Lunes, Setyembre 4, 2017

Godzilla babalik sa Tokyo kasama ang live orchestra

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa TM&©TOHO CO., LTD.

Nakatakdang ipalabas ang digitally restored version ng orihinal na 1954 na black-and-white film na “Godzilla” na idinirehe ni Ishiro Honda sa Oktubre 31 sa Tokyo International Forum, Hall C bilang isa sa mga highlights ng 30th Tokyo International Film Festival (TIFF).

Sasabayan ito ng Tokyo Philharmonic Orchestra na magbibigay-buhay sa iconic soundtrack ng classic film na isinulat ng namayapang composer na si Akira Ifukube. Magsisilbing conductor ang kanyang estudyante na si Kaoru Wada, kasama ang choir group na Chor June.

Bago ang screening at live performance ay magkakaroon muna ng talk show na pinamagatang “Godzilla: Present, Past, Future.” Dadaluhan ito ng 12-time Godzilla suit actor na si Haruo Nakajima pati na rin nina Shogo Tomiyama, Heisei series producer at Shinji Higuchi, Shin Godzilla director para pag-usapan kung ano ang pang-akit ng Godzilla sa bagong henerasyon ng mga fans.

Hawak ni Godzilla ang record sa pinakamaraming beses na pagdalo sa TIFF.

Tumabo sa takilya ang 1954 movie at naging inspirasyon ng franchise na hanggang ngayon ay tinatangkilik ng mga manonood. Nakatakdang ipalabas ang Hollywood film na “King of the Monsters” sa 2019.

‘The Anthem of the Heart’: A traumatized girl finds her words again in music


Isa sa mga malalaking pelikula ngayong summer sa Japan ang live-action feature film adaptation na “The Anthem of the Heart” (Kokoro ga Sabitagatterunda) na pinagbibidahan nina Kento Nakajima ng male idol group Sexy Zone, Kyoko Yoshine, Anna Ishii ng E-Girls, at Kanichiro tungkol sa isang teenager na isinumpang hindi makapagsalita ng isang diwata pagkatapos ng isang pangyayari sa kanyang nakaraan.

Mula naman ito sa direksyon ni Naoto Kumazawa, screenwriter Yukiko Manabe at Aniplex.
Hango ang kwento nito mula sa box office hit na animated film na inilabas noong Setyembre 2015 na parehas ang pamagat. Humakot ito ng mahigit ¥1.1 bilyon ($10 milyon) sa kanyang theatrical run at isa sa highest grossing domestic films ng taong ito na likha ng creative team na nasa likod ng “Anohana: The Flower We Saw That Day” anime series at anime film adaptation.

Kinunan ang pelikula sa Chichibu, Saitama Prefecture na lokasyon din ng parehong The Anthem of the Heart at Anohana.

Importance of words and wonders of music

“This is a work that includes many themes like music, friendship, youth, love… I will try to give the story a unique live action atmosphere but at the same time do my best to make the message of the original anime reach at least one viewer – ‘Words are important.’” Ito ang pahayag ni director Kumazawa ukol sa pelikula, na kilala sa industriya sa mga proyektong “Letters from Kanai Nirai” (original script) at live action films na “Kin Kyori Renai” at “Kimi ni Todoke.”

Nagsisimula ang kwento sa pangunahing karakter na si Jun Naruse (Yoshine), isang dating masayahing bata ngunit dahil sa pagiging “chatterbox” ay nagdulot ito ng pagkawasak ng kanyang pamilya nang minsa’y makita niya ang ama na may kasamang babae at agad itong sinabi sa kanyang ina.

Mula noon, tuwing sinusubukan niyang sabihin ang kanyang emosyon at iniisip ay ‘di nito mailabas ang mga salita at sumasakit ang kanyang tiyan.

Mahaharap sa bagong pagsubok si Jun nang mapili siyang maging parte ng isang musical para sa Regional Friendship Exchange Executive Committee kasama sina Takumi (Nakajima), Natsuki (Ishii), at Daiki (Kanichiro).

Driven by relatively new cast

Ito ang ikaapat pa lang na starring role ni Nakajima na mas kilala sa mga bright characters, at sa pagkakataong ito ay isang karakter na nahihirapang ipaliwanag sa iba ang kanyang mga intensyon at saloobin ang kanyang ginagampanan.

Kauna-unahang starring role naman ito ni Yoshine na napanood kamakailan sa NHK morning drama na “Beppin-san” at TBS drama na “Little Giants.” Kilala naman sa mga pelikulang “Solomon’s Perjury Part 1 & 2,” “Your Lie in April,” at “The Blue Hearts - 1001 Violins.” Pinakabaguhan naman sa kanila si Kanichiro na nito lamang nag-debut bilang aktor.

Yoshimoto artists sumuporta sa kampanya para sa 2025 World Expo sa Osaka

Ni Din Eugenio

            Ang Yoshimoto artists kasama si Governor
Matsui (pangalawa mula sa kaliwa) at ilang miyembro ng Diet.

Nagbigay ng suporta ang ilang Yoshimoto artists sa kampanya ng Osaka para maging host ng “2025 World Expo.”

Sa ginanap na “Diet League for Realizing the 2025 Osaka-Kansai World Expo” seminar sa Osaka Prefectural Government Sakishima Building kamakailan sa pangunguna ni Osaka Prefecture Governor Ichiro Matsui at mga miyembro ng Diet, ibinahagi ng mga Yoshimoto artists na sina Momoko at Ringo ng comedy duo na Highheel, mga miyembro ng NMB48 girl-group na sina Sayaka Yamamoto, Miru Shiroma at Akari Yoshida, at komedyante at dating pulitiko na si Kiyoshi Nishikawa ang kanilang mga inaasam at suhestiyon para sa expo.

“I’d like to see an exposition planned in a ground-breaking way, one that is easy to understand, and that truly reflects Osaka,” ani Ringo na tinukoy ang pagbuo ng communication technology para sa mga dayuhang turista.

Sinabi rin niya na ang “laughter and entertainment” ang pinakamahalagang aspeto ng expo.

“Laughter knows no walls. The whole world shares in it. Japan has a very high level of comedy, and I think that can be incorporated into the exposition. Laughter and entertainment are vital.”

Inalala rin ni Nishikawa ang kanyang manzai comedy performance kasama si Yasushi Yokoyama sa Festival Plaza noong 1970 Osaka exposition.

“Osaka is a city of laughter,” aniya at dinagdag na umaasa siya na kikilalanin ang pagsisikap ng prepektura para manalo sa kampanya.

Ipinakilala rin ng mga miyembro ng NMB48 ang publicity video para sa kampanya.

“We’ve all been talking about how we want to come to an exposition in Osaka, and we’re really looking forward to it,” ani Yoshida.

“I’ve heard from my family that there was a world’s fair in Osaka, and how everybody, not just in Osaka but all over Japan, was excited about it,” ani Shiroma. “I really hope there’ll be another world’s fair in Osaka.”

“I want to be involved with holding another exposition in Osaka, in Japan, something our generation can accomplish as well, that will bring bigger smiles to faces all over Japan,” ani Yamamoto.

Huling isinagawa sa Osaka ang world expo taong 1970 kung saan aabot sa 64 milyong katao ang dumalo at naging simbolo ng tagumpay ng Japan matapos maluklok bilang pangalawang economic power sa buong mundo.

Kalaban ng Osaka ang Grand Paris sa France, Yekaterinburg sa Russia at Baku sa Azerbaijan. Nakatakdang ianunsyo ng Bureau International des Expositions o BIE ang mananalong host city sa Nobyembre 2018.

Miyerkules, Agosto 30, 2017

Japanese historian gagawaran ng Ramon Magsaysay Award

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa The Ramon Magsaysay
Award Foundation

Kikilalanin ang kontribusyon ng Japanese historian na si Yoshiaki Ishizawa para sa kanyang pagtulong sa mga tao sa Cambodia na mapanatili ang mga templo ng Angkor Wat sa gaganaping 2017 Ramon Magsaysay Award.

Kabilang si Ishizawa sa anim na bibigyan ng prestihiyosong parangal mula sa iba’t ibang bansa sa Asya na kinabibilangan din nina Lilia de Lima at Philippine Educational Theater Association (Pilipinas), Abdon Nababan (Indonesia), Gethsie Shanmugam (Sri Lanka), at Tony Tay (Singapore) dahil sa kanilang natatanging ambag para mapabuti ang buhay ng iba.

Ayon sa board of trustees ng Ramon Magsaysay Award Foundation (RMAF), kanilang kinikilala si Ishizawa para sa kanyang “selfless, steadfast service to the Cambodian people, his inspiring leadership in empowering Cambodians to be proud stewards of their heritage, and his wisdom in reminding us all that cultural monuments like the Angkor Wat are shared treasures whose preservation is thus, also our shared global responsibility.”

Inaasahan na tatanggapin ni Ishizawa ang sertipiko, medalya na may imahe ng dating pangulong Ramon Magsaysay at cash prize sa awards presentation ceremonies na gaganapin sa Cultural Center of the Philippines sa Agosto 31.

Si Ishizawa ay nagsilbi bilang presidente ng Sophia University mula taong 2005 hanggang 2011 at professor (by special appointment).

Natapos niya ang kursong French Language and Studies sa Sophia University noong 1961 at nakamit naman ang Master’s Degree in Oriental History mula sa Chuo University noong 1968 at Doctoral Degree in Oriental History noong 1977.

Itinatag niya ang Asia Center for Research and Human Development para sa  pagsasanay ng mga Angkor monuments conservators sa Siem Reap noong 1991.

Ang Ramon Magsaysay Award ay isang taunang pagkilala na nagsimula noong 1958 para bigyang-parangal ang mga indibidwal at organisasyon sa Asya na kumakatawan sa transformative leadership at selfless service ng dating pangulo. Ito ay itinuturing na Noble Peace Prize ng Asya.


16 Pilipino nag-aral ng disaster management sa Japan

Ipinadala ng JICA ang 16 Pilipino sa Japan para matuto ng disastrer management.
Nakaupo mula sa kaliwa sina  JICA Senior Representative Aya Kano, JICA Chief
 Representative Susumu Ito, Department of Foreign Affairs Director for Asia & Pacific
Affairs Bolivar Bao, at JICA Senior Representative Ayumu Ohshima.
Dumating sa Japan ang 16 na Pilipino mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at non-profit organization para matuto ng disaster management dito kamakailan.

Pinadala sila ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa ilalim ng “Knowledge Co-Creation Program for Young Leaders (KCCP)” para magsanay sa iba’t ibang kurso tulad ng water resources management, science and mathematics in basic education, agribusiness, agri eco-tourism at disaster management.

Binisita nila ang rehiyon ng Tohoku, ang epicenter ng 2011 Great East Japan Earthquake and Tsunami noong nakaraang buwan at natutuhan ang reconstruction at rehabilitation practices mula sa natural disasters, disaster preparedness systems, at interaksyon sa mga apektadong komunidad at lokal na organisasyon na kabahagi sa renewal at revitalization ng lugar.

Napili ang mga batang opisyal mula sa Departments of Interior and Local Government (DILG), Public Works and Highways (DPWH), Education (DepEd), National Economic and Development Authority (NEDA), Bureau of Fire Protection (BFP), Office of Civil Defense (OCD), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), at lokal na pamahalaan ng Antique, Benguet, Bohol, Iriga City, Malabon City, Eastern and Northern Samar, pati na rin ang non-profit group Philippine Disaster Resilience Foundation bilang kinatawan ng Pilipinas ngayong taon.

“Japan took years to develop its disaster management system and we continue to learn from our experiences and share it with partner countries like the Philippines,” ani JICA Chief Representative Susumu Ito.

“We are confident that the chosen delegates possess the energy and enthusiasm to contribute to the Philippines’ disaster resiliency efforts,” dagdag pa niya.

Nakapagpadala na ng mahigit sa 15,000 Pilipino ang JICA sa Japan sa ilalim ng KCCP.

PH officials nag-obserba sa Japanese subway bilang paghahanda sa Metro Manila Subway Project

Ni Florenda Corpuz

 
Pinangunahan ni DPWH Secretary Mark Villa
ang pagsasagawa ng test-drive sa isang tren sa Japan.
(Kuha mula sa Department of Transportation)
Nagtungo kamakailan sa Japan ang ilang opisyal ng gobyerno para sa dalawang araw na pagbisita na may kinalaman sa “Build, Build, Build” project ng administrasyong Duterte.

Binisita nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade, Department of Public Works and Highway (DPWH) Secretary Mark Villar, at Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danny Lim ang isinasagawang subway tunneling mula Hazawa hanggang Shin-Yokohama na may lalim na 48 metro. Ito ay bilang paghahanda sa pagtatatag ng Philippines Rail Institute at paggawa ng Metro Manila Subway na gagamitan ng Japanese tunneling technology.

Ayon kay Tugade, “very impressed” siya at ang kanyang mga kasamang opisyal sa rail at subway construction processes ng Japan pati na rin sa rail training dito.

Bago ito ay nakipagkita muna sila sa mga kinatawan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa isasagawang subway train inspection.

Nagtungo rin sila sa Tokyo Metro (Rail) Training Center at nagsagawa ng test-drive ng tren dito.

Dumalo rin sila sa isang classroom lecture tungkol sa rail construction sa pangunguna ng Japan Railway Construction, Transport and Technology Agency.

Popondohan ng Japan bilang tulong sa Pilipinas ang pagbuo ng Metro Manila subway, ang kauna-unahang subway system sa lungsod, upang maibsan ang lumalalang bigat sa daloy ng trapiko.

Ang naturang rail project ay nagkakahalaga ng $4.2 bilyon dolyar at magkukonekta sa FTI Taguig sa SM North EDSA at Trinoma Mall sa Quezon City.
           
Katulong din ng Pilipinas ang Japan sa pamamagitan ng JICA sa pagsasakatuparan ng dalawa pang railway projects – ang $2.7 bilyon dolyar na Manila to Los Baños railway at ang $1.9 bilyon dolyar na high-speed rail na magdurugtong sa Clark Green City sa Tutuban sa Maynila at Malolos sa Bulacan.

May kabuuang halaga na $8.8 bilyon dolyar ang tatlong proyekto na popondohan ng Japan sa pamamagitan ng mga loans at grants.

Martes, Agosto 8, 2017

A world’s first: The most Japanese-like Starbucks opens in Ninen-zaka street, Kyoto



“As this store is in an area of great cultural significance, we feel a responsibility to be the stewards of the building’s traditional architecture and ensure that it remains an integral part of its historic neighborhood for many years to come,” ang pahayag ni Starbucks Coffee Japan CEO Takafumi Minaguchi sa panayam ng CNN.

Pinangalanan ang naturang bagong coffee house na Starbucks Coffee Kyoto Ninen-zaka Yasaka Chaya branch, na binuksan sa publiko kamakailan at matatagpuan sa preserved historic district ng Kyoto.

Sa pangkalahatang 1,260 Starbucks branches na nasa buong Japan kung saan 26 dito ay matatagpuan sa Kyoto, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagbukas ang American coffee house giant ng traditional Japanese-designed Starbucks na taliwas sa nakasanayan ng itsura ng Starbucks na gawa sa bakal at salamin ang loob at labas nito.

Ang Japan ang unang international market ng Starbucks sa labas ng North America simula pa 1996 at 21 taong na ang makalipas ay nananatiling ikaapat ang Japan sa pinakamalaking market ng kumpanya sa buong mundo.

Ingenious art house: Traditional Kyoto aesthetics and Starbucks café culture

“Walking through the ‘noren’ at the entrance and venturing inside, we want customers to experience a feeling of being inside a traditional Kyoto ‘machiya’ wooden townhouse,” ang pagpapatuloy ni Minaguchi sa layunin at konsepto na nasa likod ng Starbucks Kyoto Ninen-zaka.

Isa pa sa pangunahing atraksyon nito ay hindi nagtayo ng bagong istruktura ang kumpanya kundi ginawan lamang ng minor renovations ang isang 100-taon na tradisyonal na dalawang palapag na Japanese townhouse o tinatawag na “machiya.”

Medyo naiiba rin ang nasabing machiya dahil ito lang ang natatanging istruktura na may “daibeizukuri” (walled-fence) na siyang humihiwalay dito sa mismong kalsada kumpara sa mga katabi nitong 19th-century Japanese shrines at townhouses. Isa ito sa mga elementong pinanatili ng Starbucks bilang pagkilala at pakikibagay sa katangi-tanging kultura ng itinuturing na historic district ng Japan.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na naglunsad ang Starbucks ng nakakamanghang disenyo sa kanilang branch, gaya na lang ng Starbucks Dazaifu na idinisenyo ng Japanese architecture firm Kengo Kuma and Associates at matatagpuan sa port city ng Fukuoka.

A time capsule back to the Meiji and Taishō era

Makilala lang na isang Starbucks branch ito dahil sa kulay indigo na noren curtains na may Starbucks logo na nasa bungad, na siyang tanging pagkakakilanlan nito na malayo sa karaniwang neon-lit Starbucks logo.

Pagpasok mo pa lang ay parang bigla kang ibinalik nito sa panahon ng Meiji at Taishō. Pagkalampas mo sa noren curtains, makikita mo ang isang mahaba at makipot na hallway na pinapasukan ng mahiwagang sikat ng araw. Nakadugtong ito sa espresso bar counter at isa sa tatlong courtyards, at ang bawat courtyards naman ay may garden at ‘tsukubai’ o stone water basins.

Sa ikalawang palapag, kinakailangan nang iwanan ang sapatos sa pintuan nito bago pumasok sa tatlong kwarto na may “tatami” flooring at “zabuton” cushions na gawa sa “chirimen” (kimono fabric) mula sa Tango region ng Kyoto. 

Tunay nga namang ibang klase ng relaxation at coffee house experience ang mararanasan dito sa  Starbucks Ninen-zaka, isang pagkakataon na ‘di dapat palampasin at kalauna’y magiging isang pangunahing tatak ng makasaysayang Kyoto. 


Mula sa Starbucks, ang cobblestoned street na ito ay diretso rin sa Yasaka Jinja Shrine at UNESCO World Heritage na Kiyomizu-dera Temple. Bukas ito Lunes  hanggang Biyernes, 8:00am-8:00pm at ang eksaktong address nito ay 349 Banchi, Masuya-cho, Shimogawara Higashi-iru, Kodaiji Minamimon-dori, Higashiyama-ku, Kyoto. 

Pagbubukas ng Studio Ghibli theme park sa Nagoya inaabangan na


Bago pa man opisyal na inanunsyo kamakailan ang konstruksyon at nakatakdang pagbubukas ng kauna-unahang Studio Ghibli theme park sa Expo Park (Moricoro Park/Love the Earth Memorial Park) sa Nagoya, nauna nang sumikat sa social media ang ilang conceptual designs sa posibleng maging itsura ng isang Studio Ghibli theme park.

Nariyan ang nakakamanghang gawa nina Disney artist-theme park designer John Ramirez at Japanese illustrator Takumi, na nagpapakita ng mga atraksyon ng Kingsbury Square (Howl’s Moving Castle), Cat Bus monorail at Totoro acorn hunt (My Neighbor Totoro), Aburaya Bathhouse at eat-like-a-pig food court (Spirited Away), Hotel Adriana (Porco Rosso), rollercoaster (Castle in the Sky), Princess Mononoke zoo, at iba pa.

Set in the world of Totoro: Respecting and embracing nature

Ngayon, hindi na mananatiling pangarap at imahinasyon na lamang ang Studio Ghibli theme park dahil sa isang press conference nito lamang mula kina Aichi governor Hideaki Omura at Studio Ghibli co-founder/producer Toshio Suzuki.

Aniya, ang bubuksan na theme park ay nakasentro sa tema ng ‘respecting and embracing nature’ mula sa 1988 fantasy “My Neighbor Totoro” na tungkol sa magkapatid na Satsuki at Mei sa paglipat nila sa isang lumang bahay habang nagpapagaling ang kanilang ina at kung saan magiging kaibigan nila ang mga forest spirits gaya ni Totoro.

Dagdag pa ni Omura at Suzuki, “Construction will be planned around existing clearing to avoid falling trees and there will not be any amusement park rides.”

Nagtataglay ang naturang park ng 460 acres ng preserved forest scenery at dito noon ginanap ang 2005 World’s Fair (EXPO 2005). Matatagpuan din dito ang life-size replica ng bahay sa My Neighbor Totoro na pinapalibutan ng iba’t ibang klase ng bulaklak at naglalakihang mga puno.

Alinsunod sa environmental protection passion ni Hayao Miyazaki na isa sa mga pangunahing elemento sa halos lahat ng Studio Ghibli films, ang theme park ay hindi magiging mala-Disneyland o Universal Studios kundi mas nakatuon ito sa “calmly exploring the quaint universes of the film while incorporating the surrounding scenery peacefully.”

Bagaman ang inanunsyo lamang ay tungkol sa My Neighbor Totoro, inaasahan ng mga excited na tagahanga sa buong mundo na magkakaroon pa ng iba pang atraksyon base sa ibang Ghibli films, lalo na’t malawak ang naturang parke.

Other Studio Ghibli attractions, collaborations, new projects   

Habang ‘di pa natatapos ang theme park, nariyan naman ang paboritong dinadayo na Ghibli Museum sa Inokashira Park sa Shimorenjaku, Mitaka matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Tokyo na binuksan noong 2001 at ang Dogo Onsen Honkan, isang Meiji period wooden public bathhouse na makikita sa Dogo Onsen na isa naman sa pinakamatagal at popular na hot springs sa buong Japan at matatagpuan sa central Matsuyama, Ehime Prefecture at inspirasyon ng 2001 fantasy-mystery film “Spirited Away.”

Nagdaos naman kamakailan ng Studio Ghibli film festival sa North America mula sa Fathom Events at animation distributor GKIDS kung saan muling ipinalabas sa big screen ang anim sa mga iconic films ng Japanese animation giant.

At nitong unang bahagi ng taon, ipinalabas sa Amazon Prime ang unang TV series ng studio na “Ronja: The Robber’s Daughter” sa direksyon ni Goro Miyazaki, anak ni Hayao Miyazaki at base sa children’s book na parehas ang pamagat. Nakipag-kolaborasyon din ang Ghibli kay Dutch animator Michael Dudok de Wit para sa award-winning film “The Red Turtle.”

Samantala, lumabas muli sa pagiging retirado ngayong taon si Hayao Miyazaki mula nang inanunsyo noong 2014 na hindi na gagawa ang studio ng animated films, para gawin ang short film na pinamagatang “Boro.”



8 Japanese sites bagong UNESCO World Heritage


            Sacred Island ng Okinoshima at Associated Sites
sa
  Munakata Region ( Kuha mula sa World Heritage Promotion Committee)


 Binigyan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage status ang walong sites sa southwestern Japan kamakailan.

Nagdesisyon ang UNESCO sa Krakow, Poland na italaga ang isla ng Okinoshima at kalapit na tatlong reefs at apat na iba pang sites sa Fukuoka Prefecture na isama ito sa listahan.

Inirekomenda ng pamahalaang Hapon sa U.N. cultural agency na mapasama ang isla ng Okinoshima at pito pang sites bilang “Sacred Island of Okinoshima and Associated Sites in the Munakata Region” sa listahan.

“Located 60 km off the western coast of Kyushu island, the island of Okinoshima is an exceptional example of the tradition of worship of a sacred island. The archaeological sites that have been preserved on the Island are virtually intact, and provide a chronological record of how the rituals performed there changed from the 4th to the 9th centuries CE.

“In these rituals, votive objects were deposited as offerings at different sites on the Island. Many of them are of exquisite workmanship and had been brought from overseas, providing evidence of intense exchanges between the Japanese archipelago, the Korean Peninsula and the Asian continent. Integrated within the Grand Shrine of Munakata, the island of Okinoshima is considered sacred to this day,” saad sa pahayag ng UNESCO.

Magugunitang hindi sinang-ayunan ng UNESCO ang payo ng International Council on Monuments and Sites (ICOMOS) na huwag isama ang apat na sites na kinabibilangan ng ancient tombs sa northern tip ng Kyushu at dalawang Munakata Taisha Shrine pavilions, at sa halip ay sumang-ayon sa rekomendasyon ng Japan.

Itinalaga naman bilang national treasures ang humigit-kumulang sa 80,000 items na natagpuan dito.

Sa kasalukuyan ay mayroon ng 21 sites ang Japan sa UNESCO World Heritage list kabilang ang Okinoshima.

Lunes, Agosto 7, 2017

Pinakamalaking indoor illumination tampok sa summer festival ng Sanrio Puroland


Tradisyon na sa iba’t ibang lugar sa Japan ang pagsasagawa ng summer festivals o matsuri tuwing panahon ng tag-init. Dahil dito ay gumawa ang Puroland, ang mecca ng mga Hello Kitty fans sa buong mundo, ng sarili nitong matsuri tampok ang mga paborito nating Sanrio characters sa pangunguna nina Hello Kitty at My Melody.

Mula Hulyo 15 hanggang Setyembre 3 ay mararanasan ng mga Hello Kitty fans ang naiibang matsuri na may temang “Summer Illumination” kung saan papailawan ang mahigit sa kalahating milyong light bulbs.

Maaaring pumili ang mga bisita ng theme park sa dalawang klase ng matsuri: ang “Daytime Character Festival” at ang “Nighttime Illumination Festival” na isasagawa buong araw na bukas ang Puroland.

Papangunahan ni Hello Kitty ang “Daytime Character Festival” kung saan may pop illumination show na tatawaging “Sparkle.” Magtatayo rin ng mga stalls kung saan makakabili ng mga espesyal na Hello Kitty at Gudetama items. Magsasagawa rin ng “Cinnamoroll Bon Dance Festival” kung saan aanyayahan ang lahat na makisayaw kasama ang mga Sanrio characters para sa naiibang Puroland festival style.

Sa “Nighttime Illumination Festival” naman ay mapupuno ng ilaw ang main area na lilikha ng romantikong kapaligiran. Sisimulan ito sa pamamagitan ng isang taiko drum performance. Magsasagawa rin ng nighttime festival marching parade kung saan iimbitahan ang mga bisita na makikanta at makisayaw kasama ang mga paboritong Sanrio characters.

“Our summer festival is a much loved and popular event at Puroland and always features exciting new shows. As the number of foreign visitors per year increases, we would like to offer them the unique experience of a traditional Japanese Matsuri but with Sanrio characters.

“This is something special and only possible at Puroland. We subsequently launched a multilingual mobile site for our international fans making the communication easier,” pahayag ni Kentaro Kawai ng Sanrio Entertainment’s Puroland Sales Department.

Ito ang unang pagkakataon na gagamit ang Puroland ng crowdfunding bilang paraan para kasamang ilikha ang summer festival kasama ang mga bisitang dadalo rito. Ang mga sponsors ay maaaring pumili sa mga personalized presents kabilang ang “name plates for a sponsors’ wall” at “paper lanterns” na rito lamang makikita sa summer festival.


Ang Sanrio Puroland ay matatagpuan sa 1-31 Ochiai, Tama, Tokyo. Ito ay mararating 30 minuto sa pamamagitan ng train mula sa Shinjuku at isang oras naman mula sa Tokyo Station.