Mas maraming Pinoy ang nagsasabing mas naghirap ang buhay nila noong 2013. (Kuha ni Diey Teodoro) |
Tumaas ang bilang ng mga
Pilipinong naniniwalang mas lalo silang naghirap nitong nakaraang taon batay sa
isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS), isang social survey
institute, kamakailan.
Lumabas sa resulta ng naturang
survey na ginawa nitong nakaraang Disyembre na 55% ng mga Pilipino o 11.8
milyong pamilya ang naniniwalang sila’y mahirap kumpara sa 50% o 10.8 milyong
pamilya noong Setyembre ng 2013. Tumaas din ng walong porsiyento sa Luzon ang
naniniwalang mas lalo silang naghirap, mula 42% ay naging 50% habang dalawang
porsiyento naman ang itinaas sa Metro Manila na mula sa 44% ay naging 46%.
Sa Visayas naman ay tumaas ng
anim na porsiyento ang nagsabing sila’y mahirap, mula sa 62% noong Setyembre ay
naging 68% noong Disyembre. Iba naman ang naging kinalabasan ng resulta sa
Mindanao kung saan bumaba ang mga naniniwalang sila’y mahirap, mula 61% ay
naging 59%.
Napag-alaman din sa survey na 41%
o 8.8 milyong pamilya ang nagsasabing naghihirap o kulang na kulang sila sa
pagkain, mas mataas ng apat na porsyento kumpara nang ginawa ang survey noong
Setyembre.
Kung sa Luzon ay 30% lamang ang
nagsasabing wala silang makain noong Setyembre, nitong Disyembre ay tumaas ito
sa 36% habang nasa 32% ang mga nagsasabi mula sa Metro Manila na tumaas mula sa
29%.
Anim na porsyento naman ang
itinaas ng bilang ng mga Pilipino sa Visayas na nagsasabing mahirap sila sa
pagakin, mula sa 46% ay naging 52% habang walang nagbago sa mga taga-Mindanao
nasa 47%.
Naging batayan ng December 2013 survey
na ito ang panayam na ginawa ng SWS sa 1,550 na tao mula sa Metro Manila
(n=300), the Balance of Luzon (n=300), Visayas (n=650), atMindanao (n=300).
Isa sa mga tanong na pinasagutan
sa mga rumesponde ay: “Saan po ninyo ilalagay ang inyong pamilya sa card na
ito?” Tatlo ang pinagpilian ng mga rumesponde: hindi mahirap, sa linya, at
mahirap, kung saan karamihan ay mahirap ang isinagot.
Pulse Asia survey
Sa isinagawang “December 2013
Nationwide Survey on Quality of Life and State of the National Economy” ng
Pulse Asia, isang public opinion polling body sa Pilipinas, lumalabas na isa sa
dalawang Pilipino o 50% ang nagsasabing lalong bumagsak ang ekonomiya ng bansa
nitong nakaraang taon.
“Between June and December 2013,
there is a significant rise in the percentage of Filipinos observing economic
deterioration in the country (+21 percentage points) and, conversely, a drop in
the percentage of those noting an improvement in the state of the country’s
economy (-17 percentage points),” pahayag ng Pulse Asia.
Lumabas din sa resulta ng
naturang survey na tumaas ang bilang ng mga Pilipino, mula 35% ay naging 43%,
na nagsasabing bumaba ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa bansa sa nakalipas
na taon.
Nasa 45% naman ang nagsabi na
walang pinagbago ang kanilang pamumuhay sa loob ng 12 buwan habang 37% ay
umaasang gaganda ang kanilang pamumuhay ngayong 2014.
“Near to sizeable majorities in
virtually all geographic areas and every socio-economic class (53% to 63% and
48% to 58%, respectively) consider the national [quality of life] as having
deteriorated in the past year,” ani ng Pulse Asia.
Taliwas ito sa lumabas na talaan
kamakailan ng Heritage Foundation’s 2014 Index of Economic Freedom kung saan
mula sa pang-97 na puwesto noong 2013 ay umangat ang Pilipinas sa pang-89 na
puwesto bilang bansa na may pinakamatatag na ekonomiya sa buong mundo.
Ang Index of Economic Freedom ang
sumusukat sa kakayahan ng 186 bansa sa iba’t ibang aspeto ng ekonomiya.
Sinabi ni Presidential spokesman
Edwin Lacierda na ito’y nagpapakita lamang na epektibo ang mga reporma na
ipinapatupad ng administrasyong Aquino nitong mga nakalipas na taon.
“This jump reflects the
significant improvements that our country has made in seven of the ten economic
freedoms, including significant gains in investment freedom, business freedom,
monetary freedom, and the control of government spending,” pahayag ni Lacierda.
“The positive results of this
evaluation only strengthen our administration’s resolve to continue
implementing reforms founded on good governance and true public service, which
are necessary prerequisites to fostering lasting and inclusive growth in the
Philippines,” dagdag pa nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento