kanyang debut solo EP na “Chapter One” na naglalaman ng apat na tracks: “Don’t Wanna Be Your Lover,” “Nostalgia,” “Relationship Goals,” at “Lipstick Kisses.”

Kaya naman mabilis na nasundan ito at kamakailan lamang ay inilabas ni Vanessa, na sumikat bilang miyembro ng British-Irish Group na The Saturdays, ang kanyang ikalawang solo EP na pinamagatang “Chapter Two.” Naglalaman ito ng pitong tracks: “Running Wild,” “Good Good,” “Trust Me,” “Pressure,” at ang stripped back version ng Good Good at Running Wild.

Current single ngayon ni Vanessa ang Running Wild na aniya ay bunga ng kanyang mas bukas at mas personal na paraan ng pagsusulat.

“Whilst working on the EP I started to really embrace being more honest and open with what I write about in the studio and ’Running Wild’ is a product of that. It’s about playing out a scenario in your mind that might or might not happen but because it explores using your imagination and tapping into your own desires, you can take it as far as you would like to.  It’s about taking control of what you want and how you feel,” pahayag ng 27-taong-gulang na singer sa panayam sa kanya ng Nylon.

Aminado si Vanessa na marami siyang natutuhan sa nagdaan na taon na makikita sa mga bagong kanta na kanyang ni-record sa tulong ng kanyang mga producers na LongLivThePlug para sa Running Wild, Ads Valu para sa Rotation at Pressure, Chloe Martin para sa Trust Me at Mkulu para sa Good Good.

“I’ve grown so much over the past year, both musically and through life experiences, including this solo journey which at times can be a bit of a rollercoaster.  I can hear and feel that growth in the music and hope people who listen to it can feel it too and are able to take something away from it for themselves,” dagdag pa ni Vanessa na ang ina ay mula sa Davao at nagtatrabaho bilang isang nurse sa UK.

Agad na umakyat sa top spot ng iTunes bestselling pre-order chart at top ten ng general bestselling pre-order chart ang Chapter Two bago ito ilunsad kamakailan na nagpapatunay ng patuloy na paglikha ni Vanessa ng marka sa smusic industry.

At kahit na nasa ibang bansa, makikita ang pagiging proud Pinay ni Vanessa sa kanyang Instagram posts. Ilan sa kanyang mga inilagay na litrato sa naturang social media site ay larawan niya noong siya ay bata pa na sumasali sa isang contest suot ang saya na may disenyo ng watawat ng Pilipinas.

Bumisita na rin siya sa Pilipinas at may larawan na nagbabakasyon siya sa Boracay.

Martes, Hulyo 4, 2017

7 Negosyo na bagay sa mga introvert

Ni MJ Gonzales


Mahalaga ang pagkilala sa personalidad ng tao, hindi lamang sa personal na aspeto, kundi  maging usaping trabaho at pagnenegosyo. Hindi lahat ay masayahin, palabati, at madaling makisalamuha sa ibang tao. Ang iba ay sadyang tahimik, at mas nakakagawa ng kanilang trabaho kapag mag-isa o iyong  mga tinatawag na introvert.  Kung sa tingin mo ay may ganito kang personalidad, pwede ka kaya na magnegosyo?

Kung kilala mo sina Bill Gates, Warren Buffet, Mark Zuckerberg,  Emma Watson, at JK Rowling ay alam mong ilan lamang sila sa mayayaman at matagumpay na tao sa kani-kanilang larangan. Subalit maliban sa mga ito ay pare-pareho rin silang may introvert personality. Ibig sabihin na kung nagawa nila ay magagawa din ng iba pang introvert na magnegosyo. Ang kailangan lamang ay tamang istratehiya at pagpili ng negosyo na papasukin.

Katunayan,  ilan sa kalakasan ng mga introvert ay pagiging magaling sa pag-aanalisa, pakikinig o obserbasyon, at paghahanap ng solusyon sa problema.  Marami rin na malikhain o artist ang may ganitong personalidad.

“We can stretch our personalities, but only up to a point. Bill Gates is never going to be Bill Clinton, no matter how he polishes his social skills, and Bill Clinton can never be Bill Gates, no matter how much time he spends alone with a computer,” saad ni Susan Cain, isang Amerikanong manunulat,  sa kanyang librong  “Quiet: The Power of Introverts in a World That Can’t Stop Talking.”

Samantala, ang sumusunod ay ilan lamang klase ng larangan o negosyo na bagay sa mga introvert:

Graphic, web designing o web developing. Karamihan ng mga introvert ay magaling sa computer at ilan na nga rito ay may kinalaman sa graphic design, web design, at web developing. Maliban sa ang gawain na ito ay hindi kailangan ng masyadong interaksyon at maaaring gawin online ay in-demand pa. Ito ay dahil na rin sa dami ng mga kliyente na gusto na magkaroon ng sarili at magandang website.  

Writing services.   Gaya sa web designing, marami ngayon ang kumukuha ng writing services para sa kanilang websites. Siyempre hindi na rin mawawala ang pangangailangan para sa pagsusulat para sa marketing at advertising campaigns, business proposals, at company manuals. Dagdag na rin dito ang pagkuha ng writers para sa e-book, ghost writing, speech, personal blogs, at iba pa.

Consulting/ tutoring business. Marami ang gusto ng one-on-one coaching lalo na para sa mga abalang tao. Mainam ito para sa mga introvert dahil sa kanilang natural na katangian na mahusay makinig, makisimpatya, at magbigay ng sinserong payo.  Pasok sa aspetong ito ang negosyong may kinalaman sa consultation gaya ng mga ginagawa ng mga financial advisors at private lessons sa anumang asignatura.

Online selling. Maraming maidudulot ang pagbebenta online. Hindi mo na kailangan halos na magtayo ng pisikal na tindahan at ang halos lahat ng transaksyon ay computer na lamang. Dagdag pa rito ay dumadami na rin ang mapagpipilian pagdating sa delivery courier at pagbabayad ng customers.

Bookkeeping at accounting services.  Malaki o maliit na kumpanya man ay nangangailangan   at nag-a-outsource ng bookkeeper at accountant.  Marami rin kasing  entrepreneur na hindi maalam pagdating sa bagay na ito at nahihirapan na pamahalaan pa ang bahaging ito sa pagnenegosyo.  Samantala, maaaring skills at experience lang ang kailangan sa bookkeeping.  Subalit pagdating sa accounting ay kailangang lisensyado bago ito gawin.

Photography, videography, painting at iba pa.  Mahilig sa party at events ang mga Pinoy at hindi mawawala  sa mga  ito ang pagkuha ng litrato, at video. Sa ngayon ay uso na rin ang photobooth na pwedeng dagdag na  negosyo. Bukod sa dalawang ito ay hindi rin mawawala ang iba pang negosyo na may kinalaman sa sining na katulad ng  painting, sculpting, desktop publishing, at iba pa.


Sources:

Linggo, Hulyo 2, 2017

Cayetano, nag-courtesy call kay PM Abe

Ni Florenda Corpuz

Nagkita sina Prime Minister Shinzo Abe at DFA Secretary Alan Cayetano
sa Tokyo, Japan kamakailan para sa isang courtesy call.
(Kuha mula sa Cabinet Public Relations Office)

Nagkaroon ng courtesy call si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano kay Prime Minister Shinzo Abe sa Prime Minister’s Office kamakailan.

Ayon sa DFA, naging mabunga ang talakayan nina Cayetano at Abe tungkol sa pangkalahatang estado ng relasyon ng Pilipinas at Japan pati na rin ang taos-puso at mainit na pagkakaibigan nina Abe at Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanilang pag-uusap, tiniyak ni Abe ang patuloy na suporta ng Japan sa development priorities at kampanya ng pamahalaan ng Pilipinas laban sa ilegal na droga at terorismo.

Muli naman binigyan ng katikayan ni Cayetano si Abe na kontralado ng pamahalaan ang sitwasyon sa Marawi City.

Sinusuportahan ng Japan ang Mindanao Peace Process (MPP) sa pamamagitan ng iba’t ibang programa.

Samantala, nakipagpulong din ang kalihim sa kanyang Japanese counterpart na si Foreign Minister Fumio Kishida sa isang working dinner na ginanap sa Iikura Guest House.

Nagpahayag ng pasasalamat si Cayetano sa walang tigil na suporta ng Japan para sa ikakaunlad ng Pilipinas kung saan tinukoy niya ang isang trilyong yen na financing package.

Nakipagkita rin si Cayetano sa iba pang opisyal ng pamahalaang Hapon at nagbigay ng press briefing sa Japan National Press Club. Nakipagkita rin siya sa mga miyembro ng Filipino community sa Embahada ng Pilipinas sa Tokyo.

Nagtungo si Cayetano sa Tokyo para sa apat na araw na working visit. Nagbigay siya ng talumpati sa 23rd Nikkei International Conference on the Future of Asia noong Hunyo 6 kung saan niya inilahad ang mensahe ni Duterte na nakatakda sanang dumalo sa forum.

Photo: Nagkita sina Prime Minister Shinzo Abe at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa Japan para sa isang courtesy call.





            

33rd International Philippine Festival matagumpay na naidaos

Nagsipagdalo sa opening ceremony ng festival sina (mula sa kaliwa)
Atty. Hermie Linsangan, Congressman Teodoro Montoro,
Madam Marissa Menez, Deputy Chief of Mission Eduardo Menez,
Mrs. Linda Taki, Mr. Makoto Hirata, Mr. Tsuyoshi Ito, Mr. Yasufumi
Wakayama, Mr. Hidenori Yano, Mr. Hidenori Oshima, at Ms. Ryokka Yamada. 

Inorganisa kamakailan ng Chubu Philippine Friendship Association (CPFA) ang 33rd Philippine Festival sa Nagoya, isang taunang pagdiriwang, na idinaos sa Nagoya International Center kamakailan na mayroong temang “Pagsulong.”

“Pinili ang temang ito para mabigyang atensyon ang mga pagbabago tungo sa pag-unlad ng Pilipinas na kasalukuyang nangyayari. Ang mga pagbabagong ito ay nararamdaman din ng mga Pilipino kahit wala sa Pilipinias kaya ito ang naging tema ng event sa taong ito,” pahayag n CPFA.
Ang kasiyahan ay sinimulan ng isang Misa, na pinangunahan ni Father Riemer, isang pari na matagal nang sinusuportahan ang CPFA at ang Fiesta sa Nagoya.

Nagbigay ng pambungad na mensahe si Mrs. Linda Taki, Chairman ng CPFA, na sinundan ng mga mensahe mula kina Deputy Chief of Mission Eduardo Menez  ng Philippine Embassy sa Tokyo, Mr. Makoto Hirata ng Aichi Prefectural Government, Mr. Tsuyoshi Ito ng Nagoya City at  Mr. Hidenori Yano ng Nagoya International Center.

Nagmula naman kay Mrs. Abigail Capitin-Principe, ang kasalukuyang presidente ng CPFA, ang panghuling mensahe. Nagbigay rin mensahe si Congressman Teodoro Montoro.

Naging highlight ng pagdiriwang ang pinamagatang “iTalks” kung saan nagbahagi ang ilang speakers ng makabuluhang aral na kinabibilangan nina Menez, Tourism Attaché Leona Nepomuceno, Atty. Hermenegildo Linsangan, at Immigration lawyer Jitsuya   Sano.

Inabangan din ng mga nagsipagdalo ang pa-bingo, mga palaro, at raffle. Nagakroon din ng kantahanan sa pangunguna ni Mr. Angelo Naya at ng  Live Band. Buong araw na bukas ang sari-sari stores at booths sa NIC Annex Hall kung saan maraming mga nagsipagdalo ang nakatikim ng lutong Pilipino at nabigyan ng iba’t ibang serbisyo.

Sikat na Filipino-Japanese sumo wrestler ganap ng ozeki

Ni Dr. Chino Manding Caddarao


Isang malaking tagumpay para sa 27-taong-gulang na Filipino-Japanese na si Takayasu Akira ang ma-promote bilang isang ozeki, ang ikalawang pinakamataas na ranggo sa larangan ng sumo wrestling.

Ipinagkaloob ng namumuno ng Japan Sumo Association kay Takayasu ang rango na ozeki mula sa sekiwake kamakailan dahil sa kanyang pagkakasunod-sunod na panalo sa Sumo Grand Tournaments ng Tokyo, Osaka, Nagoya at Fukuoka. Isa ito sa pinakamabilis na desisyon sa kasaysayan ng Japan Sumo Association.

Ginanap ang paglulunsad kay Takayasu bilang ozeki sa Imperial Hotel na dinaluhan ng local at foreign press mula sa iba’t ibang diyaryo at telebisyon kung saan kasamang nakisaya ang mga magulang ng sikat na sumo wrestler na sina Eiji Takayasu, isang Japanese, at Bebelita Torreon Bernadas, isang Pinay na tubong Getafe, Bohol.

Hindi madali para kay Takayasu ang naabot na tagumpay ngayon sa larangan ng sumo wrestling.  Masasabing ang kanyang pagpapahalaga sa sport na sumo, pagbibigay prayoridad sa disiplina sa sarili at pagiging butihing anak sa mga magulang at sa kanyang stable master ang dahilan kung bakit naabot niya ang pangalawang pinakamataas na ranggo sa larangan ng sport na sumo.

Kaya naman sa kanyang pagtanggap sa nasabing promosyon, ipinangako niya na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang maglaro ng malinis at respetadong tunggalian sa sumo. Ito, aniya, ay upang mabigyan ng katuparan ang respeto at pagpapahalaga sa sumo bilang sports ng Japan.   Nangako din siyang pag-iibayuhin ang kanyang darating na mga laro upang magampanan niya ang ipinagkaloob sa kanyang ranggo na ozeki. 

Libu-libong mga Pilipino sa Japan ang nagbunyi ng matunghayan nila sa telebisyon at mga pahayagan ang pagkapanalo ni Takayasu sa nasabing tournament. Para sa maraming Pilipino, isang malaking karangalan ang pagka-Pilipino ni Takayasu lalo na’t ang sumo wrestling ay pambansang laro sa Japan at itinuturing nila itong sagrado. 

Bunsod nito, inaasahan na patuloy na susuportahan ng mga Pilipino sa Japan at maging ng mga nasa Pilipinas ang kanyang unang pagsabak bilang isang ozeki sa Nagoya Grand Tournament na gaganapin sa Hulyo 9. Kailangang manalo ng isang ozeki ng back-to-back championships upang magawaran ng yokozuna na pinakamataas na ranggo sa sumo wrestling.

Matatandaang unang sumabak sa sumo wrestling si Takayasu noong 2005 at nanguna sa makuuchi division noong 2011 na nagbigay sa kanya ng record bilang unang sumo wrestler na nakagawa nito sa ilalim ng Heisei era.

Nakakuha siya ng siyam na special prizes: apat para sa Fighting Spirit, tatlo para sa Outstanding Performance at dalawa para sa Technique. Nanalo rin siya ng apat na gold stars ng matalo niya ang isang yokozuna.


Huwebes, Hunyo 8, 2017

Summer blooms: Flower field destinations within the Philippines



Tuwing summer, nakagawian na ang magpunta sa mga baybayin o magtampisaw sa malamig na tubig ng mga talon para maibsan ang init ng panahon. Subalit may kakaiba at espesyal na pakiramdam ang maglakad-lakad at simpleng damahin lang ang simoy ng hangin habang napapalibutan ng mga makukulay at iba’t ibang klase ng mga bulaklak sa mga tinatawag na flower field o flower farm destinations sa bansa.

Gaya ng dinadayong sakura sa Japan at wisteria flower tunnel sa Kawachi Fuji Garden sa Kitakyushu, kaaya-aya rin na gawin ang ganito sa Pilipinas na may mga maipagmamalaking magagandang bulaklak din.

Stroll amongst the flowers

At bagaman walang malawak na flower field gaya ng Hitachi Seaside Park sa Hitachinaka, Ibaraki Prefecture, mayroon naman tayong sariling atin gaya ng Liwasan Cosmos Flower Field sa Masungi Georeserve sa Tanay, Rizal; Bahong Rose Gardens sa Barangay Bahong, La Trinidad, Benguet; King Louis Flower Farm sa Lamtang, Benguet; Celosia Flower Farm sa Barangay Sirao, Cebu; at lotus flower sa Lake Sebu, South Cotabato.

Umuusbong na destinasyon ang Masungi Georeserve na isang conservation area at rock garden, at maliban sa giant rope hammock at spider web viewing deck, bubungad muna ang nakakahalinang matitingkad na kulay dilaw na cosmos flowers sa tinatawag na Liwasan Cosmos Flower Field. Maglakad-lakad muna rito bago simulan ang nakakapagod ngunit magandang pisikal na aktibidad sa discovery trail.

Pangunahing supplier din ng mga bulaklak at nakapasong halaman gaya ng carnations, chrysanthemums, calla lily bulbs, poinsettia, gerbera daisies, at hydrangeas ang King Louis Flower Farm sa iba’t ibang panig ng bansa.

Rose Capital and Little Amsterdam

Tinaguriang “Rose Capital of the Philippines” naman ang Barangay Bahong sa La Trinidad dahil sa Bahong Rose Gardens na hindi kalayuan mula sa La Trinidad Strawberry Farm. Peak flower season nito ay mula Nobyembre hanggang Marso. Dito nagmumula ang 80 porsyento ng mga bulaklak sa Maynila. Bukas ang  flower farm mula Lunes – Linggo (7am-3pm) at may Php20-50 entrance/per guest at 200-300/tour guide (maximum of 10 persons).
Binansagan namang “Little Amsterdam” ang Celosia Flower Farm sa Cebu dahil sa pagkakahawig nito sa tulip fields sa Netherlands. Ang mga naunang Celosia seeds sa lugar ay dinala ng mga Cebuanong bumisita sa Haarlemmermeer, Netherlands noong 1991.

Nagmula sa salitang Greek ang pangalang Celosia at ang mga matingkad na kulay nito na pula, dilaw, kahel, at rosas ay sumisimbolo sa apoy dahil sa masigla at maalinsangan na kumbinasyon ng mga kulay. Tinagurian din itong Official Sinulog Festival Flower sa tuwing ipagdiriwang ang pista.

Animo’y nasa Netherlands ka talaga dahil may replika pa rito ng windmill at pwede rin mag-renta ng Dutch costume sa halagang Php30 para sa mas kumpletong Netherlands in Cebu experience.

May mga mabibilhan na rin ng pagkain at mga souvenir shops. Malaking tulong din ito sa mga flower farmers dahil ‘di na nila kailangang ibiyahe pa ang mga bulaklak papunta sa bayan dahil dito pa lang ay marami nang mga mamimili.

Peak season ng Celosia Flower Farm ay mula Abril-Mayo at Oktubre-Nobyembre at may entrance fee na Php20. Maigi rin puntahan ang ibang kalapit na atraksyon gaya ng Sirao Pictorial Garden and Campsite na nitong nakaraang taon lang binuksan kung saan may mga celosia flowers din at ang Terrazas de Flores Botanical Garden.

Tuwing maririnig naman ang Lake Sebu, kasama na nito ang maisip din ang mga pink lotus flowers na nagpapakulay sa lawa. Magandang mamangka kapag dapit-hapon at pagmasdan ang paglubog ng araw o umaga sa pagsikat naman ng araw kasama ng mga bulaklak.

Summer adventure through waterfall-hopping in the province of Laguna



Maliban sa pagiging makasaysayan ng Laguna, kinikilala rin ito bilang waterfall haven dahil sa napakaraming waterfalls na makikita rito sa probinsiya.

Sa halip na pumunta pa sa Boracay o sa mga nakasanayan nang beach destinations, ‘di na kailangan lumayo mula sa Maynila para sa isang mas refreshing at mala-paraisong summer adventure ngayong taon, na dala ng mga matatayog at napakalamig na tubig mula sa mga waterfalls ng Laguna.

The stunning cascades of Luisiana

Ang Luisiana ay nanggaling sa Luis y Ana na mga pangalan ni Don Luis Bernardo at asawang si Ana, na nagpasimula sa pagkakatatag ng munisipalidad na dati ay bahagi lamang ng isang mas malaking bayan.

Wala pang standard guide rates sa pagpunta sa mga nabanggit na falls ngunit kapag pupuntahan ang tatlong falls o higit pa ay magbayad ng Php600 at Php300 para sa isa.

Unang stop ng trail ang two-tier falls na Talay Falls na mas madali-dali para sa mga baguhan ngunit madulas at maputik pa rin ang daan papunta rito. May ilang batis din na kailangan tawirin bago makarating sa Talay. Ang mas maliit na bahagi nito ay nasa bukana at ang mas malaking bahagi naman ay medyo natatakpan ng mga puno. Mas kalmado rin ang agos ng tubig dito kumpara sa iba.

Nakatago naman sa likod ng malalaking bato ang Hidden Falls at ang paakyat dito ay matarik na. Tamang-tama naman ang laki nito bilang panggitna sa Talay at Hulugan.

Pangunahing atraksyon naman ang 90-meter high na Hulugan Falls na nagmula ang pangalan pagkatapos mahulog ang isang kalabaw mula sa tuktok nito. Kapag hapon naman, mayroon din maliit na  bahaghari na lumilitaw dito sa may paanan ng falls.
Maganda rin mag-side trip sa 65-feet Aliw Falls na 30 minuto lang ang trek dahil mas patag ang daan papunta rito mula Hulugan Falls.

Be daring in Pagsanjan,  explore more in Nagcarlan, Balian, Majayjay and Mt. Romelo

Sa Pueblo El Salvador naman ang jump off point ng Pagsanjan Falls o Cavinti Falls. Dalawa ang klase ng exploration options – boating/shooting the rapids (Php600/kada tao) na mula pa noong Spanish Colonial Era ay popular na atraksyon na rito at hiking/rapelling (Php270/kada tao) kasama na ang bamboo raft kung gustong magpunta sa Devil’s Cave.
Nariyan din ang tinaguriang virgin waterfalls na Sumucob Twin Falls na mas mapangahas ang daan at para sa mga mas malalakas ang loob.

Isang natural spring at waterfall naman ang Bukal Falls na sikat din sa crystal blue waters nito na gaya ng Enchanted River ng Surigao del Sur.

Nariyan din ang Imelda Falls o Taytay Falls na isang 2-storey falls na ipinangalan kay dating first lady Imelda Marcos dahil sa pagpondo nito ng turismo ng Majayjay. Sa Nagcarlan, mamangha naman sa luntiang rain forest at nakaka-relax na agos sa sapa sa Bunga Twin Falls na madali lang puntahan (5-10 min-trek). Mag-cliff diving sa 49-foot drop at 32-ft na pool basin nito. 

Nasa may Sierra Madre Mountain Range naman ang Buntot Palos Falls na nasa Balian sa bayan ng Pangil, na may 80-meter height at mararating sa pamamagitan ng Pangil Eco Park o Barangay Balian trail (2-3 hr-trek).

‘Di rin nagpapahuli ang 180-foot tall na Buruwisan Falls na nagmumula sa Siniloan River sa Mt. Romelo, Siniloan kung saan makikita rin ang Lanzones Falls, Batya-Batya Falls at Sampaloc Falls. Maaaring mag-rapelling pababa sa falls para sa ‘di malilimutang karanasan.

Bagong logo ng Tokyo inilunsad para itaguyod ang turismo sa ibang bansa

Kuha mula sa Tokyo Metropolitan Government

Inilunsad na ng Tokyo Metropolitan Government (TMG) ang bagong logo at slogan ng lungsod para i-promote ang turismo nito sa ibang bansa kamakailan.

Gagamitin ang logo na may slogan na “Tokyo Tokyo Old Meets New” sa iba’t ibang promotional activities para epektibong ipakilala ang mga atraksyon ng Tokyo.

Makikita sa disenyo ng logo ang pagkakasulat sa “Tokyo” gamit ang dalawang klase ng fonts at kulay para ibahagi ang imahe ng siyudad. Ang kaliwang “Tokyo” na isinulat gamit ang black brushstrokes at ang kanang “Tokyo” na isinulat gamit ang light-blue Gothic font.

“The brushstroke of Tokyo and Gothic block typeface of Tokyo represent the originality of the city, where traditions dating back to the Edo period (1603-1868), coexist alongside the cutting edge culture of today,” ayon sa website ng TMG.

“The tradition is expressed in black ink, while the new Tokyo is expressed in blue, like the sky spreading forward to express the innovative future,” saad pa rito.


Sa gitna ng dalawang logo ay makikita ang maliit na traditional stamp na nagpapakita sa isa sa pinakakilalang landmarks sa Tokyo, ang Shibuya “scramble” crossing, isa sa pinakaabalang intersections sa buong mundo.

Gusuku Sites and Related Properties of the Kingdom of Ryukyu: Symbol of Okinawa’s History

Ni Florenda Corpuz


Kilala ang Okinawa, ang pinakatimog na prepektura ng Japan, dahil sa magaganda at malilinis na beach resorts dito, magigiliw na mga tao na sinasabing may pinakamahahabang buhay sa buong mundo, at World Heritage Sites na sumisimbolo sa natatanging kultura at relihiyosong paniniwala ng Kingdom of Ryukyu na minsan ay yumabong dito.

Ang mga isla na aabot sa 160 na bumubuo sa Okinawa ay kilala rin bilang Ryukyu Islands na dating tributary state ng China sa loob ng ilang dantaon hanggang sa ito ay pasukin ng Satsuma domain (Kagoshima Prefecture ngayon) noong 1609 at gawing tributary state ng Japan ngunit sa ilalim pa rin ng pamamahala ng royal family mula sa Shuri Castle. Ilang taon matapos ang Meiji Restoration ay binuwag ito at opisyal na isinama sa Japan bilang Okinawa Prefecture.

Noong ika-10 hanggang ika-12 siglo ay nilalagyan ng simpleng stone walls ng mga Ryukyuan farming communities ang kanilang nayon bilang proteksyon. Ngunit nang magsimula ang diktaturya ng mga makapangyarihang grupo na kung tawagin ay  “aji” ay pinalaki nila ito at gumawa ng mga castle-like na gusali, ang “gusuku” na itinuturing na sagrado ayon sa lokal na paniniwala.

Nang pumasok ang ika-14 na siglo ay pinag-isa ang bawat lugar sa tatlong counties: ang Hokuzan sa hilaga, ang Chuzan sa gitna at ang Nanzan sa timog, hanggang sa itatag ang pinag-isang Kingdom of Ryukyu noong 1429 kung saan ang naging simbolo ay ang Shuri-jo Castle na itinuring na nag-iisang “Gusuku.”

Ang “Gusuku Sites and Related Properties of the Kingdom of Ryukyu” na opisyal na itinalaga bilang UNESCO World Heritage Sites noong Disyembre 2, 2000 ay binubuo ng siyam na sites at archaeological ruins: dalawang stone monuments, limang castles at dalawang cultural landscapes na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Okinawa.

Ang mga ito  ay ang mga sumusunod: Shuri Castle na nagsilbing central government office at royal residence ng Ryukyu Kingdom; Nakagusuku Castle Ruins na isa sa mga best preserved castles sa Okinawa; Katsuren Castle Ruins kung saan naghari ang sakiting bata na naging makapangyarihang lider na si Lord Amawari noong ika-15 siglo; at Zakimi Castle Ruins na itinayo ng Chuzan Kingdom noong ika-14 na siglo at nagsilbi bilang proteksyon mula sa Hokuzan Kingdom.

Kasama rin ang Nakijin Castle Ruins na itinayo noong ika-12 siglo at nagsilbing kastilyo ng hari ng Hokuzan bago ito sakupin ng Chuzan; Tamaudun Mausoleum na itinayo noong ika-16 na siglo at nagsilbing mausoleum para sa royal family ng Ryukyu Kingdom; Sonohyan Utaki Stone Gate na daanan patungo sa maliit na sagradong gubat na nagsilbing guardian shrine ng Ryukyu Kingdom; Shikinaen Garden na pangalawang residence ng Ryukyu Kingdom kung saan tinatanggap ang mga prominenteng bisita; at ang Sefa Utaki na isa sa pinakasagradong lugar ng sinaunang relihiyon ng Okinawa.

Dumaan man sa maraming kaganapan ay napanatili ng mga Ryukyuan ang 500 taon nilang kasaysayan na makikita sa pamamagitan ng Gusuku Sites and Related Properties of the Kingdom of Ryukyu.

Mararating ang Okinawa dalawang oras at kalahati sakay ng eroplano mula Tokyo.
                                                                                   
Sources: UNESCO, JNTO

Martes, Hunyo 6, 2017

Anim na magagandang investments para sa OFWS

Ni MJ Gonzales


Ang kumita ng pera ay hindi biro lalo na kung ang trabaho mo ay sa  labas ng Pilipinas.  Pero maraming Pinoy pa rin ang nakikipagsapalaran para sa magandang oportunidad.  Kaya naman para sulit ang hirap, hindi lamang dapat puro  sahod ang naitatabi.  Dapat ay yaman na mapapakinabangan nang pangmatagalan at para sa kinabukasan ng pamilya.  Anu-ano nga ba ang nababagay na investments sa Pilipinas para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs)?

Real estate

Kung mayroong matagal na klaseng investment na nababagay sa mga OFWs ay isa na rito ang real estate.  Kumpara sa iba, sa real estate ay may pisikal na ari-arian na titulado at mapapakinabangan.   Ayon pa nga sa Philippine Statistics Authority (PSA), noong nakaraang taon ay ang aspetong ito ang naging isa sa susi sa malagong ekonomiya ng Pilipinas.  

Ilang suhestiyon para kumita sa real estate investments ay bumili ng property para gawing paupahan o i-develop para ibenta sa mas malaking halaga. Kung babalikan ang ulat ng PSA na 6.6% ang inilago ng  real estate business  at salik dito ang mga banyaga sa  Pilipinas.  Ang mga ito ay nangangailangan ng pansamantalang matitirhan habang nagbabakasyon, nagtatrabaho o nagnenegosyo.

Mutual fund, bonds, at trust funds

Depende sa lakas ng loob, bagay din sa mga OFWs ang paglalagak ng pera sa isang “investment vehicle.” Ang mga halimbawa nito ay stock market, mutual fund, bonds, at Unit Investment Trust Funds (UITF). Ang hangarin dito ay mapalago ang ipinupuhunan na pera ng investors ng katuwang na financial company o gobyerno. 

Ang pera sa mutual funds ay pamamahalaan ng fund managers na siyang bahala kung paano at saan magandang mag-invest.  Bagaman kahit hindi na masyadong kailangang i-monitor ito, ma-access online ang mutual fund account, na madalas ay insurance company. Ilan sa nag-aalok nito ay ang Philam Strategic Growth Fund, Sun Life Prosperity Philippine Equity Fund, at First Metro Save and Learn Equity Fund.

Samantala, wala  namang   halos  ipinagkaiba sa  proseso  ng  mutual  funds  sa  UITF na may fund manager  din na  bahala  sa “per unit” na investment. Ito namang uri ng investment vehicle ay mga bangko ang naghahatid gaya na lamang ng BPI, BDO, Union Bank, EastWest Bank, PNB, Chinabank, Metrobank, at Security Bank.

Ang bonds ay may pagkakahawig  sa bank time deposit account pero mas malaki ang interes, may moderate risk, at ang makakasama rito ay mga korporasyon na. Kung baga, ang korporasyon ang hihiram sa investor na nakapaloob sa bond.  Para naman makakuha nito ay kailangan din dumaan sa mga ilang bangko na nag-aalok nito.  Samantala, sa Retail Treasury Bonds ay gobyerno ng Pilipinas ang nag-aalok at ito ay isang medium to long term na investment.

Stock market at business

Mas risky ang stock market at pagtatayo ng sariling business pero maaaring malaki rin ng balik ng pera. Ang kita sa pagbili ng share sa isang publicly traded company ay dedepende sa lagay nito sa merkado.  Mamo-monitor na rin ang stock market account online o sa tulong ng personal broker.

Samantala, ang pagtatayo ng negosyo ay bagay  din naman sa mga OFWs pero kumporme kung ano, sino ang katuwang, at  paano ito palalaguin.