Ni
Al Eugenio
“Happy New Year!” ang nagsisigawang
pagbati ng lahat kasabay ng halos nakakabinging
putukan nang sumapit ang 2014. Ngunit ang hindi alam ng marami, kasabay
nito ay isang bala ng baril na tumama sa ulo ng isang tatlong buwang gulang na
bata sa Ilocos habang siya ay tahimik na nakahiga sa loob ng kanilang tahanan.
Kabilang lamang siya sa mga nasugatan at namatay dahil sa kaugaliang ito na
magpaputok sa tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon.
Noon lamang nakalipas na Bagong Taon
ng 2013 ay awang-awa ang buong sambayanang Pilipino nang mula sa hindi malamang
pinanggalingan ay may tumagos na bala sa bubong na yero ng bahay at kumitil sa buhay ng isang batang babae sa
Caloocan. Marami ang ipinangakong gagawin ang mga
kinauukulan upang madakip ang nagmamay-ari ng baril subalit nakalipas na ang
isang taon ay hindi pa rin natutukoy kung saan nanggaling ang naturang bala. Tulad
din
ng marami pang ganitong insidente, mas marami sa kanila ay mistulang nakalimutan
na.
Ang pagpapaputok at pag-iingay ay
natutuhan nating mga Pilipino mula sa kultura ng China. Naniniwala ang mga Chinese
na maitataboy nito ang mga masasamang ispiritu sa kanilang kapaligiran. Ginaganap
din ang ganitong kaugalian sa mga bansang naimpluwensyahan ng kulturang China
maging dito sa Japan, kaya lamang ay hindi sa panahon ng pagpasok ng Bagong Taon.
Dito sa Japan, tulad ng alam ng
marami, ang pagpasok ng Bagong Taon ay ipinagdiriwang ng lubos na katahimikan. Sa
halip na mga paputok at malalakas na ingay,
malamig na tunog mula sa kampana ng pinakamalapit na templo ang
maririnig na siyang naghuhudyat ng pagsapit ng Bagong Taon. Halos lahat ng
mamamayan ay sinasalubong ang oras na ito sa loob ng kanilang mga tahanan kasama
ang mga taong malapit sa kanilang buhay.
Sa atin sa Pilipinas ay bihirang-bihira
lamang ang nakakaalam kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit kailangang mag-ingay
kapag sumasapit ang Bagong Taon. Para sa nakakarami, ang pag-iingay at pagpapaputok
ay hindi lamang upang ipagsaya ang pagpasok ng Bagong Taon kundi isa rin paraan
upang maiisantabi ang mga problema at ang mga hindi magagandang bagay na
naganap noong mga nakaraang taon sa kanilang buhay.
Tulad ng ating mga appliances, mga
gadgets at mga sasakyan, ang mga mamahaling paputok ay maaari rin magkaroon ng
mga tinatawag na factory defects. Dahilan ito ng mga aksidente na nauuwi sa
pagkabulag o kaya naman ay pagkaputol ng kamay o mga daliri. Hindi rin nakakapagtaka
na magkaroon ng malaking sakuna tulad ng nangyaring pagsabog mismo ng isa sa
mga pagawaan nito sa Bocaue, Bulacan, ilang taon lamang ang nakararaan.
Hindi natin nilalahat na sa buong
Pilipinas ay nagaganap ang ganitong mga pagpapaputok. Doon sa Davao ay
ipinagbabawal ang anumang uri ng paputok. Hindi nila itinitigil ang maingay na
pagsalubong sa taon, ngunit ginagawa nila ito sa ibang paraan – pagpalo sa lata
at drum, pag-ihip sa torotot, pagbusina at iba. Bakit kaya sa lugar na ito ng
Davao ay nagagawa ng kanilang pamahalaan na mapasunod ang kanilang mga
mamamayan na huwag gumamit ng ano mang uri ng paputok?
Marami sa ating mga mambabatas ay
iba ang ang prayoridad. Ang nakakalungkot ay ang mga simpleng problema tulad ng
pagpapatigil sa pagpapaputok at paggamit ng baril ay matagal ng hindi masolusyunan.
Marami na sa ating mga kababayan ang mga naputulan ng darili at kamay. Marami
na rin ang mga namatay.
Isa lamang ang problemang ito sa
napakarami pang mga problema ng ating
bayan na hindi magawan ng kalutasan. Marami sa ating mga problema ay hindi
tumatagal na problema rito sa Japan. Talaga kayang iilan lamang ang mahusay mag-isip sa mga namamahala sa ating bayan?
Hindi natin maaaring isisi sa mga
nanunungkulan lamang ang pagiging
mabagal o walang kalutasan sa maraming problema sa ating bayan. Hindi
lamang sila ang nagpabaya. Ang tunay na nagpabaya ay ang marami sa ating mga mamamayan.
Marami sa ating mga mamamayan ang
hindi binigyan ng masusing pagsusuri ang mga pulitikong kanilang pinipili sa
tuwing darating ang halalan. Marami sa ating mga kababayan ang ipinagsasawalang-bahala
lamang ang pagpili sa mga uupo sa ating pamahalaan. Marami ang hindi pinapahalagahan
ang pagboto. Kaya naman ang nakakaraming bilang na ito ang siyang nagbibigay
ng pagkakataon sa mga pulitikong kulang
ang kapasidad para maging tagapamahala sa ating bayan.
Mamamayang Pilipino, kailan ka
matututo? Ang mga nanunungkulan ang tinatawag na mga “public servants.” Naririyan sila upang
pagsilbihan tayo. Dahil sa atin kaya
sila sumusuweldo. Sila ang mga nagpumilit sa trabahong ganito.
Panahon na upang pahalagahan
natin ang ating karapatan na pumili ng mga mamumuno sa ating bayan. Ngayon
pa lamang ay bigyan na natin ng panahon ang pagkilala sa mga magiging kandidato
sa susunod na halalan. Marami pang darating na kung anu-anong malalaking
problema sa ating bayan – mga sakuna at kalamidad. Nasa sa atin ang karapatan
upang maging maayos at ganap na handa ang Pilipinas tulad ng Japan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento