Martes, Pebrero 4, 2014

Pilipinas kasama sa listahan ng ‘top 10 countries to visit this 2014’

Boracay, Philippines (Kuha ni Len Armea)
Kasali ang Pilipinas sa “top 10 countries to visit this 2014” ng nangungunang British travel guidebook na Rough Guide. Nasa ika-10 puwesto ang bansa at nanguna rito ang bansang Ethiopia sa East Africa. Sinundan ito ng Madagascar sa Indian Ocean, Brazil sa South America, Turkey sa Western Asia at Western Europe, Georgia sa Eastern Europe at Western Asia, Rwanda sa East Africa, Japan sa East Asia, Bulgaria sa Southeast Europe, at Macedonia sa Southeast Europe.

Isa na namang patunay ang pagkakasama ng Pilipinas sa prestisyosong listahan na ito na isa ang bansa sa nangungunang destinasyon ng mga turista. Tinatayang 3.8 milyong turista ang dumayo sa bansa nitong nakaraang taon at malaking inspirasyon ito para doblehin pa ang bilang.

Dahil dito, abala ang Department of Tourism (DOT) sa mga proyektong gaya ng  “Bangon Tours” na tumutulong sa muling pagbangon ng mga nasalanta ng kalamidad sa pamamagitan ng higit na pagsusulong sa lokal na turismo.

Ayon sa website ng Rough Guide, mas lalo pang naging mahalaga ang turismo sa ‘Pinas ngayon pagkatapos ng pagkasirang idinulot ng bagyong Yolanda, kung saan nagbibigay ang turismo ng mahalagang suporta sa ekonomiya. Dagdag pa nito, 97% ng bansa ang hindi naapektuhan kabilang na ang Boracay at katimugang bahagi ng Cebu.

“Though the Philippines boasts a dazzling array of pristine reefs, volcanoes, sleepy backpacker islands and the famed rice terraces, the country remains off the beaten path, despite being relatively safe for travelers – flare-ups of political violence (mainly in Mindanao) are easily avoided. New direct flights from London to Manila mean that it’s now even easier to get there from the UK,” ani ng Rough Guide.

Kabilang sa “things not to miss in the Philippines” ang Boracay Beach, Ati-Atihan Festival sa Kalibo, El Nido sa Palawan, Banaue Rice Terraces, paboritong pampalamig na halo-halo, Vigan sa Ilocos Sur, paglangoy kasama ng whale sharks sa Sorsogon, Coron Island sa Palawan, Chocolate Hills sa Bohol, San Agustin Church sa Maynila, Apo Reef Marine Natural Park sa Mindoro, Puerto Galera, Underground River sa Palawan, Mount Mayon, tarsiers sa Bohol at Mount Pinatubo.

Sinimulan ang Rough Guides ni Mark Ellingham noong summer 1981 at kilala ito sa “tell it like it is” na pananaw, sa mga tama, napapanahon, matalino at modernong komtemporaryong pagsulat at impormasyon.

Nakuha ni Ellingham ang inspirasyon ng Rough Guide nang siya ay nagpunta sa Greece at hindi siya makahanap ng guidebook para sa isang turista. Kasama si Martin Dunford at grupo ng mga manunulat, nabuo ang isang guidebook series kung saan pinagsama ang journalistic at practical approach para sa mga turista.

Inilathala ang unang Rough Guide to Greece noong 1982. Inilunsad naman noong 1994 ang The Rough Guide to World Music at The Rough Guide to Classical Music na hindi travel-related at sinundan ito ng The Rough Guide to the Internet.

Kaugnay nito, kamakailan ay napili ulit ang Pinas sa “20 destinations for 2014” ng British newspaper The Telegraph. “It’s no sympathy vote,” ayon sa website ng pahayagan.  “The archipelago is made for island-hopping between sugary beaches that receive far fewer tourists than they should,” dagdag pa ng The Telegraph. Bagaman nagkaroon ng malakihang pagkasira sa Western Visayas dahil sa bagyong Yolanda, naniniwala ang The Telegraph na isa pa rin ang ‘Pinas sa pinakamagagandang destinasyon para sa mga turista.

Kabilang din sa listahan ang Glasgow (Scotland), Matera at Egadi (Italy), Bordeaux (France), Jerusalem, Charleston (USA), Chengdu (China), Liuwa Plain National Park (Zambia), Sumatra (Indonesia), Alacati (Turkey), Canouan (The Caribbean), Papua New Guinea, Kashmir at Ganges (India), El Salvador, Iran, Stewart Island (New Zealand), Darwin (Australia) at Red Mountain (Canada).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento