Martes, Pebrero 4, 2014

Winter Illuminations 2014 pinamangha ang mga turista

Ni Florenda Corpuz

Sapporo Snow Festival

Bukod sa natatanging snow experience, dinarayo rin ang Japan tuwing panahon ng taglamig dahil sa makukulay at kumikinang na nighttime winter illuminations na masisilayan sa iba’t ibang siyudad sa buong bansa.

Nagsisimula ang mga pailaw na ito mula Nobyembre at nagtatagal hanggang Marso at kadalasan ay libre sa publiko.

Narito ang mga lugar na maaaring pasyalan na tiyak na magpapainit sa inyong mga puso ngayong panahon ng taglamig:

1. The 65th Sapporo Snow Festival Kilala sa tawag na Yuki Matsuri, ito ay isa sa pinakapopular at pinakamalaking winter events sa buong Japan. Dito makikita ang daan-daang nakakamanghang snow statues at ice sculptures kung saan tila nagiging isang winter wonderland ang mga kalye ng Sapporo. Aabot sa dalawang milyong dayuhan at lokal na turista ang dumarayo rito. Gaganapin ito mula Pebrero 5 hanggang 11.

2. World Heritage Site Shirakawago, Gasshou Zukuri Light Up – Isa ang rehiyon ng Shirakawago sa may pinakamalakas na buhos ng nyebe tuwing panahon ng taglamig. Nababalutan ng tila puting kumot ng nyebe ang Gasshou village na kaaya-ayang pagmasdan lalo na kung naiilawan sa pagsapit ng gabi. Bukas ito sa publiko mula katapusan ng Enero hanggang Pebrero.

3. Osaka Castle 3D Mapping Super Illumination – Nakatakdang ganapin sa Osaka ang Art Festival of Light kung saan tampok ang “Osaka Castle 3D Mapping” na nagpapakita ng three-dimensional vision sa Osaka Castle Tower, ang “Big Blue of Light” kung saan bida ang LED light cube at ang “Jewel Illumination” na babalot sa Nishinomaru Garden. Ang mga pailaw na ang motif ay halos katulad ng sa Baroque Garden ay masisilayan din na sasabayan ng classical music. Mapapanood ito hanggang Pebrero 16.

4. Kyoto Winter Special – Iba’t ibang espesyal na pagtatanghal ang mapapanood at maraming hands-on activities ang masusubukan sa Kyoto tuwing panahon ng taglamig. Isa na rito ang “Hanatoro” na siyang pangunahing kaganapan dito kung saan ang mga popular na tourist spots sa Kyoto ay napapailawan. Aabot sa 2,500 lanterns ang naka-display sa lugar. Masisilayan ito ng publiko hanggang Marso.


5. City of Lights, Huis Ten Bosch – Ang residential-style resort na ito sa Nagasaki Prefecture ay nagiging tila isang magical winter wonderland kung saan ang mga naggagandahan at nakailaw na Christmas tree ang naka-display. Bukas ito hanggang Marso 30.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento