Huwebes, Pebrero 6, 2014

British trio Blake, kumanta ng Tagalog songs sa “The OPM Album”



Binigyan ng award-winning at kilalang British vocal trio Blake ang mga Pinoy ng kakaibang pang-musikang karanasan kamakailan nang dumating sila sa bansa para sa paglulunsad ng kanilang Asia-only album na pinamagatang “The OPM Album.”

Sa ikalimang beses na pagbisita ng trio, muli ay ipinamalas ng tatlong magagaling na bokalistang Briton ang galing nila hindi lang sa pagkanta kundi maging sa pagsasalita ng Tagalog na may British accent twist. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may foreign artist na naglabas ng isang OPM album sa bansa.

Binubuo nina Ollie Baines, Stephen Bowman at Humphrey Berne ang Blake na nagsimula noong 2007 pagkatapos nilang magsama-sama muli bilang magkakaibigan sa pamamagitan ng Facebook. Ipinangalan ang grupo mula sa English poet na si William Blake na malaki ang impluwensiya sa poetry at visual arts ng Romantic Age at isa sa BBC 100 Greatest Britons.

Tampok sa “The OPM Album” ang anim na kilalang mga kanta gaya ng “You Are My Song” feat. Rachelle Ann Go, “Say That You Love Me” na orihinal ni Martin Nievera, “Don’t Know What To Say (Don’t Know What To Do)” at mga Pinoy classics na “Manila” ng Hotdog, “Kailangan Kita” feat. Joanna Ampil na orihinal ni Regine Velasquez at “Sa Isip Ko.”

 “We genuinely love singing these beautiful songs which we recorded a few months ago,” said tenor Humphrey, who describes the Manila Sound era’s definitive tune as “a cool song to record because it is full of life and energy. Tagalog is quite phonetic when read on the page, therefore easier for emotions to come through in the performance,” pahayag ng Blake.

Ang natatanging OPM album na ito ay mula sa Viva Records at isa sa producers nito ay ang Concert Queen Pops Fernandez na tinawag ng grupo na “our top lady in the Philippines.” Aning grupo, may plano rin silang mag-record ng kanta kasama ang Concert Queen.

Naging panauhin din ang trio sa “The Ryzza Mae Show” kung saan sinabayan nilang kumanta si Ryzza ng “Pusong Bato” at sa iba pang programa sa telebisyon.

Inilunsad ang kanilang self-titled album anim na buwan lamang pagkatapos nilang magkita-kita noong 2007 at agad nag-number one sa UK Classical Album Chart at Top 20 Pop Chart. Nagustuhan agad ng publiko ang kanilang istilo sa musika na kumbinasyon ng iba’t ibang klasiko at pop genre na pinapaganda pa lalo ng magandang harmonya ng mga boses sa debut album nila.

Nakapagtanghal na rin ang grupo sa Wembley Stadium, sa Buckingham Palace at Royal Albert Hall para sa Festival of Remembrance sa harap ng British Royal Family, Wimbledon, Melbourne Cup, Henley Festival, at sa Trafalgar Square para sa World Wide Fund Earth Hour. Naimbitahan din silang kumanta sa kasalan nina Prince William at Kate Middleton at nina Prince Albert at Princess Charlene ng Monaco.

Ilan lamang sa mga sikat na Hollywood celebrities na tagahanga ng Blake sina Ewan McGregor, Keira Knightley, Kevin Spacey, Will Smith at Dame Shirley Bassey.

Malapit din ang grupo sa maraming charities at patuloy  na nakikipagtulungan sa kanilang mga proyekto gaya ng Help for Heroes, The British Legion at MIND.

Available na ang “The OPM Album” sa iTunes at sa nangungunang record bars.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento