Martes, Pebrero 4, 2014

Hakone: An Unexpected Winter Wonderland

Ni Herlyn Alegre



“Snow ba ‘yon?” Tanong ko sa kaibigan ko habang parehas kaming nakasilip sa bintana ng cable car sa Hakone, isang bayan sa Kanagawa prefecture. Akala ko noong una, mga maliliit na puting dahon lang sila na nalaglag sa mga natitirang damo sa gilid ng riles ng tren.
Pero habang papaakyat kami sa bundok, dumarami at kumakapal ang mga puting sapin sa kalsada. “Ah, snow nga.” Bulong ko sa sarili, sabay ngiti.

Para sa isang laking Pilipinas, “magical” ang makakita ng snow. Napapanood mo lang dati ‘yon sa pelikula pero hindi mo nararamdaman kung gaano sila kalamig at hindi mo nahahawakan kung gaano sila kapino. Nakakatuwa rin na tumambad sa amin sa Hakone ang isang hindi inaasahang “winter wonderland” na may magandang tanawin ng Mt. Fuji, Lake Ashi at iba’t ibang shrine na mayaman sa kasaysayan!

Hakone Ropeway

Para makatipid, bumili kami ng Hakone Free Pass sa may Odakyu Line sa Shinjuku station na nagkakahalaga ng ¥5,000 at maaaring magamit ng dalawang araw kung mag-stay ng overnight sa Hakone.

May additional na JPY850 kung sa Odakyu Limited Express Romance car sasakay at mas mainam kung may reservation. Mas kumportable ang upuan dito at mas mabilis ang byahe na tatagal lamang ng 85 minuto dahil diretso na ito hanggang Hakone.

Kung gamit ang ordinaryong trains, tulad ng ginawa namin na masasabi kong maginhawa naman, may minsanang transfer lang sa Odawara Station bago makarating mismo sa Hakone. Kasama na rin sa pass ang unlimited na gamit sa mga bus at train lines sa Hakone pati na ang boat cruise at ropeway na magdadala sa’yo sa iba’t ibang magagandang sights dito.

Pagdating namin sa Hakone ay sinubukan agad naming sumakay sa Hakone Ropeway na nagdala sa amin sa tuktok ng bundok. May magandang view dito ng Mt. Fuji na hindi matatawaran. Kitang-kita ang puting-puti snow caps ng Mt. Fuji na dati ay nakikita ko lang sa mga postcard.

Nadaanan din namin ang Owakudani, isang volcanic valley, na nagbubuga ng sulfur kaya makikita na umuusok ito. Maaari ring masubukan dito ang isang local delicacy, ang kuro tamago o black egg, isang hardboiled na itlog na niluto sa hotsprings ng Owakudani. Sinasabing nakakapagpahaba raw ng buhay ng pitong taon ang pagkain nito.


Hakone Sightseeing Cruise

Isang hindi matatawarang experience sa Hakone ang pagsakay sa Hakone Sightseeing Cruise na siyang naglibot sa amin sa Lake Ashi. Makaluma ang disenyo ng barko na tila isang replika ng barkong pampirata. Malamig ang simoy ng hangin sa observation deck pero sulit na tiisin ang lamig sa ganda ng tanawin. Mga namumuting bundok ang nakapalibot sa malinaw na lawa at makikita sa pampang ang iba’t ibang shrine, templo at ilang mga naglalakihang hotel.

Japanese Food Fiesta

Pagkatapos ng cruise sa Lake Ashi, kumain kami sa isang restaurant malapit sa port area. Restaurant Torarato ang pangalang nakalagay sa labas nito. Medyo old-fashioned ang design ng restaurant pero masarap ang pagkain. Nagkakahalaga ng ¥1,500 pataas ang set meal at ¥700 pataas naman ang mga noodles. Umorder ako ng pork with ginger na may kasamang rice, salad at miso soup. Hindi ako nagsisi dahil masarap at malaki ang serving ng pagkain dito.

Hakone Shrine

Sumaglit din kami sa Hakone Shrine, isang historical site. Sinasabing minsang nanalangin dito si Minamoto no Yoritomo matapos siyang magapi sa labanan sa Ishibashiyama. Siya ang unang shogun, noong Kamakura Shogunate at naghari mula 1192 hanggang 1199. Ang shrine na ito ay minsan na ring sinunog ni Toyotomi Hideyoshi, isang heneral na naging susi para maitatag ang Tokugawa Shogunate, noong nagkaroon ng labanan sa Odawara at siyang muling ipinagawa at ipinaayos ni Tokugawa Ieyasu, ang unang shogun noong Tokugawa Shogunate na nagsimula noong 1603. 


Marami pang ibang interesting na lugar na mapupuntahan sa Hakone tulad ng Odawara Castle, Hakone Open Air Museum, Hakone Check Point, Hakone Detached Palace Garden at marami pang iba. Hindi mauubusan ang Hakone ng mga bagay na magpapamangha sa’yo sa winter man o sa kahit anong season ng taon. Hindi sapat ang isang araw para libutin ang lahat ng ito kaya marami pang dahilan para bumalik at ulit-ulitin ang adventure na ito!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento