Biyernes, Pebrero 7, 2014

The BenCab Museum: House of Art

Ni Len Armea
Isa sa pinupuntahan sa Baguio ay ang
BenCab Museum. (Kuha ni Oliver Calingo)

Isa sa pinakapopular na lugar na pinupuntahan ng mga turista sa Baguio City ay ang BenCab Museum kung saan makikita ang mga naggagandahang paintings at iba pang art collections ng National Artist for Visual Arts na si Benedicto Reyes Cabrera, mas kilala sa tawag na BenCab.

Pagpasok na pagpasok sa apat na bahagdan na museo ay agad na bubungad ang ilan sa mga paintings ng 71-taong-gulang na artist kabilang na ang naging pinakainspirasyon nito sa pagguhit na si “Sabel.” Binubuo ang museo ng iba’t ibang galleries kung saan ang bawat isa ay may kanya-kanyang tema na kaaaliwaan at hahangaan ng mga bumibisita.

Hindi mo mamamalayan ang oras sa pagpunta sa bawat gallery: BenCab Gallery, Cordillera Gallery, Erotica Gallery, Sepia Gallery, Philippine Contemporary Art Gallery 1, Philippine Contemporary Art Gallery 2, Maestro Gallery, Print Gallery, Patio Salvador and Larawan Hall.
Makikita sa Bencab Gallery ang mga gawa mismo ni BenCab -- mga paintings na kanyang iginuhit sa loob ng apat na dekada niyang pagpipinta. 

Makikita sa mga paintings na ito ang naging inspirasyon ni BenCab sa paglikha ng kanyang obra partikular na si “Sabel” na isang taong-grasa na kanyang nakita nang siya’y nakatira pa sa Maynila. Halos ang mga paintings na ito ang nagkukuwento sa naging buhay ni BenCab at naging impluwensiya sa kanya mula sa kanyang paglaki sa Maynila, pagpunta sa Lodon, pagbabalik ng Pilipinas noong 1980s at pagpili sa pagtira sa Baguio City noong 1986.

Nakabahay naman sa Maestro Gallery ang ilan sa mga gawa nina Aguinaldo, Chabet, Edades, Joya, Legaspi, Luz, Magsysay-Ho, Sanso, Zobel at ilan pang kilalang artists mula sa larangan ng sining sa bansa.

Mamamangha naman ang mga bisita sa iba’t ibang collection ni BenCab ng mga tribal artifacts at indigenous artifacts na mula sa Baguio City na isa sa mga dahilan kung bakit nito pinili na mamalagi sa Baguio. Kabilang sa mga collection niya ay ang bulol granary gods, at ilang bagay na nililok mula sa kahoy tulad ng furniture, kutsara, kasangkapan, at baskets.

Sa Print Gallery naman matutuklasan ang isa pang hilig ni BenCab – ang pagkuha ng litrato. Matatagpuan dito ang ilan sa mga makabagong litrato, postcards at lumang mapa.

Sa Erotica Gallery naman matatagpuan ang mga paintings, sculptures, drawings at iba pang artworks ni BenCab at ilan pang artists kung saan may temang sekswal.

For nature lovers

Napakalawak ng Bencab Museum kaya bukod sa pagligid at paghanga sa mga obra maestro ay magugustuhan din ng mga bisita ang nasa paligid ng museo. Mayroong mini-forest sa labas, herb garden kung saan nakatanim ang carrots at spring onions, mga halaman at iba’t ibang klase ng bulaklak, kubo sa gitna ng mini-lake, at hanging bridge. Matatanaw din sa paligid ang mga bulubundukin ng Baguio City.

Mayroon din restaurant sa baba ng museo na tinawag na Café Sabel.

BenCab: The Artist

Ipinanganak noong 1942, hindi naging madali para kay BenCab na ipinanganak sa Malabon at lumaki sa Sta. Cruz, Manila na tuparin ang kanyang pangarap. Subalit, simula noon pa ay hindi ito tumigil sa pagguhit at pagpipinta. Sa edad na pito ay nagpipinta na sa mga pader at palitada si BenCab.

Nabigyan siya ng pagkakataon na makapag-aral ng kursong Fine Arts sa University of the Philippines noong 1960s sa pamamagitan ng Castro Scholarship ngunit hindi niya ito natapos. Nagtrabaho si BenCab bilang layout artist sa Liwayway Magazine at sa edad na 24 ay nagkaroon na siya ng kauna-unahan niyang painting exhibition.

Noong 1964 ay natagpuan nito ang kanyang “muse” o inspirasyon sa pagpipinta sa katauhan ng isang taong-grasa na nagngangalang Sabel. Para kay BenCab, si Sabel ay simbolo ng kahirapan, kawalan ng pag-asa at pag-iisa dala ng mga pangyayaring hindi inaasahan.

Nagtuloy-tuloy ang pagpipinta ni BenCab, nakarating siya sa London, nagsagawa ng ilang art exhibits, kinilala ang kanyang galing at nagtamo ng  mga parangal, at lalo nitong pinalawig at pinag-ibayo ang kaalaman at kagalingan sa sining.

Noong 2006, itinanghal si BenCab na National Artist for Visual Arts, isa sa pinakamataas na parangal na ibinibigay sa isang alagad ng sining.

Mga Pinoy lalong naghihirap – SWS


Mas maraming Pinoy ang nagsasabing mas
naghirap ang buhay nila noong 2013.
 (Kuha ni Diey Teodoro)

Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong naniniwalang mas lalo silang naghirap nitong nakaraang taon batay sa isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS), isang social survey institute, kamakailan.

Lumabas sa resulta ng naturang survey na ginawa nitong nakaraang Disyembre na 55% ng mga Pilipino o 11.8 milyong pamilya ang naniniwalang sila’y mahirap kumpara sa 50% o 10.8 milyong pamilya noong Setyembre ng 2013. Tumaas din ng walong porsiyento sa Luzon ang naniniwalang mas lalo silang naghirap, mula 42% ay naging 50% habang dalawang porsiyento naman ang itinaas sa Metro Manila na mula sa 44% ay naging 46%.

Sa Visayas naman ay tumaas ng anim na porsiyento ang nagsabing sila’y mahirap, mula sa 62% noong Setyembre ay naging 68% noong Disyembre. Iba naman ang naging kinalabasan ng resulta sa Mindanao kung saan bumaba ang mga naniniwalang sila’y mahirap, mula 61% ay naging 59%.

Napag-alaman din sa survey na 41% o 8.8 milyong pamilya ang nagsasabing naghihirap o kulang na kulang sila sa pagkain, mas mataas ng apat na porsyento kumpara nang ginawa ang survey noong Setyembre.

Kung sa Luzon ay 30% lamang ang nagsasabing wala silang makain noong Setyembre, nitong Disyembre ay tumaas ito sa 36% habang nasa 32% ang mga nagsasabi mula sa Metro Manila na tumaas mula sa 29%.
Anim na porsyento naman ang itinaas ng bilang ng mga Pilipino sa Visayas na nagsasabing mahirap sila sa pagakin, mula sa 46% ay naging 52% habang walang nagbago sa mga taga-Mindanao nasa 47%.

Naging batayan ng December 2013 survey na ito ang panayam na ginawa ng SWS sa 1,550 na tao mula sa Metro Manila (n=300), the Balance of Luzon (n=300), Visayas (n=650), atMindanao (n=300).

Isa sa mga tanong na pinasagutan sa mga rumesponde ay: “Saan po ninyo ilalagay ang inyong pamilya sa card na ito?” Tatlo ang pinagpilian ng mga rumesponde: hindi mahirap, sa linya, at mahirap, kung saan karamihan ay mahirap ang isinagot.

Pulse Asia survey
Sa isinagawang “December 2013 Nationwide Survey on Quality of Life and State of the National Economy” ng Pulse Asia, isang public opinion polling body sa Pilipinas, lumalabas na isa sa dalawang Pilipino o 50% ang nagsasabing lalong bumagsak ang ekonomiya ng bansa nitong nakaraang taon.

“Between June and December 2013, there is a significant rise in the percentage of Filipinos observing economic deterioration in the country (+21 percentage points) and, conversely, a drop in the percentage of those noting an improvement in the state of the country’s economy (-17 percentage points),” pahayag ng Pulse Asia.

Lumabas din sa resulta ng naturang survey na tumaas ang bilang ng mga Pilipino, mula 35% ay naging 43%, na nagsasabing bumaba ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa bansa sa nakalipas na taon.
Nasa 45% naman ang nagsabi na walang pinagbago ang kanilang pamumuhay sa loob ng 12 buwan habang 37% ay umaasang gaganda ang kanilang pamumuhay ngayong 2014.

“Near to sizeable majorities in virtually all geographic areas and every socio-economic class (53% to 63% and 48% to 58%, respectively) consider the national [quality of life] as having deteriorated in the past year,” ani ng Pulse Asia.

Taliwas ito sa lumabas na talaan kamakailan ng Heritage Foundation’s 2014 Index of Economic Freedom kung saan mula sa pang-97 na puwesto noong 2013 ay umangat ang Pilipinas sa pang-89 na puwesto bilang bansa na may pinakamatatag na ekonomiya sa buong mundo.

Ang Index of Economic Freedom ang sumusukat sa kakayahan ng 186 bansa sa iba’t ibang aspeto ng ekonomiya.

Sinabi ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na ito’y nagpapakita lamang na epektibo ang mga reporma na ipinapatupad ng administrasyong Aquino nitong mga nakalipas na taon.

“This jump reflects the significant improvements that our country has made in seven of the ten economic freedoms, including significant gains in investment freedom, business freedom, monetary freedom, and the control of government spending,” pahayag ni Lacierda.

“The positive results of this evaluation only strengthen our administration’s resolve to continue implementing reforms founded on good governance and true public service, which are necessary prerequisites to fostering lasting and inclusive growth in the Philippines,” dagdag pa nito.



Huwebes, Pebrero 6, 2014

British trio Blake, kumanta ng Tagalog songs sa “The OPM Album”



Binigyan ng award-winning at kilalang British vocal trio Blake ang mga Pinoy ng kakaibang pang-musikang karanasan kamakailan nang dumating sila sa bansa para sa paglulunsad ng kanilang Asia-only album na pinamagatang “The OPM Album.”

Sa ikalimang beses na pagbisita ng trio, muli ay ipinamalas ng tatlong magagaling na bokalistang Briton ang galing nila hindi lang sa pagkanta kundi maging sa pagsasalita ng Tagalog na may British accent twist. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may foreign artist na naglabas ng isang OPM album sa bansa.

Binubuo nina Ollie Baines, Stephen Bowman at Humphrey Berne ang Blake na nagsimula noong 2007 pagkatapos nilang magsama-sama muli bilang magkakaibigan sa pamamagitan ng Facebook. Ipinangalan ang grupo mula sa English poet na si William Blake na malaki ang impluwensiya sa poetry at visual arts ng Romantic Age at isa sa BBC 100 Greatest Britons.

Tampok sa “The OPM Album” ang anim na kilalang mga kanta gaya ng “You Are My Song” feat. Rachelle Ann Go, “Say That You Love Me” na orihinal ni Martin Nievera, “Don’t Know What To Say (Don’t Know What To Do)” at mga Pinoy classics na “Manila” ng Hotdog, “Kailangan Kita” feat. Joanna Ampil na orihinal ni Regine Velasquez at “Sa Isip Ko.”

 “We genuinely love singing these beautiful songs which we recorded a few months ago,” said tenor Humphrey, who describes the Manila Sound era’s definitive tune as “a cool song to record because it is full of life and energy. Tagalog is quite phonetic when read on the page, therefore easier for emotions to come through in the performance,” pahayag ng Blake.

Ang natatanging OPM album na ito ay mula sa Viva Records at isa sa producers nito ay ang Concert Queen Pops Fernandez na tinawag ng grupo na “our top lady in the Philippines.” Aning grupo, may plano rin silang mag-record ng kanta kasama ang Concert Queen.

Naging panauhin din ang trio sa “The Ryzza Mae Show” kung saan sinabayan nilang kumanta si Ryzza ng “Pusong Bato” at sa iba pang programa sa telebisyon.

Inilunsad ang kanilang self-titled album anim na buwan lamang pagkatapos nilang magkita-kita noong 2007 at agad nag-number one sa UK Classical Album Chart at Top 20 Pop Chart. Nagustuhan agad ng publiko ang kanilang istilo sa musika na kumbinasyon ng iba’t ibang klasiko at pop genre na pinapaganda pa lalo ng magandang harmonya ng mga boses sa debut album nila.

Nakapagtanghal na rin ang grupo sa Wembley Stadium, sa Buckingham Palace at Royal Albert Hall para sa Festival of Remembrance sa harap ng British Royal Family, Wimbledon, Melbourne Cup, Henley Festival, at sa Trafalgar Square para sa World Wide Fund Earth Hour. Naimbitahan din silang kumanta sa kasalan nina Prince William at Kate Middleton at nina Prince Albert at Princess Charlene ng Monaco.

Ilan lamang sa mga sikat na Hollywood celebrities na tagahanga ng Blake sina Ewan McGregor, Keira Knightley, Kevin Spacey, Will Smith at Dame Shirley Bassey.

Malapit din ang grupo sa maraming charities at patuloy  na nakikipagtulungan sa kanilang mga proyekto gaya ng Help for Heroes, The British Legion at MIND.

Available na ang “The OPM Album” sa iTunes at sa nangungunang record bars.

MUSIC BITS: Top 10 OPM albums ng 2013, Shakira, Lea Michelle, Opera Superstar Sumi Jo



Top 10 OPM albums ng 2013

Bagaman hindi ganoon karami ang OPM albums na inilabas nitong nakaraang taon, mayroon pa ring mga natatanging Pinoy albums na tunay na nagbigay kulay sa mundo ng OPM.

Kabilang dito ang “Never the Strangers” ng Never the Strangers, “Pinoy Blues Jam” (Various artists), “Homegrown Hiphop” (Various artists), “Electric Sala” ng Electric Sala, “Esoteric” ng Urbandub sa kanilang catchy emo-metal, “Only In The Philippines” ng Banda ni Kleggy sa kanilang 70s disco beat, “Sunday Kodama” ng Gaijin, “Fat Salt & Flame” ng Sandwich na nagdiwang ng ika-15 anibersaryo, “Liham at Lihim” ni Gloc-9 kung saan kasama ang ilan sa bigating pangalan sa musika at “Malaya” ni Kitchie Nadal na comeback album ng acoustic pop maiden.

2013 Foreign Top 20 Songs sa ‘Pinas

Nanguna sa year-end countdown sina Pink, Katy Perry, One Direction at Taylor Swift na bumuo sa top 5.

Paborito ng lahat ang “Just Give Me A Reason” ni Pink (feat. Nate Ruess) hanggang sa huling bahagi ng taon. Sinundan ito ng “Roar” ni Katy Perry, “Best Song Ever” ng One Direction, “22” ni Taylor Swift, “One Way Or Another” ng One Direction, “Gentleman” ni Psy, “Here’s To Never Growing Up” ni Avril Lavigne, “Wrecking Ball” ni Miley Cyrus, “Kiss You” ng One Direction at “When I Was Your Man” ni Bruno Mars sa top 10.

Pumasok naman sa no. 11 ang “I Knew You Were Trouble” (Taylor Swift), “We Can’t Stop” (Miley Cyrus), “Blurred Lines” (Robin Thicke feat. T.I./Pharrell Williams), “Applause” (Lady Gaga), “Scream & Shout” (Will.i.am feat. Britney Spears), “Clarity” (Zedd feat. Foxes), “Tonight” (Jessica Sanchez feat. Ne-Yo), “Mirrors” (Justin Timberlake), “Treasure” (Bruno Mars) at “Royals” (Lorde).

Opera Superstar Sumi Jo magtatanghal para sa Visayas 

Tinaguriang “Voice from Above” ni Maestro Herbert Von Karajan, Austrian orchestra at opera conductor, ang award-winning opera superstar na si Sumi Jo na darating sa bansa para tumulong sa pagkalap ng tulong sa Visayas.

Nakapagtanghal na si Sumi Jo sa maraming prestihiyosong opera houses sa buong mundo kabilang na ang Teatro alla Scala, Royal Opera House Covent Garden, Metropolitan Opera Houses, Salzburg Festspielhaus, Vienna State Opera at iba pa.

Gaganapin ang konsiyerto kasama ng pianist na si Najib Ismail sa Pebrero 1 sa Samsung Hall, SM Aura sa Bonifacio Global City, Taguig

Shakira, naglabas ng bagong single

Balik music scene na ang Columbian superstar na si Shakira sa paglabas ng lead single na “Can’t Remember to Forget You” kung saan kasama niya si Rihanna.

Kabilang din ang mga kantang “Truth or Dare,” isang dance track kung saan ang music video nito ay ginawa sa Lisbon, Portugal at “Beautiful Disaster” na parehong mula sa panulat ni Raelene Arreguin, John J. Conte Jr at Singh Jay at “Zodiac Lover.”

Nakatakdang ilabas digitally sa unang bahagi ng taon ang mga kanta sa kanyang ikawalong album na wala pang pamagat. Napag-alaman din na nagkaroon ng kolaborasyon si Shakira sa iba pang artists gaya nila Ne-Yo, Akon, Ester Dean, Benny Blanco, RedOne, Afrojack at Fernando Garibay.

Lea Michelle mayroong “Cannonball” MV

Inilabas na ni Lea Michelle ang unang single mula sa kanyang ilulunsad na album na pinamagatang “Louder” na magiging available sa susunod na buwan at mula sa Columbia Records.

Simboliko ang mensahe ng kanta kung saan makikita si Lea Michelle na nasa isang inabandonang bahay at kalaunan sa music video ay makikitang makakahanap siya ng  kalayaan.

Naiparinig na ni Lea ang kanta nang maging guest siya sa “Ellen” at “The X Factor.” Available na rin sa iTunes ang Cannonball.

Karylle shows versatility in “K”

Inilabas kamakailan ni Karylle ang bagong album na pinamagatang “K” na nagtatampok ng panibagong klase ng musika ni Karylle. Sanay ang karamihan na naririnig si Karylle kumanta ng love songs, ngunit ibang iba siya sa bagong album. 

Nariiyan ang catchy pop na carrier single “Kiss You,” modern upbeat na “Bad Boys” na sinulat niya mismo at remix version ni DJ MOD, sentimental ballad na “Kapiling Ka,” “In My Own Little Corner” na kanta sa  Cinderella ng Rodgers and Hammerstein, “Sa’yo Na Lang Ako” na mula sa 2013 PhilPop at iba pa.


Available na ang “K” sa iTunes, mymusicstore.com.ph at sa nangungunang record bars sa bansa. 

Japan at Pilipinas kasali sa “Avril Lavigne On Tour” concert


Avril Lavigne

Dalawang taon din mula nang huling makita si Avril Lavigne sa mundo ng musika sa huling album niya na “Goodbye Lullaby” noong 2011. At pagkatapos ng dalawang taong paghihintay ay muling nagbabalik musika si Avril sa kanyang self-titled album na inilunsad kamakailan. Itinatampok sa kanyang bagong album ang kolaborasyon niya sa kanyang asawang si Chad Kroeger, frontman ng bandang Nickelback.

Nakatakda rin lumigid sa iba’t ibabg bansa sa Asya kabilang na dito ang Japan at Pilipinas para sa kanyang “Avril Lavigne On Tour” concert. Nag-umpisa ang concert tour ng rock princess sa Osaka, Japan sa Enero 31 na susundan pa ng maraming concert stops sa Yokohama; Tokyo; Nagoya; Hong Kong; Singapore; Seoul, South Korea; Shanghai, China: Guangzhou; Wuhan; Nanjing, Chengdu; Shenzhen; Jakarta, Indonesia; Kuala Lumpur, Malaysia at sa Pilipinas sa darating na Pebrero 17 sa Smart-Araneta Coliseum.

Mapapakinggan sa kanyang pang-limang album ang lead single na “Here’s To Never Growing Up” na isinulat niya kasama si Chad Kroeger, “Rock N Roll” at “Let Me Go” (featured vocals by Chad Kroeger).

Unang sumikat si Avril noong 2002 sa pamamagitan ng debut album na “Let Go” na naglagay sa kanya sa mundo ng international music scene sa pamamagitan ng mga kantang pop-rock, alternative at punk rock ang tunog. Sa edad na 17, naging 6x Platinum ang kanyang album kung saan tampok ang mga global hits na “Complicated,”Sk8er Boi” at “I’m With You.” Nag-peak sa no. 1 ang “Complicated” sa Australia at US, naging isa sa best-selling Canadian singles noong 2002 at no. 83 sa Hot 100 Singles of the Decade.

Umabot naman sa top ten sa US ang dalawang sumunod na kanta na “Sk8er Boi” at “I’m With You.” Dito sa album na ito rin siya nanalo ng apat na Juno Awards (2003), MTV VMA Best New Artist (2002), World’s Bestselling Canadian Singer sa World Music Award at walong nominasyon sa Grammy Awards.

Mabilis itong sinundan ng “Under My Skin,” ang kanyang sophomore album na naging triple Platinum. Kabilang sa album na ito ang lead single na “Don’t Tell Me” na naging no. 1 sa Argentina, Mexico, top five sa UK at Canada at top 10 sa Australia at Brazil. Naging no. 1 rin ang “My Happy Ending” sa Mexico, top five sa UK at Australia at top 10 ng Billboard Hot 100.

Sinundan ito ng “The Best Damn Thing” nang 2007 kung saan kabilang ang hit na “Girlfriend” na nag-no. 1 sa Billboard Hot 100 at naging “most downloaded track nang 2007” at “When You’re Gone.”

Aktibo rin si Avril sa kawanggawa sa ugnayan nito sa iba’t ibang charities gaya ng Amnesty International, Campaign for Burma at War Child. Itinayo niya ang Avril Lavigne Foundation nitong 2010 na tumutulong sa mga kabataang may seryosong sakit at kapansanan.

Martes, Pebrero 4, 2014

Pilipinas kasama sa listahan ng ‘top 10 countries to visit this 2014’

Boracay, Philippines (Kuha ni Len Armea)
Kasali ang Pilipinas sa “top 10 countries to visit this 2014” ng nangungunang British travel guidebook na Rough Guide. Nasa ika-10 puwesto ang bansa at nanguna rito ang bansang Ethiopia sa East Africa. Sinundan ito ng Madagascar sa Indian Ocean, Brazil sa South America, Turkey sa Western Asia at Western Europe, Georgia sa Eastern Europe at Western Asia, Rwanda sa East Africa, Japan sa East Asia, Bulgaria sa Southeast Europe, at Macedonia sa Southeast Europe.

Isa na namang patunay ang pagkakasama ng Pilipinas sa prestisyosong listahan na ito na isa ang bansa sa nangungunang destinasyon ng mga turista. Tinatayang 3.8 milyong turista ang dumayo sa bansa nitong nakaraang taon at malaking inspirasyon ito para doblehin pa ang bilang.

Dahil dito, abala ang Department of Tourism (DOT) sa mga proyektong gaya ng  “Bangon Tours” na tumutulong sa muling pagbangon ng mga nasalanta ng kalamidad sa pamamagitan ng higit na pagsusulong sa lokal na turismo.

Ayon sa website ng Rough Guide, mas lalo pang naging mahalaga ang turismo sa ‘Pinas ngayon pagkatapos ng pagkasirang idinulot ng bagyong Yolanda, kung saan nagbibigay ang turismo ng mahalagang suporta sa ekonomiya. Dagdag pa nito, 97% ng bansa ang hindi naapektuhan kabilang na ang Boracay at katimugang bahagi ng Cebu.

“Though the Philippines boasts a dazzling array of pristine reefs, volcanoes, sleepy backpacker islands and the famed rice terraces, the country remains off the beaten path, despite being relatively safe for travelers – flare-ups of political violence (mainly in Mindanao) are easily avoided. New direct flights from London to Manila mean that it’s now even easier to get there from the UK,” ani ng Rough Guide.

Kabilang sa “things not to miss in the Philippines” ang Boracay Beach, Ati-Atihan Festival sa Kalibo, El Nido sa Palawan, Banaue Rice Terraces, paboritong pampalamig na halo-halo, Vigan sa Ilocos Sur, paglangoy kasama ng whale sharks sa Sorsogon, Coron Island sa Palawan, Chocolate Hills sa Bohol, San Agustin Church sa Maynila, Apo Reef Marine Natural Park sa Mindoro, Puerto Galera, Underground River sa Palawan, Mount Mayon, tarsiers sa Bohol at Mount Pinatubo.

Sinimulan ang Rough Guides ni Mark Ellingham noong summer 1981 at kilala ito sa “tell it like it is” na pananaw, sa mga tama, napapanahon, matalino at modernong komtemporaryong pagsulat at impormasyon.

Nakuha ni Ellingham ang inspirasyon ng Rough Guide nang siya ay nagpunta sa Greece at hindi siya makahanap ng guidebook para sa isang turista. Kasama si Martin Dunford at grupo ng mga manunulat, nabuo ang isang guidebook series kung saan pinagsama ang journalistic at practical approach para sa mga turista.

Inilathala ang unang Rough Guide to Greece noong 1982. Inilunsad naman noong 1994 ang The Rough Guide to World Music at The Rough Guide to Classical Music na hindi travel-related at sinundan ito ng The Rough Guide to the Internet.

Kaugnay nito, kamakailan ay napili ulit ang Pinas sa “20 destinations for 2014” ng British newspaper The Telegraph. “It’s no sympathy vote,” ayon sa website ng pahayagan.  “The archipelago is made for island-hopping between sugary beaches that receive far fewer tourists than they should,” dagdag pa ng The Telegraph. Bagaman nagkaroon ng malakihang pagkasira sa Western Visayas dahil sa bagyong Yolanda, naniniwala ang The Telegraph na isa pa rin ang ‘Pinas sa pinakamagagandang destinasyon para sa mga turista.

Kabilang din sa listahan ang Glasgow (Scotland), Matera at Egadi (Italy), Bordeaux (France), Jerusalem, Charleston (USA), Chengdu (China), Liuwa Plain National Park (Zambia), Sumatra (Indonesia), Alacati (Turkey), Canouan (The Caribbean), Papua New Guinea, Kashmir at Ganges (India), El Salvador, Iran, Stewart Island (New Zealand), Darwin (Australia) at Red Mountain (Canada).

Hakone: An Unexpected Winter Wonderland

Ni Herlyn Alegre



“Snow ba ‘yon?” Tanong ko sa kaibigan ko habang parehas kaming nakasilip sa bintana ng cable car sa Hakone, isang bayan sa Kanagawa prefecture. Akala ko noong una, mga maliliit na puting dahon lang sila na nalaglag sa mga natitirang damo sa gilid ng riles ng tren.
Pero habang papaakyat kami sa bundok, dumarami at kumakapal ang mga puting sapin sa kalsada. “Ah, snow nga.” Bulong ko sa sarili, sabay ngiti.

Para sa isang laking Pilipinas, “magical” ang makakita ng snow. Napapanood mo lang dati ‘yon sa pelikula pero hindi mo nararamdaman kung gaano sila kalamig at hindi mo nahahawakan kung gaano sila kapino. Nakakatuwa rin na tumambad sa amin sa Hakone ang isang hindi inaasahang “winter wonderland” na may magandang tanawin ng Mt. Fuji, Lake Ashi at iba’t ibang shrine na mayaman sa kasaysayan!

Hakone Ropeway

Para makatipid, bumili kami ng Hakone Free Pass sa may Odakyu Line sa Shinjuku station na nagkakahalaga ng ¥5,000 at maaaring magamit ng dalawang araw kung mag-stay ng overnight sa Hakone.

May additional na JPY850 kung sa Odakyu Limited Express Romance car sasakay at mas mainam kung may reservation. Mas kumportable ang upuan dito at mas mabilis ang byahe na tatagal lamang ng 85 minuto dahil diretso na ito hanggang Hakone.

Kung gamit ang ordinaryong trains, tulad ng ginawa namin na masasabi kong maginhawa naman, may minsanang transfer lang sa Odawara Station bago makarating mismo sa Hakone. Kasama na rin sa pass ang unlimited na gamit sa mga bus at train lines sa Hakone pati na ang boat cruise at ropeway na magdadala sa’yo sa iba’t ibang magagandang sights dito.

Pagdating namin sa Hakone ay sinubukan agad naming sumakay sa Hakone Ropeway na nagdala sa amin sa tuktok ng bundok. May magandang view dito ng Mt. Fuji na hindi matatawaran. Kitang-kita ang puting-puti snow caps ng Mt. Fuji na dati ay nakikita ko lang sa mga postcard.

Nadaanan din namin ang Owakudani, isang volcanic valley, na nagbubuga ng sulfur kaya makikita na umuusok ito. Maaari ring masubukan dito ang isang local delicacy, ang kuro tamago o black egg, isang hardboiled na itlog na niluto sa hotsprings ng Owakudani. Sinasabing nakakapagpahaba raw ng buhay ng pitong taon ang pagkain nito.


Hakone Sightseeing Cruise

Isang hindi matatawarang experience sa Hakone ang pagsakay sa Hakone Sightseeing Cruise na siyang naglibot sa amin sa Lake Ashi. Makaluma ang disenyo ng barko na tila isang replika ng barkong pampirata. Malamig ang simoy ng hangin sa observation deck pero sulit na tiisin ang lamig sa ganda ng tanawin. Mga namumuting bundok ang nakapalibot sa malinaw na lawa at makikita sa pampang ang iba’t ibang shrine, templo at ilang mga naglalakihang hotel.

Japanese Food Fiesta

Pagkatapos ng cruise sa Lake Ashi, kumain kami sa isang restaurant malapit sa port area. Restaurant Torarato ang pangalang nakalagay sa labas nito. Medyo old-fashioned ang design ng restaurant pero masarap ang pagkain. Nagkakahalaga ng ¥1,500 pataas ang set meal at ¥700 pataas naman ang mga noodles. Umorder ako ng pork with ginger na may kasamang rice, salad at miso soup. Hindi ako nagsisi dahil masarap at malaki ang serving ng pagkain dito.

Hakone Shrine

Sumaglit din kami sa Hakone Shrine, isang historical site. Sinasabing minsang nanalangin dito si Minamoto no Yoritomo matapos siyang magapi sa labanan sa Ishibashiyama. Siya ang unang shogun, noong Kamakura Shogunate at naghari mula 1192 hanggang 1199. Ang shrine na ito ay minsan na ring sinunog ni Toyotomi Hideyoshi, isang heneral na naging susi para maitatag ang Tokugawa Shogunate, noong nagkaroon ng labanan sa Odawara at siyang muling ipinagawa at ipinaayos ni Tokugawa Ieyasu, ang unang shogun noong Tokugawa Shogunate na nagsimula noong 1603. 


Marami pang ibang interesting na lugar na mapupuntahan sa Hakone tulad ng Odawara Castle, Hakone Open Air Museum, Hakone Check Point, Hakone Detached Palace Garden at marami pang iba. Hindi mauubusan ang Hakone ng mga bagay na magpapamangha sa’yo sa winter man o sa kahit anong season ng taon. Hindi sapat ang isang araw para libutin ang lahat ng ito kaya marami pang dahilan para bumalik at ulit-ulitin ang adventure na ito!

Winter Illuminations 2014 pinamangha ang mga turista

Ni Florenda Corpuz

Sapporo Snow Festival

Bukod sa natatanging snow experience, dinarayo rin ang Japan tuwing panahon ng taglamig dahil sa makukulay at kumikinang na nighttime winter illuminations na masisilayan sa iba’t ibang siyudad sa buong bansa.

Nagsisimula ang mga pailaw na ito mula Nobyembre at nagtatagal hanggang Marso at kadalasan ay libre sa publiko.

Narito ang mga lugar na maaaring pasyalan na tiyak na magpapainit sa inyong mga puso ngayong panahon ng taglamig:

1. The 65th Sapporo Snow Festival Kilala sa tawag na Yuki Matsuri, ito ay isa sa pinakapopular at pinakamalaking winter events sa buong Japan. Dito makikita ang daan-daang nakakamanghang snow statues at ice sculptures kung saan tila nagiging isang winter wonderland ang mga kalye ng Sapporo. Aabot sa dalawang milyong dayuhan at lokal na turista ang dumarayo rito. Gaganapin ito mula Pebrero 5 hanggang 11.

2. World Heritage Site Shirakawago, Gasshou Zukuri Light Up – Isa ang rehiyon ng Shirakawago sa may pinakamalakas na buhos ng nyebe tuwing panahon ng taglamig. Nababalutan ng tila puting kumot ng nyebe ang Gasshou village na kaaya-ayang pagmasdan lalo na kung naiilawan sa pagsapit ng gabi. Bukas ito sa publiko mula katapusan ng Enero hanggang Pebrero.

3. Osaka Castle 3D Mapping Super Illumination – Nakatakdang ganapin sa Osaka ang Art Festival of Light kung saan tampok ang “Osaka Castle 3D Mapping” na nagpapakita ng three-dimensional vision sa Osaka Castle Tower, ang “Big Blue of Light” kung saan bida ang LED light cube at ang “Jewel Illumination” na babalot sa Nishinomaru Garden. Ang mga pailaw na ang motif ay halos katulad ng sa Baroque Garden ay masisilayan din na sasabayan ng classical music. Mapapanood ito hanggang Pebrero 16.

4. Kyoto Winter Special – Iba’t ibang espesyal na pagtatanghal ang mapapanood at maraming hands-on activities ang masusubukan sa Kyoto tuwing panahon ng taglamig. Isa na rito ang “Hanatoro” na siyang pangunahing kaganapan dito kung saan ang mga popular na tourist spots sa Kyoto ay napapailawan. Aabot sa 2,500 lanterns ang naka-display sa lugar. Masisilayan ito ng publiko hanggang Marso.


5. City of Lights, Huis Ten Bosch – Ang residential-style resort na ito sa Nagasaki Prefecture ay nagiging tila isang magical winter wonderland kung saan ang mga naggagandahan at nakailaw na Christmas tree ang naka-display. Bukas ito hanggang Marso 30.

Lunes, Pebrero 3, 2014

Juan dela Cruz, kailan ka matututo?

Ni Al Eugenio

“Happy New Year!” ang nagsisigawang pagbati ng lahat kasabay ng halos  nakakabinging putukan nang sumapit ang 2014. Ngunit ang hindi alam ng marami,   kasabay nito ay isang bala ng baril na tumama sa ulo ng isang tatlong buwang gulang na bata sa Ilocos habang siya ay tahimik na nakahiga sa loob ng kanilang tahanan. Kabilang lamang siya sa mga nasugatan at namatay dahil sa kaugaliang ito na magpaputok sa tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon.

Noon lamang nakalipas na Bagong Taon ng 2013 ay awang-awa ang buong sambayanang Pilipino nang mula sa hindi malamang pinanggalingan ay may tumagos na bala sa bubong na yero  ng bahay at  kumitil sa buhay ng isang batang babae sa Caloocan.       Marami ang ipinangakong gagawin ang mga kinauukulan upang madakip ang nagmamay-ari ng baril subalit nakalipas na ang isang taon ay hindi pa rin natutukoy kung saan nanggaling ang naturang bala. Tulad  din  ng marami pang ganitong insidente, mas marami sa kanila ay mistulang nakalimutan na.

Ang pagpapaputok at pag-iingay ay natutuhan nating mga Pilipino mula sa kultura ng China. Naniniwala ang mga Chinese na maitataboy nito ang mga masasamang ispiritu sa kanilang kapaligiran. Ginaganap din ang ganitong kaugalian sa mga bansang naimpluwensyahan ng kulturang China maging dito sa Japan, kaya lamang ay hindi sa panahon ng pagpasok ng Bagong Taon.    

Dito sa Japan, tulad ng alam ng marami, ang pagpasok ng Bagong Taon ay ipinagdiriwang ng lubos na katahimikan. Sa halip na mga paputok at malalakas na ingay,    malamig na tunog mula sa kampana ng pinakamalapit na templo ang maririnig na siyang naghuhudyat ng pagsapit ng Bagong Taon. Halos lahat ng mamamayan ay sinasalubong ang oras na ito sa loob ng kanilang mga tahanan kasama ang mga taong malapit sa kanilang buhay.

Sa atin sa Pilipinas ay bihirang-bihira lamang ang nakakaalam kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit kailangang mag-ingay kapag sumasapit ang Bagong Taon. Para sa nakakarami, ang pag-iingay at pagpapaputok ay hindi lamang upang ipagsaya ang pagpasok ng Bagong Taon kundi isa rin paraan upang maiisantabi ang mga problema at ang mga hindi magagandang bagay na naganap noong mga nakaraang taon sa kanilang buhay.     

Tulad ng ating mga appliances, mga gadgets at mga sasakyan, ang mga mamahaling paputok ay maaari rin magkaroon ng mga tinatawag na factory defects. Dahilan ito ng mga aksidente na nauuwi sa pagkabulag o kaya naman ay pagkaputol ng kamay o mga daliri. Hindi rin nakakapagtaka na magkaroon ng malaking sakuna tulad ng nangyaring pagsabog mismo ng isa sa mga pagawaan nito sa Bocaue, Bulacan, ilang taon  lamang ang nakararaan.


Hindi natin nilalahat na sa buong Pilipinas ay nagaganap ang ganitong mga pagpapaputok. Doon sa Davao ay ipinagbabawal ang anumang uri ng paputok. Hindi nila itinitigil ang maingay na pagsalubong sa taon, ngunit ginagawa nila ito sa ibang paraan – pagpalo sa lata at drum, pag-ihip sa torotot, pagbusina at iba. Bakit kaya sa lugar na ito ng Davao ay nagagawa ng kanilang pamahalaan na mapasunod ang kanilang mga mamamayan na huwag gumamit ng ano mang uri ng paputok?

Marami sa ating mga mambabatas ay iba ang ang prayoridad. Ang nakakalungkot ay ang mga simpleng problema tulad ng pagpapatigil sa pagpapaputok at paggamit ng baril ay matagal ng hindi masolusyunan. Marami na sa ating mga kababayan ang mga naputulan ng darili at kamay. Marami na rin ang mga namatay. 

Isa lamang ang problemang ito sa napakarami pang mga problema ng ating  bayan  na  hindi magawan ng kalutasan.  Marami sa ating mga problema ay hindi tumatagal na problema rito sa Japan. Talaga kayang iilan lamang ang  mahusay mag-isip sa  mga namamahala sa ating bayan?    

Hindi natin maaaring isisi sa mga nanunungkulan lamang ang pagiging  mabagal o walang kalutasan sa maraming problema sa ating bayan. Hindi lamang sila ang nagpabaya. Ang tunay na nagpabaya ay ang marami sa ating  mga mamamayan.

Marami sa ating mga mamamayan ang hindi binigyan ng masusing pagsusuri ang mga pulitikong kanilang pinipili sa tuwing darating ang halalan. Marami sa ating mga kababayan ang ipinagsasawalang-bahala lamang ang pagpili sa mga uupo sa ating pamahalaan. Marami ang hindi pinapahalagahan ang pagboto. Kaya naman  ang  nakakaraming bilang na ito ang siyang nagbibigay ng pagkakataon sa mga  pulitikong kulang ang kapasidad para maging tagapamahala sa ating bayan.

Mamamayang Pilipino, kailan ka matututo? Ang mga nanunungkulan ang tinatawag na mga  “public servants.” Naririyan sila upang pagsilbihan tayo. Dahil sa atin  kaya sila sumusuweldo. Sila ang mga nagpumilit sa trabahong ganito.

Panahon na upang pahalagahan natin ang ating karapatan na pumili ng mga mamumuno sa ating bayan.    Ngayon pa lamang ay bigyan na natin ng panahon ang pagkilala sa mga magiging kandidato sa susunod na halalan. Marami pang darating na kung anu-anong malalaking problema sa ating bayan – mga sakuna at kalamidad. Nasa sa atin ang karapatan upang maging maayos at ganap na handa ang Pilipinas tulad ng Japan.

Tokyo Disney Resort: ‘Happiness is here’

Ni Elvie Okabe
Kuha ni Elvie Okabe

Maligayang bagong taon para sa ating lahat ang malugod na pagbati ng Tokyo Disneyland at DisneySea sa kanilang pagdiriwang ng 30th anniversary na may temang “Tokyo Disney Resort 30th: The Happiness Year.” 

Upang mai-promote pa lalo ang Tokyo Disney Resort ay nag-anyaya sila ng mga media representatives mula sa television at local and international newspapers kamakailan at isa ang Pinoy Gazette na naanyayahan kamakailan lamang.  Thanks to the invitation of Tokyo Disney Resort’s Oriental Land Co., Ltd. through its Publicity Department’s Management Associate, Mr. Hiroshi Suzuki.  

Ang Disneyland Park sa Tokyo ay naunang nagbukas noong Abril 15, 1983 na sinundan ng DisneySea Park at tatlong Disney hotels (Disney Ambassador Hotel, Tokyo DisneySea Hotel Miracosta, and Tokyo Disneyland Hotel) kaya naman mayroon silang year-long celebration mula Abril 15, 2013 hanggang Marso 20, 2014 para sa lahat. 

Ayon sa website ng Tokyo Disney Resort, “during this year-long celebration, guests will be able to share new discoveries, wonder and excitement with their family and friends, as well as with the Disney characters and the cast members. 

“‘Happiness is Here’ is themed to various kinds of ‘happiness’ as expressed by the Disney characters.  Spanning a length of 500 meters and composed of 13 floats in seven themed units, this spectacular parade overflows with vibrant color, fun and exhilaration.

“All the guests are sure to have smiles on their faces as they watch the spectacular new parade.”


Dahil napakapopular ng Disneyland at DisneySea hindi lang sa mga bata kundi sa mga matatanda rin, sigurado akong nakarating na ang karamihan sa ating mga Pinoy dito sa Japan at paulit-ulit pa rin nating pinupuntahan dahil sa kakaibang kaligayahan habang nasa loob tayo ng dalawang nasabing parks.  

Mayroon pa nga akong nakadaupang-palad at nakuhanan ng litrato na grupo ng mga Pinoy na galing pa mula Ehime Ken at nag-bus ng mahigit walong oras upang magdiwang ng bagong taon doon.  Namamasukan daw sila bilang mga welders sa isang kumpanya sa Ehime Ken at ang karamihan sa kanila ay mga taga-Visayas sa Pilipinas.

Para sa mga Disney characters collectors, taon-taon ay naiiba rin ang special na bilihin o souvenir items gaya ng iba’t ibang designs ng Disney characters, Happiness Balloons, at iba’t ibang costumes ni Mickey Mouse from the past 30 years. 

“One of the special items is the interactive Happiness Sharing Pendant1 (2,500 yen) that can be used to experience the "happiness" at the five Happiness Sharing Spots in each of the two Parks.

By using the Happiness Sharing Pendant to collect three or more "happiness" lights, guests will be presented with an original pendant accessory. Tokyo Disneyland offers limited-edition special merchandise, including a display set of figures from the "Happiness Is Here" parade and diamond necklaces. At Tokyo DisneySea, special merchandise featuring Duffy and ShellieMay are being sold.”

Bukod sa mga attractions and rides ay mayroon din ang Disney Resort ng Ikspiari department store na may 140 shops, restaurants, at 16-screen cinema complex at ‘Club Ikspiari’ performance hall.